Genesis 32
Ang Biblia, 2001
Naghanda si Jacob upang Salubungin si Esau
32 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos.
2 Nang makita sila ni Jacob ay sinabi niya sa kanila, “Ito'y kampo ng Diyos!” Kaya't tinawag niya ang pangalan ng lugar na iyon na Mahanaim.[a]
3 Si Jacob ay nagpasugo kay Esau na kanyang kapatid sa lupain ng Seir, sa bayan ng Edom.
4 Sila'y kanyang inutusan na sinasabi, “Ganito ang inyong sasabihin kay Esau na aking panginoon. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, ‘Ako'y tumigil ng ilang panahon kay Laban at namalagi roon hanggang ngayon.
5 Mayroon akong mga baka, mga asno, mga kawan, at mga aliping lalaki at babae; at ako'y nagpasugo sa aking panginoon, upang ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin.’”
6 Ang mga sugo ay bumalik kay Jacob, na nagsasabi, “Nakarating kami sa iyong kapatid na si Esau, at siya ay darating din upang sumalubong sa iyo, at kasama niya ang apatnaraang tao.”
7 Kaya't natakot nang husto at nabahala si Jacob; at kanyang hinati sa dalawa ang mga taong kasama niya, ang mga kawan, ang mga bakahan, at ang mga kamelyo.
8 At kanyang sinabi, “Kung dumating si Esau sa isang pulutong at kanyang puksain ito, ang pulutong na natitira ay tatakas.”
9 Sinabi ni Jacob, “O Diyos ng aking amang si Abraham, at Diyos ng aking amang si Isaac, O Panginoon, na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anak at gagawa ako ng mabuti sa iyo.’
10 Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng kaawaan, at lahat ng katotohanan na iyong ginawa sa iyong lingkod sapagkat dumaan ako sa Jordang ito na dala ang aking tungkod, at ngayo'y naging dalawang pulutong ako.
11 Hinihiling ko sa iyo na iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Ako'y natatakot sa kanya, baka siya'y dumating at kaming lahat ay pagpapatayin niya, ang mga ina pati ang mga anak.
12 Hindi(A) ba't ikaw ang nagsabi, ‘Gagawa ako ng mabuti sa iyo at ang iyong binhi ay gagawin kong parang buhangin sa dagat na hindi mabibilang dahil sa karamihan.’”
13 Siya'y namalagi roon nang gabing iyon, at kumuha siya ng panregalo mula sa kanya para sa kanyang kapatid na si Esau;
14 dalawang daang kambing na babae, dalawampung lalaking kambing, dalawang daang tupang babae, at dalawampung tupang lalaki,
15 tatlumpung kamelyong inahin, kasama ng kanilang mga anak, apatnapung baka, at sampung toro, dalawampung babaing asno at sampung lalaking asno.
16 Ang mga ito ay ibinigay niya sa kanyang mga alipin, ang bawat kawan ay nakabukod at sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Lumampas kayo sa aking unahan at lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.”
17 Iniutos niya sa una, “Kapag ikaw ay natagpuan ni Esau na aking kapatid, at tanungin ka, ‘Kanino ka? Saan ka pupunta? At kanino itong nasa unahan mo?’
18 Kung magkagayo'y sasabihin mo, ‘Sa iyong lingkod na si Jacob. Ito ay isang regalo na padala para sa aking panginoong si Esau; at bukod dito, siya'y nasa hulihan namin.’”
19 Gayundin, iniutos niya sa ikalawa, sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, “Sasabihin ninyo ang gayunding bagay kay Esau, kapag nakasalubong ninyo siya,
20 at sasabihin ninyo, ‘Bukod dito, ang iyong lingkod na si Jacob ay nasa hulihan namin.’” Sapagkat kanyang iniisip, “Baka mapaglubag ko ang kanyang galit sa pamamagitan ng regalo na ipinauna ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kanyang mukha, marahil ay tatanggapin niya ako.”
21 Kaya't ang regalo ay ipinadala na nauna sa kanya; at siya'y nanatili sa kampo nang gabing iyon.
Nakipagbuno si Jacob sa Peniel
22 Nang gabing iyon, siya'y bumangon at isinama niya ang kanyang dalawang asawa, ang kanyang dalawang aliping babae, at ang kanyang labing-isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.
23 Sila'y kanyang isinama at itinawid sa batis, at kanya ring itinawid ang lahat ng kanyang ari-arian.
24 Naiwang(B) nag-iisa si Jacob at nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa magbukang-liwayway.
25 Nang makita ng lalaki na hindi siya manalo laban kay Jacob,[b] hinawakan niya ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, at ang kasu-kasuan ni Jacob ay nalinsad samantalang nakikipagbuno sa kanya.
26 Sinabi niya, “Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.” At sinabi ni Jacob,[c] “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo.”
27 Sinabi ng lalaki kay Jacob, “Ano ang pangalan mo?” At kanyang sinabi, “Jacob.”
28 Sinabi(C) niya, “Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
29 Siya'y(D) tinanong ni Jacob, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” At kanyang sinabi, “Bakit itinatanong mo ang aking pangalan?” At siya'y binasbasan doon.
30 Tinawag ni Jacob ang pangalan ng lugar na iyon na Peniel na sinasabi, “Sapagkat nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.”
31 Sinikatan siya ng araw nang siya'y dumaraan sa Penuel; at siya'y papilay-pilay dahil sa kanyang hita.
32 Dahil dito, hanggang ngayon ay hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasu-kasuan ng hita, sapagkat dito hinampas ng taong nakipagbuno ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng balakang.
Footnotes
- Genesis 32:2 Ibig sabihin ay Dalawang kampo .
- Genesis 32:25 Sa Hebreo ay sa kanya .
- Genesis 32:26 Sa Hebreo ay niya .