Genesis 12
Ang Biblia, 2001
Ang Pagtawag ng Diyos kay Abraham
12 Sinabi(A) ng Panginoon kay Abram, “Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.
2 Gagawin kitang isang malaking bansa, ikaw ay aking pagpapalain, gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala.
3 Pagpapalain(B) ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain.”
4 Kaya't umalis si Abram ayon sa sinabi sa kanya ng Panginoon, at si Lot ay sumama sa kanya. Si Abram ay may pitumpu't limang taong gulang nang umalis siya sa Haran.
5 Isinama ni Abram si Sarai na kanyang asawa, at si Lot na anak ng kanyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at umalis sila upang pumunta sa lupain ng Canaan at nakarating sila roon.
6 Dumaan sa lupain si Abram hanggang sa lugar ng Shekem, sa punong ensina ng More. Noon, ang mga Cananeo ay nasa lupaing iyon.
7 Nagpakita(C) ang Panginoon kay Abram, at sinabi, “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong lahi.”[a] At siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na nagpakita sa kanya.
8 Mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silangan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kanyang tolda, na nasa kanluran ang Bethel, at nasa silangan ang Ai. Siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at tinawag ang pangalan ng Panginoon.
9 Si Abram ay patuloy na naglakbay hanggang sa Negeb.[b]
Si Abram sa Ehipto
10 Nagkagutom sa lupain kaya't bumaba si Abram sa Ehipto upang manirahan doon sapagkat mahigpit ang taggutom sa lupain.
11 Nang siya'y malapit na sa Ehipto, sinabi niya kay Sarai na kanyang asawa, “Alam kong ikaw ay isang babaing maganda sa paningin;
12 at kapag nakita ka ng mga Ehipcio ay kanilang sasabihin, ‘Ito'y kanyang asawa;’ at ako'y kanilang papatayin, subalit hahayaan ka nilang mabuhay.
13 Sabihin(D) mong ikaw ay aking kapatid upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang buhay ko'y makaligtas dahil sa iyo.”
14 Nang dumating si Abram sa Ehipto, nakita ng mga Ehipcio na ang babae ay napakaganda.
15 Nang makita siya ng mga pinuno ng Faraon, siya'y kanilang pinuri kay Faraon, at dinala ang babae sa bahay ng Faraon.
16 At pinagpakitaan niya ng magandang loob si Abram dahil kay Sarai at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, lalaking asno, aliping lalaki at alilang babae, babaing asno, at mga kamelyo.
17 Subalit pinahirapan ng Panginoon ang Faraon at ang kanyang sambahayan ng malubhang salot dahil kay Sarai na asawa ni Abram.
18 Tinawag ng Faraon si Abram, at sinabi, “Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya'y iyong asawa?
19 Bakit mo sinabing, ‘Siya'y aking kapatid?’ na anupa't siya'y aking kinuha upang maging asawa. Kaya't ngayon, narito ang iyong asawa. Siya'y kunin mo at umalis ka.”
20 At nag-utos ang Faraon sa mga tao tungkol sa kanya, at siya'y kanilang inihatid sa daan, ang kanyang asawa, at ang lahat ng kanyang pag-aari.
Footnotes
- Genesis 12:7 Sa Hebreo ay binhi .
- Genesis 12:9 o Timog .