Genesis 33-35
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagkikita ni Esau at ni Jacob
33 Nang tumanaw si Jacob, nakita niya si Esau na paparating kasama ang 400 lalaki. Kaya pinasama niya ang mga anak niya sa kani-kanilang ina. 2 At pag-alis nila, pinauna niya ang dalawang aliping babae at ang mga anak nila, sumunod si Lea at ang mga anak niya, at si Raquel at ang anak niyang si Jose. 3 Si Jacob ay nasa unahan nilang lahat at halos ilang beses[a] siyang yumukod habang papalapit siya sa kanyang kapatid.
4 Pero tumakbo si Esau para salubungin siya. Niyakap siya ni Esau at hinagkan, at umiyak silang dalawa. 5 Nang makita ni Esau ang mga babae at ang mga bata, tinanong niya si Jacob, “Sino ang mga kasama mong iyan?”
Sumagot si Jacob, “Sila ang aking mga anak na ibinigay sa akin ng Dios dahil sa kanyang awa.”
6 Lumapit agad kay Esau ang dalawang alipin na babae at ang mga anak nila, at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. 7 Sumunod din si Lea at ang mga anak niya at yumukod. Ang huling lumapit at yumukod ay si Jose at ang ina niyang si Raquel.
8 Nagtanong pa si Esau kay Jacob, “Ano ba ang ibig sabihin ng mga grupo ng hayop na nasalubong ko?”
Sinabi ni Jacob, “Regalo ko iyon sa iyo para tanggapin mo ako.”
9 Pero sumagot si Esau, “Marami na ang ari-arian ko, kaya sa iyo na lang iyon.”
10 Pero nagpumilit si Jacob, “Sige na, tanggapin mo na iyon. Kung totoong pinatawad mo na ako, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Sapagkat nang makita ko ang mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang mukha ng Dios. 11 Tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo dahil napakabuti ng Dios sa akin at hindi ako nagkulang sa mga pangangailangan ko.” Pinilit ni Jacob si Esau hanggang tanggapin na ni Esau ang mga regalo niya.
12 Pagkatapos, sinabi ni Esau, “Halika na, sabay na tayong umalis.”
13 Pero sumagot si Jacob, “Alam mong mabagal maglakad ang mga bata, at kailangan kong alagaan nang mabuti ang mga hayop na nagpapasuso. Kung pipilitin natin ang mga hayop na maglakad sa buong araw, baka mamatay sila. 14 Ang mabuti pa, mauna ka na lang sa amin. Susunod kami sa iyo ayon sa bilis ng mga bata at ng mga hayop na kasabay namin. Doon na lang tayo magkita sa Seir.”
15 Sinabi ni Esau, “Kung ganoon, ipapaiwan ko na lang ang iba kong mga tauhan sa iyo.”
Sumagot si Jacob, “Hindi na kailangan. Ang mahalaga pinatawad mo na ako.”
16 Kaya bumalik na lang si Esau sa Seir nang mismong araw na iyon. 17 Pero sina Jacob ay pumunta sa Sucot. Pagdating nila roon, gumawa si Jacob ng tirahan at ginawaan din niya ng silungan ang mga hayop niya. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Sucot.[b]
18 Hindi nagtagal, nakarating din sila sa Canaan mula sa Padan Aram[c] na walang masamang nangyari sa kanila. Nakarating sila sa lungsod na pagmamay-ari ni Shekem. Nagpatayo sila ng mga tolda nila malapit sa lungsod. 19 Ang lupaing pinagtayuan nila ng mga tolda ay binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor sa halagang 100 pirasong pilak. Si Hamor ay ama ni Shekem. 20 Gumawa si Jacob ng altar na pinangalanan niyang El Elohe Israel.[d]
Pinagsamantalahan si Dina
34 Isang araw, umalis si Dina na anak na dalaga nina Jacob at Lea. Binisita niya ang mga dalagang taga-Canaan. 2 Nakita siya ni Shekem na anak ni Hamor na Hiveo, na pinuno sa lugar na iyon. Sinunggaban niya si Dina at pinagsamantalahan. 3 Pero nahulog ang loob niya kay Dina at nagustuhan niya ito, kaya sinuyo niya ang dalaga. 4 Sinabi ni Shekem sa ama niyang si Hamor, “Ama, gawan nʼyo po ng paraan para mapangasawa ko ang dalagang ito.”
5 Nang malaman ni Jacob na dinungisan ni Shekem ang pagkababae ni Dina, hindi muna siya kumibo dahil naroon pa sa bukid ang mga anak niyang lalaki na nagbabantay ng kanyang mga hayop. 6 Pumunta ang ama ni Shekem na si Hamor kay Jacob para makipag-usap.
7 Nang mabalitaan ng mga anak ni Jacob ang nangyari, umuwi sila agad mula sa bukid. Sumama ang loob nila at labis na nagalit kay Shekem dahil sa ginawa niyang hindi nararapat, na nagdala ng kahihiyan sa pamilya ni Jacob.[e]
8 Pero sinabi ni Hamor sa kanila, “Nabighani ang anak kong si Shekem sa dalaga ninyo, kaya nakikiusap akong payagan ninyong mapangasawa siya ng anak ko. 9 At maganda rin na hayaan nating mapangasawa ng mga dalaga ninyo ang mga binata namin at mapangasawa rin ng mga dalaga namin ang mga binata ninyo. 10 Maaari kayong manirahang kasama namin kahit saang lugar ninyo gustuhin. Maaari rin kayong magnegosyo kahit saan at magmay-ari ng lupain dito.”
11 Nakiusap din si Shekem sa ama at sa mga kapatid ni Dina, “Kung maaari po ay mapangasawa ko si Dina na kapatid ninyo. Ibibigay ko po ang kahit anong hilingin ninyo. 12 Kayo po ang bahala kung magkano ang hihilingin ninyo at kung ano ang ireregalo ko para mapangasawa ko ang kapatid ninyo. Babayaran ko po kayo kahit magkano ang hilingin ninyo bastaʼt mapangasawa ko lang po si Dina.”
13 Pero dahil sa dinungisan ni Shekem ang pagkababae ni Dina, niloko ng mga anak ni Jacob si Shekem at ang ama nitong si Hamor. 14 Sinabi nila, “Hindi kami papayag na makapag-asawa si Dina ng isang taong hindi tuli, dahil nakakahiya iyan para sa amin. 15 Papayag lang kami kung ang lahat ng lalaki na taga-rito ay magpapatuli rin kagaya namin. 16 Kung magpapatuli kayo, maaari ninyong mapangasawa ang mga dalaga namin at maaari rin kaming makapag-asawa sa mga dalaga ninyo. At maninirahan kami kasama ninyo para maging isang bayan na lang tayo. 17 Pero kung hindi kayo papayag, kukunin namin si Dina at aalis kami rito.”
18 Nakita nina Hamor at Shekem na mukhang maganda rin ang mungkahing ibinigay ng mga anak ni Jacob. 19 Kaya dahil sa malaking pagmamahal ni Shekem kay Dina, hindi na siya nag-aksaya ng panahon para sundin ang mga sinabi ng mga anak ni Jacob. Si Shekem ang lubos na iginagalang sa sambahayan ng kanyang ama. 20 Pumunta agad sila sa kanyang ama sa pintuan ng lungsod at nagsalita sa mga lalaki sa kanilang lungsod. 21 Sinabi nila, “Palakaibigan ang mga taong ito. Kaya rito na lang natin sila patirahin, at payagan na makapagnegosyo sila kahit saan. Malaki naman ang lupain natin. Maaari tayong makipag-asawa sa mga dalaga nila at makikipag-asawa rin sila sa mga dalaga natin. 22 Pero papayag lang sila na manirahan dito kasama natin bilang isang bayan kung papayag ang lahat ng kalalakihan natin na magpatuli kagaya nila. 23 Kung dito sila titira, magiging atin din ang lahat ng hayop at ari-arian nila. Kaya pumayag na lang tayo sa mungkahi nila para manirahan sila rito na kasama natin.”
24 Pumayag ang lahat ng kalalakihan ng lungsod sa sinabi ni Hamor at ng anak niyang si Shekem. Kaya nagpatuli ang lahat ng kalalakihan nila.
25 Pagkalipas ng tatlong araw, habang mahapdi pa ang sugat ng mga lalaki, pumasok sa lungsod ang dalawang anak ni Jacob na sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina. Hindi alam ng mga tao roon na masama pala ang pakay nila. May dala silang mga espada at pinagpapatay nila ang lahat ng lalaki. 26 Pinatay din nila si Hamor at ang anak niyang si Shekem. Kinuha rin nila si Dina sa bahay ni Shekem, at umalis. 27 Pagkatapos, pinasok din ng iba pang anak ni Jacob ang lungsod at kinuha ang mga ari-arian dito. Ginawa nila ito dahil dinungisan ang pagkababae ng kapatid nilang si Dina. 28 Kinuha nila ang mga tupa, baka, asno at ang lahat ng ari-arian doon sa lungsod at bukirin. 29 Sinamsam nila ang lahat ng kayamanan ng lungsod, pati ang mga ari-arian sa loob ng mga bahay. At binihag nila ang lahat ng babae at bata.
30 Ngayon, sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng malaking problema. Magkikimkim ng galit sa atin ang mga Cananeo at mga Perezeo sa lupaing ito. Mamamatay tayong lahat kung magkakaisa silang lusubin tayo dahil kaunti lang tayo.”
31 Pero sumagot ang dalawa, “Pababayaan lang ba namin na tratuhin ang kapatid namin na parang isang babaeng bayaran?”
Binasbasan ng Dios si Jacob sa Betel
35 Ngayon, sinabi ng Dios kay Jacob, “Maghanda ka, pumunta ka sa Betel at doon manirahan. Gumawa ka roon ng altar para sa akin, ang Dios na nagpakita sa iyo nang tumakas ka sa kapatid mong si Esau.”
2 Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyo ang mga dios-diosan ninyo. Maging malinis kayo at magbihis ng damit bilang simbolo ng bago at malinis na buhay. 3 Pagkatapos, pupunta tayo sa Betel, at gagawa ako roon ng altar para sumamba sa Dios na tumulong sa akin noong nasa kahirapan ako, at aking kasama kahit saan ako pumaroon.” 4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang mga dios-diosan nila pati na ang mga hikaw nila na ginagamit bilang anting-anting. Ibinaon ni Jacob ang lahat ng ito sa ilalim ng punongkahoy na terebinto malapit sa Shekem. 5 Nang umalis na sina Jacob, pinagharian ng takot mula sa Dios ang mga tao sa palibot ng mga bayan, kaya hindi sila lumusob at hindi nila hinabol sila Jacob.
6 Nakarating sila Jacob at ang mga kasama niya sa Luz (na tinatawag ding Betel) doon sa Canaan. 7 Gumawa siya roon ng altar. Tinawag niya ang lugar na iyon na El Betel[f] dahil nagpakita sa kanya roon ang Dios nang tumakas siya sa kanyang kapatid na si Esau.
8 Namatay si Debora na tagapag-alaga ni Rebeka. Kaya inilibing siya sa ilalim ng punongkahoy na terebinto na nasa paanan ng Betel. Tinawag iyon na punongkahoy na Allon Bacut.[g]
9 Nang umuwi si Jacob mula sa Padan Aram,[h] muling nagpakita ang Dios sa kanya at binasbasan siya. 10 Sinabi ng Dios sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, pero mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob.
11 Sinabi pa ng Dios sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Dios. Magkakaroon ka ng maraming anak. Magiging ama ka ng isang bansa at ng marami pang bansa, at magiging hari ang iba mong mga lahi. 12 Ang lupain na ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo at sa mga lahi mo.” 13-14 Pagkatapos, umalis ang Dios sa lugar na iyon kung saan nakipag-usap siya kay Jacob, at nagtayo roon si Jacob ng batong alaala. Binuhusan niya agad ng alak at langis ang bato para maging banal. 15 Pinangalanan niya ang lugar na iyon na Betel.[i]
Ang Pagkamatay ni Raquel
16 Umalis si Jacob at ang sambahayan niya sa Betel. Manganganak na noon si Raquel. Malayo pa sila sa bayan ng Efrata, sumakit na ang tiyan ni Raquel. 17 Nang matindi na ang sakit, sinabi ng manghihilot sa kanya, “Huwag kang matakot Raquel, lalaki na naman ang anak mo.” 18 Isinilang ang sanggol pero nasa bingit ng kamatayan si Raquel. Bago siya malagutan ng hininga, pinangalanan niya ang sanggol na Ben Oni.[j] Pero pinangalanan ni Jacob ang sanggol na Benjamin.[k]
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daan na papunta sa Efrata (na tinatawag ngayong Betlehem). 20 Nilagyan ni Jacob ng bato ang libingan ni Raquel bilang palatandaan, at hanggang ngayon naroon pa rin ang palatandaang ito.
21 Nagpatuloy sina Jacob[l] sa kanilang paglalakbay. Pagdating nila sa kabilang panig ng Migdal Eder,[m] nagtayo sila roon ng mga tolda nila. 22 Habang nakatira roon sila Jacob,[n] sumiping si Reuben kay Bilha na isa sa mga asawa ng kanyang ama. Nang malaman iyon ni Jacob, galit na galit siya.[o]
Ang mga Anak na Lalaki ni Jacob(A)
May 12 Anak na lalaki si Jacob.
23 Ang mga anak niya kay Lea ay sina Reuben na panganay, pagkatapos ay sina Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun.
24 Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin.
25 Ang mga anak niya kay Bilha na alipin ni Raquel ay sina Dan at Naftali.
26 Ang mga anak niya kay Zilpa na alipin ni Lea ay sina Gad at Asher.
Silang lahat ang anak na lalaki ni Jacob na isinilang sa Padan Aram.
Ang Pagkamatay ni Isaac
27 Pumunta si Jacob sa ama niyang si Isaac sa Mamre, malapit sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron). Ito ang lugar na tinitirhan ni Isaac na siya ring tinitirhan noon ni Abraham. 28 Nabuhay si Isaac ng 180 taon. 29 Namatay siya sa katandaan na kontento sa kanyang buhay, at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. Inilibing siya ng mga anak niyang sina Esau at Jacob.
Footnotes
- 33:3 ilang beses: sa literal, pitong beses.
- 33:17 Sucot: Ang ibig sabihin, silungan.
- 33:18 Padan Aram: Tingnan ang 28:2.
- 33:20 El Elohe Israel: Ang ibig sabihin, Makapangyarihang Dios ng Israel.
- 34:7 pamilya ni Jacob: sa literal, mga Israelita.
- 35:7 El Betel: Ang ibig sabihin, Dios ng Betel.
- 35:8 Allon Bacut: Ang ibig sabihin, terebinto na iniyakan.
- 35:9 Padan Aram: Isang lugar sa Mesopotamia.
- 35:15 Betel: Ang ibig sabihin, tirahan ng Dios.
- 35:18 Ben Oni: Ang ibig sabihin, ang anak na isinilang sa hirap.
- 35:18 Benjamin: Ang ibig sabihin, mapalad na anak.
- 35:21 Jacob: sa tekstong Hebreo, Israel. Ganito rin sa 35:22a.
- 35:21 Migdal Eder: Ang ibig sabihin, bantayan ng mga tupa.
- 35:22 Jacob: Tingnan ang “footnote” sa talatang 21a.
- 35:22 galit na galit siya: Makikita ito sa tekstong Griego.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®