Gawa 14
Ang Salita ng Diyos
Sa Iconio
14 Sa Iconio, sila ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Sila ay nagsalita, at sumampalataya ang napakaraming tao kapwa mga Judio at mga Griyego.
2 Ngunit inudyukan ng mga di naniniwalang Judio ang mga Gentil. At pinasama ang kanilang mga isipan laban sa mga kapatid. 3 Sila nga ay tumira doon ng mahabang panahon. Buong tapang silang nangaral para sa Panginoon. Pinatotohanan ng Panginoon ang salita ng kaniyang biyaya at pinagkalooban silang gawin ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. 4 Ngunit ang napakaraming tao sa lungsod ay nagkabaha-bahagi. Ang isang bahagi ay pumanig sa mga Judio at ang isang bahagi naman ay pumanig sa mga alagad. 5 Nagkaroon ng kilusan sa mga Gentil at sa mga Judio rin naman kasama ang kanilang mga pinuno upang sila ay hamakin at batuhin. 6 Nang nalaman nila ito, sila ay tumakas patungong Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia at sa mga lupain sa palibot nito. 7 Doon sila ay patuloy na nangaral ng ebanghelyo.
Sa Listra at Derbe
8 May isang lalaki sa Listra na ang mga paa ay walang lakas at siya ay nakaupo. Kailanman ay hindi siya nakalakad sapagkat siya ay lumpo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.
9 At narinig ng taong ito na nagsasalita si Pablo. Tinitigan siya ni Pablo at nakita na siya ay may pananampalataya na siya ay mapapagaling. 10 Sinabi sa kaniya sa malakas na tinig: Tumayo ka nang matuwid. Siya ay lumukso at lumakad.
11 Nang makita ng napakaraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila. Sinabi nila sa wikang Licaonia: Ang mga diyos ay bumaba sa atin na katulad ng mga tao. 12 Si Bernabe ay tinawag nilang Zeus. Si Pablo naman ay Hermes sapagkat siya ang punong tagapagsalita. 13 Ang saserdote ni Zeus na nasa harap ng kanilang lungsod ay nagdala ng mga toro at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan. Ibig niyang maghandog ng hain, kasama ang maraming tao.
14 Nang marinig ito ng mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hinapak nila ang kanilang mga damit. Tumakbo sila sa gitna ng napakaraming tao at sumigaw. 15 Sinabi nila: Mga kalalakihan, bakit ninyo ginawa ang mga bagay na ito? Kami ay mga tao ring may damdaming katulad ninyo. Nangaral kami ng ebanghelyo sa inyo upang mula sa mga bagay na ito na walang kabuluhan ay bumalik kayo sa Diyos na buhay. Siya ang gumawa ng langit, lupa, dagat at lahat ng nasa mga yaon. 16 Nang mga nakaraang panahon, pinabayaan niyang ang lahat ng mga bansa ay lumakad sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunman, hindi siya nagpabayang di-magbigay patotoo patungkol sa kaniyang sarili. Gumawa siya ng mabuti at nagbigay sa atin ng ulan na galing sa langit at ng mga panahong sagana. Binubusog ang ating mga puso ng pagkain at ng katuwaan. 18 Sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang maraming tao sa paghahandog ng hain sa kanila.
19 Dumating ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio na nanghimok ng maraming tao. Pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad nila siya sa labas ng lungsod. Inaakala nilang siya ay patay na. 20 Ngunit samantalang ang mga alagad ay nakatayo sa paligid niya, tumindig siya. Pumasok siya sa lungsod. Kinabukasan pumunta siya sa Derbe kasama si Bernabe.
Si Pablo at Bernabe ay Bumalik sa Antioquia ng Siria
21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lungsod na iyon at makapagturo sa maraming alagad, bumalik sila sa Listra, sa Iconio at sa Antioquia.
22 Pinatatag nila ang mga kaluluwa ng mga alagad. Ipinamanhik niya sa kanila na sila ay manatili sa pananampalataya na sa pamamagitan ng maraming mga paghihirap, kinakailangang pumasok tayo sa paghahari ng Diyos. 23 Nang makapagtalaga na sila ng mga matanda sa bawat iglesiya, at nang makapanalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at pumaroon sa Pamfilia. 25 Nang maipangaral na nila ang salita sa Perga, lumusong sila sa Atalia.
26 Mula doon ay naglayag sila sa Antioquia na kung saan sila ay itinagubilin sa biyaya ng Diyos para sa gawaing natapos nila. 27 Nang dumating sila at matipon na ang iglesiya, isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Isinaysay rin nila kung paanong binuksanng Diyos sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya. 28 Tumira sila roon nang mahabang panahon kasama ng mga alagad.
Mga Gawa 14
Ang Biblia (1978)
14 At nangyari sa (A)Iconio na sila'y magkasamang nagsipasok (B)sa sinagoga ng mga Judio, at nangagsalita ng gayon na lamang na ano pa't nagsisampalataya ang lubhang marami sa mga Judio at sa mga Griego.
2 Datapuwa't (C)inudyukan ng mga Judiong suwail ang mga kaluluwa ng mga Gentil, at pinasama sila laban sa mga kapatid.
3 Nagsitira nga sila doon ng mahabang panahon na nagsisipagsalita ng buong katapangan sa Panginoon, na nagpapatotoo sa (D)salita ng kaniyang biyaya, na ipinagkakaloob na gawin ng kanilang mga kamay ang mga tanda at mga kababalaghan.
4 Datapuwa't nagkabahabahagi ang karamihan sa bayan; at ang isang bahagi'y nakisama sa mga Judio, at ang ibang bahagi'y nakisama sa mga (E)apostol.
5 At nang gawin ang pagdaluhong ng mga Gentil at ng mga Judio naman na kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y halayin at batuhin,
6 At sa pagkaalam nila nito, ay (F)nagsitakas na patungo sa mga bayan ng Licaonia, (G)Listra at Derbe, at sa palibotlibot ng lupain:
7 At doon nila ipinangaral ang evangelio.
8 At sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na sa mga paa'y (H)walang lakas, pilay mula pa sa tiyan ng kaniyang ina, na kailan ma'y hindi nakalakad.
9 Narinig nitong nagsasalita si Pablo: na, nang titigan siya ni Pablo, at makitang may pananampalataya (I)upang mapagaling,
10 Ay nagsabi ng malakas na tinig, Magtindig kang matuwid sa iyong mga paa. (J)At siya'y lumukso at lumakad.
11 At nang makita ng karamihan ang ginawa ni Pablo, ay nagsigawan sila, na sinasabi sa wikang Licaonia, (K)Ang mga dios ay nagsibaba sa atin sa anyo ng mga tao.
12 At tinawag nilang Jupiter, si Bernabe; at Mercurio, si Pablo, sapagka't siya ang pangulong tagapagsalita.
13 At ang saserdote ni Jupiter na ang kaniyang templo ay nasa harap ng bayan, ay nagdala ng mga baka't mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghaing kasama ng mga karamihan.
14 Datapuwa't nang marinig ito (L)ng mga apostol, na si Bernabe at si Pablo, ay (M)hinapak nila ang kanilang mga damit, at nagsipanakbo sa gitna ng karamihan, na nagsisigaw
15 At nagsisipagsabi, Mga ginoo, (N)bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao ring may mga karamdamang gaya ninyo, at nangagdadala ng mabubuting balita sa inyo, upang mula sa mga bagay na itong (O)walang kabuluhan ay magsibalik kayo (P)sa Dios na buhay, (Q)na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nasa mga yaon:
16 Na nang mga panahong nakaraan (R)ay pinabayaan niya ang lahat ng mga bansa ay magsilakad sa kanilang mga sariling daan.
17 At gayon man ay (S)hindi nagpabayang di nagbigay patotoo, tungkol sa kaniyang sarili, na gumawa ng mabuti (T)at nagbigay sa inyo ng ulang galing sa langit at ng mga panahong sagana, na pinupuno ang inyong mga puso ng (U)pagkain at ng katuwaan.
18 At sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang karamihan sa paghahain sa kanila.
19 Datapuwa't (V)nagsirating ang mga Judiong buhat sa (W)Antioquia at (X)Iconio: at nang mahikayat nila ang mga karamihan, (Y)ay kanilang pinagbabato si Pablo, at kinaladkad nila siya sa labas ng bayan, na inaakalang siya'y patay na.
20 Datapuwa't samantalang ang mga alagad ay nangakatayo sa paligid niya, ay nagtindig siya, at pumasok sa bayan: at nang kinabukasa'y umalis siya na kasama ni Bernabe napasa (Z)Derbe.
21 At nang maipangaral na nila ang evangelio sa bayang yaon, at makahikayat ng maraming mga alagad, ay nagsibalik sila sa Listra at sa Iconio, at sa Antioquia,
22 Na (AA)pinatitibay ang mga kaluluwa ng mga alagad, at inaaralan sila na magsipanatili sa pananampalataya, at sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian (AB)ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Dios.
23 At nang makapaglagay na sa kanila ng (AC)mga matanda sa bawa't iglesia, at nang makapanalanging may pagaayuno, ay ipinagtagubilin sila sa Panginoong kanilang sinampalatayanan.
24 At kanilang tinahak ang (AD)Pisidia, at nagsiparoon sa Pamfilia.
25 At nang masalita na nila ang salita sa Perga, ay nagsilusong sila sa Atalia;
26 At buhat doo'y nagsilayag sila sa (AE)Antioquia, na doo'y ipinagtagubilin sila sa (AF)biyaya ng Dios dahil sa gawang kanilang natapos na.
27 At nang sila'y magsidating, at matipon na ang iglesia, ay isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Dios sa kanila, (AG)at kung paanong binuksan niya sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya.
28 At nangatira silang hindi kakaunting panahon na kasama ng mga alagad.
Mga Gawa 14
Ang Biblia, 2001
Sa Iconio
14 Ang gayunding bagay ay nangyari din sa Iconio, na doon sina Pablo at Bernabe[a] ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at nagsalita ng gayon na sumampalataya ang marami sa mga Judio at sa mga Griyego.
2 Ngunit inudyukan ng mga hindi nananampalatayang Judio ang mga Hentil, at nilason ang kanilang isipan laban sa mga kapatid.
3 Kaya't nanatili sila ng mahabang panahon na nagsasalita ng buong katapangan para sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanda at mga kababalaghan na gawin ng kanilang mga kamay.
4 Ngunit nagkabaha-bahagi ang mga taong-bayan sa lunsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, at ang iba ay sa mga apostol.
5 Nang magtangka ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y saktan at batuhin,
6 nalaman ito ng mga apostol[b] at sila'y tumakas patungo sa Listra at Derbe, na mga lunsod ng Licaonia at sa palibot na lupain,
7 at doon nila ipinangaral ang magandang balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak.
9 Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,
10 ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki[c] ay lumukso at nagpalakad-lakad.
11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”
12 Tinawag nilang Zeus[d] si Bernabe at Hermes[e] si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.
13 Ang pari ni Zeus[f] na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.
14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,
15 “Mga(A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.
16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.
17 Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”
18 Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.
19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang mahikayat nila ang maraming tao, kanilang pinagbabato si Pablo at kanilang kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na.
20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe.
Bumalik Sila sa Antioquia
21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia,
22 na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.
23 Nang makapagtalaga na sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya, matapos manalangin na may pag-aayuno, ay kanilang ipinagtagubilin sila sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan.
24 At sila'y dumaan sa Pisidia at nagtungo sa Pamfilia.
25 Nang maipahayag na nila ang salita sa Perga ay lumusong sila sa Atalia;
26 at buhat doon ay naglayag sila patungong Antioquia. Doon ay itinagubilin sila sa biyaya ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na.
27 Nang sila'y dumating, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya para sa mga Hentil ang pinto ng pananampalataya.
28 Nanatili sila roon na kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.
Footnotes
- Mga Gawa 14:1 Sa Griyego ay sila .
- Mga Gawa 14:6 Sa Griyego ay nila .
- Mga Gawa 14:10 Sa Griyego ay siya .
- Mga Gawa 14:12 o Jupiter .
- Mga Gawa 14:12 o Mercurio .
- Mga Gawa 14:13 o Jupiter .
Mga Gawa 14
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Sa Iconio
14 Ganoon din ang nangyari sa Iconio. Magkasamang pumasok sina Pablo at Bernabe sa sinagoga ng mga Judio. Nangaral sila roon at marami sa mga Judio at Griyego ang sumampalataya. 2 Ngunit ang mga Hentil ay inudyukan ng mga Judiong ayaw sumampalataya, at nilason ang kanilang mga pag-iisip laban sa mga kapatid. 3 Dahil dito'y matagal na nanatili roon sina Pablo at Bernabe at buong tapang na nangaral para sa Panginoon. Pinatunayan naman ng Panginoon ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang kanilang ginagawa. 4 Kaya't nagkabaha-bahagi ang mga mamamayan ng lungsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, ang iba nama'y sa mga apostol. 5 Pinagtangkaan ng mga Hentil at ng mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. 6 Subalit nang nalaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas patungong Listra at Derbe, mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain. 7 Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking kailanma'y hindi makalakad sapagkat lumpo na mula nang ipanganak. 9 Nakinig siya sa pangangaral ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling, 10 malakas niyang sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang maglakad. 11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila sa wikang Licaonia, “Bumaba sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe at Hermes si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nagdala ng mga baka at ng mga bulaklak sa pintuan ng lungsod ang pari ni Zeus na ang templo ay nasa harap ng lungsod, sapagkat siya, kasama ng napakaraming tao, ay nais maghandog sa mga apostol.
14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at sumisigaw na tumakbo sa gitna ng mga tao, 15 “Mga (A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga ito? Mga tao rin kaming gaya ninyo! Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran na ninyo ang mga bagay na ito na walang kabuluhan at magbalik-loob kayo sa buháy na Diyos, ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon. 16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niyang lumakad ang lahat ng mga bansa sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunma'y hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa mga kabutihang kanyang ginawa. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng mga masaganang panahon; binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga salitang ito'y bahagya lamang nilang napigil ang napakaraming tao sa paghahandog sa kanila.
19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang maudyukan nila ang maraming tao, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng lungsod, sa pag-aakalang siya'y patay na. 20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungong Derbe.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
21 Ipinangaral nila ang Magandang Balita sa lungsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami. Pagkatapos nito'y nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia, 22 habang pinatatatag ang loob ng mga alagad, at pinapayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. Sinabi nila, “Daranas tayo ng maraming kapighatian bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos.” 23 Nagtalaga sila sa bawat iglesya ng matatandang tagapamahala. Matapos manalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at nagtungo sa Pamfilia. 25 Nang makapangaral na sila sa Perga ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon ay naglayag sila pabalik ng Antioquia. Doon sila ipinagkatiwala noon sa pagkalinga ng Diyos tungo sa gawaing ngayon ay natapos na nila. 27 Pagdating nila sa Antioquia, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang pagkakataon upang sumampalataya ang mga Hentil. 28 Nanatili sila roong kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.
Copyright © 1998 by Bibles International
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
