Genesis 49-50
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Binasbasan ni Jacob ang mga Anak Niya
49 Pagkatapos, tinawag ni Jacob ang mga anak niya, at sinabi, “Magsiparito kayo dahil sasabihin ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa darating na panahon.
2 “Mga anak, lumapit kayo at makinig sa akin na inyong ama.
3 “Ikaw Reuben, na panganay ko, ang kauna-unahang lalaki kong anak. Mas tanyag ka at mas makapangyarihan kaysa sa iyong mga kapatid.
4 “Pero katulad ka ng kumukulong tubig dahil hindi ka makapagpigil sa iyong pagnanasa, kaya ka sumiping sa aking asawang alipin. Hindi ka na hihigit sa iba.
5 “Kayo, Simeon at Levi na magkakampi, ginagamit ninyo ang inyong armas sa pagmamalupit sa iba.
6 “Hindi ako sasama o dadalo sa pagtitipon ninyo dahil pumapatay kayo ng mga tao kapag galit kayo, at pinipilayan ninyo ang mga toro kapag gusto ninyo.
7 “Susumpain ko kayo dahil sa inyong galit na napakalupit. Paghihiwalayin ko kayo at ipapangalat sa Israel.
8 “Ikaw Juda, pupurihin ka at igagalang ng iyong mga kapatid. Tatalunin mo ang iyong mga kalaban. 9 Katulad ka ng batang leon na matapos hanapin ang sisilain ay bumabalik sa kanyang lungga at doon magpapahinga. At walang makakapagtangkang gumambala sa kanya. 10 Patuloy kang mamumuno, Juda. Magmumula sa mga lahi mo ang magiging mga pinuno. Kaya magbibigay ng buwis sa iyo ang mga bansa at susunod sila sa iyo. 11 Magiging sagana ang iyong lupain; kaya kahit itali mo ang asno malapit sa pinakamagandang tanim na ubas, hindi niya ito makakayang ubusin dahil sa dami. At kahit ipanglaba pa ang katas ng ubas, hindi ito mauubos. 12 Kaya dahil sa masaganang katas ng ubas, magniningning ang iyong mga mata at sa masaganang gatas higit na puputi ang ngipin mo.
13 “Ikaw Zebulun, maninirahan ka sa tabi ng dagat. Ang lupain mo ay magiging daungan ng mga sasakyang pandagat. Ang lupain mo ay aabot hanggang sa Sidon.
14 “Ikaw Isacar, katulad ka ng malakas na asno pero nagpapahinga sa tirahan ng mga tupa.[a] 15 Titiisin mong magpaalipin kahit pa pagpasanin ka ng mabigat at sapilitang pagtrabahuhin, bastaʼt mabuti at sagana lang ang lupaing titirhan mo.
16 “Ikaw Dan, pangungunahan mong mabuti ang iyong mga tao bilang isa sa mga lahi ng Israel. 17 Magiging katulad ka ng makamandag na ahas sa tabi ng daan na tumutuklaw ng paa ng dumaraan na kabayo, kaya nahuhulog ang nakasakay dito.”
18 Pagkatapos, sinabi ni Jacob, “O Panginoon, naghihintay po ako sa inyong pagliligtas.”
19 Nagpatuloy pa siya sa pagsasalita,
“Ikaw Gad, lulusubin ka ng grupo ng mga tulisan, pero gagantihan mo sila habang tumatakas sila.
20 “Ikaw Asher, magiging sagana ka sa pagkain. Aani ka ng mga pagkain na para sa mga hari.
21 “Ikaw Naftali, katulad ka ng pinakawalang usa na nanganganak ng magagandang supling.
22 “Ikaw Jose, katulad ka ng mailap na asno sa tabi ng bukal o sa tabi ng bangin.[b] 23 Kaiinisan ka ng mga mamamana. Sa galit nila ay papanain ka nila, 24 pero palagi mo rin silang papanain. At ang braso mo ay patuloy na lalakas, dahil sa tulong ng Makapangyarihang Dios ni Jacob, ang tagapagbantay at ang Bato na kanlungan ng Israel. 25 Siya ang Makapangyarihang Dios ng iyong mga ninuno na tumutulong at nagpapala sa iyo. Bibiyayaan ka niya ng ulan at tubig sa mga bukal. At bibiyayaan ka niya ng maraming anak at hayop. 26 Ngayon, marami akong pagpapala; labis pa sa kasaganaan noon ng mga sinaunang kaburulan. Nawaʼy matanggap mo ang mga pagpapalang ito, Jose – ikaw na nakakahigit kaysa sa iyong mga kapatid.
27 “Ikaw Benjamin, katulad ka ng asong lobo na sumisila sa umaga ng kanyang nahuli para kainin, at sa gabi ay pinaghahati-hatian ang natirang nasamsam.”
28 Sila ang 12 anak ni Jacob na pinanggalingan ng mga lahi ng Israel. At iyon ang huling habilin ni Jacob sa bawat isa sa kanila.
Ang Pagkamatay ni Jacob
29 Matapos habilinan ni Jacob ang mga anak niya. Sinabi niya, “Ngayon, sandali na lang at makakasama ko na ang mga kamag-anak ko sa kabilang buhay, ilibing nʼyo ako sa libingan ng aking mga ninuno, doon sa kweba na nasa sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang bukid na iyon ay nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, na sakop ng Canaan. Binili ng lolo kong si Abraham ang bukid na iyon kay Efron para gawing libingan. 31 Doon siya inilibing pati ang lola kong si Sara at ang mga magulang kong sina Isaac at Rebeka, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at kweba ay binili sa mga Heteo.”
33 Pagkatapos magsalita ni Jacob sa kanyang mga anak, nahiga siya at nalagutan ng hininga. At isinama siya sa kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na.
50 Niyakap agad ni Jose ang kanyang ama at hinalikan habang umiiyak. 2 Pagkatapos, inutusan niya ang mga lingkod niyang manggagamot na embalsamohin ang kanyang ama. Kaya inembalsamo nila ito. 3 Tumagal ang pag-eembalsamo sa kanya ng 40 araw, ayon sa kinaugalian ng mga Egipcio. Nagluksa ang mga Egipcio sa loob ng 70 araw.
4 Nang matapos ang kanilang pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga opisyal ng Faraon, “Kung maaari ay sabihin ninyo sa Faraon 5 na pahintulutan niya akong ilibing ang aking ama sa Canaan. Sapagkat bago siya namatay, ipinasumpa niya ako na ilibing ko siya sa libingang ipinagawa niya sa Canaan. Babalik din ako agad pagkatapos ng libing.”
6 Nang malaman ito ng Faraon, sinabi niya kay Jose, “Tuparin mo ang ipinangako mo sa iyong ama. Umalis ka at ilibing siya.”
7 Kaya umalis si Jose kasama ang maraming opisyal ng Faraon: ang mga tagapamahala ng palasyo at ang mga tagapamahala ng Egipto. 8 Kasama rin ang sambahayan ni Jose at ang sambahayan ng kanyang ama, pati ang kanyang mga kapatid. Ang naiwan sa Goshen ay ang maliliit nilang anak at ang mga hayop nila. 9 Kasama rin nila ang mga karwahe at mga mangangabayo. Talagang napakarami nila.
10 Pagdating nila sa giikan sa Atad, malapit sa Ilog ng Jordan, nagluksa sila roon para kay Jacob at labis ang kanilang pag-iyak. Labis ang kalungkutan ni Jose sa loob ng pitong araw para sa kanyang ama. 11 Nang makita ng mga Cananeo ang pagdadalamhati nila sa may giikan sa Atad, sinabi nila “Labis ang pagdadalamhati ng mga Egipcio.” Kaya ang lugar na iyon na malapit sa Ilog ng Jordan ay tinawag na Abel Mizraim.[c]
12 Tinupad ng mga anak ni Jacob ang habilin niya sa kanila. 13 Sapagkat dinala nila ang bangkay nito sa Canaan at inilibing sa kweba na nasa bukid sa Macpela, sa silangan ng Mamre. Binili ni Abraham ang bukid na ito kay Efron na Heteo para gawing libingan. 14 Pagkatapos ng libing, bumalik si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng sumama sa paglilibing.
Ang Pangako ni Jose sa Kanyang mga Kapatid
15 Ngayong patay na ang kanilang ama, sinabi ng mga kapatid ni Jose, “Baka nagkikimkim pa ng galit sa atin si Jose at gumanti siya sa ginawa natin sa kanya.” 16 Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose na nagsasabi, “Nagbilin ang ama natin bago siya mamatay 17 na sabihin sa iyo na patawarin mo kami sa masamang ginawa namin sa iyo. Kaya ngayon, patawarin mo sana kami alang-alang sa Dios ng ating ama.” Nang makarating ang mensahe nila kay Jose, umiyak siya.
18 Hindi nagtagal, pumunta mismo ang mga kapatid niya sa kanya. Pagdating nila, nagpatirapa sila sa harapan niya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi nila, “Handa kaming maging alipin mo.”
19 Pero sumagot si Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sino ako para makialam sa plano ng Dios? 20 Totoong nagplano kayo ng masama sa akin, pero plinano na ng Dios na magdulot iyon ng kabutihan na siyang nagligtas ng marami sa inyo sa taggutom. 21 Kaya huwag kayong matakot. Susustentuhan ko kayo ng pagkain pati ang mga anak ninyo.” Pinangakuan sila ni Jose at nakapagbigay ito ng kaligayahan sa kanila.
Ang Pagkamatay ni Jose
22 Nanatili si Jose sa Egipto kasama ang buong sambahayan ng kanyang ama. Nabuhay siya ng 110 taon, 23 at nakita pa niya ang mga apo niya sa tuhod sa anak niyang si Efraim at sa apo niyang si Makir na anak ni Manase. Itinuring niya bilang sariling anak ang mga anak ni Makir.
24 Ngayon, sinabi ni Jose sa kanyang mga kamag-anak, “Malapit na akong mamatay, pero hindi kayo pababayaan ng Dios. Kukunin niya kayo sa lugar na ito at dadalhin sa lugar na ipinangako niya kay Abraham, Isaac at Jacob.” 25 Pagkatapos, pinasumpa ni Jose ang mga Israelita. Sinabi niya, “Ipangako ninyo na kung paaalisin na kayo rito ng Dios, dadalhin din ninyo ang mga buto ko sa pag-alis nʼyo sa lupaing ito.”
26 Namatay si Jose roon sa Egipto sa edad na 110. Inembalsamo siya at inilagay sa kabaong.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®