Genesis 21
Ang Biblia, 2001
Ipinanganak si Isaac
21 Dinalaw ng Panginoon si Sara ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kanyang pangako.
2 Si(A) Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalaki kay Abraham sa kanyang katandaan, sa takdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya.
3 Tinawag ni Abraham na Isaac ang anak na ipinanganak sa kanya ni Sara.
4 At(B) tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac pagkaraan ng walong araw gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya.
5 Si Abraham ay isandaang taong gulang nang ipanganak si Isaac na kanyang anak.
6 Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Diyos, sinumang makarinig ay makikitawa sa akin.”
7 At sinabi niya, “Sino ang magsasabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng mga anak? Ngunit ako'y nagkaanak pa sa kanya ng isang lalaki sa kanyang katandaan.”
Pinalayas sina Hagar at Ismael
8 Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac.
9 Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac.
10 Kaya't(C) sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac.”
11 Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak.
12 Sinabi(D) ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi.
13 Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi.”
14 Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba.
15 Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno.
16 At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, “Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata.” At pag-upo niya sa tapat ng bata,[a] siya'y nagsisigaw at umiiyak.
17 Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, “Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan.
18 Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa.”
19 Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata.
20 Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana.
21 Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto.
Ang Pagtatalo nina Abraham at Abimelec
22 Nang(E) panahong iyon, si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, “Sumasaiyo ang Diyos sa lahat mong ginagawa.
23 Ngayon nga'y isumpa mo rito sa akin alang-alang sa Diyos, na di ka magsisinungaling sa akin, sa aking anak, at sa aking tagapagmana. Ayon sa kagandahang-loob na ipinakita ko sa iyo ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong tinitirhan.”
24 At sinabi ni Abraham, “Sumusumpa ako.”
25 Nang sumbatan ni Abraham si Abimelec dahil sa isang balon ng tubig na sinamsam sa kanya ng mga tauhan ni Abimelec,
26 ay sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sinong gumawa ng bagay na ito. Hindi mo naman sinabi sa akin, at hindi ko naman nabalitaan kundi ngayon.”
27 Kaya't kumuha si Abraham ng mga tupa at baka at ibinigay kay Abimelec; at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan.
28 Nagbukod si Abraham ng pitong babaing kordero sa kawan.
29 At sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Ano itong pitong babaing kordero na iyong ibinukod?”
30 Sinabi niya, “Itong pitong babaing kordero ay iyong kukunin sa akin upang ikaw ay maging saksi ko na hinukay ko ang balong ito.”
31 Kaya't tinawag niya ang lugar na iyon bilang Beer-seba; sapagkat doon sila kapwa sumumpa.
32 Pagkatapos nilang gumawa ng isang tipan sa Beer-seba, tumindig si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo at bumalik sa lupain ng mga Filisteo.
33 Nagtanim si Abraham ng isang punungkahoy ng tamarisko sa Beer-seba, at doon ay tinawag niya ang pangalan ng Panginoon, ang Walang Hanggang Diyos.
34 At si Abraham ay tumira ng maraming araw bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo.
Footnotes
- Genesis 21:16 Sa Hebreo ay niya .