Add parallel Print Page Options

Bumabang Muli ang mga Kapatid ni Jose na Kasama si Benjamin

43 Noon ay matindi ang taggutom sa lupain.

Nang maubos na nilang kainin ang trigo na kanilang dinala mula sa Ehipto, sinabi sa kanila ng kanilang ama, “Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin.”

Subalit sinabi ni Juda sa kanya, “Ang lalaking iyon ay mahigpit na nagbabala sa amin, na sinasabi, ‘Hindi ninyo makikita ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’

Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, bababa kami at ibibili ka namin ng pagkain.

Subalit kapag hindi mo siya pinasama ay hindi kami bababa; sapagkat sinabi sa amin ng lalaki, ‘Hindi ninyo ako makikita malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’”

Sinabi naman ni Israel, “Bakit ninyo ako ginawan ng ganitong kasamaan, na inyong sinabi sa lalaki na mayroon pa kayong ibang kapatid?”

Sila'y sumagot, “Ang lalaki ay masusing nagtanong tungkol sa amin at sa ating pamilya, na sinasabi, ‘Buháy pa ba ang inyong ama? May kapatid pa ba kayo?’ Sumagot kami sa kanyang mga tanong. Paano namin malalaman na kanyang sasabihin, ‘Dalhin ninyo rito ang inyong kapatid?’”

Sinabi ni Juda kay Israel na kanyang ama. “Pasamahin mo sa akin ang bata at hayaan mong kami ay makaalis na upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay—kami, ikaw, at ang aming mga anak.

Ako mismo ang mananagot para sa kanya. Maaari mo akong panagutin para sa kanya. Kapag hindi ko siya naibalik sa iyo at naiharap sa iyo, ako ang magpapasan ng sisi magpakailanman.

10 Sapagkat kung hindi sana tayo naantala, dalawang ulit na sana kaming nakabalik.”

11 Sinabi naman sa kanila ng kanilang amang si Israel, “Kung talagang gayon, gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong sisidlan ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ng handog ang lalaki ng kaunting mabangong langis at kaunting pulot, pabango, mira, mga pili at almendras.

12 Magdala rin kayo ng dobleng dami ng salapi; dalhin ninyong pabalik ang salaping isinauli nila sa ibabaw ng inyong mga sako. Marahil iyon ay hindi napansin.

13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at muli kayong maglakbay pabalik sa lalaking iyon.

14 Pagkalooban nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng awa sa harapan ng lalaking iyon upang ibalik sa inyo ang inyong isa pang kapatid at si Benjamin. At ako, kung ako'y mangulila, ako'y mangungulila.”

15 Kaya't dinala ng mga lalaki ang handog at ang dobleng dami ng salapi at si Benjamin. Sila'y pumunta sa Ehipto, at humarap kay Jose.

16 Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, magpatay ka ng hayop, at ihanda mo; sapagkat ang mga lalaking iyan ay manananghaliang kasalo ko.”

17 Dinala ng katiwala ang mga lalaking iyon sa bahay ni Jose.

18 Ang mga lalaki ay natakot sapagkat sila'y dinala sa bahay ni Jose, at sinabi nila, “Dinala tayo rito dahil sa salaping isinauli sa ating mga sako noon, upang magkaroon siya ng pagkakataong dakpin tayo, at tayo'y kunin bilang mga alipin, pati ang ating mga asno.”

19 Kaya't sila'y lumapit sa katiwala ng bahay ni Jose at kinausap nila sa pintuan ng bahay.

20 Sinabi nila, “O panginoon ko, talagang kami ay bumaba noong una upang bumili ng pagkain.

21 Nang dumating kami sa tuluyan, binuksan namin ang aming mga sako, at naroon ang salapi ng bawat isa na nasa ibabaw ng kanya-kanyang sako, ang salapi namin sa tunay nitong timbang; kaya't ito ay muli naming dinala.

22 Nagdala rin kami ng karagdagang salapi upang ibili ng pagkain. Hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga sako.”

23 Siya'y sumagot, “Huwag kayong mag-alala o matakot man. Ang Diyos ninyo at ang Diyos ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang nasa inyong mga sako; tinanggap ko ang inyong salapi.” Pagkatapos ay dinala niya si Simeon sa kanila.

24 Nang dalhin ng katiwala[a] ang mga lalaki sa bahay ni Jose, at sila'y mabigyan ng tubig, at makapaghugas ng kanilang mga paa, at mabigyan ng pagkain ang kanilang mga asno,

25 ay inihanda nila ang regalo sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat kanilang narinig na doon sila magsisikain.

26 Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila sa kanya ang regalo na dinala nila sa loob ng bahay at sila'y nagpatirapa sa harapan niya.

27 Kanyang tinanong sila tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, “Mayroon bang kapayapaan ang inyong ama, ang matanda na inyong sinabi? Buháy pa ba siya?”

28 Kanilang sinabi, “Mayroong kapayapaan sa iyong lingkod, sa aming ama, siya ay buháy pa.” Sila'y nagsiyuko at nagpatirapa.

29 Tumingin siya at nakita niya ang kanyang kapatid na si Benjamin, ang anak ng kanyang ina, at kanyang sinabi, “Ito ba ang inyong bunsong kapatid na inyong sinabi sa akin?” Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak ko.”

30 Pagkatapos ay nagmadaling lumabas si Jose sapagkat nanaig ang kanyang pagmamahal sa kanyang kapatid. Humanap siya ng lugar na maiiyakan, pumasok sa loob ng silid, at umiyak doon.

31 Pagkatapos ay naghilamos siya, lumabas, nagpigil sa sarili, at nagsabi, “Maghain kayo ng pagkain.”[b]

32 Kanilang hinainan siya nang bukod, at sila naman ay bukod din, at ang mga Ehipcio na kumakaing kasama niya ay bukod, sapagkat ang mga Ehipcio ay hindi kumakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagkat ito ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio.

33 Sila'y umupo sa harapan niya, ang panganay ayon sa kanyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kanyang pagkabunso. At ang mga lalaki ay nagtinginan sa isa't isa na may pagkamangha.

34 Mula sa hapag ni Jose ay dinalhan sila ng mga pagkain, subalit ang pagkain ni Benjamin ay limang ulit na mas marami kaysa alinman sa kanila. Kaya't sila'y nag-inuman at nagkatuwaang kasama niya.

Footnotes

  1. Genesis 43:24 Sa Hebreo ay tao .
  2. Genesis 43:31 Sa Hebreo ay tinapay .

Bumalik sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose

43 Lumala ang taggutom sa Canaan. Naubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili nila sa Egipto. Kaya inutusan ni Jacob ang mga anak niya, “Bumalik kayo roon sa Egipto at bumili ng kahit kaunting pagkain.”

Pero sumagot si Juda sa kanya, “Binalaan po kami ng gobernador na huwag na po kaming magpapakita sa kanya kung hindi po namin kasama ang aming kapatid na si Benjamin. Kung pasasamahin po ninyo siya sa amin babalik kami roon para bumili ng pagkain. Pero kung hindi po kayo papayag, hindi po kami magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang aming kapatid.”

Sinabi ni Jacob,[a] “Bakit binigyan nʼyo ako ng malaking problema? Bakit ipinagtapat nʼyo pa sa gobernador na may isa pa kayong kapatid?”

Sumagot sila, “Kasi po lagi niya kaming tinatanong tungkol sa pamilya natin. Nagtanong siya kung buhay pa ba ang aming ama at kung may iba pa po kaming kapatid. Kaya sinagot po namin siya. Hindi po namin inaasahan na sasabihin niya sa amin na dalhin namin sa kanya ang kapatid namin.”

Kaya sinabi ni Juda sa kanilang ama, “Ama, pumayag na po kayo na isama namin si Benjamin para makaalis na po kami agad at makabili ng pagkain para hindi po tayo mamatay lahat sa gutom. Igagarantiya ko po ang buhay ko para kay Benjamin. Singilin po ninyo ako kung anuman ang mangyari sa kanya. Kung hindi po siya makakabalik sa inyo nang buhay, sisihin po ninyo ako habang buhay. 10 Kung hindi po tayo nagsayang ng panahon, dalawang beses na sana kaming nakabalik.”

11 Sinabi ng kanilang ama, “Kung ganoon, umalis na kayo. Magdala kayo sa mga sisidlan ninyo ng pinakamagandang produkto rito sa ating lugar para iregalo sa gobernador ng Egipto: mga gamot, pulot, pampalasa, pabango, at mga bunga ng pistasyo at almendro. 12 Doblehin ninyo ang dala ninyong pera dahil dapat ninyong ibalik ang perang ibinalik sa mga sako ninyo. Baka nagkamali lang sila noon. 13 Isama ninyo ang kapatid ninyong si Benjamin at bumalik kayo agad sa gobernador ng Egipto. 14 Nawaʼy hipuin ng Makapangyarihang Dios ang puso ng gobernador para mahabag siya sa inyo at ibalik niya sa inyo sina Simeon at Benjamin. Pero kung hindi sila makabalik, tatanggapin ko na lang nang maluwag sa kalooban ko.”

15 Kaya nagdala ang magkakapatid ng mga regalo at dinoble rin nila ang dala nilang pera. Pagkatapos, umalis sila papuntang Egipto kasama si Benjamin, at nakipagkita kay Jose. 16 Pagkakita ni Jose na kasama nila si Benjamin, inutusan niya ang tagapamahalang alipin, “Dalhin mo ang mga taong ito sa bahay. Magkatay ka ng hayop at magluto, dahil magtatanghalian sila kasama ko.”

17 Sinunod ng tagapamahalang alipin ang utos sa kanya. Kaya dinala niya ang magkakapatid sa bahay ni Jose. 18 Natakot ang magkakapatid nang dinala sila sa bahay ni Jose dahil inisip nila, “Baka dinala tayo rito dahil sa perang ibinalik sa mga sako natin noong una nating pagparito. Baka dakpin nila tayo, at kunin ang mga asno natin at gawin tayong mga alipin.”

19 Kaya nakipag-usap sila sa tagapamahalang alipin habang nasa pintuan pa lang sila ng bahay. 20 Sinabi nila, “Ginoo, sandali lang po, may sasabihin lang po kami sa inyo. Pumunta po kami rito noon para bumili ng pagkain. 21 Nang papauwi na po kami, nagpalipas kami ng gabi sa isang lugar. At doon namin binuksan ang mga sako namin at nakita po namin sa loob ang perang ibinayad namin para sa mga pagkain. Narito, ibinabalik na po namin. 22 Nagdala pa po kami ng karagdagang pera para bumili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng pera sa mga sako namin.”

23 Sumagot ang tagapamahalang alipin, “Walang anuman iyon, huwag kayong matakot. Ang inyong Dios, na Dios din ng inyong ama, ang siya sigurong naglagay ng perang iyon sa mga sako ninyo. Natanggap ko ang bayad nʼyo noon.” Pagkatapos, dinala niya si Simeon sa kanila.

24 Pinapasok ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid sa bahay ni Jose at binigyan ng tubig para makapaghugas sila ng kanilang mga paa. Binigyan din niya ng pagkain ang kanilang mga asno. 25 Inihanda ng magkakapatid ang mga regalo nila kay Jose habang hinihintay nila ang pag-uwi nito. Sapagkat sinabihan sila na doon magtanghalian sa bahay ni Jose.

26 Pagdating ni Jose, yumukod sila sa kanyang harapan bilang paggalang at ibinigay nila ang kanilang mga regalo. 27 Kinamusta sila ni Jose. Pagkatapos, nagtanong din siya, “Kumusta ang ama ninyong matanda na, na binanggit nʼyo noon sa akin? Buhay pa ba siya?”

28 Sumagot sila, “Buhay pa po si ama at mabuti pa naman po siya.” Pagkatapos, yumukod silang muli sa kanya bilang paggalang.

29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin na kapatid niyang buo, sinabi niya, “Ito ba ang bunsong kapatid ninyo na ikinuwento nʼyo noon sa akin?” Sinabi niya agad kay Benjamin, “Nawaʼy pagpalain ka ng Dios.” 30 Pagkatapos, mabilis na lumabas si Jose dahil naiiyak na siya sa pangungulila sa kapatid niya. Pumasok siya sa kanyang silid at doon umiyak.

31 Pagkatapos, naghilamos siya at bumalik sa kanila na pinipigil ang kanyang nararamdaman. At nag-utos siya na ihanda na ang pagkain.

32 Iba ang mesa na kinainan ni Jose, iba rin ang kinainan ng kanyang mga kapatid, at iba rin ang sa mga Egipcio na doon din nananghalian. Sapagkat hindi kumakain ang mga Egipcio na kasama ang mga Hebreo sa isang mesa, dahil kasuklam-suklam iyon para sa kanila. 33 Nakaharap kay Jose ang mesang inuupuan ng kanyang mga kapatid. Nagtitinginan ang magkakapatid dahil nagtaka sila na magkakasunod ang pagkakaupo nila sa mesa mula sa panganay hanggang sa bunso. 34 Hinainan sila ng pagkain na galing sa mesa ni Jose pero ang ibinigay kay Benjamin na pagkain ay limang beses ang dami kaysa sa iba. Nagsikain sila at nagsiinom kasama si Jose.

Footnotes

  1. 43:6 Jacob: sa tekstong Hebreo, Israel.