Add parallel Print Page Options

Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng Hari

41 Sa katapusan ng dalawang taon, ang Faraon ay nanaginip na siya'y nakatayo sa tabi ng Nilo.

May umahon sa ilog na pitong bakang magaganda ang anyo at matataba at ang mga ito ay kumain ng damo.

Pagkatapos nito, sa likuran ng mga ito ay may pito pang ibang mga baka na umahon sa ilog na mga pangit ang anyo at payat; at sila ay nagsihinto sa tabi ng mga unang baka sa pampang ng ilog.

Ang pitong bakang magaganda ang anyo at matataba ay kinain ng mga bakang pangit ang anyo at payat. At nagising ang Faraon.

Siya'y natulog at nanaginip sa ikalawang pagkakataon; mula sa iisang tangkay ay umusbong ang pitong uhay na mabibintog at malulusog.

Pagkatapos nito, pitong uhay na payat at tinuyo ng hanging silangan ang tumubong kasunod ng mga iyon.

Nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Nagising ang Faraon, at iyon ay isang panaginip.

Kinaumagahan,(A) ang kanyang diwa ay nabagabag at siya'y nagpasugo at ipinatawag ang lahat ng salamangkero at mga pantas sa Ehipto. Isinalaysay ng Faraon sa kanila ang kanyang panaginip, subalit walang makapagpaliwanag sa Faraon.

Nang magkagayon ay nagsalita sa Faraon ang puno ng mga katiwala ng kopa na sinasabi, “Naaalala ko sa araw na ito ang aking pagkakasala.

10 Nang ang Faraon ay nagalit sa kanyang mga lingkod, ibinilanggo niya ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga panadero.

11 Isang gabi, kami ay nanaginip, siya at ako. Kami ay nagkaroon ng kanya-kanyang panaginip na may kanya-kanyang kahulugan.

12 Doon ay kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay. Nang sabihin namin sa kanya ay ipinaliwanag niya sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ang kahulugan ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin.

13 At nangyari nga sa amin ang ayon sa kanyang ipinaliwanag sa amin; ako'y ibinalik sa aking katungkulan, at ang panadero ay ipinabitay.”

14 Kaya't nagpasugo ang Faraon at ipinatawag si Jose, at madali siyang inilabas sa bilangguan. At nang siya'y makapag-ahit at makapagpalit ng damit ay pumunta sa Faraon.

15 At sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako'y nanaginip at walang makapagpaliwanag nito. Nabalitaan ko na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipapaliwanag mo.”

16 Sumagot si Jose sa Faraon, na sinasabi, “Hindi ako, ang Diyos ang sasagot sa kapayapaan ng Faraon.”

17 Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, “Sa aking panaginip ay nakatayo ako sa pampang ng Nilo;

18 may umahon sa ilog na pitong bakang matataba at magaganda ang anyo, at kumain ng damo.

19 Pagkatapos nito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailanma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Ehipto ng kagaya ng mga iyon sa kapangitan.

20 Kinain ng mga bakang payat at pangit ang pitong nauunang bakang matataba.

21 Nang makain na nila ang mga iyon ay walang makapagsasabi na kinain nila ang mga iyon sapagkat ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. At nagising ako.

22 Nakakita rin ako sa aking panaginip ng pitong uhay na umuusbong sa isang tangkay, mabibintog at malulusog;

23 at pitong uhay na lanta, payat at tinuyo ng hanging silangan ang umuusbong na kasunod ng mga iyon.

24 Nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabibintog. Isinalaysay ko ito sa mga salamangkero, subalit walang makapagpaliwanag ng kahulugan niyon sa akin.”

25 Kaya't sinabi ni Jose sa Faraon, “Ang panaginip ng Faraon ay iisa; ipinakita ng Diyos sa Faraon ang malapit na niyang gawin.

26 Ang pitong malulusog na baka ay pitong taon; at ang pitong mabibintog na uhay ay pitong taon. Ito ay iisang panaginip.

27 At ang pitong payat at pangit na baka na umahong kasunod ng mga iyon ay pitong taon, gayundin ang pitong uhay na tinuyo ng hanging silangan; ang mga iyon ay pitong taong taggutom.

28 Ito ang aking sinabi sa Faraon. Ang malapit nang gawin ng Diyos ay ipinaalam niya sa Faraon.

29 Magkakaroon ng pitong taong kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto.

30 Pagkatapos ng mga iyon, magkakaroon ng pitong taong taggutom at ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto ay malilimutan at sasalantain ng taggutom ang lupain.

31 Ang kasaganaan sa lupain ay hindi maaalala dahil sa taggutom na susunod; sapagkat ito'y magiging napakatindi.

32 Tungkol sa pag-uulit ng panaginip sa Faraon na makalawa, ito ay nangangahulugan na ang bagay ay itinatag ng Diyos, at iyon ay madali nang gawin ng Diyos.

33 Ngayon nga'y pahanapin ang Faraon ng isang taong matalino at pantas at pamahalain siya sa lupain ng Ehipto.

34 Gawin ng Faraon na maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, at kunin ang ikalimang bahagi ng bunga ng lupain ng Ehipto sa loob ng pitong taong kasaganaan.

35 Tipunin nilang lahat ang mga pagkain nitong dumarating na masasaganang taon, at ikamalig ang mga trigo sa ilalim ng kamay ng Faraon, bilang pagkain sa mga bayan, at itabi ang mga ito.

36 Ang pagkain ay maging laan para sa lupain sa pitong taong taggutom na mangyayari sa lupain ng Ehipto, upang huwag mapuksa ang lupain dahil sa taggutom.”

Ginawa si Jose na Tagapamahala ng Ehipto

37 Ang mungkahi ay ikinatuwa ng Faraon at ng kanyang mga lingkod.

38 Kaya't sinabi ng Faraon sa kanyang mga lingkod, “Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?”

39 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Yamang itinuro sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo.

40 Ikaw(B) ang magiging pinuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay susunod ang aking buong bayan; tanging tungkol lamang sa pagkahari magiging mataas ako kaysa iyo.”

41 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ikaw ay inatasan ko upang mamahala sa buong lupain ng Ehipto.”

42 Inalis(C) ng Faraon sa kamay niya ang kanyang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuotan ng pinong lino at inilagay ang isang kuwintas na ginto sa kanyang leeg.

43 Siya'y pinasakay niya sa karwahe na para sa ikalawang pinakamataas na pinuno; at sila'y sumisigaw sa unahan niya, “Lumuhod kayo!” Sa gayo'y inilagay siya bilang puno sa buong lupain ng Ehipto.

44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon, at kung walang pagsang-ayon mula sa iyo ay hindi magtataas ang sinumang tao ng kanyang kamay o ng kanyang paa sa buong lupain ng Ehipto.”

Ang Pag-aasawa ni Jose

45 Pinangalanan ng Faraon si Jose na Zafenat-panea, at ibinigay bilang asawa niya si Asenat, na anak ni Potifera, na pari sa On. Sa gayo'y nagkaroon si Jose ng kapangyarihan sa lupain ng Ehipto.

46 Si Jose ay tatlumpung taong gulang na nang magsimulang maglingkod sa Faraon na hari ng Ehipto. Si Jose ay umalis sa harapan ng Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Ehipto.

47 Ang lupa ay nagbunga ng sagana sa loob ng pitong taon ng kasaganaan,

48 at tinipon niya ang lahat ng pagkain sa loob ng pitong taon na may kasaganaan sa lupain ng Ehipto, at inimbak ang pagkain sa mga bayan. Ang pagkain sa mga bukid na nasa palibot ng bawat bayan ay inimbak sa bawat bayan.

49 Si Jose ay nag-imbak ng napakaraming trigo na gaya ng buhangin sa dagat, hanggang sa huminto siya sa pagtatala nito, sapagkat hindi na ito mabilang.

50 Bago dumating ang taon ng taggutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalaki, na ipinanganak sa kanya ni Asenat na anak ni Potifera, na pari sa On.

51 Tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases,[a] sapagkat sinabi niya, “Ipinalimot ng Diyos sa akin ang lahat ng aking paghihirap at ang buong sambahayan ng aking ama.”

52 At ang ipinangalan sa ikalawa ay Efraim[b] sapagkat sinabi niya, “Ako'y pinalago ng Diyos sa lupain ng aking pagdadalamhati.”

53 Ang pitong taon ng kasaganaan na nasa lupain ng Ehipto ay natapos.

54 Nang(D) ang pitong taon ng taggutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose, nagkagutom sa lahat ng lupain subalit sa buong lupain ng Ehipto ay may pagkain.[c]

55 Nang(E) ang buong lupain ng Ehipto ay nagutom, ang taong-bayan ay humingi ng pagkain sa Faraon. Kaya't sinabi ng Faraon sa lahat ng mga Ehipcio, “Pumunta kayo kay Jose; ang kanyang sabihin sa inyo ay inyong gawin.”

56 Yamang ang taggutom ay lumaganap sa buong lupain, binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at ipinagbili sa mga Ehipcio, sapagkat matindi ang taggutom sa lupain ng Ehipto.

57 Bukod dito, lahat ng mga taga-ibang lupain ay dumating upang bumili ng trigo kay Jose sapagkat matindi ang taggutom sa buong daigdig.

Footnotes

  1. Genesis 41:51 Ang kahulugan ay Ipinalimot .
  2. Genesis 41:52 Mula sa salitang Hebreo na ang kahulugan ay maging mabunga .
  3. Genesis 41:54 Sa Hebreo ay tinapay .

Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng Faraon

41 Pagkalipas ng dalawang taon, nanaginip ang Faraon[a] na nakatayo siya sa pampang ng Ilog ng Nilo. Sa kanyang panaginip, biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka na kumakain ng damo. Maya-maya paʼy may umahon din na pitong pangit at payat na baka, nilapitan ng pitong pangit at payat na baka ang pitong maganda at matabang baka, at kinain. At nagising agad ang Faraon.

Muling nakatulog ang Faraon at nanaginip na naman. Sa kanyang panaginip, nakakita siya ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga. At sa sanga ring iyon, sumulpot ang pitong uhay na payat ang butil na natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan.[b] Kinain agad ng mapapayat na uhay ang pitong matatabang uhay. At nagising agad ang hari. Akala niyaʼy totoo iyon pero panaginip lang pala.

Kinaumagahan, litong-lito ang isip ng Faraon tungkol sa mga panaginip niya, kaya ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero at matatalinong tao sa Egipto. Sinabi niya sa kanila ang mga panaginip niya, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag kung ano ang kahulugan nito.

Pagkatapos, lumapit ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at nagsabi, “Naalala ko na po ngayon ang mga kasalanan ko. 10 Hindi po baʼt nagalit kayo noon sa akin at sa pinuno ng mga panadero, at ipinakulong nʼyo po kami sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo? 11 Isang gabi noon, nanaginip kaming dalawa, at magkaiba po ang kahulugan ng panaginip namin. 12 May kasama kami roon na binatang Hebreo, na alipin ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo. Sinabi po namin sa kanya ang panaginip namin at ipinaliwanag niya sa amin ang kahulugan nito. 13 Nagkatotoo ang sinabi niya tungkol sa amin: Pinabalik nʼyo po ako sa trabaho ko at ipinabitin ninyo sa puno ang bangkay ng kasama ko.”

14 Kaya ipinatawag ng Faraon si Jose, at pinalabas siya agad sa bilangguan. Pagkatapos siyang gupitan at ahitan, nagpalit siya ng damit at pumunta sa Faraon.

15 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Nanaginip ako pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito. May nagsabi sa akin na marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip.”

16 Sumagot si Jose, “Hindi po ako, Mahal na Hari, kundi ang Dios ang siyang magbibigay ng kahulugan ng mga panaginip ninyo para sa ikabubuti ninyo.”

17 Sinabi ng Faraon ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip ako na nakatayo ako sa pampang ng Ilog Nilo. 18 Biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka, at kumain sila ng damo. 19 Maya-maya paʼy may umahon ding pitong pangit at payat na baka. Wala pa akong nakitang baka sa buong Egipto na ganoon kapangit. 20 Kinain ng mga pangit at payat na baka ang pitong matatabang baka na unang nagsiahon. 21 Pero pagkakain nila, hindi man lang halata na nakakain sila ng ganoon dahil ganoon pa rin sila kapapayat. At bigla akong nagising.

22 “Pero nakatulog ulit ako at nanaginip na naman. Nakakita ako ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga. 23 At sa sanga ring iyon, sumulpot din ang pitong uhay na payat ang butil at natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan. 24 At kinain ng mga payat na uhay ang pitong matatabang butil na uhay. Sinabi ko na ito sa mga salamangkero, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”

25 Sinabi ni Jose sa Faraon, “Mahal na Hari, ang dalawang panaginip po ninyo ay iisa lang ang kahulugan. Sa pamamagitan ng mga panaginip ninyo, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano ang kanyang gagawin. 26 Ang pitong matatabang baka at pitong matatabang uhay ay parehong pitong taon ang kahulugan. 27 Ang pitong payat at pangit na baka at ang pitong payat na butil na uhay na pinatigas ng mainit na hangin na galing sa silangan ay nangangahulugan po ng pitong taong taggutom.

28 “Gaya po ng sinabi ko sa inyo, Mahal na Faraon, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano po ang kanyang gagawin. 29 Sa loob po ng darating na pitong taon, magiging labis ang kasaganaan sa buong Egipto. 30 Pero susundan po agad ito ng pitong taon na taggutom, at makakalimutan na ng mga tao ang naranasan nilang kasaganaan dahil ang taggutom ay nagdulot ng pinsala sa lupain ng Egipto. 31 Matinding taggutom po ang darating na parang hindi nakaranas ng kasaganaan ang lupain ng Egipto. 32 Dalawang beses po kayong nanaginip, Mahal na Faraon, para malaman nʼyo na itinakda ng Dios na mangyayari ito at malapit na itong mangyari.

33 “Kaya ngayon, Mahal na Faraon, iminumungkahi ko po na dapat kayong pumili ng isang matalinong tao para mamahala sa lupain ng Egipto. 34 Maglagay din po kayo ng mga opisyal sa buong Egipto para ihanda[c] ang lugar na ito sa loob ng pitong taon na kasaganaan. 35 Sa mga panahong iyon, ipaipon nʼyo rin po sa kanila ang lahat ng makokolekta ninyo galing sa mga ani at sa ilalim ng inyong pamamahala, ipatago po ninyo sa kanila ang mga ani sa mga kamalig ng mga lungsod. 36 Ang mga pagkaing ito ay ilalaan para sa mga tao kapag dumating na ang pitong taong taggutom sa Egipto, para hindi sila magutom.”

Ginawang Tagapamahala si Jose sa Egipto

37 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga opisyal ang mungkahi ni Jose. 38 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Wala na tayong makikita pang ibang tao na kagaya ni Jose na ginagabayan ng Espiritu ng Dios.”

39 Kaya sinabi ng Faraon kay Jose, “Sapagkat sinabi sa iyo ng Dios ang mga bagay na ito, wala na sigurong iba pang tao na may kaalaman at pang-unawa na kagaya mo. 40-41 Gagawin kita ngayon na tagapamahala ng aking kaharian at gobernador ng buong Egipto, at susunod sa iyo ang lahat ng tauhan ko. Pero mas mataas pa rin ang karapatan ko kaysa sa iyo.” 42 Tinanggal agad ng Faraon ang kanyang singsing na pangtatak at isinuot sa daliri ni Jose. Pinasuotan niya si Jose ng espesyal na damit na gawa sa telang linen at pinasuotan ng gintong kwintas. 43 Ipinagamit din niya kay Jose ang kanyang pangalawang karwahe,[d] at may mga tagapamalita na mauuna sa kanya na sumisigaw, “Lumuhod kayo sa gobernador!” Kaya simula noon, naging gobernador si Jose sa buong lupain ng Egipto.

44 Sinabi pa ng Faraon kay Jose, “Ako ang hari rito sa Egipto, Pero walang sinuman ang gagawa ng kahit ano rito sa Egipto nang walang pahintulot mo.” 45 Pinangalanan niya si Jose ng Zafenat Panea. Pinag-asawa rin niya si Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari mula sa lungsod ng On. Bilang gobernador, si Jose na ang namahala sa Egipto.

46 Si Jose ay 30 taong gulang pa lang nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Umalis siya sa palasyo at umikot sa buong Egipto.

47 Tunay ngang naging masagana ang ani sa loob ng pitong taong kasaganaan. 48 At sa panahong iyon, ipinaipon ni Jose ang lahat ng nakolekta galing sa mga ani.[e] Ipinatago niya sa bawat lungsod ang mga ani na galing sa bukid sa palibot nito. 49 Napakarami ng trigong naipon ni Jose; parang kasing dami ng buhangin sa tabing-dagat. Itinigil na lang niya ang pagtatakal nito dahil hindi na ito makayanang takalin.

50 Bago dumating ang taggutom, ipinanganak ang dalawang anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari ng lungsod ng On. 51 Pinangalanan ni Jose ang panganay na Manase[f] dahil ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, nakalimutan ko ang mga paghihirap ko at ang aking pananabik sa sambahayan ng aking ama.” 52 Pinangalanan niya ang pangalawa niyang anak na Efraim.[g] Sapagkat ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, naging masagana ako sa lugar kung saan nakaranas ako ng mga paghihirap.”

53 Natapos na ang pitong taong kasaganaan sa Egipto, 54 at nagsimula na ang pitong taong taggutom katulad ng sinabi ni Jose. May taggutom sa ibaʼt ibang lugar pero may pagkain sa buong Egipto. 55 Dumating ang panahon na naramdaman din ng mga taga-Egipto ang taggutom, kaya humingi sila ng pagkain sa hari. Sinabi ng hari sa kanila, “Pumunta kayo kay Jose dahil siya ang magsasabi sa inyo kung ano ang gagawin ninyo.”

56 Lumaganap ang taggutom kahit saan. At dahil sa matinding taggutom sa buong Egipto, pinabuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at pinagbilhan ng pagkain ang mga taga-Egipto. 57 Pumunta rin sa Egipto ang halos lahat ng bansa para bumili ng pagkain kay Jose dahil matindi ang taggutom sa kanilang bansa.

Footnotes

  1. 41:1 Faraon: o, hari ng Egipto. Ganito rin sa sumusunod na mga talata.
  2. 41:6 hangin na galing sa silangan: Kung nasa Israel ka, galing sa bandang silangan. Pero kung nasa Egipto ka, galing sa bandang timog.
  3. 41:34 para ihanda: o, para mangolekta ng 20 porsiyento ng lahat ng ani.
  4. 41:43 ang kanyang pangalawang karwahe: o, ang karwahe ng opisyal na pangalawa sa kanya.
  5. 41:48 Tingnan ang 47:24.
  6. 41:51 Manase: Maaaring ang ibig sabihin, kinalimutan.
  7. 41:52 Efraim: Maaaring ang ibig sabihin, nagbunga o naging masagana.
'Genesis 41 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ipinaliwanag ni Jose ang panaginip ni Faraon.

41 At nangyari, sa katapusan ng dalawang taong ganap, na si Faraon ay nanaginip: at, narito, na siya'y nakatayo sa tabi ng ilog.

At, narito may nagsiahon sa ilog na pitong bakang magagandang anyo at matatabang laman; at nanginain sa talahiban.

At, narito, na ibang pitong baka, na nagsiahon sa ilog na nasa likuran nila, mga pangit na anyo, at payat; at nagsihinto roon sa tabi ng mga unang baka, sa tabi ng ilog.

At ang pitong bakang magagandang anyo at matataba, ay nilamon ng mga bakang pangit ang anyo at payat. Sa gayo'y nagising si Faraon.

At siya'y natulog at nanaginip na bilang ikalawa; at, narito may sumupling na pitong uhay na mabibintog at mabubuti, na may isa lamang tangkay.

At, narito, may pitong uhay na payat at tinutuyo ng hanging silanganan, na nagsitubong kasunod ng mga yaon.

At nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. At nagising si Faraon, at, narito, isang panaginip.

At nangyari, sa kinaumagahan, na ang kaniyang diwa ay (A)nagulumihanan at siya'y nagsugo at kaniyang ipinatawag ang lahat ng (B)mago sa Egipto, at ang (C)lahat ng pantas doon: at isinaysay ni Faraon sa kanila ang kaniyang panaginip: datapuwa't walang makapagpaliwanag kay Faraon.

Nang magkagayo'y nagsalita ang puno ng mga katiwala kay Faraon, na sinasabi, Naaalaala ko sa araw na ito ang aking mga sala:

10 (D)Nguni't si Faraon laban sa kaniyang mga alila, (E)at ibinilanggo ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga magtitinapay.

11 (F)At nanaginip kami ng panaginip sa isang gabi, ako at siya: kami ay kapuwa nanaginip ayon sa kapaliwanagan ng panaginip ng isa't isa sa amin.

12 At nandoong kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay; (G)at siya naming pinagsaysayan, at kaniyang ipinaliwanag sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin.

13 At nangyari, na kung paano ang kaniyang pagkapaliwanag sa amin, ay nagkagayon; ako'y pinabalik sa aking katungkulan, at ipinabitin ang isa.

14 (H)Nang magkagayo'y nagsugo si Faraon at ipinatawag si Jose, (I)at siya'y inilabas na madalian (J)sa bilangguan: siya'y nagahit at nagbihis ng suot, at naparoon kay Faraon.

15 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at walang makapagpaliwanag: (K)at nabalitaan kita, na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipaliwanag mo.

16 At sumagot si Jose kay Faraon, na sinasabi, (L)Wala sa akin; (M)Dios ang magbibigay ng sagot sa kapayapaan kay Faraon.

17 At sinalita ni Faraon kay Jose, Sa aking panaginip ay narito, nakatayo ako sa tabi ng ilog:

18 At, narito, may nagsiahon sa ilog na pitong bakang matatabang laman at magagandang anyo, at nanginain sa talahiban:

19 At, narito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailan ma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Egipto ng ibang kawangis ng mga yaon sa kapangitan.

20 At kinain ng mga bakang payat at pangit, ang pitong nauunang bakang matataba:

21 At nang kanilang makain, ay hindi man lamang maalaman na sila'y kanilang nakain; kundi ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. Sa gayo'y nagising ako.

22 At nakakita ako sa aking panaginip, at, narito, pitong uhay ay tumataas sa isang tangkay, mapipintog at mabubuti.

23 At, narito, may pitong uhay na lanta, mga pipi at tinutuyo ng hanging silanganan na nagsitaas na kasunod ng mga yaon:

24 At nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabubuti: (N)at aking isinaysay sa mga mago: datapuwa't walang makapagpahayag niyaon sa akin.

25 At sinabi ni Jose kay Faraon, Ang panaginip ni Faraon ay iisa; ang gagawin ng (O)Dios ay ipinahayag kay Faraon:

26 Ang pitong bakang mabubuti ay pitong taon; at ang pitong uhay na mabubuti ay pitong taon; ang panaginip ay iisa.

27 At ang pitong bakang payat at mga pangit, na nagsiahong kasunod ng mga yaon ay (P)pitong taon, at gayon din ang pitong uhay na tuyo, na pinapaspas ng hanging silanganan; kapuwa magiging pitong taong kagutom.

28 (Q)Iyan ang bagay na sinalita ko kay Faraon: ang gagawin ng Dios, ipinaalam kay Faraon.

29 (R)Narito, dumarating ang pitong taong may malaking kasaganaan sa buong lupain ng Egipto;

30 (S)At may dadating, pagkatapos ng mga iyan, na pitong taong kagutom; at malilimutan iyang buong kasaganaan sa lupain ng Egipto; (T)at pupuksain ng kagutom ang lupain;

31 At ang kasaganaan ay hindi malalaman sa lupain, dahil sa kagutom na sumusunod; sapagka't magiging napakahigpit.

32 At kaya't pinagibayo ang panaginip kay Faraon na makalawa, ay sapagka't (U)bagay na itinatag ng Dios, at papangyayarihing madali ng Dios.

33 Ngayon nga'y humanap si Faraon ng isang taong matalino at pantas, at ilagay sa lupain ng Egipto.

34 Gawing ganito ni Faraon, at maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, na paglimahing bahagi ang lupain ng Egipto sa loob ng pitong taon ng kasaganaan.

35 (V)At kanilang tipunin ang lahat ng pagkain nitong mabubuting taon na dumarating, at magkamalig ng trigo sa kapangyarihan ng kamay ni Faraon, na pinakapagkain sa mga bayan at ingatan.

36 At ang pagkain ay kamaligin na itaan sa lupain sa pitong taong kagutom na mangyayari sa lupain ng Egipto; upang huwag mapuksa ang lupain sa kagutom.

Ginawa siyang tagapamahala sa Egipto.

37 At ang bagay ay minabuti ng mga mata ni Faraon, at ng mga mata ng kaniyang mga lingkod.

38 At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga lingkod, Makakasumpong kaya tayo ng isang gaya nito, (W)na taong kinakasihan ng espiritu ng Dios?

39 At sinabi ni Faraon kay Jose, Yamang ipinabatid sa iyo ng Dios: ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo:

40 (X)Ikaw ay magpupuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay pamamahalaan mo ang aking buong bayan: sa luklukang hari lamang magiging mataas ako sa iyo.

41 At sinabi ni Faraon kay Jose, Tingnan mo, ikaw ay inilagay ko sa buong lupain ng Egipto.

42 At (Y)inalis ni Faraon sa kamay niya ang kaniyang tandang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, (Z)at siya'y sinuutan ng magandang (AA)lino at nilagyan siya ng isang kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg;

43 At siya'y pinasakay niya sa ikalawang karro na tinatangkilik ni Faraon (AB)at isinisigaw sa unahan niya. Lumuhod kayo: (AC)at inihalal siya na puno sa buong lupain ng Egipto.

44 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y si Faraon, at kung wala ka ay hindi magtataas ang sinomang tao ng kaniyang kamay o ng kaniyang paa sa buong lupain ng Egipto.

Pagaasawa ni Jose.

45 At pinanganlan ni Faraon si Jose na Zaphnath-paanea, at ibinigay na asawa sa kaniya si Asenath, na anak ni Potiphera, na saserdote sa On. At lumabas si Jose, sa lupain ng Egipto.

46 At si Jose ay may tatlong pung taon nang (AD)tumayo sa harap ni Faraon na hari sa Egipto. At si Jose ay umalis sa harap ni Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Egipto.

47 At sa pitong taong sagana ay nagdulot ang lupa ng sagana.

48 At tinipon ni Jose ang lahat na pagkain sa pitong taon na tinamo sa lupain ng Egipto: at inimbak ang nangasabing pagkain sa mga bayan; na ang pagkain sa bukid na nasa palibot ng bawa't bayan ay inimbak sa bawa't kinauukulan ding bayan.

49 At si Jose ay nagkamalig ng trigo na (AE)parang buhangin sa dagat, na napakarami hanggang sa hindi nabilang; sapagka't walang bilang.

50 (AF)At bago dumating ang taong kagutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalake, na ipinanganak sa kaniya ni Asenath na anak ni Potiphera, na saserdote sa On.

51 At tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases, sapagka't aniya'y, Ipinalimot ng Dios sa akin ang lahat ng aking kapagalan at ang buong bahay ng aking ama.

52 At ang ipinangalan sa ikalawa ay Ephraim: Sapagka't ako'y pinalago ng Dios sa lupain ng aking kadalamhatian.

53 At ang pitong taon ng kasaganaan na nagkaroon sa lupain ng Egipto ay natapos.

Ang pagkakagutom.

54 (AG)At ang pitong taon ng kagutom ay nagpasimulang dumating, (AH)ayon sa sinabi ni Jose: at nagkagutom sa lahat ng lupain; datapuwa't sa buong lupain ng Egipto ay may tinapay.

55 At nang ang buong lupain ng Egipto ay magutom, ay dumaing ng tinapay ang bayan kay Faraon: at sinabi ni Faraon sa lahat ng mga Egipcio, Pumaroon kayo kay Jose; ang kaniyang sabihin sa inyo ay inyong gawin.

56 At ang kagutom ay nasa ibabaw ng buong lupa: at binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at nagbili sa mga Egipcio; (AI)at lumala ang kagutom sa lupain ng Egipto.

57 At lahat ng mga taga ibang lupain ay nagsiparoon kay Jose upang magsibili ng trigo; sapagka't lumala ang kagutom sa buong lupa.