Genesis 16:7-16
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
7 Nakita si Hagar ng anghel ng Panginoon doon sa bukal ng tubig sa ilang. Ang bukal na ito ay malapit sa daan na papuntang Shur. 8 Tinanong siya ng anghel, “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka pupunta?”
Sumagot siya, “Lumayas po ako sa amo kong si Sarai.”
9 Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba ka sa kanya.” 10 Pagkatapos, sinabi pa ng anghel,
“Pararamihin ko ang lahi mo na ang dami nilaʼy hindi mabibilang.”
11 At sinabi pa ng anghel ng Panginoon sa kanya,
“Buntis ka na at hindi magtatagal ay magkakaanak ka ng lalaki. Pangangalanan mo siyang Ishmael,[a] dahil pinakinggan ng Panginoon ang pagtawag mo sa kanya dahil sa iyong pagtitiis.
12 Pero ang anak mo ay mabubuhay na katulad ng isang asnong-gubat. Kakalabanin niya ang lahat, at ang lahat ay lalaban sa kanya. Kahit ang mga kamag-anak niya ay lalaban sa kanya.”
13 Tinawag ni Hagar na “Dios na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya, dahil sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Dios na nakakakita sa akin sa lugar na ito?” 14 Iyon ang bukal na naroon sa gitna ng Kadesh at Bered na tinatawag na Beer Lahai Roi.[b]
15 Bumalik si Hagar kay Sarai, at dumating ang panahon na nanganak siya ng isang lalaki. Pinangalanan ni Abram ang bata na Ishmael. 16 Nasa 86 na taong gulang si Abram nang ipinanganak si Ishmael.
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®