Genesis 9:8-17
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
8 Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, 9 “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” 12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”
17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”
Read full chapter
Genesis 9:8-17
Ang Biblia (1978)
8 At nagsalita ang Dios kay Noe, at sa kaniyang mga anak na kasama niya, na sinasabi,
9 At ako, narito, (A)aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo, at sa inyong binhi na susunod sa inyo;
10 At sa bawa't nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang hayop at bawa't ganid sa lupa na kasama ninyo; sa lahat ng lumunsad sa sasakyan pati sa bawa't ganid sa lupa.
11 At aking (B)pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa.
12 At sinabi ng Dios, (C)Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon:
13 Ang (D)aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.
14 At mangyayari, pagka ako'y magbababa ng isang alapaap sa ibabaw ng lupa, na makikita ang bahaghari sa alapaap.
15 (E)At aalalahanin ko ang aking tipan, na inilagda ko sa akin at sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng laman; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng laman.
16 At ang bahaghari ay pasa sa alapaap, at aking mamasdan, upang aking maalaala, ang walang hanggang tipan ng Dios at ng bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng lamang nasa ibabaw ng lupa.
17 At sinabi ng Dios kay Noe, Ito ang tanda ng tipang inilagda ko (F)sa akin at sa lahat ng laman na nasa ibabaw ng lupa.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
