Add parallel Print Page Options

Bumili ng Pagkain ang mga Kapatid ni Jose sa Ehipto

42 Nabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Bakit kayo nagtitinginan?”

Kanyang(A) sinabi, “Aking narinig na may trigo sa Ehipto. Bumaba kayo roon, at bumili kayo ng para sa atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay.”

Kaya't ang sampung kapatid ni Jose ay bumaba upang bumili ng trigo sa Ehipto.

Subalit si Benjamin na kapatid ni Jose ay hindi pinasama ni Jacob sa kanyang mga kapatid, sapagkat sabi niya, “Baka may mangyaring kapahamakan sa kanya.”

Kaya't ang mga anak ni Israel ay kasama ng iba pang nagsidating upang bumili ng trigo, sapagkat ang taggutom ay nakarating na sa lupain ng Canaan.

Si Jose noon ang tagapamahala sa lupain. Siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain. At dumating ang mga kapatid ni Jose at sila'y yumuko sa kanya na ang kanilang mga mukha ay nakasubsob sa lupa.

Nakita ni Jose ang kanyang mga kapatid at nakilala sila, subalit siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at nagsalita ng marahas na mga bagay sa kanila. Sinabi niya sa kanila, “Saan kayo nanggaling?” Sinabi nila, “Mula sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.”

Nakilala ni Jose ang kanyang mga kapatid, subalit siya'y hindi nila nakilala.

Naalala(B) ni Jose ang kanyang napanaginip tungkol sa kanila; at sinabi sa kanila, “Kayo'y mga espiya, naparito kayo upang tingnan ang kahubaran[a] ng lupain.”

10 Kanilang sinabi sa kanya, “Hindi, panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.

11 Kaming lahat ay mga anak ng isa lamang lalaki. Kami ay mga taong tapat; ang iyong mga lingkod ay hindi mga espiya.”

12 Kanyang sinabi sa kanila, “Hindi! Pumarito kayo upang tingnan ang kahubaran[b] ng lupain.”

13 Ngunit kanilang sinabi, “Kaming iyong mga lingkod ay labindalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalaki sa lupain ng Canaan. Ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa ay wala na.”

14 Sinabi sa kanila ni Jose, “Iyan ang sinabi ko sa inyo, ‘Kayo'y mga espiya!’

15 Sa pamamagitan nito ay masusubok kayo: Kung paanong nabubuhay si Faraon, hindi kayo aalis dito malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.

16 Suguin ninyo ang isa sa inyo at dalhin dito ang inyong kapatid, habang kayo ay nasa bilangguan upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo; at kung wala, kung paanong nabubuhay ang Faraon, ay tunay na mga espiya nga kayo.”

17 Silang lahat ay kanyang inilagay na magkakasama sa bilangguan sa loob ng tatlong araw.

18 Nang ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Gawin ninyo ito at kayo'y mabubuhay; sapagkat may takot ako sa Diyos.

19 Kung kayo'y mga taong tapat, maiwan ang isa sa inyong magkakapatid kung saan kayo nakabilanggo; at ang iba ay humayo upang magdala ng trigo dahil sa taggutom sa inyong mga sambahayan.

20 Dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y mapapatotohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay.” At kanilang ginawa ang gayon.

21 Sinabi nila sa isa't isa, “Talagang tayo ay nagkasala dahil sa ating kapatid, sapagkat nakita natin ang kanyang pighati nang siya'y makiusap sa atin, ngunit hindi natin siya pinakinggan. Dahil dito'y dumating sa atin ang pighating ito.”

22 Si(C) Ruben ay sumagot sa kanila, “Hindi ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? Kaya ngayon ay dumating ang pagtutuos para sa kanyang dugo.”

23 Hindi nila nalalaman na naiintindihan sila ni Jose, yamang siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng isang tagapagsalin.

24 Kaya't siya'y lumayo sa kanila at umiyak; at siya'y bumalik at nakipag-usap sa kanila. Kinuha niya sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harapan ng kanilang mga paningin.

25 Ipinag-utos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sisidlan at ibalik ang salapi ng bawat isa sa kanya-kanyang sako at sila'y bigyan ng mababaon sa daan. At ito ay ginawa para sa kanila.

26 Pagkatapos ay kanilang ipinapasan ang trigo sa kanilang mga asno at umalis mula roon.

27 Sa pagbubukas ng isa sa kanyang sako upang bigyan ng pagkain ang kanyang asno sa tuluyan, nakita niya ang kanyang salapi, at nakita niya na ito ay nasa ibabaw ng kanyang sako.

28 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Ang salapi ko ay isinauli at tingnan din ninyo ang aking sako.” Sila'y nanlupaypay at bawat isa ay takot na nagsasabi sa kanyang kapatid, “Ano itong ginawa ng Diyos sa atin?”

29 Nang sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila, na sinasabi;

30 “Ang lalaking pinuno sa lupaing iyon ay marahas na kinausap kami at itinuring kaming mga espiya sa lupain.

31 Ngunit aming sinabi sa kanya, ‘Kami ay mga tapat, hindi kami mga espiya.

32 Kami ay labindalawang magkakapatid, mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.’

33 Sinabi sa amin ng lalaking iyon na pinuno ng lupain, ‘Sa pamamagitan nito ay makikilala ko kung kayo'y mga tapat. Iwan ninyo sa akin ang isa sa inyong mga kapatid; umalis kayo at magdala ng butil para sa taggutom sa inyong mga sambahayan.

34 Dalhin ninyo rito sa akin ang inyong bunsong kapatid upang aking malaman na kayo'y hindi mga espiya, kundi kayo'y mga tapat. Saka ko isasauli sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y makakapangalakal sa lupain.’”

Nakita ang Salapi sa Kanilang Sisidlan

35 Nang inaalisan nila ng laman ang kanilang mga sako, sa sako ng bawat isa ay nakalagay ang kanya-kanyang bungkos ng salapi. Nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga bungkos ng salapi, sila ay natakot.

36 Sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, “Pinangulila ninyo ako; si Jose ay wala na, at si Simeon ay wala na, at kukunin pa ninyo si Benjamin. Lahat ng ito ay nangyari sa akin!”

37 Nagsalita si Ruben sa kanyang ama, “Maaari mong ipapatay ang aking dalawang anak kung hindi ko siya maibabalik sa iyo. Ibigay mo siya sa akin at siya'y ibabalik ko sa iyo.”

38 Sinabi niya, “Hindi aalis ang aking anak na kasama ninyo sapagkat ang kanyang kapatid ay patay na, at siya na lamang ang natitira. Kung mangyari sa kanya ang anumang kapahamakan sa paglalakbay na inyong gagawin, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban na may kapanglawan sa Sheol.”

Footnotes

  1. Genesis 42:9 o kahinaan .
  2. Genesis 42:12 o kahinaan .

Bumili ng pagkain ang mga anak ni Jacob.

42 Nabalitaan nga ni (A)Jacob na may trigo sa Egipto, at sinabi ni Jacob sa kaniyang mga anak, Bakit kayo nangagtitinginan?

At kaniyang sinabi, Narito, aking narinig na may trigo sa Egipto: bumaba kayo roon, at bumili kayo roon ng sa (B)ganang atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay.

At ang sangpung kapatid ni Jose ay bumaba, na bumili ng trigo sa Egipto.

Datapuwa't si Benjamin na (C)kapatid ni Jose, ay hindi sinugo ni Jacob na kasama ng kaniyang mga kapatid; sapagka't aniya'y, (D)Baka sakaling may mangyari sa kaniyang anomang kapahamakan.

At ang mga anak ni Israel ay nagsiparoong bumili, na kasalamuha ng nagsisiparoon: sapagka't nagkakagutom sa lupain ng Canaan.

(E)At si Jose ang tagapamahala sa lupain; siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain: at nagsidating ang mga kapatid ni Jose (F)at nangagpatirapa sa kaniya, na ang kanilang mga mukha ay pasubasob.

At nakita ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at kaniyang nangakilala, datapuwa't siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at sila'y kinausap niya ng magilas; at sinabi sa kanila, Saan kayo nagsipanggaling? At sinabi nila, Sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.

At nakilala ni Jose ang kaniyang mga kapatid, datapuwa't hindi nila siya nakilala.

(G)At naalaala ni Jose ang mga panaginip na kaniyang napanaginip, tungkol sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y mga tiktik; upang tingnan ninyo ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.

10 At kanilang sinabi sa kaniya, Hindi panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.

11 Kaming lahat ay anak ng isa lamang lalake; kami ay mga taong tapat, ang iyong mga lingkod ay hindi mga tiktik.

12 At kaniyang sinabi sa kanila, Hindi, kungdi upang tingnan ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.

13 At kanilang sinabi, Kaming iyong mga lingkod ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalake sa lupain ng Canaan; at, narito, ang bunso ay nasa aming ama ngayon, (H)at ang isa'y wala na.

14 At sinabi sa kanila ni Jose, Iyan ang sinasalita ko sa inyo, na aking sinasabi, Kayo'y mga tiktik;

15 Dito ko kayo susubukin: alangalang sa buhay ni Faraon ay hindi kayo aalis dito, malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.

16 Suguin ninyo ang isa sa inyo, na dalhin dito ang inyong kapatid, at kayo'y mangabibilanggo; upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo: o kung hindi alangalang sa buhay ni Faraon, ay tunay na mga tiktik kayo.

17 At kaniyang inilagay silang lahat na magkakasama sa bilangguan na tatlong araw.

18 At sinabi ni Jose sa kanila sa ikatlong araw, Gawin ninyo ito at mangabuhay kayo; sapagka't natatakot (I)ako sa Dios:

19 Kung kayo'y mga taong tapat, ay matira ang isa sa inyong magkakapatid na bilanggo sa bahay na pinagbilangguan sa inyo; datapuwa't kayo'y yumaon, magdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay:

20 (J)At dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y matototohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mangamamatay. At kanilang ginawang gayon.

21 At sila'y nagsabisabihan, (K)Katotohanang tayo'y salarin tungkol sa ating kapatid, sapagka't nakita natin ang kahapisan ng kaniyang kaluluwa, nang namamanhik sa atin, at hindi natin siya dininig; kaya't dumarating sa atin ang kahapisang ito.

22 At si Ruben ay sumagot sa kanila, na nagsasabi, Di ba nagsalita ako sa inyo, na aking sinasabi, (L)Huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? kaya naman, narito, ang kaniyang dugo ay (M)nagsasakdal.

23 At hindi nila nalalaman na sila'y pinakikinggan ni Jose; sapagka't may tagapagpaliwanag sa kanila.

Tinalian si Simeon.

24 At siya'y humiwalay sa kanila, at umiyak; at siya'y bumalik sa kanila, at sila'y kinausap at kinuha sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harap ng kanilang mga mata.

25 Nang magkagayo'y ipinagutos ni Jose na punuin ang kanilang mga bayong ng trigo, at ibalik ang salapi ng bawa't isa sa kanikaniyang bayong, at sila'y bigyan ng mababaon sa daan: at ginawa sa kanilang gayon.

Ang iba ay nagbalik.

26 At kanilang pinasanan ng trigo ang kanilang mga asno, at sila'y yumaon mula roon.

27 (N)At pagbubukas ng isa ng kaniyang bayong upang bigyan ng pagkain ang kaniyang asno sa tuluyan, ay nakita niya ang kaniyang salapi; at, narito, nasa labi ng kaniyang bayong.

28 At sinabi niya sa kaniyang mga kapatid, Ang salapi ko ay nasauli; at, narito, nasa aking bayong: at kumutob ang kanilang puso; at nangagtinginan na nanganginginig, na nagsasabihan, Ano itong ginawa ng Dios sa atin?

29 At sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, at isinaysay nila sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila; na sinasabi:

30 Ang lalaking panginoon sa lupaing yaon ay kinausap (O)kami na magilas, at inari kaming mga tiktik sa lupain.

31 At aming sinabi sa kaniya, Kami ay mga taong tapat; hindi kami mga tiktik:

32 Kami ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng aming ama; (P)ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.

33 At sinabi sa amin ng lalaking yaon, ng panginoon sa lupain, (Q)Dito ko makikilala na kayo'y mga taong tapat: magiwan kayo sa akin ng isa sa inyong magkakapatid, at magsipagdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay, at kayo'y yumaon.

34 At dalhin ninyo rito sa akin ang inyong kapatid na bunso: kung gayo'y makikilala ko, na kayo'y hindi mga tiktik, kundi kayo'y mga taong tapat: sa ganito'y isasauli ko sa inyo ang inyong kapatid (R)at kayo'y mangangalakal sa lupain.

Nakita ang salapi sa kanilang sisidlan.

35 At nangyari na pagaalis ng laman ng kanilang mga bayong, na, (S)narito, sa bayong ng bawa't isa ay nakalagay ang balot ng kanikaniyang salapi: at nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga balot ng salapi, ay nangatakot.

36 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, (T)Inalis na ninyo sa akin ang aking mga anak: si Jose ay wala, at si Simeon ay wala, at aalisin pa ninyo si Benjamin: lahat ng bagay na ito ay laban sa akin.

37 At nagsalita, si Ruben sa kaniyang ama, na sinasabi, Ipapatay mo ang aking dalawang anak kung siya'y hindi ko dalhin sa iyo; ibigay mo sa aking kamay, at siya'y aking ibabalik sa iyo.

38 At kaniyang sinabi, Hindi yayaon ang aking anak na kasama ninyo; (U)sapagka't ang kaniyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang natitira; (V)kung mangyari sa kaniya ang anomang kapahamakan sa daan na inyong paroroonan, ay (W)pabababain nga ninyo ang aking mga uban sa Sheol na may kapanglawan.

Pumunta sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose

42 Nang malaman ni Jacob na may ipinagbibiling pagkain sa Egipto, sinabi niya sa mga anak niyang lalaki, “Ano pa ang hinihintay ninyo? Nabalitaan ko na may ipinagbibili raw na pagkain sa Egipto kaya pumunta kayo roon at bumili para hindi tayo mamatay sa gutom.”

Kaya lumakad ang sampung kapatid ni Jose sa Egipto para bumili ng pagkain. Pero hindi ipinasama ni Jacob si Benjamin na nakababatang kapatid ni Jose dahil natatakot siya na baka may masamang mangyari sa kanya. Kaya pumunta ang mga anak ni Jacob[a] sa Egipto kasama ng mga taga-ibang lugar para bumili ng pagkain, dahil laganap na ang taggutom sa buong Canaan.

Bilang gobernador ng Egipto, tungkulin ni Jose na pagbilhan ng pagkain ang lahat ng tao. Kaya pagdating ng mga kapatid niya, yumukod sila kay Jose bilang paggalang sa kanya. 7-9 Pagkakita ni Jose sa kanila, nakilala niya agad ang mga ito pero siyaʼy hindi nila nakilala. Hindi lang siya nagpahalata na siya si Jose. Nagtanong siya sa kanila kung taga-saan sila.

Sumagot sila, “Taga-Canaan po kami, at pumunta po kami rito para bumili ng pagkain.” Naalala agad ni Jose ang panaginip niya tungkol sa kanila na naging dahilan kung bakit sila nagalit sa kanya. Kaya nagsalita siya ng masasakit na salita sa kanila, “Mga espiya kayo! Pumunta kayo rito para tingnan kung ano ang kahinaan ng bansa namin.”

10 Sumagot sila, “Hindi po! Hindi po kami espiya. Pumunta po kami rito para bumili ng pagkain. 11 Magkakapatid po kaming lahat sa isang ama, at nagsasabi po kami ng totoo. Hindi po kami espiya.”

12 Pero sinabi ni Jose, “Hindi ako naniniwala! Pumunta kayo rito para tingnan kung ano ang kahinaan ng bansa namin.”

13 Sumagot sila, “12 po kaming magkakapatid, at isa lang po ang aming ama na naroon ngayon sa Canaan. Ang bunso po namin ay naiwan sa kanya. Ang isa po naming kapatid ay wala na.”

14 Sinabi ni Jose, “Kagaya ng sinabi ko, mga espiya talaga kayo! 15 Pero susubukan ko kayo kung totoo talaga ang mga sinasabi ninyo. Isinusumpa ko sa pangalan ng Faraon na hindi kayo makakaalis dito hanggaʼt hindi ninyo maisasama ang bunsong kapatid nʼyo rito. 16 Pauuwiin ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo. Ang maiiwan sa inyoʼy ikukulong hanggang sa mapatunayan ninyo ang sinasabi ninyo, dahil kung hindi, talagang mga espiya nga kayo!” 17 At ipinakulong niya ang mga ito sa loob ng tatlong araw.

18 Sa ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Iginagalang ko ang Dios, kaya bibigyan ko pa kayo ng pagkakataong mabuhay kung susundin lang ninyo ang iniutos ko sa inyo. 19 Kung nagsasabi kayo ng totoo, magpaiwan dito ang isa sa inyo at makakauwi kayo, at makakapagdala kayo ng pagkain para sa nagugutom ninyong pamilya. 20 Pagkatapos, dalhin nʼyo rito ang bunsong kapatid ninyo para mapatunayan ko na hindi kayo nagsisinungaling at para hindi ko kayo ipapatay.” At ginawa nila ito.

21 Habang hindi pa sila nakakaalis, sinabi nila sa isaʼt isa, “Mananagot tayo sa ginawa natin sa kapatid natin. Nakita natin ang paghihirap niya nang nagmamakaawa siya sa atin, pero hindi natin siya kinaawaan. Kaya ito ang dahilan kung bakit dumating ang mga paghihirap na ito sa atin.”

22 Sinabi ni Reuben, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo noon na huwag ninyo siyang saktan? Pero hindi kayo nakinig sa akin! Kaya sinisingil na tayo ngayon sa kanyang pagkamatay.” 23 Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang usapan nila dahil habang nakikipag-usap siya sa kanila ay may tagapagpaliwanag siya.

24 Lumayo muna si Jose sa kanila at umiyak. Pero hindi nagtagal, bumalik siya at nakipag-usap sa kanila. Hiniwalay niya si Simeon sa kanila at ipinagapos sa kanilang harapan.

Bumalik sa Canaan ang mga Kapatid ni Jose

25 Pagkatapos, iniutos ni Jose na punuin ng pagkain ang mga sako ng kanyang mga kapatid at ibalik sa mga sako nila ang kani-kanilang bayad, at pabaunan sila ng kanilang mga pangangailangan sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang iniutos ni Jose. 26 Isinakay agad ng mga kapatid ni Jose ang mga sako nila sa kanilang asno at umalis.

27 Nang nagpalipas sila ng gabi sa isang lugar, isa sa kanila ang nagbukas ng sako niya para pakainin ang kanyang asno. Pagbukas niya, nakita niya roon ang perang ibinayad niya. 28 Sumigaw siya sa kanyang mga kapatid, “Ibinalik ang ibinayad ko! Nandito sa sako ko.”

Nanlupaypay silang lahat at kinabahan.[b] Nagtanungan sila, “Ano kaya itong ginawa ng Dios sa atin?”

29 Pagdating nila sa Canaan, sinabi nila sa kanilang amang si Jacob ang lahat ng nangyari sa kanila. 30 Sinabi nila kay Jacob, “Pinagsalitaan po kami ng masasakit ng gobernador ng Egipto at pinagbintangan na mga espiya raw po kami. 31 Pero sinagot po namin siya na hindi kami espiya at nagsasabi kami ng totoo. 32 Sinabi rin po namin na 12 kaming magkakapatid at isa lang ang aming ama. Sinabi rin namin na ang isa naming kapatid ay patay na at ang aming bunsong kapatid ay kasama po ninyo rito sa Canaan.

33 “Pero ito po ang sinabi niya sa amin, ‘Susubukan ko kayo kung totoo ang sinasabi ninyo. Magpaiwan dito ang isa sa inyo at umuwi kayo na may dalang pagkain para sa mga pamilya ninyong nagugutom. 34 Pero dalhin ninyo rito ang bunsong kapatid ninyo para malaman ko na mga tapat kayong tao at hindi kayo espiya. Pagkatapos, ibabalik ko sa inyo ang kapatid ninyong si Simeon, at papayagan ko kayo na pumarooʼt parito sa Egipto.’ ”

35 Nang ibinuhos na nila ang laman ng kanilang mga sako, nakita nila roon sa mga sako nila ang perang ibinayad nila. Nang makita ito ng kanilang ama, kinabahan silang lahat.

36 Sinabi ni Jacob sa kanila, “Gusto ba ninyong mawalan ako ng mga anak? Wala na si Jose, wala na si Simeon at ngayon gusto naman ninyong kunin si Benjamin. Hirap na hirap na ako!”

37 Sinabi ni Reuben, “Ama, ako po ang bahala sa kanya. Patayin po ninyo ang dalawa kong anak na lalaki kung hindi ko po siya maibabalik sa inyo.”

38 Pero sumagot si Jacob, “Hindi ako papayag na isama ninyo ang anak ko. Namatay na ang kapatid niya at siya na lang ang naiwan. Baka may masama pang mangyari sa kanya sa daan. At sa katandaan kong ito, ikamamatay ko ang sobrang kalungkutan.”

Footnotes

  1. 42:5 Jacob: sa tekstong Hebreo, Israel.
  2. 42:28 Kinabahan sila at baka pagbintangan sila na itinago nila ang pera at hindi sila nagbayad.