Add parallel Print Page Options

Ang Tore ng Babel

11 Noon, isang wika lang ang ginagamit ng lahat ng tao sa buong mundo. Habang lumilipat ng tirahan ang mga tao patungo sa silangan, nakarating sila sa isang patag na lugar sa Shinar, at doon sila nanirahan.

3-4 Ngayon, sinabi ng mga tao, “Magtayo tayo ng isang lungsod na may tore na aabot sa langit, para maging tanyag tayo at hindi mangalat sa buong mundo.” Kaya gumawa sila ng mga tisa,[a] at pinainitan nila ito nang mabuti para tumigas nang husto. Tisa ang ginamit nila sa halip na bato. At aspalto ang ginamit nila bilang semento.

Ngayon, bumaba ang Panginoon para tingnan ang pagtatayo ng mga tao ng lungsod at tore. Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong ito ay nagkakaisa at may isang wika lang. At ang ginagawa nilang ito ay simula pa lamang ng mga binabalak pa nilang gawin. Hindi magtatagal, gagawin nila ang kahit anong gusto nilang gawin. Kaya bumaba tayo. Pag-iba-ibahin natin ang wika nila para hindi sila magkaintindihan.”

Kaya pinangalat sila ng Panginoon sa buong mundo dahil hindi na sila magkaintindihan, at nahinto ang pagtatayo nila ng lungsod. Ang lungsod na ito ay tinawag na Babel[b] dahil doon pinag-iba-iba ng Panginoon ang wika ng mga tao, at mula roon ay pinangalat niya sila sa buong mundo.

Ang mga Lahi ni Shem(A)

10 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Shem:

Dalawang taon pagkatapos ng baha, nasa 100 taong gulang na noon si Shem, nang isilang ang anak niyang lalaki na si Arfaxad. 11 Matapos isilang si Arfaxad, nabuhay pa si Shem ng 500 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.

12 Nang 35 taong gulang na si Arfaxad, isinilang ang anak niyang lalaki na si Shela. 13 Matapos isilang si Shela, nabuhay pa si Arfaxad ng 403 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.

14 Nang 30 taong gulang na si Shela, isinilang ang anak niyang lalaki na si Eber. 15 Matapos isilang si Eber, nabuhay pa si Shela ng 403 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.

16 Nang 34 taong gulang na si Eber, isinilang ang anak niyang lalaki na si Peleg. 17 Matapos isilang si Peleg, nabuhay pa si Eber ng 430 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.

18 Nang 30 taong gulang na si Peleg, isinilang ang anak niyang lalaki na si Reu. 19 Matapos isilang si Reu, nabuhay pa si Peleg ng 209 na taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.

20 Nang 32 taong gulang na si Reu, isinilang ang anak niyang lalaki na si Serug. 21 Matapos isilang si Serug, nabuhay pa si Reu ng 207 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.

22 Nang 30 taong gulang na si Serug, isinilang ang anak niyang lalaki na si Nahor. 23 Matapos isilang si Nahor, nabuhay pa si Serug ng 200 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.

24 Nang 29 taong gulang na si Nahor, isinilang ang anak niyang lalaki na si Tera. 25 Matapos isilang si Tera, nabuhay pa si Nahor ng 119 na taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.

26 Nang 70 taong gulang na si Tera, isinilang ang mga anak niyang lalaki na sina Abram, Nahor at Haran.

Ang mga Lahi ni Tera

27 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Tera:

Si Tera ang ama nina Abram, Nahor at Haran. Si Haran ang ama ni Lot. 28 Namatay si Haran doon sa Ur na sakop ng mga Caldeo,[c] sa lugar mismo kung saan isinilang siya. Namatay siya habang buhay pa ang ama niyang si Tera. 29 Naging asawa ni Abram si Sarai, at si Nahor ay naging asawa ni Milca. Ang ama ni Milca at ng kapatid niyang si Isca ay si Haran. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak dahil siyaʼy baog.

31 Umalis si Tera sa Ur na sakop ng mga Caldeo. Kasama niya ang anak niyang si Abram, ang kanyang manugang na si Sarai, at ang apo niyang si Lot na anak ni Haran. Papunta sana sila sa Canaan, pero pagdating nila sa Haran doon na lamang sila tumira. 32 Doon namatay si Tera sa edad na 205.[d]

Footnotes

  1. 11:3-4 tisa: sa Ingles, “brick.”
  2. 11:9 Babel: o, Babilonia. Maaaring ang ibig sabihin, “ibaʼt iba.”
  3. 11:28 Caldeo: Mga taong nakatira noon sa timog ng Babilonia. Nang bandang huli, naging Caldeo ang tawag sa mga taga-Babilonia.
  4. 11:32 205: sa tekstong Samaritan, 145.

Ang Tore ng Babel

11 Noon, ang buong lupa ay iisa ang wika at magkakatulad ang salita.

Sa kanilang paglalakbay sa silangan, nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Shinar, at sila'y tumira doon.

At sinabi nila sa isa't isa, “Halikayo! Tayo'y gumawa ng mga tisa at ating lutuing mabuti.” At ang kanilang bato ay tisa at alkitran ang kanilang semento.

Sinabi nila, “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod at isang tore na ang taluktok nito ay hanggang sa langit, at gumawa tayo ng pangalan para sa ating mga sarili, baka tayo magkawatak-watak sa ibabaw ng buong lupa.”

Bumaba ang Panginoon upang tingnan ang lunsod at ang tore na itinayo ng mga anak ng mga tao.

At sinabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, sila'y iisang bayan at may isang wika; at ito ay pasimula pa lamang ng kanilang gagawin, at ngayon, walang makakapigil sa anumang kanilang binabalak gawin.

Halikayo! Tayo'y bumaba at ating guluhin ang kanilang wika, upang hindi nila maunawaan ang pananalita ng bawat isa.”

Kaya't ikinalat sila ng Panginoon mula roon sa ibabaw ng buong lupa, at huminto sila sa pagtatayo ng lunsod.

Kaya't ang ipinangalan dito ay Babel, sapagkat doon ay ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa, at mula roon ay ikinalat sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa.

Ang mga Anak ni Sem(A)

10 Ito ang mga salinlahi ni Sem. May isandaang taong gulang si Sem nang maging anak si Arfaxad, dalawang taon pagkatapos ng baha.

11 Nabuhay si Sem ng limandaang taon pagkatapos na maipanganak si Arfaxad, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

12 Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon, naging anak niya si Shela.

13 Nabuhay si Arfaxad ng apatnaraan at tatlong taon pagkatapos na maipanganak si Shela, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

14 Nabuhay si Shela ng tatlumpung taon, at naging anak si Eber.

15 Nabuhay si Shela ng apatnaraan at tatlumpung taon pagkatapos na maipanganak si Eber, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

16 Nabuhay si Eber ng tatlumpu't apat na taon, at naging anak si Peleg.

17 Nabuhay si Eber ng apatnaraan at tatlumpung taon pagkatapos na maipanganak si Peleg, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

18 Nabuhay si Peleg ng tatlumpung taon, at naging anak si Reu.

19 Nabuhay si Peleg ng dalawang daan at siyam na taon pagkatapos na maipanganak si Reu, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

20 Nabuhay si Reu ng tatlumpu't dalawang taon, at naging anak si Serug.

21 Nabuhay si Reu ng dalawang daan at pitong taon pagkatapos na maipanganak si Serug, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

22 Nabuhay si Serug ng tatlumpung taon, at naging anak si Nahor.

23 Nabuhay si Serug ng dalawang daang taon pagkatapos maipanganak si Nahor, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

24 Nabuhay si Nahor ng dalawampu't siyam na taon, at naging anak si Terah.

25 Nabuhay si Nahor ng isandaan at labinsiyam na taon pagkatapos na maipanganak si Terah, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

26 At nabuhay si Terah ng pitumpung taon, at naging anak sina Abram, Nahor at Haran.

Ang Sambahayan ni Terah

27 Ito ang mga lahi ni Terah. Naging anak ni Terah sina Abram, Nahor, at Haran; at naging anak ni Haran si Lot.

28 Unang namatay si Haran kaysa sa kanyang amang si Terah sa lupaing kanyang tinubuan, sa Ur ng mga Caldeo.

29 At nagsipag-asawa sina Abram at Nahor. Ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai, at ang pangalan ng asawa ni Nahor ay Milca, na anak na babae ni Haran na ama nina Milca at Iscah.

30 At si Sarai ay baog; siya'y walang anak.

31 Isinama ni Terah si Abram na kanyang anak, at si Lot na anak ni Haran, na anak ng kanyang anak, at si Sarai na kanyang manugang na asawa ni Abram na kanyang anak at sama-samang umalis sa Ur ng mga Caldeo upang magtungo sa lupain ng Canaan. Dumating sila sa Haran, at nanirahan doon.

32 At ang mga naging araw ni Terah ay dalawandaan at limang taon, at namatay si Terah sa Haran.

11 At ang buong lupa ay iisa ang wika at iisa ang salita.

At nangyari, na, sa kanilang paglalakbay sa silanganan, ay nakasumpong sila ng isang kapatagan sa lupain ng Sinar; at sila'y nanahan doon.

At nagsangusapang, Halikayo! tayo'y gumawa ng mga laryo, at ating lutuing mabuti. At inari nilang bato ang laryo at ang betun ay inaring argamasa.

At nagsipagsabi, Halikayo! Magtayo tayo ng isang bayan natin at ng isang moog, na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit, at magtaglay tayo ng isang ngalan; baka tayo'y mangalat sa ibabaw ng buong lupa.

At bumaba ang Panginoon upang tingnan ang bayan at ang moog, na itinayo ng mga anak ng mga tao.

At sinabi ng Panginoon, Narito, sila'y iisang bayan at silang lahat ay may isang wika; at ito ang kanilang pinasimulang gawin: at, ngayon nga'y walang makasasawata sa anomang kanilang balaking gawin.

Halikayo! tayo'y bumaba at diyan din ay ating guluhin ang kanilang wika, na anopa't sila'y huwag magkatalastasan sa kanilang salita.

Ganito pinanabog sila ng Panginoon mula riyan, sa ibabaw ng buong lupa; at kanilang iniwan ang pagtatayo ng bayan.

Kaya ang pangalang itinawag ay Babel; sapagka't doon ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa: at mula roon ay pinanabog sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa.

10 Ito ang sali't saling lahi ni Sem. May isang daan taon si Sem at naging anak si Arphaxad, dalawang taon pagkatapos ng bahang gumunaw,

11 At nabuhay si Sem, pagkatapos na maipanganak si Arphaxad, ng limang daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

12 At nabuhay si Arphaxad, ng tatlong pu't limang taon, at naging anak si Sala.

13 At nabuhay si Arphaxad pagkatapos na maipanganak si Sala, ng apat na raan at tatlong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

14 At nabuhay si Sala ng tatlong pung taon, at naging anak si Heber:

15 At nabuhay si Sala pagkatapos na maipanganak si Heber, ng apat na raan at tatlong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

16 At nabuhay si Heber ng tatlong pu't apat na taon, at naging anak si Peleg:

17 At nabuhay si Heber pagkatapos na maipanganak si Peleg, ng apat na raan at tatlong pung taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

18 At nabuhay si Peleg ng tatlong pung taon, at naging anak si Reu:

19 At nabuhay si Peleg pagkatapos na maipanganak si Reu, ng dalawang daan at siyam na taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

20 At nabuhay si Reu ng tatlong pu't dalawang taon, at naging anak si Serug:

21 At nabuhay si Reu pagkatapos na maipanganak si Serug, ng dalawang daan at pitong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

22 At nabuhay si Serug ng tatlong pung taon, at naging anak si Nachor:

23 At nabuhay si Serug pagkatapos maipanganak si Nachor, ng dalawang daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

24 At nabuhay si Nachor ng dalawang pu't siyam na taon, at naging anak si Thare:

25 At nabuhay si Nachor pagkatapos na maipanganak si Thare, ng isang daan at labing siyam na taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

26 At nabuhay si Thare ng pitong pung taon, at naging anak si Abram, si Nachor at si Haran.

27 Ito nga ang mga lahi ni Thare. Naging anak ni Thare si Abram, si Nachor, at si Haran; at naging anak ni Haran si Lot.

28 At namatay si Haran bago namatay ang kaniyang amang si Thare sa lupaing kaniyang tinubuan, sa Ur ng mga Caldeo.

29 At nagsipagasawa si Abram at si Nachor: ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai; at ang pangalan ng asawa ni Nachor, ay Milca, anak ni Haran, ama ni Milca at ama ni Iscah.

30 At si Sarai ay baog; siya'y walang anak.

31 At ipinagsama ni Thare si Abram na kaniyang anak, at si Lot na anak ni Haran, na anak ng kaniyang anak, at si Sarai na kaniyang manugang, asawa ni Abram na kaniyang anak; at samasamang nagsialis sa Ur ng mga Caldeo upang magsipasok sa lupain ng Canaan, at nagsidating sila sa Haran, at nagsitahan doon.

32 At ang mga naging araw ni Thare ay dalawang daan at limang taon: at namatay si Thare sa Haran.

'Genesis 11 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.