Galacia 5
Ang Dating Biblia (1905)
5 Sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo: magsitibay nga kayo, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.
2 Narito, akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo, na, kung inyong tinatanggap ang pagtutuli, ay wala kayong mapapakinabang na anoman kay Cristo.
3 Oo, pinatotohanan kong muli sa bawa't taong tumatanggap ng pagtutuli, na siya'y may kautangang tumupad ng buong kautusan.
4 Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong nangagiibig na ariing-ganap ng kautusan; nangahulog kayo mula sa biyaya.
5 Sapagka't tayo sa pamamagitan ng Espiritu sa pananampalataya ay naghihintay ng pangako ng katuwiran.
6 Sapagka't kay Cristo Jesus, kahit ang pagtutuli ay walang kabuluhan, kahit man ang di-pagtutuli; kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pagibig.
7 Nagsisitakbo kayong mabuti nang una; sino ang gumambala sa inyo upang kayo'y huwag magsisunod sa katotohanan?
8 Ang paghikayat na ito ay hindi nagmula doon sa tumawag sa inyo.
9 Ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak.
10 Ako'y may pagkakatiwala sa inyo sa Panginoon, na hindi kayo nagsipagisip ng ibang paraan: datapuwa't ang gumagambala sa inyo ay magtataglay ng kaniyang kahatulan, maging sinoman siya.
11 Nguni't ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit ako'y pinaguusig pa? kung gayon ay natapos na ang katitisuran sa krus.
12 Ibig ko sana na ang mga nagsisigulo sa inyo ay gumawa ng higit sa pagtutuli.
13 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; huwag lamang gamitin ang inyong kalayaan, upang magbigay kadahilanan sa laman, kundi sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo.
14 Sapagka't ang buong kautusan ay natutupad sa isang salita, sa makatuwid ay dito: Iibigin mo ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili.
15 Nguni't kung kayo-kayo rin ang nangagkakagatan at nangagsasakmalan, magsipagingat kayo na baka kayo'y mangaglipulan sa isa't isa.
16 Sinasabi ko nga, Magsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman.
17 Sapagka't ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagka't ang mga ito ay nagkakalaban; upang huwag ninyong gawin ang bagay na inyong ibigin.
18 Datapuwa't kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan.
19 At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan,
20 Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya,
21 Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.
22 Datapuwa't ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat,
23 Kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.
24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang mga masasamang pita at mga kahalayan nito.
25 Kung tayo'y nangabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, ay mangagsilakad naman tayo ayon sa Espiritu.
26 Huwag tayong maging mga palalo, na tayo-tayo'y nangagmumungkahian sa isa't isa, nangagiinggitan sa isa't isa.
Galacia 5
Ang Salita ng Diyos
Kalayaan kay Cristo
5 Tayo ay pinalaya ni Cristo. Magpakatatag kayo sa kalayaang ito at huwag na ninyong hayaang ang sinuman na dalhin kayong muli sa pamatok ng pagkaalipin.
2 Narito, akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: Kapag kayo ay nagpailalaim sa pagtutuli, si Cristo ay walang pakinabang para sa inyo. 3 Muli akong nagpapatotoo sa bawat lalaking nasa ilalim ng pagtutuli, siya ay may pananagutang tuparin ang buong kautusan. 4 Kung kayo ay pinapaging-matuwid ng kautusan, kayo ay napahiwalay na kay Cristo. Nahulog na kayo mula sa biyaya. 5 Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, ayon sa pananampalataya, tayo ay may pananabik na naghihintay sa pag-asa ng katuwiran. 6 Ito ay sapagkat, kay Cristo Jesus, ang pagiging nasa pagtutuli at ang hindi pagiging nasa pagtutuli ay walang halaga. Subalit ang may kahalagahan ay ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Mahusay ang inyong pagtakbo. Sino ang humadlang sa inyoupang huwag sundin ang katotohanan? 8 Ang panghihikayat na ito ay hindi nagmula doon sa tumawag sa inyo. 9 Ang kaunting pampaalsa ang nagpapaalsa ng buong masa ng harina. 10 Ako ay nagtitiwala sa Panginoon na kayo ay hindi na mag-iisip ng iba pa man. Ang gumagambala sa inyo ay tatanggap ng kaniyang kahatulan, maging sinuman siya. 11 Ngunit mga kapatid, kung ipinapangaral ko pa ang pagiging nasa pagtutuli, bakit pa nila ako pinag-uusig? Kung gayon ay tumigil na ang katitisuran sa krus. 12 Para doon sa mga nanggugulo sa inyo, ang nais ko ay putulin na sila nglubusan.
13 Ngayon mga kapatid, tinawag kayo ng Diyos upang kayo ay maging malaya. Huwag lamang ninyong gamitin ang inyong kalayaan na maging pagkakataon para sa makalamang pita. Sa halip, sa pamamagitan ng pag-ibig ay maglingkod kayo sa isa’t isa. 14 Ito ay sapagkat sa isang salita ay natupad ang buong kasulatan:
Ibigin mo ang iyong kapwagaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.
15 Ngunit kung kayo ay magkakagatan at magsasakmalan sa isa’t isa, mag-ingat kayo, na hindi ninyo maubos ang isa’t isa.
Ang Buhay sa Pamamagitan ng Espiritu
16 Ngunit sinasabi ko: Mamuhay kayo ayon sa Espirituupang hindi ninyo tuparin ang mga nasa ng laman.
17 Ito ay sapagkat ang ninanasa ng laman ay laban sa Espiritu at ang ninanasa ng Espiritu ay laban sa laman. Sila ay magkasalungat sa isa’t isa. Ito ay upang hindi mo gawin ang mga bagay na ibig mong gawin. 18 Ngunit yamang kayo ay pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng kautusan.
19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nahahayag. Ang mga ito ay ang pangangalunya, pakikiapid, karumihan, kahalayan. 20 Mga pagsamba sa diyos-diyosan, pangkukulam, pag-aalitan, paglalaban-laban, paninibugho, pag-uumapaw sa poot, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, pagkakampi-kampi. 21 Mga pagkainggit, pagpatay, paglalasing, magulong pagtitipon at mga bagay na tulad ng mga ito. Ito ay ipina-paunang sabi ko sa inyo katulad ng sinabi ko sa inyo noong una. Ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos.
22 Ngunit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan,kapayapaan, pagtitiis, kagandahang loob, kabutihan, pananampalataya, 23 kaamuan, pagpipigil sa sarili. Walang kautusan laban sa mga bagay na ito. 24 Ngunit naipako na sa krus ng mga na kay Cristo ang laman kasama ang mga masasamang pita at mga pagnanasa nito. 25 Yamang tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, nararapat lamang na tayo ay lumakad ng ayon sa Espiritu. 26 Huwag tayong maghangad pa ng karangalang walang kabuluhan na kung hangarin natin ito, magkakainisan at magkakainggitan tayo sa isa’t isa.
Copyright © 1998 by Bibles International