Add parallel Print Page Options

Si Hagar at si Ishmael

16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi magkaanak. May alipin siyang babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. Sinabi ni Sarai kay Abram, “Dahil hindi pinahintulutan ng Panginoon na magkaanak ako, mabuti pa sigurong sumiping ka sa alipin kong babae, baka sakaling magkaroon tayo ng anak sa pamamagitan niya.”

Pumayag si Abram sa sinabi ng kanyang asawa. Kaya ibinigay ni Sarai si Hagar kay Abram para maging asawa nito. (Nangyari ito matapos manirahan si Abram sa Canaan ng sampung taon.) At nagbuntis nga si Hagar.

Nang malaman ni Hagar na buntis siya, hinamak niya si Sarai. Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ngayong buntis na si Hagar hinahamak na niya ako. Ikaw ang dapat sisihin. Ibinigay ko siya sa iyo at ikaw dapat ang sumaway sa kanya. Ang Panginoon na ang humatol kung sino sa atin ang tama.”

Sumagot si Abram, “Kung ganoon, ibabalik ko siya sa iyo bilang alipin mo at bahala ka kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Simula noon, hindi naging maganda ang pakikitungo ni Sarai kay Hagar, kaya lumayas na lamang ito.

Nakita si Hagar ng anghel ng Panginoon doon sa bukal ng tubig sa ilang. Ang bukal na ito ay malapit sa daan na papuntang Shur. Tinanong siya ng anghel, “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka pupunta?”

Sumagot siya, “Lumayas po ako sa amo kong si Sarai.”

Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba ka sa kanya.” 10 Pagkatapos, sinabi pa ng anghel,

“Pararamihin ko ang lahi mo na ang dami nilaʼy hindi mabibilang.”

11 At sinabi pa ng anghel ng Panginoon sa kanya,

“Buntis ka na at hindi magtatagal ay magkakaanak ka ng lalaki. Pangangalanan mo siyang Ishmael,[a] dahil pinakinggan ng Panginoon ang pagtawag mo sa kanya dahil sa iyong pagtitiis.
12 Pero ang anak mo ay mabubuhay na katulad ng isang asnong-gubat. Kakalabanin niya ang lahat, at ang lahat ay lalaban sa kanya. Kahit ang mga kamag-anak niya ay lalaban sa kanya.”

13 Tinawag ni Hagar na “Dios na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya, dahil sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Dios na nakakakita sa akin sa lugar na ito?” 14 Iyon ang bukal na naroon sa gitna ng Kadesh at Bered na tinatawag na Beer Lahai Roi.[b]

15 Bumalik si Hagar kay Sarai, at dumating ang panahon na nanganak siya ng isang lalaki. Pinangalanan ni Abram ang bata na Ishmael. 16 Nasa 86 na taong gulang si Abram nang ipinanganak si Ishmael.

Ang Pagtutuli ay Tanda ng Kasunduan

17 Nang 99 na taong gulang si Abram, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios na Makapangyarihan. Palagi kang maging matapat sa akin at mamuhay nang matuwid. Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo; pararamihin ko ang mga lahi mo.”

Nang marinig ito ni Abram, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios. Sinabi ng Dios sa kanya, “Sa ganang akin, ito ang kasunduan ko sa iyo: Magiging ama ka ng maraming bansa. Mula ngayon, hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham[c] dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa. Pararamihin ko ang mga lahi mo at magtatayo sila ng mga bansa, at ang iba sa kanila ay magiging hari. Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo at sa mga lahi mo sa susunod mo pang mga henerasyon, na patuloy akong magiging Dios ninyo. Ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. Mga dayuhan lamang kayo ngayon sa lupain ng Canaan. Pero ibibigay ko ang buong lupaing ito sa iyo at sa mga lahi mo. Magiging inyo na ito magpakailanman, at patuloy akong magiging Dios ninyo.”

Sinabi pa niya kay Abraham, “Ingatan mo ang kasunduan nating ito, at ganoon din ang dapat gawin ng mga lahi mo sa susunod pang mga henerasyon. 10 At tungkol sa kasunduang ito, dapat ninyong tuliin ang lahat ng lalaki. 11 Ito ang magiging palatandaan ng kasunduan ko sa inyo. 12-13 Mula ngayon hanggang sa susunod pang mga henerasyon, ang lahat ng lalaking ipapanganak ay dapat tuliin pagsapit nang ikawalong araw mula nang isilang ito. Tuliin din ninyo ang mga aliping lalaki na isinilang sa tahanan ninyo at pati ang mga aliping binili ninyo sa mga taga-ibang lugar. Ito ang palatandaan sa katawan ninyo na magpapatunay na ang kasunduan ko sa inyo ay magpapatuloy hanggang wakas. 14 Ang sinumang lalaki sa inyo na tumangging magpatuli ay huwag ninyong ituring na kababayan, dahil binalewala niya ang kasunduan ko.”

15 Sinabi pa ng Dios kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara[d] na ang itatawag mo sa kanya. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”

17 Nang marinig ito ni Abraham, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios, pero tumawa siya sa kanyang narinig. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa ba ako na nasa 100 taong gulang na? At si Sara, mabubuntis pa kaya siya na nasa 90 taong gulang na?” 18 Sinabi niya sa Dios, “Kung ganoon po ang mangyayari, nawaʼy pagpalain nʼyo rin po ang anak kong si Ishmael.”

19 Sumagot ang Dios, “Ang totoo ay ito: Ang asawa mong si Sara ay manganganak ng lalaki at papangalanan mo siyang Isaac.[e] Sa kanya ko ipagpapatuloy ang kasunduan ko sa iyo, at magpapatuloy ang kasunduang ito sa mga lahi niya magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ishmael, narinig ko ang kahilingan mo para sa kanya. Pagpapalain ko siya at bibigyan ng maraming lahi. Magiging ama siya ng 12 pinuno, at ang mga lahi niya ay magiging mga tanyag na tao.[f] 21 Kaya lang, ang kasunduan ko sa iyo ay tutuparin ko lang kay Isaac at sa mga lahi niya. Ipapanganak ni Sara si Isaac sa ganito ring panahon sa susunod na taon.” 22 Umalis ang Dios pagkatapos niyang sabihin kay Abraham ang mga ito.

23 Sa mismong araw na iyon, tinupad ni Abraham ang iniutos sa kanya ng Dios. Tinuli niya ang anak niyang si Ishmael at ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan: ang mga aliping isinilang sa tahanan niya at ang mga aliping binili niya. 24 Si Abraham ay 99 na taong gulang nang tuliin siya, 25 at si Ishmael naman ay 13 taong gulang na. 26-27 Sa mismong araw na iyon na nag-utos ang Dios na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin, nagpatuli si Abraham at si Ishmael pati ang lahat ng alipin ni Abraham na isinilang sa sambahayan niya at ang mga alipin na binili niya sa mga taga-ibang lugar.

Footnotes

  1. 16:11 Ishmael: Ang ibig sabihin, nakikinig ang Dios.
  2. 16:14 Beer Lahai Roi: Ang ibig sabihin, Balon ng buhay na Dios na nakakakita sa akin.
  3. 17:5 Abraham: Ang ibig sabihin, ama ng maraming tao.
  4. 17:15 Sara: Ang ibig sabihin, prinsesa.
  5. 17:19 Isaac: Ang ibig sabihin, masayahin siya.
  6. 17:20 tanyag na tao: o, bansa.