Add parallel Print Page Options

Ang Panalangin ng mga Mananampalataya

23 Nang pinakawalan na sina Pedro at Juan, bumalik sila sa kanilang mga kasamahan, at ibinalita nila kung ano ang sinabi ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 24 Nang marinig iyon ng mga mananampalataya, nanalangin sila sa Dios. Sinabi nila, “Panginoon na makapangyarihan sa lahat, kayo po ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at lahat ng nasa mga ito. 25 Nagsalita kayo sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod. Sinabi niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,

    ‘Bakit matindi ang galit ng mga bansa?
    Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
26 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
    at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
    at sa kanyang Cristo.’[a]

27 Natupad na ngayon ang sinabi ninyo noon, dahil dito mismo sa Jerusalem, ang mga Judio at hindi Judio, pati si Haring Herodes at si Gobernador Pilato, ay nagkaisang kalabanin ang inyong banal na lingkod na si Jesus na inyong pinili na maging Hari. 28 Sa kanilang ginawa, natupad na ang inyong balak noon. At itoʼy nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan nʼyo kami na inyong mga lingkod na maging matapang sa pangangaral ng inyong salita. 30 Ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan. Loobin nʼyo na sa pamamagitan ng kapangyarihan[b] ni Jesus na inyong banal na lingkod ay mapagaling namin ang mga may sakit at makagawa kami ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang bahay na kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at buong tapang na nangaral ng salita ng Dios.

Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya

32 Nagkaisa ang mga mananampalataya sa damdamin at isipan. Itinuring ng bawat isa na ang kanilang mga ari-arian ay hindi lang para sa kanilang sarili kundi para sa lahat. 33 Patuloy ang paggawa ng mga apostol ng mga kamangha-manghang gawa bilang patunay na ang Panginoong Jesus ay talagang nabuhay muli. At lubusang pinagpala ng Dios ang lahat ng mga mananampalataya. 34 Hindi sila nagkulang sa kanilang pangangailangan dahil ipinagbili ng mga may kaya ang kanilang mga lupaʼt bahay, 35 at ang peraʼy ibinigay nila sa mga apostol. At ibinigay naman ito ng mga apostol sa bawat isa ayon sa kanilang pangangailangan.

36 Ganyan din ang ginawa ng Levitang si Jose na taga-Cyprus. Tinatawag siya ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihin ay “Tagapagpalakas ng Loob.” 37 Ibinenta ni Jose ang kanyang lupa at ang peraʼy ibinigay niya sa mga apostol.

Read full chapter

Footnotes

  1. 4:26 Salmo 2:1-2.
  2. 4:30 kapangyarihan: sa literal, pangalan.