Genesis 21
Ang Biblia (1978)
Ipinanganak si Isaac.
21 (A)At dumalaw ang Panginoon kay Sara, ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang (B)ayon sa kaniyang sinalita.
2 At si Sara ay (C)naglihi at nagkaanak ng isang lalake kay Abraham sa kaniyang katandaan, (D)sa tadhanang panahong sinabi ng Dios sa kaniya.
3 At tinawag na (E)Isaac ni Abraham ang ngalan ng kaniyang anak na ipinanganak sa kaniya, na siyang ipinanganak ni Sara.
4 At (F)tinuli ni Abraham si Isaac ng magkaroon ng walong araw (G)gaya ng iniutos ng Dios sa kaniya.
5 At si Abraham ay (H)may isang daang taon, nang sa kaniya'y ipanganak si Isaac na kaniyang anak.
6 At sinabi ni Sara, Pinatawa ako ng (I)Dios, sinomang makarinig ay makikitawa.
7 At sinabi niya, Sinong nakapagsabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng anak? (J)sapagka't ako'y nagkaanak sa kaniya ng isang lalake sa kaniyang katandaan.
Pinalayas si Agar at si Ismael.
8 At lumaki ang sanggol, at inihiwalay sa suso; at nagpiging ng malaki si Abraham ng araw na ihiwalay sa suso si Isaac.
9 At nakita ni Sara ang anak ni Agar na (K)taga Egipto, na ito'y nagkaanak kay Abraham, na tumutuya sa kaniya.
10 Kaya't sinabi niya kay Abraham, (L)Palayasin mo ang aliping ito at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak, sa makatuwid baga'y ni Isaac.
11 At ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa paningin ni Abraham dahil sa kaniyang anak.
12 At sinabi ng Dios kay Abraham, Huwag mong mabigatin ito sa iyong paningin dahil sa iyong alipin; sa lahat na sabihin sa iyo ni Sara, ay makinig ka sa kaniyang tinig, (M)sapagka't kay Isaac tatawagin ang iyong lahi.
13 At ang anak din naman ng alipin ay gagawin kong isang (N)bansa, sapagka't siya'y anak mo.
14 At nagbangong maaga sa kinaumagahan si Abraham, at kumuha ng tinapay at ng isang bangang balat ng tubig, at ibinigay kay Agar, na ipinatong sa kaniyang balikat, at ang bata at siya ay pinapagpaalam, at siya'y nagpaalam at naggala sa ilang ng (O)Beer-seba.
15 At naubos ang tubig sa bangang balat, at kaniyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang punong kahoy.
16 At yumaon at naupo sa tapat niya, na ang layo ay isang hilagpos ng pana; sapagka't sinabi niya, Huwag kong makita ang kamatayan ng bata. At naupo sa tapat, at naghihiyaw at umiyak.
17 At narinig ng Dios ang tinig ng bata; at tinawag ng anghel ng Dios si Agar, mula sa langit, at sa kaniya'y sinabi, Naano ka Agar? Huwag kang matakot; sapagka't narinig ng Dios ang tinig ng bata sa kinalalagyan.
18 Magtindig ka, iyong itayo ang bata, at alalayan mo siya ng iyong kamay; sapagka't siya'y gagawin kong isang bansang malaki.
19 At (P)idinilat ng Dios ang kaniyang mga mata, at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig; at naparoon at pinuno ng tubig ang bangang balat, at pinainom ang bata.
20 At ang Dios ay sumabata, at siya'y lumaki; at tumahan sa ilang (Q)at naging mamamana.
21 At nanahan siya sa ilang ng Paran: at ikinuha siya ng kaniyang ina ng asawa sa lupain ng Egipto.
Ang tipan sa Beer-seba.
22 At nangyari ng panahong yaon, na si (R)Abimelech, at si Ficol na kapitan ng kaniyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, na nagsasabi, Sumasaiyo ang (S)Dios sa lahat mong ginagawa:
23 Ngayon nga'y ipanumpa mo sa akin dito alangalang sa Dios, na di ka maglililo sa akin, kahit sa aking anak, kahit sa anak ng aking anak; (T)kundi ayon sa kagandahang loob na ipinakita ko sa iyo, ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong pinakipamayanan.
24 At sinabi ni Abraham, Susumpa ako.
25 At pinagwikaan ni Abraham si Abimelech dahil sa isang balon ng tubig, (U)na marahas na inalis sa kaniya ng mga bataan ni Abimelech.
26 At sinabi ni Abimelech, Aywan, kung sinong gumawa ng bagay na ito: na di mo man sinabi sa akin, at hindi ko man nabalitaan kundi ngayon.
27 At kumuha si Abraham ng mga tupa, at mga baka, at ibinigay kay Abimelech; (V)at gumawa silang dalawa ng isang tipan.
28 At ibinukod ni Abraham ang pitong korderong babae sa kawan.
29 At sinabi ni Abimelech kay Abraham, Anong kahulugan nitong pitong korderong babae na iyong ibinukod?
30 At kaniyang sinabi, Itong pitong korderong babae ay iyong kukunin sa aking kamay, upang sa akin ay maging patotoo na hinukay ko ang balong ito.
31 Kaya't (W)tinawag niya ang dakong yaong Beer-seba; sapagka't doon sila kapuwa nanumpa.
32 Sa gayo'y gumawa sila ng isang tipan sa Beer-seba: at nagtindig si Abimelech, at si Ficol na kapitan ng kaniyang hukbo at nagsipagbalik sa lupain ng mga Filisteo.
33 At nagtanim si Abraham ng isang punong kahoy na tamaring sa Beer-seba, at sinambitla doon ang pangalan ng Panginoong (X)Dios na walang hanggan.
34 At maraming araw na nakipamayan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978