Galacia 5
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Kalayaan kay Cristo
5 Pinalaya tayo ni Cristo upang patuloy na tamasahin ang kalayaang ito; kaya't magpakatatag kayo at huwag na muling magpaalipin.
2 Pakinggan ninyo ito! Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: kung kayo'y patutuli, mawawalan ng kabuluhan sa inyo si Cristo. 3 Narito muli ang aking babala: bawat taong nagpatuli ay kailangang tumupad sa buong kautusan. 4 Kayong mga nagnanais na ituring na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, napalayo na kayo kay Cristo at nawalay mula sa kanyang biyaya. 5 Subalit kami ay taimtim na umaasang ituturing na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at ng kapangyarihan ng Espiritu. 6 Sapagkat kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang pagiging tuli o di-tuli, kundi ang pananampalatayang pinatutunayan sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Maayos na sana ang pagtakbong ginagawa ninyo noon. Sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi iyan gagawin ng Diyos na tumawag sa inyo! 9 Ang (A) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa. 10 Nagtitiwala ako sa Panginoon na walang tututol sa akin tungkol sa mga bagay na ito. At sinumang nanggugulo sa inyo ay tiyak kong parurusahan ng Diyos. 11 Tungkol naman sa akin, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? At kung nangangaral ako na kailangan pa ang pagtutuli, mawawala na ang katitisuran ng krus. 12 At sila na mga nanggugulo sa inyo ay hindi lamang dapat magpatuli kundi tuluyan nang magpaputol.
13 Tinawag kayo upang maging malaya, mga kapatid. Kaya lang, huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang pagbigyan ang hilig ng laman. Sa halip, maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat (B) ito ang buod ng Kautusan: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayu-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.
Ang mga Gawa ng Laman
16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu, at huwag na huwag kayong susunod sa hilig ng laman. 17 Sapagkat (C) ang mga hilig ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa mga hilig ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin. 18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. 19 Hindi naman maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, karumihan, kahalayan, 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi, 21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng babala ko noon, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
Ang Bunga ng Espiritu
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, 23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. 24 Ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makalamang pagkatao, kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito. 25 Yamang binigyan na tayo ng Espiritu ng bagong-buhay, lumakad tayo ayon sa kanyang patnubay. 26 Huwag na tayong maging palalò, huwag na nating galitin ang isa't isa, at huwag na rin tayong mag-inggitan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.