Add parallel Print Page Options

Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel

35 Sinabi(A) ng Diyos kay Jacob, “Tumayo ka, umahon ka sa Bethel, at doon ka manirahan. Gumawa ka roon ng isang dambana para sa Diyos na nagpakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa iyong kapatid na si Esau.”

Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan, at sa lahat niyang kasama, “Alisin ninyo ang mga banyagang diyos na nasa inyo, at maglinis kayo ng inyong sarili, at palitan ninyo ang inyong mga suot.

Tayo'y umahon sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana para sa Diyos na sumagot sa akin sa araw ng aking kabalisahan at naging kasama ko saanman ako nagtungo.”

Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng mga banyagang diyos na nasa kanilang kamay at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago iyon ni Jacob sa ilalim ng punong ensina na malapit sa Shekem.

Habang sila'y naglalakbay, ang matinding takot sa Diyos ay dumating sa mga bayang nasa palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.

Dumating si Jacob sa Luz (na siyang Bethel), na nasa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng mga taong kasama niya.

Nagtayo siya roon ng isang dambana at tinawag niya ang lugar na iyon na El-bethel; sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa kanya roon, nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid.

Namatay si Debora na yaya ni Rebecca, at inilibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng ensina, at ang pangalan nito ay tinawag niyang Allon-bacuth.[a]

Muling nagpakita ang Diyos kay Jacob nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala.

10 Sinabi(B) ng Diyos sa kanya, “Ang pangalan mo'y Jacob; hindi ka na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang magiging pangalan mo.” Kaya siya ay tinawag na Israel.

11 At(C) sinabi ng Diyos sa kanya, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan[b] sa lahat. Ikaw ay lumago at magpakarami; isang bansa at maraming mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay magmumula sa iyo.

12 Ang lupaing ibinigay ko kina Abraham at Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi pagkamatay mo.”

13 At ang Diyos ay pumailanglang mula sa tabi niya kung saan siya ay nakipag-usap sa kanya.

14 Nagtayo(D) si Jacob ng isang haliging batong bantayog kung saan ay nakipag-usap ang Diyos sa kanya. Binuhusan niya ito ng inuming handog at ng langis.

15 Kaya't tinawag ni Jacob na Bethel ang lugar kung saan nakipag-usap sa kanya ang Diyos.

Ang Kamatayan ni Raquel

16 Sila'y naglakbay mula sa Bethel. Nang sila ay may kalayuan pa mula sa Efrata, ay manganganak na si Raquel at siya'y naghihirap sa panganganak.

17 Nang siya'y naghihirap sa panganganak, sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, sapagkat magkakaroon ka ng isa pang anak na lalaki.”

18 Habang siya'y naghihingalo (sapagkat namatay siya), kanyang pinangalanan siyang Benoni;[c] subalit tinawag siyang Benjamin[d] ng kanyang ama.

19 Kaya't namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Efrata, na siyang Bethlehem.

20 Nagtayo si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng kanyang libingan na siyang haligi ng libingan ni Raquel hanggang ngayon.

21 Naglakbay pa si Israel at itinayo ang kanyang tolda sa dako pa roon ng tore ng Eder.

Ang mga Anak ni Jacob(E)

22 Samantalang(F) naninirahan si Israel sa lupaing iyon, si Ruben ay humayo at sumiping kay Bilha na asawang-lingkod ng kanyang ama at ito'y nabalitaan ni Israel. Labindalawa nga ang anak na lalaki ni Jacob.

23 Ang mga anak ni Lea: si Ruben na panganay ni Jacob, at sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at si Zebulon.

24 Ang mga anak ni Raquel: sina Jose at si Benjamin;

25 at ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel: sina Dan at Neftali;

26 at ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea: sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kanya sa Padan-aram.

Ang Kamatayan ni Isaac

27 At(G) pumunta si Jacob kay Isaac na kanyang ama sa Mamre, sa Kiryat-arba (na siyang Hebron), kung saan tumira sina Abraham at Isaac.

28 Ang mga naging araw ni Isaac ay isandaan at walumpung taon.

29 Nalagot ang hininga ni Isaac at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan, matanda na at puspos ng mga araw. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob.

Footnotes

  1. Genesis 35:8 Ang kahulugan ay Punungkahoy ng pagtangis .
  2. Genesis 35:11 Sa Hebreo ay El-Shaddai .
  3. Genesis 35:18 Sa Hebreo ay Anak sa aking kalungkutan .
  4. Genesis 35:18 Sa Hebreo ay Anak ng kanang kamay .

35 At sinabi ng Dios kay Jacob, Tumindig ka, umahon ka sa Bethel, at tumahan ka roon; at gumawa ka roon ng isang dambana sa Dios na napakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa harap ng iyong kapatid na si Esau.

Nang magkagayo'y sinabi ni Jacob sa kaniyang sangbahayan, at sa lahat niyang kasama. Ihiwalay ninyo ang mga dios ng iba na nangasa inyo, at magpakalinis kayo, at magbago kayo ng inyong mga suot:

At tayo'y magsitindig at magsisampa tayo sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana sa Dios na sumagot sa akin sa araw ng aking kahapisan, at sumaakin sa daan na aking nilakaran.

At kanilang ibinigay kay Jacob ang lahat ng ibang pinaka dios na nasa kamay nila, at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago ni Jacob sa ilalim ng punong encina na malapit sa Sichem.

At sila'y naglakbay; at ang isang malaking sindak mula sa Dios ay sumabayan na nasa mga palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.

Sa gayo'y naparoon si Jacob sa Luz, na nasa lupain ng Canaan (na siyang Bethel), siya at ang buong bayang kasama niya.

At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya ang dakong yaon na El-beth-el; sapagka't ang Dios ay napakita sa kaniya roon, nang siya'y tumatakas sa harap ng kaniyang kapatid.

At namatay si Debora na yaya ni Rebeca, at nalibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng encina, na ang pangalan ay tinawag na Allon-bacuth.

At ang Dios ay napakita uli kay Jacob, nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala.

10 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ang pangalan mo'y Jacob; ang pangalan mo'y hindi na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang itatawag sa iyo: at tinawag ang kaniyang pangalan na Israel.

11 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat; ikaw ay lumago at dumami ka; isang bansa at isang kapisanan ng mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay lalabas sa iyong balakang;

12 At ang lupaing ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac, ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong lahi pagkamatay mo ay ibibigay ko ang lupain.

13 At ang Dios ay napailanglang mula sa tabi niya sa dakong pinakipagusapan sa kaniya.

14 At si Jacob ay nagtayo ng isang batong pinakaalaala sa dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios, haliging bato: at binuhusan niya ng isang inuming handog at binuhusan niya ng langis.

15 At tinawag ni Jacob na Bethel ang dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios.

16 At sila'y naglakbay mula sa Bethel; at may kalayuan pa upang dumating sa Ephrata: at nagdamdam si Raquel, at siya'y naghihirap sa panganganak.

17 At nangyari, nang siya'y naghihirap sa panganganak, na sinabi sa kaniya ng hilot, Huwag kang matakot, sapagka't magkakaroon ka ng isa pang anak na lalake.

18 At nangyari, nang nalalagot ang kaniyang hininga (sapagka't namatay siya), ay kaniyang pinanganlang Benoni: datapuwa't pinanganlan ng kaniyang ama na Benjamin.

19 At namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Ephrata (na siyang Bethlehem).

20 At nagtayo si Jacob ng isang batong pinakaalaala sa ibabaw ng kaniyang libingan: na siyang batong pinakaalaala ng libingan ni Raquel hanggang ngayon.

21 At naglakbay si Israel at iniladlad ang kaniyang tolda sa dako pa roon ng moog ng Eder.

22 At nangyari, samantalang tumatahan si Israel sa lupaing yaon, na si Ruben ay yumaon at sumiping kay Bilha, na babae ng kaniyang ama; at ito'y nabalitaan ni Israel. Labing dalawa nga ang anak na lalake ni Jacob.

23 Ang mga anak ni Lea, ay: si Ruben, na panganay ni Jacob, at si Simeon, at si Levi, at si Juda at si Issachar, at si Zabulon.

24 Ang mga anak ni Raquel, ay: si Jose at si Benjamin:

25 At ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel, ay: si Dan at si Nephtali:

26 At ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea, ay: si Gad at si Aser: ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kaniya sa Padan-aram.

27 At naparoon si Jacob kay Isaac na kaniyang ama, sa Mamre, sa Kiriat-arba (na siyang Hebron), na doon tumahan si Abraham at si Isaac.

28 At ang mga naging araw ni Isaac ay isang daan at walong pung taon.

29 At nalagot ang hininga ni Isaac at namatay, at siya'y nalakip sa kaniyang bayan, matanda at puspos ng mga araw: at inilibing siya ng kaniyang mga anak na si Esau at si Jacob.