Add parallel Print Page Options

Ang Tatlong Panauhin ni Abraham

18 Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno[a] ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda. Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Yumukod siya sa kanila bilang paggalang.

At sinabi, “Panginoon,[b] kung maaari, dumaan po muna kayo rito sa amin. Magpapakuha po ako ng tubig para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito. Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.” At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”

Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.” Tumakbo agad si Abraham papunta sa mga bakahan niya at pumili ng matabang guya, at ipinakatay niya ito at ipinaluto sa alipin niyang kabataan. Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.

Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.” 10 Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”

Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham. 11 (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.) 12 Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, para magkaanak kami?”

13 Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumatawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’ 14 May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”

15 Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Pero sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.”

Nagmakaawa si Abraham para sa Lungsod ng Sodom

16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki. Inihatid sila ni Abraham hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodom. 17 Sinabi ng Panginoon, “Hindi ko itatago kay Abraham ang gagawin ko. 18 Talagang magiging malaki at makapangyarihang bansa ang mga lahi niya sa hinaharap. At sa pamamagitan niya, makakatanggap ng pagpapala ang ibang mga bansa. 19 Pinili ko siya para ipatupad niya sa mga anak at mga lahi niya ang utos ko na gumawa sila ng tama at matuwid. Sa ganoong paraan, matutupad ang aking pangako sa kanya.”

20 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Maraming tao ang dumadaing doon sa Sodom at Gomora, dahil sobrang sama na ng lugar na iyon. 21 Kaya pupunta ako roon para malaman ko kung totoo o hindi ang mga daing ng mga tao roon.”

22 Lumakad agad ang dalawang lalaki papuntang Sodom, pero nagpaiwan ang Panginoon at si Abraham. 23 Lumapit si Abraham sa Panginoon at nagtanong, “Lilipulin nʼyo po ba ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. 24 Kung mayroon po kayang 50 matuwid sa lungsod na iyan, lilipulin nʼyo pa rin po ba ang buong lungsod? Hindi nʼyo po ba kahahabagan ang lungsod dahil sa 50 taong matuwid? 25 Hindi po kapani-paniwala na lilipulin ninyo ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Hindi po maaaring pare-pareho ang pakikitungo nʼyo sa kanila. Kayo po na humahatol sa buong mundo, hindi po baʼt dapat gawin ninyo kung ano ang tama?” 26 Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 50 matuwid sa Sodom, hindi ko lilipulin ang buong lungsod alang-alang sa kanila.”

27 Muling nagsalita si Abraham, “O Panginoon, patawarin nʼyo po akong naglakas-loob na makipag-usap sa inyo. Tao lang po ako, at wala akong katuwiran na magsabi nito sa inyo. 28 Pero kung mayroon po kayang 45 matuwid, lilipulin nʼyo pa rin ba ang buong lungsod dahil kulang po ito ng lima?” Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 45 matuwid, hindi ko lilipulin ang lungsod.”

29 Muling nagsalita si Abraham, “Kung 40 lang po kaya ang matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang lamang sa 40 matuwid.”

30 Muling nagsalita si Abraham, “Huwag po sana kayong magalit sa akin, Panginoon, dahil magtatanong pa po ako. Ano po kaya kung may 30 lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod kung may makita akong 30 tao na matuwid.”

31 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, patawarin nʼyo po ako sa paglalakas-loob ko na pakikipag-usap sa inyo. Ano po kaya kung may 20 na lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa 20 matuwid.”

32 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, huwag po sana kayong magagalit; huling tanong na po ito. Halimbawa, sampu na lang po ang nakita ninyong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampung matuwid.”

33 Pagkatapos nilang mag-usap, umalis ang Panginoon at si Abraham ay umuwi sa kanila.

Ang Pagiging Makasalanan ng mga Tao sa Sodom

19 Magdidilim na nang dumating ang dalawang anghel sa Sodom. Nakaupo noon si Lot sa pintuan ng lungsod. Pagkakita ni Lot sa kanila, tumayo siya at sinalubong sila. Pagkatapos, yumukod siya sa harapan nila bilang paggalang at nagsabing, “Kung maaari po, dumaan muna kayo sa bahay ko para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at dito na po kayo matulog ngayong gabi. At bukas na lang kayo ng umaga magpatuloy sa paglalakbay ninyo.”

Pero sumagot sila, “Huwag na lang, doon na lang kami matutulog sa plasa ngayong gabi.”

Pero pinilit sila ni Lot, kaya sumama na lang sila sa bahay niya. Naghanda si Lot ng mga inumin at mga pagkain. Nagpaluto rin siya ng tinapay na walang pampaalsa. At nang handa na, naghapunan sila. Nang mahihiga na sila para matulog, dumating ang lahat ng bata at matatandang lalaki ng Sodom, at pinaligiran nila ang bahay ni Lot. Tinawag nila si Lot at tinanong, “Nasaan na ang mga panauhin mong lalaki na dumating ngayong gabi? Palabasin mo sila rito dahil gusto namin silang sipingan.”

Lumabas si Lot ng bahay para harapin sila. Nang lumabas siya, isinara niya agad ang pintuan. Sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, nakikiusap ako sa inyo na huwag ninyong gagawin ang iniisip ninyong masama. Kung gusto nʼyo, may dalawa akong anak na dalaga. Ibibigay ko sila sa inyo at bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin sa kanila. Pero huwag ninyong galawin ang dalawang taong ito, dahil mga bisita ko sila at dapat ko silang protektahan.” Pero sinabi ng mga tao, “Dayuhan ka lang dito kaya sino ka para makialam sa amin. Umalis ka riyan! Baka mas higit pa ang magawa namin sa iyo kaysa sa kanila.” Pagkatapos, itinulak nila si Lot. Lalapit sana sila sa pintuan para gibain ito, 10 pero binuksan ito ng dalawang anghel na nasa loob at hinatak nila si Lot papasok, at isinara ang pintuan. 11 Pagkatapos, binulag nila ang mga tao na nasa labas para hindi na nila makita ang pintuan.

Pinaalis si Lot sa Sodom

12 Sinabi ng dalawang anghel kay Lot, “Kung may mga anak ka pa, o mga manugang na lalaki, o mga kamag-anak sa lungsod na ito, isama mo silang lahat at umalis kayo rito, 13 dahil lilipulin namin ang lungsod na ito. Narinig ng Panginoon ang mga daing laban sa mga taong ito na puro kasamaan ang ginagawa. Kaya ipinadala niya kami para lipulin ang lungsod na ito.”

14 Kaya pinuntahan ni Lot ang mga magiging manugang[c] niyang lalaki at sinabi, “Magmadali kayong umalis dito dahil lilipulin na ng Panginoon ang lungsod na ito.” Pero hindi sila naniwala dahil akala nilaʼy nagbibiro lang si Lot.

15 Nang magbubukang-liwayway na, pinagmadali si Lot ng mga anghel na umalis sa lungsod. Sinabi nila, “Bilisan mo! Dalhin mo ang asawa mo at ang dalawang anak mong babae na nandito, at umalis kayo agad, dahil baka madamay kayo kapag nilipol na ang lungsod na ito dahil sa sobrang sama ng mga tao rito.” 16 Hindi pa sana aalis si Lot. Pero dahil naaawa ang Panginoon sa kanila, hinawakan sila ng mga anghel sa kamay at dinala palabas ng lungsod.

17 Nang nasa labas na sila ng lungsod, sinabi ng Panginoon, “Tumakbo kayo! Huwag kayong lilingon, o hihinto sa kahit saan dito sa kapatagan! Tumakbo kayo papunta sa bundok para hindi kayo mamatay!” 18 Pero sumagot si Lot, “Panginoon ko, huwag nʼyo na po akong patakbuhin papunta sa bundok. 19 Kinahabagan nʼyo po ako at ipinakita ang kabutihan nʼyo sa akin sa pagliligtas ninyo sa buhay ko. Pero napakalayo po ng bundok; baka maabutan ako ng sakuna at mamatay ako bago makarating doon. 20 Nakita nʼyo po ba ang maliit na bayang iyon sa unahan? Tiyak na mararating ko po iyon dahil malapit lang. Maaari po bang doon na lang ako pumunta sa maliit na bayang iyon para maligtas ako?” 21 Sumagot ang Panginoon, “Oo, payag ako sa kahilingan mo; hindi ko lilipulin ang bayan na iyon. 22 Sige, tumakbo na kayo roon, dahil wala pa akong gagawin hanggaʼt hindi pa kayo nakakarating doon.”

Ang bayang iyon ay tinatawag na Zoar[d] dahil maliit ang bayang iyon.

Ang Paglipol sa Sodom at Gomora

23 Nakasikat na ang araw nang dumating sina Lot sa Zoar. 24 Biglang pinaulanan ng Panginoon ng naglalagablab na asupre ang Sodom at Gomora. 25 Nilipol ng Panginoon ang dalawang lungsod at ang buong kapatagan. Namatay ang lahat ng nakatira roon pati ang lahat ng tanim. 26 Lumingon ang asawa ni Lot, kaya ginawa siyang haliging asin. 27 Kinaumagahan, dali-daling pumunta si Abraham sa lugar kung saan siya nakipag-usap sa Panginoon. 28 Minasdan niya ang Sodom at Gomora, at ang buong kapatagan. Nakita niya ang usok na pumapaitaas mula sa lupa na parang usok na nagmula sa isang malaking hurno.

29 Inalala ng Dios si Abraham, nang lipulin ng Dios ang mga lungsod sa kapatagan kung saan nakatira si Lot, iniligtas niya muna si Lot para hindi ito mapahamak.

Ang Pinanggalingan ng mga Moabita at Ammonita

30 Dahil natakot si Lot na tumira sa Zoar, lumipat siya at ang dalawa niyang anak na dalaga sa bundok, at tumira sila sa kweba. 31 Isang araw, sinabi ng panganay na anak sa kanyang kapatid, “Matanda na ang ating ama at wala nang ibang lalaki rito na maaari nating mapangasawa para magkaanak tayo katulad ng pamamaraan ng tao kahit saan sa mundo. 32 Mabuti pang painumin natin ang ating ama ng alak hanggang sa malasing siya, pagkatapos, sumiping tayo sa kanya para magkaanak tayo sa pamamagitan niya.”

33 Kaya nang gabing iyon, nilasing nila ang kanilang ama. Pagkatapos, sumiping ang panganay na anak sa kanyang ama. Pero dahil sa sobrang kalasingan ni Lot, hindi niya namalayan kung ano ang nangyayari.

34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa nakababata niyang kapatid, “Sumiping na ako kagabi sa ating ama. At ngayong gabi muli natin siyang painumin ng alak hanggang sa malasing siya, at ikaw naman ang sumiping sa kanya para tayong dalawa ay magkaanak sa pamamagitan niya.” 35 Kaya nang gabing iyon, muli nilang nilasing ang kanilang ama at ang nakababatang kapatid naman ang sumiping sa kanya. At sa sobrang kalasingan, hindi rin niya namalayan kung ano ang nangyayari.

36 Sa ganoong paraan, nabuntis ang dalawang anak ni Lot sa pamamagitan niya. 37 Dumating ang panahon, nanganak ang panganay ng isang lalaki at pinangalanan niyang Moab.[e] Siya ang pinagmulan ng lahi ng Moabita. 38 Nanganak din ang nakababatang kapatid ng isang lalaki at pinangalanan niyang Ben Ami.[f] Siya ang pinagmulan ng lahi ng Ammonita.

Footnotes

  1. 18:1 malalaking puno: Tingnan ang “footnote” sa 12:6.
  2. 18:3 Panginoon: o, Ginoo. Malalaman natin sa susunod na mga talata na ang nagpakita kay Abraham ay ang Panginoon kasama ang dalawang anghel.
  3. 19:14 mga magiging manugang: o, mga manugang.
  4. 19:22 Zoar: Ang ibig sabihin, maliit.
  5. 19:37 Moab: Maaaring ang ibig sabihin, mula sa aking ama.
  6. 19:38 Ben Ami: Ang ibig sabihin, anak ng malapit kong kamag-anak.