Genesis 28
Ang Biblia, 2001
Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban
28 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, pinagbilinan, at sinabi sa kanya, “Huwag kang mag-aasawa sa mga anak ng Canaan.
2 Tumindig ka at pumunta sa Padan-aram, sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina. Mag-asawa ka roon mula sa mga anak ni Laban na kapatid na lalaki ng iyong ina.
3 At nawa'y pagpalain ka ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay pasaganain at paramihin, upang ikaw ay maging isang malaking bansa.
4 Nawa'y(A) ibigay niya sa iyo ang pagpapala ni Abraham, sa iyo at sa lahat ng iyong binhi; upang ariin mo ang lupaing iyong pinaglakbayan na ibinigay ng Diyos kay Abraham.”
5 At pinahayo ni Isaac si Jacob at pumunta siya sa Padan-aram, kay Laban na anak ni Betuel na Arameo, na kapatid ni Rebecca, na ina nina Jacob at Esau.
Muling Nag-asawa si Esau
6 Nakita ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya'y pinapunta sa Padan-aram upang doon mag-asawa; at nang siya'y basbasan ay ipinagbilin sa kanya, “Huwag kang mag-aasawa sa mga anak na babae ng Canaan,”
7 at sinunod ni Jacob ang kanyang ama at ina at pumunta sa Padan-aram.
8 Kaya't nang makita ni Esau na hindi nakakalugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kanyang ama;
9 pumunta si Esau kay Ismael at kinuhang asawa si Mahalat na kapatid na babae ni Nebayot at anak ni Ismael na anak ni Abraham, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya.
Ang Panaginip ni Jacob sa Bethel
10 Umalis si Jacob sa Beer-seba at pumunta sa Haran.
11 Dumating siya sa isang lugar at nagpalipas ng magdamag doon sapagkat lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isa sa mga bato sa lugar na iyon at inilagay sa kanyang ulunan, at nahiga roon upang matulog.
12 Siya(B) ay nanaginip na may isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon.
13 At(C) ang Panginoon ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi.
14 Ang(D) iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at ikaw ay kakalat sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog at ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan mo at ng iyong binhi.
15 Alamin mo na ako'y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito sapagkat hindi kita iiwan hanggang hindi ko nagagawa ang ipinangako ko sa iyo.”
16 Nagising si Jacob sa kanyang panaginip at sinabi, “Tunay na ang Panginoon ay nasa lugar na ito at hindi ko iyon nalalaman.”
17 Siya'y natakot, at kanyang sinabi, “Kakilakilabot ang lugar na ito! Ito'y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit.”
18 Kinaumagahan, si Jacob ay maagang bumangon at kinuha ang batong kanyang inilagay sa ulunan niya, at kanyang itinayo bilang bantayog at kanyang binuhusan ng langis.
19 Ang ipinangalan niya sa lugar na iyon ay Bethel,[a] subalit ang dating pangalan ng lunsod ay Luz.
20 Si Jacob ay nagpanata na sinasabi, “Kung makakasama ko ang Diyos at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan niya ng tinapay na makakain, at damit na maisuot,
21 at ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, kung gayon ang Panginoon ang magiging aking Diyos.
22 Ang batong ito na aking itinayo bilang bantayog ay magiging bahay ng Diyos; at sa lahat ng ibibigay mo sa akin ay ibibigay ko ang ikasampung bahagi sa iyo.”
Footnotes
- Genesis 28:19 Ang kahulugan ay Bahay ng Diyos .
Genesis 28
Ang Dating Biblia (1905)
28 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, at siya'y pinagbilinan, na sinabi sa kaniya, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan.
2 Tumindig ka, pumaroon ka sa Padan-aram, sa bahay ni Bethuel, na ama ng iyong ina, at magasawa ka roon sa mga anak ni Laban, na kapatid na lalake ng iyong ina.
3 At ikaw ay pagpalain nawa ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay palaguin, at ikaw ay paramihin, upang ikaw ay maging kapisanan ng mga bayan;
4 At ibigay nawa sa iyo ang pagpapala kay Abraham, sa iyo, at sangpu sa iyong binhi; upang iyong ariin ang lupaing iyong pinaglakbayan, na ibinigay ng Dios kay Abraham.
5 At pinapagpaalam ni Isaac si Jacob: at naparoon siya sa Padan-aram kay Laban, anak ni Bethuel na taga Siria, na kapatid ni Rebeca, na ina ni Jacob at ni Esau.
6 Nakita nga ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya'y pinaparoon sa Padan-aram, upang doon magasawa; at nang siya'y basbasan ay ipinagbilin sa kaniya, na sinasabi, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan.
7 At sumunod si Jacob sa kaniyang ama at sa kaniyang ina, at naparoon sa Padan-aram;
8 At nakita ni Esau na hindi nakalulugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kaniyang ama;
9 At naparoon si Esau kay Ismael, at nagasawa kay Mahaleth, anak ni Ismael, na anak ni Abraham, na kapatid na babae ni Nabaioth, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya.
10 At umalis si Jacob sa Beerseba at napasa dakong Haran.
11 At dumating sa isang dako, at nagparaan ng buong gabi roon, sapagka't lumubog na ang araw; at kumuha ng isa sa mga bato sa dakong yaon, at inilagay sa kaniyang ulunan, at nahiga sa dakong yaon upang matulog.
12 At nanaginip, at narito, ang isang hagdan, na ang puno ay nasa lupa, at ang dulo ay umaabot sa langit; at narito, ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik manaog doon.
13 At, narito, ang Panginoon ay nasa kataastaasan niyaon, at nagsabi, Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham na iyong ama, at ang Dios ni Isaac: ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi;
14 At ang iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at kakalat ka sa kalunuran, at sa silanganan, at sa hilagaan, at sa timugan at sa iyo at sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.
15 At, narito't ako'y sumasa iyo, at iingatan kita saan ka man pumaroon, at pababalikin kita sa lupaing ito sapagka't hindi kita iiwan hanggang hindi ko magawa ang sinalita ko sa iyo.
16 At nagising si Jacob sa kaniyang panaginip, at nagsabi, Tunay na ang Panginoon ay nasa dakong ito, at hindi ko nalalaman.
17 At siya'y natakot, at kaniyang sinabi, Kakilakilabot na dako ito! ito'y hindi iba kundi bahay ng Dios, at ito ang pintuan ng langit.
18 At si Jacob ay bumangong maaga ng kinaumagahan, at kinuha ang batong kaniyang inilagay sa ulunan niya, at kaniyang itinayo na pinakaalaala, at kaniyang binuhusan ng langis sa ibabaw.
19 At ang ipinangalan niya sa dakong yaon ay Betel: datapuwa't ang pangalan ng bayan nang una ay Luz.
20 At si Jacob ay nagpanata, na sinasabi, Kung sasaakin ang Dios, at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan ng tinapay na makakain, at damit na maisusuot,
21 Na ano pa't ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, ay ang Panginoon nga ang magiging aking Dios,
22 At ang batong ito na aking itinayo na pinakaalaala ay magiging bahay ng Dios; at sa lahat ng ibigay mo sa akin ay walang pagsalang ang ikasangpung bahagi ay ibibigay ko sa iyo.
Genesis 28
Ang Biblia (1978)
28 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, at siya'y pinagbilinan, na sinabi sa kaniya, (A)Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan.
2 (B)Tumindig ka, (C)pumaroon ka sa Padan-aram, sa bahay ni (D)Bethuel, na ama ng iyong ina, at magasawa ka roon sa mga anak ni Laban, na kapatid na lalake ng iyong ina.
3 (E)At ikaw ay pagpalain nawa ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay palaguin, at ikaw ay paramihin, upang ikaw ay maging kapisanan ng mga bayan;
4 (F)At ibigay nawa sa iyo ang pagpapala kay Abraham, sa iyo, at sangpu sa iyong binhi; upang iyong ariin ang (G)lupaing iyong pinaglakbayan, na ibinigay ng Dios kay Abraham.
5 At pinapagpaalam ni Isaac si Jacob: at naparoon siya sa Padan-aram kay Laban, anak ni Bethuel na taga Siria, na kapatid ni Rebeca, na ina ni Jacob at ni Esau.
6 Nakita nga ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya'y pinaparoon sa Padan-aram, upang doon magasawa; at nang siya'y basbasan ay ipinagbilin sa kaniya, na sinasabi, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan.
7 At sumunod si Jacob sa kaniyang ama at sa kaniyang ina, at naparoon sa Padan-aram;
8 (H)At nakita ni Esau na hindi nakalulugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kaniyang ama;
9 At naparoon si Esau kay Ismael, at nagasawa kay Mahaleth, anak ni Ismael, na anak ni Abraham, na (I)kapatid na babae ni Nabaioth, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya.
Ang panaginip ni Jacob sa Betel.
10 At umalis si Jacob sa (J)Beer-seba at napasa dakong Haran.
11 At dumating sa isang dako, at nagparaan ng buong gabi roon, sapagka't lumubog na ang araw; at kumuha ng isa sa mga bato sa dakong yaon, at inilagay sa kaniyang ulunan, at nahiga sa dakong yaon upang matulog.
12 (K)At nanaginip, at narito, ang isang hagdan, na ang puno ay nasa lupa, at ang dulo ay umaabot sa langit; (L)at narito, ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik manaog doon.
13 (M)At, narito, ang Panginoon ay nasa kataastaasan niyaon, at nagsabi, (N)Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham na iyong ama, at ang Dios ni Isaac: (O)ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi;
14 (P)At ang iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at kakalat ka sa kalunuran, at sa silanganan, at sa hilagaan, at sa timugan (Q)at sa iyo at sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.
15 At, narito't (R)ako'y sumasa iyo, at iingatan kita saan ka man pumaroon, (S)at pababalikin kita sa lupaing ito (T)sapagka't hindi kita iiwan hanggang hindi ko magawa ang sinalita ko sa iyo.
16 At nagising si Jacob sa kaniyang panaginip, at nagsabi, (U)Tunay na ang Panginoon ay nasa dakong ito, at hindi ko nalalaman.
17 At siya'y natakot, at kaniyang sinabi, Kakilakilabot na dako ito! ito'y hindi iba kundi bahay ng Dios, at ito ang pintuan ng langit.
18 At si Jacob ay bumangong maaga ng kinaumagahan, at kinuha ang batong kaniyang inilagay sa ulunan niya, (V)at kaniyang itinayo na pinakaalaala, (W)at kaniyang binuhusan ng langis sa ibabaw.
19 (X)At ang ipinangalan niya sa dakong yaon ay Betel: datapuwa't ang pangalan ng bayan nang una ay Luz.
Ang pangako ni Jacob.
20 (Y)At si Jacob ay nagpanata, na sinasabi, Kung sasaakin ang Dios, at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan ng tinapay na makakain, at damit na maisusuot,
21 Na ano pa't ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, ay ang (Z)Panginoon nga ang magiging aking Dios,
22 At ang batong ito na aking itinayo na pinakaalaala ay magiging (AA)bahay ng Dios; (AB)at sa lahat ng ibigay mo sa akin ay walang pagsalang ang ikasangpung bahagi ay ibibigay ko sa iyo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
