Add parallel Print Page Options

Pagtutuli ang Tanda ng Tipan

17 Nang si Abram ay siyamnapu't siyam na taon, ang Panginoon ay nagpakita kay Abram, at sa kanya'y nagsabi, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Lumakad ka sa harapan ko, at maging walang kapintasan;

at ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking labis na pararamihin.”

At nagpatirapa si Abram, at sinabi ng Diyos sa kanya,

“Para sa akin, ito ang aking pakikipagtipan sa iyo: Ikaw ang magiging ama ng maraming bansa.

Ang(A) pangalan mo ay hindi na tatawaging Abram,[a] kundi Abraham ang magiging pangalan mo; sapagkat ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.

Ikaw ay gagawin kong mayroong napakaraming anak at magmumula sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari.

Aking(B) itatatag ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi.

At(C) ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo ang lupaing kung saan ka ngayon ay isang dayuhan, ang buong lupain ng Canaan bilang pag-aaring walang hanggan; at ako ang magiging Diyos nila.”

Sinabi ng Diyos kay Abraham, “At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, ikaw at ang iyong binhi pagkamatay mo sa buong lahi nila.

10 Ito(D) ang aking tipan na inyong iingatan, ang tipan natin at ng iyong binhi pagkamatay mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin.

11 Inyong tutuliin ang balat ng inyong maselang bahagi, at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo.

12 Sa inyong buong lahi, bawat lalaking may gulang na walong araw sa inyo ay tutuliin, maging ang aliping ipinanganak sa inyong bahay, o ang binili ng salapi sa sinumang taga-ibang lupa na hindi sa iyong lahi.

13 Ang aliping ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi ay dapat tuliin; at ang aking tipan ay makikita sa iyong laman bilang tipang walang hanggan.

14 Ang sinumang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang balat ng maselang bahagi ay ititiwalag sa kanyang bayan; sinira niya ang aking tipan.”

Ang Panganganak kay Isaac ay Ipinangako

15 At sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol kay Sarai na iyong asawa, huwag siyang tatawaging Sarai, kundi Sara[b] ang magiging pangalan niya.

16 Siya'y aking pagpapalain, at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Siya'y aking pagpapalain, at siya'y magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya.”

17 Nang magkagayo'y nagpatirapa at tumawa si Abraham, at sinabi sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa kaya ang isang tao na isandaang taong gulang na? Manganak pa kaya si Sara na siyamnapung taong gulang na?”

18 At sinabi ni Abraham sa Diyos, “Bakit hindi na lang si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”[c]

19 Sinabi ng Diyos, “Hindi! Ang iyong asawang si Sara ay tiyak na magkakaanak sa iyo, at tatawagin mo siya sa pangalang Isaac. Itatatag ko ang aking tipan sa kanya bilang isang walang hanggang tipan, at sa kanyang lahi pagkamatay niya.

20 Tungkol kay Ismael ay narinig kita. Pinagpala ko siya at siya'y gagawin kong mabunga at lubos kong pararamihin. Labindalawang prinsipe ang kanyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa.

21 Aking itatatag ang aking tipan kay Isaac na ipapanganak sa iyo ni Sara sa panahong ito sa taong darating.”

22 Pagkatapos makipag-usap sa kanya, ang Diyos ay pumaitaas na mula kay Abraham.

23 Ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kanyang anak, at ang lahat ng ipinanganak sa kanyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kanyang salapi, ang lahat ng lalaki sa mga kasambahay ni Abraham, at kanyang tinuli ang balat ng maselang bahagi ng kanilang katawan nang araw ding iyon, ayon sa sinabi ng Diyos sa kanya.

24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taong gulang nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.

25 At si Ismael ay labintatlong taon nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.

26 Nang araw ding iyon ay tinuli si Abraham at si Ismael na kanyang anak.

27 At lahat ng lalaking kasambahay niya, maging ang mga aliping ipinanganak sa bahay niya at ang mga binili ng salapi sa taga-ibang lupain ay tinuling kasama niya.

Footnotes

  1. Genesis 17:5 o dakila, o marangal .
  2. Genesis 17:15 o Prinsesa .
  3. Genesis 17:18 Sa Hebreo ay Nawa'y mabuhay si Ismael sa harapan mo!