Add parallel Print Page Options

Tumakas si Jacob kay Laban

31 Narinig ni Jacob na ang mga anak na lalaki ni Laban ay nagsasabi, “Kinuha ni Jacob ang halos lahat ng ari-arian ng ating ama. Ang lahat ng kayamanan niya ay nanggaling sa ari-arian ng ating ama.” Napansin din ni Jacob na nag-iba na ang pakikitungo ni Laban sa kanya di tulad nang dati.

Sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka na sa lupain ng iyong mga ninuno, doon sa mga kamag-anak mo, at makakasama mo ako.”

Kaya ipinatawag ni Jacob ang mga asawa niyang sina Raquel at Lea na naroon sa pastulan ng mga hayop niya. Sinabi niya sa kanila, “Napansin ko na nag-iba na ang pakikitungo ng inyong ama sa akin di tulad nang dati. Pero hindi ako pababayaan ng Dios ng aking Ama. Alam naman ninyo na naglingkod ako sa inyong ama hanggang sa makakaya ko, pero dinaya pa niya ako. Sampung beses niyang binago ang kabayaran ko. Pero hindi ako pinabayaan ng Dios na api-apihin lang niya. Nang sinabi nga ni Laban na ang batik-batik na mga kambing ang siyang bayad ko, panay din batik-batik ang anak ng mga kambing. Kinuha ng Dios ang mga hayop ng inyong ama at ibinigay sa akin.”

10 Sinabi pa ni Jacob, “Nang panahon ng pagkakastahan ng mga hayop, nanaginip ako. Nakita ko na ang mga lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik. 11 Sa panaginip ko tinawag ako ng anghel ng Dios. Sinabi niya, ‘Jacob!’ Sumagot ako sa kanya, ‘Narito po ako.’ 12 At sinabi niya, ‘Masdan mo ang lahat ng lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik. Ginawa ko ito dahil nakita ko ang lahat ng ginagawa sa iyo ni Laban. 13 Ako ang Dios na nagpakita sa iyo roon sa Betel, sa lupain kung saan binuhusan mo ng langis ang bato na itinayo mo bilang alaala. At doon ka rin nangako sa akin. Ngayon maghanda ka at umalis sa lugar na ito, at bumalik sa lugar kung saan ka isinilang.’ ”

14 Sumagot si Raquel at si Lea kay Jacob, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama. 15 Ibang tao na kami sa paningin niya. Ipinagbili na kami at naubos na niya ang perang pinagbilhan namin. 16 Ang lahat ng yaman na binawi sa kanya ng Dios at ibinigay na sa iyo ay maituturing namin na mamanahin namin at ng aming mga anak. Kaya gawin mo ang sinabi sa iyo ng Dios.”

17-18 Naghanda agad si Jacob para bumalik sa Canaan, sa lupain ng ama niyang si Isaac. Pinasakay niya ang mga anak niya at mga asawa sa mga kamelyo. Dinala niya ang mga hayop niya at ang lahat ng ari-arian niya na naipon niya sa Padan Aram.

19 Nagkataon naman na umalis si Laban para gupitan ang kanyang mga tupa, at habang wala siya kinuha ni Raquel ang mga dios-diosang pag-aari ng kanyang ama. 20 Niloko ni Jacob si Laban na Arameo dahil hindi siya nagpaalam sa pag-alis niya. 21 Nang umalis si Jacob, dala niya ang lahat ng ari-arian niya. Tumawid siya sa Ilog Eufrates at pumunta sa bundok ng Gilead.

Hinabol ni Laban si Jacob

22 Nakalipas ang tatlong araw bago malaman ni Laban na lumayas sina Jacob. 23 Kayaʼt hinabol niya si Jacob kasama ang mga kamag-anak niya sa loob ng pitong araw. Naabutan nila sina Jacob doon sa bundok ng Gilead. 24 Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Laban na Arameo sa panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Huwag mong gagawan ng masama si Jacob.”

25 Nagtatayo noon si Jacob ng tolda niya sa bundok ng Gilead nang maabutan siya ni Laban. At doon din nagtayo sina Laban ng mga tolda nila. 26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Bakit mo ako niloko? At dinala mo ang mga anak ko na parang mga bihag sa labanan. 27 Bakit niloko mo ako at umalis nang hindi nagpapaalam sa akin? Kung nagsabi ka lang, paglalakbayin pa sana kita nang may kagalakan sa pamamagitan ng tugtugan ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na mahagkan ang mga apo ko at mga anak bago sila umalis. Hindi maganda itong ginawa mo. 29 May dahilan ako para gawan ka ng masama, kaya lang binalaan ako kagabi ng Dios ng iyong ama na huwag kitang gagawan ng masama. 30 Alam kong sabik na sabik ka nang umuwi. Pero bakit ninakaw mo ang mga dios ko?”

31 Sumagot si Jacob sa kanya, “Hindi ako nagpaalam sa iyo dahil natatakot ako na baka pilitin nʼyong bawiin sa akin ang mga anak mo. 32 Pero kung tungkol sa mga nawawala ninyong dios-diosan, kapag nakita nʼyo ito sa kahit sino sa amin, parurusahan siya ng kamatayan. Sa harapan ng mga kamag-anak natin bilang mga saksi, tingnan nʼyo kung may pag-aari po kayo rito na nasa amin, at kung mayroon ay kunin nʼyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel pala ang kumuha ng mga dios-diosan ni Laban.

33 Kaya hinanap ni Laban ang mga dios-diosan niya sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea, at pati sa tolda ng dalawang aliping babae na mga asawa ni Jacob. Pero hindi niya nakita ang mga ito. Paglabas niya sa tolda ni Lea, pumasok siya sa tolda ni Raquel. 34 Pero naitago na ni Raquel ang mga dios-diosan sa lalagyan na ginagamit na upuan sa pagsakay sa kamelyo, at inupuan niya. Hinanap ni Laban ang mga dios-diosan sa tolda ni Raquel pero hindi niya ito makita.

35 Sinabi ni Raquel sa kanya, “Ama, huwag po kayong magalit kung hindi po ako makatayo dahil mayroon akong buwanang dalaw.” At patuloy na naghahanap si Laban pero hindi niya makita ang mga dios-diosan niya.

36 Hindi na mapigilan ni Jacob ang kanyang galit, kaya sinabi niya kay Laban, “Ano ba ang kasalanang nagawa ko at hinabol mo pa ako? 37 Ngayong nahalungkat mo na ang lahat ng ari-arian ko, may nakita ka bang sa iyo? Kung mayroon, ilagay mo rito sa harap para makita ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak, at bahala na sila ang humatol sa atin. 38 Sa loob ng 20 taon nang akoʼy nasa inyo, ni minsan hindi nakunan ang iyong mga kambing at tupa. At ni isang lalaking tupa ay hindi ko pinangahasang kainin. 39 Hindi ko na dinadala sa iyo ang mga hayop na pinatay ng mababangis na hayop; pinapalitan ko na lang ito agad. Pinabayaran mo rin sa akin ang mga hayop na ninakaw araw man o gabi. 40 Ganito ang naging kalagayan ko: Kapag araw ay nagtitiis ako sa init, at kung gabi ay nagtitiis ako sa lamig. At palaging kulang ang tulog ko. 41 Sa loob ng 20 taon na pagtira ko sa inyo, 14 na taon akong naglingkod sa iyo para sa iyong dalawang anak na babae. Naglingkod pa ako ng anim na taon para bantayan ang iyong mga hayop. Pero ano ang ginawa mo? Sampung beses mong binago ang pagbabayad mo sa akin. 42 Kung hindi siguro ako sinamahan ng Dios na ginagalang ng aking ama na si Isaac, na siya ring Dios ni Abraham, baka pinalayas mo na ako nang walang dalang anuman. Pero nakita ng Dios ang paghihirap ko at pagtatrabaho, kaya binalaan ka niya kagabi.”

Ang Kasunduan nina Jacob at Laban

43 Sumagot si Laban, “Ang mga babaeng iyan ay anak ko at ang mga anak nila ay mga apo ko. At ang mga hayop na iyan ay akin din. Lahat ng nakikita mo ay akin. Pero ngayon, ano pa ang magagawa ko sa mga anak at apo ko? 44 Ang mabuti siguro, gumawa tayo ng kasunduan. Magtayo tayo ng batong magpapaalala sa atin at magpapatunay ng kasunduan natin.”

45 Kaya kumuha si Jacob ng malaking bato at itinayo niya ito bilang alaala. 46 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kamag-anak niya na magtumpok ng mga bato. At kumain sila roon sa tinumpok na mga bato. 47 Pinangalanan ni Laban ang tinumpok na mga bato na Jegar Sahaduta.[a] Pero pinangalanan ito ni Jacob na Galeed.[b]

48 Sinabi ni Laban, “Ang mga batong ito na tinumpok ang magpapatunay sa kasunduan nating dalawa.” Ito ang dahilan kung bakit pinangalanan itong tinumpok sa Galeed. 49 Tinawag din iyon na Mizpa,[c] dahil sinabi pa ni Laban, “Nawaʼy ingatan tayo ng Panginoon sa ating paghihiwalay. 50 At kung hindi mabuti ang pakikitungo mo sa mga anak ko, o kayaʼy mag-aasawa ka pa ng iba, alalahanin mo na kahit hindi ko man ito nalalaman, ang Dios ang magpapatunay ng kasunduan natin.”

51 Muli pang sinabi ni Laban kay Jacob, “Narito ang tinumpok na mga bato at ang bato na alaalang magpapatunay ng kasunduan natin. 52 Ang mga tinumpok na batong ito at ang bato na alaala ang siyang magpapatunay ng ating kasunduan na hindi ako lalampas sa tinumpok na mga batong ito para lusubin ka, at hindi ka rin lalampas sa tinumpok na mga batong ito at sa bato na alaala para lusubin ako. 53 Nawaʼy ang Dios ng lolo mong si Abraham at ang Dios ng aking ama na si Nahor, na siya ring Dios ng kanilang amang si Tera, ang siyang humatol sa ating dalawa.”

Nakipagkasundo rin si Jacob kay Laban sa pangalan ng Dios na iginagalang ng ama niyang si Isaac. 54 Naghandog si Jacob ng hayop doon sa bundok, at tinawag niya ang mga kamag-anak niya para kumain. Kinagabihan, doon sila natulog sa bundok.

55 Kinabukasan, maaga pa ay hinagkan ni Laban at binasbasan ang mga anak at apo niya, at umalis siya pauwi.

Naghanda si Jacob sa Pakikipagkita kay Esau

32 Habang naglalakbay sina Jacob, sinalubong siya ng mga anghel ng Dios. Pagkakita ni Jacob sa kanila, sinabi niya, “Mga sundalo ito ng Dios.” Kaya pinangalanan niya ang lugar na iyon na Mahanaim.[d]

May mga inutusan si Jacob na mauna sa kanya para makipagkita sa kapatid niyang si Esau roon sa lupain ng Seir, ang lugar na tinatawag ding Edom. Tinuruan niya sila kung ano ang sasabihin nila kay Esau. Sinabi ni Jacob, “Sabihin ninyo kay Esau na matagal akong nanirahan kay Laban at hindi pa ako nakakauwi hanggang ngayon. At sabihin ninyo sa kanya na may mga baka ako, asno, tupa, kambing at mga aliping lalaki at babae. Sabihin ninyo sa kanya na inutusan ko kayo para hilingin sa kanya na maging mabuti na sana ang pakikitungo niya sa akin.”

Pagbalik ng mga inutusan ni Jacob, sinabi nila, “Napuntahan na po namin si Esau, at papunta na po siya rito para salubungin kayo. May kasama siyang 400 lalaki.”

Kinabahan si Jacob at hindi siya mapalagay, kaya hinati niya sa dalawang grupo ang mga kasamahan niya pati ang kanyang mga tupa, baka, kambing at kamelyo. Dahil naisip niya na kung sakaling dumating si Esau at lusubin ang isang grupo, makakatakas pa ang isang grupo.

Nanalangin si Jacob, “Dios ng aking lolo na si Abraham at Dios ng aking ama na si Isaac, kayo po ang Panginoon na nagsabi sa akin na bumalik ako sa mga kamag-anak ko, doon po sa lupain kung saan ako isinilang, at pagpapalain ninyo ako. 10 Hindi po ako karapat-dapat tumanggap ng lahat ng kabutihan at katapatan na ipinakita ninyo sa akin na inyong lingkod. Sapagkat nang tumawid ako noon sa Jordan, wala po akong ibang dala kundi tungkod lang, pero ngayon ay may dalawa na po akong grupo. 11 Hinihiling ko po sa inyo na iligtas nʼyo ako sa kapatid kong si Esau. Natatakot po ako na baka pumunta siya rito at patayin kaming lahat pati na ang mga asawa koʼt mga anak nila. 12 Pero nangako po kayo sa akin na pagpapalain nʼyo ako at pararamihin nʼyo ang aking mga lahi katulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi mabilang.”

13 Kinagabihan, doon natulog sina Jacob. Kinabukasan, pumili si Jacob ng mga hayop na ireregalo kay Esau: 14 200 babaeng kambing at 20 lalaking kambing, 200 babaeng tupa at 20 lalaking tupa, 15 30 inahing kamelyo kasama pa ang kanilang mga bisiro, 40 babaeng baka at sampung toro, 20 babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Ginawang dalawang grupo ni Jacob ang mga hayop, at ang bawat grupo ay may aliping nagbabantay. Sinabihan niya ang kanyang mga alipin, “Mauna kayo sa akin, at lumakad kayo na may pagitan ang bawat grupo.”

17 Sinabihan niya ang mga aliping nagbabantay sa naunang grupo, “Kung makasalubong nʼyo si Esau at magtanong siya kung kanino kayong alipin at kung saan kayo pupunta, at kung kanino ang mga hayop na dala ninyo, 18 sagutin ninyo siya na akin ang mga hayop na ito at regalo ko ito sa kanya. Sabihin din ninyo sa kanya na nakasunod ako sa inyo.”

19 Ganoon din ang sinabi niya sa ikalawa, sa ikatlo at sa lahat ng aliping kasabay ng mga hayop. 20 At pinaalalahanan niya ang mga ito na huwag kalimutang sabihin kay Esau na nakasunod siya sa hulihan. Sapagkat sinabi ni Jacob sa kanyang sarili, “Aalukin ko si Esau ng mga regalong ito na pinauna ko. At kung magkikita kami, baka sakaling patawarin niya ako.” 21 Kaya pinauna niya ang mga regalo niya, pero nagpaiwan siya noong gabing iyon doon sa tinutuluyan nila.

May Nakipagbuno kay Jacob sa Peniel

22 Nang gabing iyon, bumangon si Jacob at isinama ang dalawa niyang asawa, ang dalawang alipin niyang babae at ang 11 anak niya, at pinatawid sila sa Ilog ng Jabok. 23 Ipinatawid din ni Jacob ang lahat ng ari-arian niya. 24 Nang nag-iisa na siya, may dumating na isang lalaki at nakipagbuno sa kanya. Nagbunuan sila hanggang mag-uumaga. 25 Nang mapansin niya na hindi niya matatalo si Jacob, pinisil niya ang balakang ni Jacob at nalinsad ang magkatapat na buto nito. 26 At sinabi ng tao, “Bitawan mo na ako dahil mag-uumaga na.”

Pero sumagot si Jacob, “Hindi kita bibitawan hanggaʼt hindi mo ako babasbasan.”

27 Nagtanong ang tao sa kanya, “Anong pangalan mo?”

Sumagot siya, “Jacob.”

28 Sinabi ng tao, “Simula ngayon hindi na Jacob ang pangalan mo kundi Israel[e] na dahil nakipagbuno ka sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 Nagtanong din si Jacob sa kanya, “Sabihin mo rin sa akin ang pangalan mo.”

Pero sumagot ang tao, “Huwag mo nang itanong ang pangalan ko.” Pagkatapos, binasbasan niya si Jacob doon.

30 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel,[f] dahil sinabi niya, “Nakita ko ang mukha ng Dios pero buhay pa rin ako.”

31 Sumisikat na ang araw nang umalis si Jacob sa Peniel. Pipilay-pilay siya dahil nalinsad ang buto niya sa balakang. 32 Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ang mga Israelita ay hindi kumakain ng litid sa magkatapat na buto sa balakang ng hayop. Sapagkat sa bahaging iyon pinisil ng Dios si Jacob.

Footnotes

  1. 31:47 Jegar Sahaduta: Ang ibig sabihin nito sa Aramico na wika, tinumpok bilang patunay.
  2. 31:47 Galeed: Ang ibig sabihin nito sa wikang Hebreo, tinumpok bilang patunay.
  3. 31:49 Mizpa: Ang ibig sabihin, bantayang tore.
  4. 32:2 Mahanaim: Ang ibig sabihin, dalawang grupo ng mga sundalo.
  5. 32:28 Israel: Ang ibig sabihin, nakipagbuno sa Dios.
  6. 32:30 Peniel: Ang ibig sabihin, mukha ng Dios.

Ang Anak ng Pinuno at ang Babaeng Dinudugo(A)

18 Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno ng sambahan ng mga Judio. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, pero kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, mabubuhay siyang muli.” 19 Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na rin ang mga tagasunod niya. 20 Habang naglalakad sila, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babae na 12 taon nang dinudugo, at hinipo niya ang laylayan[a] ng damit ni Jesus. 21 Sapagkat sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa babae ay sinabi, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae nang sandaling iyon.

23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang siya.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. 26 Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag

27 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na sumisigaw, “Anak ni David,[c] maawa po kayo sa amin!” 28 Pagdating ni Jesus sa bahay na kanyang tutuluyan, lumapit sa kanya ang mga bulag na lalaki. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na kaya ko kayong pagalingin?” Sumagot sila, “Opo, Panginoon.” 29 At hinipo ni Jesus ang mga mata nila, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga ang dalawa. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nila itong sasabihin kaninuman. 31 Pero umalis ang dalawa at ibinalita nila sa buong lugar na iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipi

32 Habang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. 33 Pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu, at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Kailanman ay hindi pa nangyari ang ganito sa buong Israel.” 34 Pero sinabi ng mga Pariseo, “Ang pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”

Naawa si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon, at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio. Ipinahayag niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila. Para silang mga tupang walang pastol. 37 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang tagapag-ani. 38 Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 9:20 laylayan: o, palawit; sa Ingles, tassel. Tingnan sa Bil. 15:37-39 at Deu. 22:12.
  2. 9:22 Pinagaling: o, Iniligtas.
  3. 9:27 Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang galing siya sa angkan ni David.