Add parallel Print Page Options

Manatili Kayong Malaya

Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!

Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabaliwala ninyo si Cristo. Binabalaan ko ang lahat ng taong nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa kagandahang-loob ng Diyos. Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong pagsunod sa katotohanan? Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na tumawag sa inyo. Ang(A) sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” 10 Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo.

11 Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. 12 At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi tuluyan na nilang putulan ang sarili nila.

13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat(B) ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa.

Ang Espiritu at ang Laman

16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu at hindi ninyo pagbibigyan ang mga pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat(C) ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin. 18 Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.

19 Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, 21 pagkainggit, [pagpatay][a] paglalasing, walang habas na pagsasaya, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos.

22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito. 24 At ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang laman at ang masasamang hilig nito. 25 Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu, mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu. 26 Huwag tayong maging palalo, huwag nating galitin ang isa't isa, at huwag rin tayong mainggit sa isa't isa.

Footnotes

  1. Galacia 5:21 pagpatay: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang salitang ito.

Ang Kalayaan kay Cristo

Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya't magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.

Makinig kayo! Akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung kayo'y patutuli, si Cristo ay hindi magiging pakinabang sa inyo.

At muli kong pinatotohanan sa bawat taong nagpatuli na siya'y may pananagutang tumupad sa buong kautusan.

Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong mga nagnanais ariing-ganap sa pamamagitan ng kautusan; nahulog kayo mula sa biyaya.

Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya ay naghihintay tayo sa pag-asa ng katuwiran.

Sapagkat kay Cristo Jesus, ang pagtutuli o di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

Kayo ay tumatakbo noon ng mabuti, sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan?

Ang paghikayat na iyon ay hindi nagmula sa tumatawag sa inyo.

Ang(A) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.

10 Ako'y nagtitiwala sa Panginoon, na hindi kayo mag-iisip ng iba pa. Subalit sinuman siyang nanggugulo sa inyo ay tatanggap ng parusa.

11 Ngunit ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? Kung gayon, ang katitisuran ng krus ay inalis na.

12 Ibig ko sana na ang mga nanggugulo sa inyo ay kapunin nila ang kanilang sarili.

13 Sapagkat kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; subalit huwag lamang ninyong gagamitin ang inyong kalayaan bilang isang kadahilanan para sa laman, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig ay maging alipin kayo ng isa't isa.

14 Sapagkat(B) ang buong kautusan ay natutupad sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

15 Ngunit kung kayo-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.

Ang mga Gawa ng Laman

16 Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.

17 Sapagkat(C) ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa, upang hindi ninyo magawa ang mga bagay na nais ninyong gawin.

18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, kayo ay wala sa ilalim ng kautusan.

19 Ngayon ay hayag ang mga gawa ng laman, ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, kahalayan,

20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, alitan, pagtatalo, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi,

21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at ang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng aking pagbabala noong una sa inyo, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

Ang Bunga ng Espiritu

22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan,

23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan.

24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito.

25 Kung tayo'y nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, lumakad din tayo sa patnubay ng Espiritu.

26 Huwag tayong maging palalo, na ginagalit ang isa't isa at naiinggit sa isa't isa.