Add parallel Print Page Options

Si Abraham at si Abimelec

20 Umalis sina Abraham sa Mamre at pumunta sa Negev. Doon sila tumira sa kalagitnaan ng Kadesh at Shur. Hindi nagtagal, lumipat sila sa Gerar. Habang naroon sila, ang pakilala ni Abraham kay Sara sa mga tao ay kapatid niya ito. Kaya ipinakuha si Sara ni Haring Abimelec ng Gerar.

Isang gabi, nagpakita ang Dios kay Abimelec sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi niya, “Mamamatay ka dahil kinuha mo ang babaeng iyan na may asawa na.” Pero dahil hindi pa nagagalaw ni Abimelec si Sara, sinabi niya, “Panginoon, bakit nʼyo po ako papatayin at ang mga tauhan ko? Wala po akong kasalanan. Sinabi po kasi ni Abraham na kapatid niya si Sara at sinabi rin ni Sara na kapatid niya si Abraham. Inosente po ako at wala akong masamang balak sa pagkuha kay Sara.”

Sinabi pa sa kanya ng Dios sa panaginip, “Oo, alam kong wala kang masamang balak, kaya hindi ko ipinahintulot na magalaw mo siya para hindi ka magkasala sa akin. Pero dapat mo siyang ibalik sa asawa niya dahil ang asawa niya ay isang propeta, at ipapanalangin ka niya para hindi ka mamatay. Pero kapag hindi mo siya naibalik, binabalaan kita na mamamatay ka pati ang lahat ng tauhan mo.”

Kinabukasan, maagang ipinatawag ni Abimelec ang lahat ng opisyal niya at sinabi sa kanila ang tungkol sa kanyang panaginip. At labis silang natakot. Pagkatapos, ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Ano ang ginawa mong ito sa amin? Ano ba ang kasalanan ko sa iyo na inilagay mo sa kapahamakan ang buong kaharian ko? Hindi tama ang ginawa mo. 10 Bakit mo ito ginawa?” 11 Sumagot si Abraham, “Akala ko po wala ni isa man dito na gumagalang sa Dios, kaya naisip ko na baka patayin nʼyo ako para makuha nʼyo ang asawa ko. 12 Totoo po na magkapatid kami, pero sa ama lang at hindi sa ina; at napangasawa ko po siya. 13 Nang sinabihan po ako ng Dios na umalis sa tahanan ng aking ama, sinabi ko kay Sara na ipakilala niya na magkapatid kami kahit saan kami pumunta. Sa ganito pong paraan, maipapakita niya ang pagmamahal niya sa akin.”

14 Ibinalik ni Abimelec si Sara kay Abraham, at binigyan pa niya si Abraham ng mga tupa, baka, at mga aliping babae at lalaki. 15 Pagkatapos, sinabi niya kay Abraham, “Payag akong patirahin kayo sa aking lupain. Tumira kayo kahit saan ninyo gusto.” 16 Sinabi rin niya kay Sara, “Bibigyan ko ang kapatid mo ng 1,000 pirasong pilak bilang katibayan sa lahat ng kasamahan ninyo na hindi kita nagalaw at para hindi sila mag-isip na nakagawa ka ng masama.”

17-18 Dahil sa pagkuha kay Sara, niloob ng Panginoon na hindi magkakaanak ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec. Kaya nanalangin si Abraham sa Dios, at pinagaling ng Dios ang asawa ni Abimelec at ang mga alipin niyang babae para muli silang magkaanak. Pinagaling din ng Dios si Abimelec sa kanyang karamdaman.

Ang Pagsilang ni Isaac

21 Ngayon, inalala ng Panginoon si Sara ayon sa kanyang ipinangako. Nagbuntis si Sara at nanganak ng lalaki kahit matanda na si Abraham. Isinilang ang sanggol sa panahon na sinabi noon ng Dios. Pinangalanan ni Abraham ang sanggol na Isaac.

Nang walong araw na ang sanggol, tinuli siya ni Abraham ayon sa iniutos sa kanya ng Dios. Nang ipinanganak si Isaac, 100 taong gulang na si Abraham. Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Dios, at kahit sinong makarinig ng tungkol sa nangyari sa akin ay matatawa rin. Sino kaya ang makapagsasabi kay Abraham na makakapagpasuso pa ako ng sanggol? Pero nagkaanak pa ako kahit matanda na siya.”

Lumaki si Isaac, at nang araw na naawat na siya sa pagsuso sa kanyang ina, nagdaos si Abraham ng isang malaking handaan.

Pinalayas si Hagar at si Ishmael

Isang araw, nakita ni Sara na tinutukso ni Ishmael si Isaac. (Si Ishmael ay anak ni Abraham kay Hagar na Egipcio.) 10 Kaya sinabi ni Sara kay Abraham, “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac.” 11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham dahil anak din niya si Ishmael. 12 Pero sinabi ng Dios sa kanya, “Hindi mo dapat ikalungkot ang tungkol kay Ishmael at kay Hagar. Sundin mo ang sinabi ni Sara, dahil kay Isaac magmumula ang mga lahi na aking ipinangako. 13 At tungkol naman kay Ishmael, bibigyan ko rin siya ng maraming lahi at magiging isang bansa rin sila, dahil anak mo rin siya.”

14 Kinabukasan, maagang kumuha si Abraham ng pagkain at tubig na nakalagay sa sisidlang-balat, at inilagay niya ito sa balikat ni Hagar. Pagkatapos, umalis si Hagar kasama ang kanyang anak. Naglakbay sila sa ilang ng Beersheba na hindi alam kung saan sila pupunta. 15 Nang naubos na ang kanilang tubig, iniwan niya ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga mababang punongkahoy 16 at lumakad siya na may layong mga 100 metro mula sa kanyang anak. Doon siya umupo at umiiyak na nagsabi sa kanyang sarili, “Hindi ko matitiis na pagmasdan ang kamatayan ng anak ko.”

17 Ngayon, narinig ng Dios ang iyak ng bata. Kaya sinabi ng anghel ng Dios kay Hagar mula roon sa langit, “Ano ang gumugulo sa iyo Hagar? Huwag kang matakot; narinig ng Dios ang iyak ng anak mo. 18 Tumayo ka at ibangon mo ang bata, dahil gagawin kong malaking bansa ang kanyang mga lahi.” 19 Pagkatapos, may ipinakita ang Dios sa kanya na isang balon. Pumunta siya roon at nilagyan ng tubig ang sisidlan niya. Pagkatapos, pinainom niya ang kanyang anak.

20-21 Hindi pinabayaan ng Dios si Ishmael hanggang lumaki ito. Doon siya tumira sa ilang ng Paran at naging isa siyang mahusay na mamamana. Dumating ang panahon na pinapag-asawa siya ng kanyang ina sa isang Egipcio.

Ang Kasunduan nina Abraham at Abimelec

22 Nang panahong iyon,[a] pumunta si Abimelec kay Abraham kasama ang kumander ng mga sundalo niya na si Picol. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Tinutulungan ka talaga ng Dios sa lahat ng ginagawa mo. 23 Kaya, mangako ka rito sa pangalan ng Dios na hindi mo ako pagtataksilan pati na ang aking mga lahi. Ipakita mo ang kabutihan mo sa akin at sa lugar na ito na tinitirhan mo ngayon, tulad din ng ipinakita kong kabutihan sa iyo.” 24 Sumagot si Abraham, “Isinusumpa ko.”

25 Pero dumaing si Abraham kay Abimelec tungkol sa balon na inagaw ng mga alipin niya. 26 Sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sino ang gumawa niyan. Hindi mo naman ako sinabihan, at ngayon ko lang nalaman iyon.” 27 Kaya kumuha si Abraham ng mga tupa at baka, at ibinigay niya kay Abimelec. Pagkatapos, gumawa silang dalawa ng kasunduan. 28 Kumuha rin si Abraham ng pitong babaeng tupa at ibinukod ito. 29 Nagtanong si Abimelec, “Para kanino ang pitong babaeng tupa na ibinukod mo?” 30 Sumagot si Abraham, “Tanggapin mo ang pitong babaeng tupa na ito bilang katibayan na ako ang naghukay ng balong iyan.” 31 Dahil sa sumpaan nila, ang lugar na iyon ay tinawag na Beersheba.[b]

32 Pagkatapos ng sumpaan nila roon sa Beersheba, bumalik si Abimelec at si Picol sa lupain ng mga Filisteo. 33 Nagtanim si Abraham ng isang punongkahoy na tamarisko roon sa Beersheba at sumamba siya sa Panginoon, ang Dios na walang hanggan. 34 Nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo sa mahabang panahon.

Inutusan ng Dios si Abraham na Ihandog si Isaac

22 Dumating ang panahon na sinubukan ng Dios si Abraham. Tinawag niya si Abraham, at sumagot si Abraham sa kanya. Pagkatapos, sinabi niya, “Dalhin mo ang kaisa-isa[c] at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at pumunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo at ialay mo siya sa akin bilang handog na sinusunog.”

Kinabukasan, maagang nagsibak si Abraham ng mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at isinakay niya ito sa asno. Lumakad siya kasama si Isaac at ang dalawa niyang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Dios. Nang ikatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakita ni Abraham sa di-kalayuan ang lugar na sinabi sa kanya ng Dios. Kaya sinabi ni Abraham sa dalawa niyang alipin, “Dito muna kayo at bantayan ninyo ang asno, dahil aakyat kami roon para sumamba sa Dios. Babalik din kami agad.” Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at siya ang nagdala ng itak at sulo.

Habang lumalakad sila, sinabi ni Isaac, “Ama!” Sumagot si Abraham, “Bakit anak?” Nagtanong si Isaac, “May dala po tayong sulo at panggatong pero nasaan po ang tupa na ihahandog?”

Sumagot si Abraham, “Anak, ang Dios mismo ang magbibigay sa atin ng tupang ihahandog.” At nagpatuloy sila sa paglalakad.

Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Dios, gumawa si Abraham ng altar na bato, at inihanda niya ang mga kahoy sa ibabaw nito. Pagkatapos, iginapos niya si Isaac at inihiga sa ibabaw ng altar. 10 Kinuha niya ang itak. At nang papatayin na sana niya si Isaac, 11 tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, “Abraham! Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito po ako.” 12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang anak mo! Ngayon, napatunayan ko na may takot ka sa Dios dahil hindi mo ipinagkait ang kaisa-isa mong anak.” 13 Paglingon ni Abraham, may nakita siyang isang lalaking tupa na ang sungay ay nasabit sa mga sanga ng kahoy, at hindi na ito makaalis. Kaya kinuha ito ni Abraham at inihandog bilang handog na sinusunog kapalit ng kanyang anak. 14 Tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na “Naglalaan ang Panginoon.” Ito ang pinagmulan ng kasabihang, “Sa bundok ng Panginoon may inilalaan siya.”

15 Muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham mula sa langit. 16-17 Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Sumusumpa ako sa sarili ko na pagpapalain kita nang lubos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak. Bibigyan kita ng mga lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan. Sasakupin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. 18 At sa pamamagitan ng iyong mga lahi,[d] pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa mundo, dahil sumunod ka sa akin.”

19 Pagkatapos nito, binalikan nila Abraham at Isaac ang kanilang mga alipin. At bumalik sila sa Beersheba at doon na nanirahan.

Ang mga Lahi ni Nahor

20 Pagkalipas ng ilang panahon, nabalitaan ni Abraham na ang kapatid niyang si Nahor ay may mga anak kay Milca: 21 Si Uz ang panganay, sumunod sina Buz, Kemuel (ang ama ni Aram), 22 Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf at Betuel. 23 Silang walo ay ang mga anak ni Nahor kay Milca. Si Betuel ang ama ni Rebeka. 24 May mga anak din si Nahor sa isa pa niyang asawa na si Reuma. Silaʼy sina Teba, Gaham, Tahas at Maaca.

Footnotes

  1. 21:22 Nang panahong iyon: Nang pinaalis ni Abraham si Hagar at si Ishmael; o, Nang namumuhay na sila sa ilang ng Paran.
  2. 21:31 Beersheba: Ang ibig sabihin, pinanumpaang balon.
  3. 22:2 kaisa-isa: o, katangi-tangi.
  4. 22:18 mga lahi: o, lahi.

Ang Kayamanan sa Langit(A)

19 “Huwag kayong mag-ipon ng kayamanan para sa inyong sarili rito sa mundo, dahil dito ay may mga insekto at kalawang na sisira sa inyong kayamanan, at may mga magnanakaw na kukuha nito. 20 Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit, kung saan walang insekto at kalawang na naninira, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.”

Ang Ilaw ng Katawan(B)

22 “Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong mata, madidiliman ang buo mong katawan. Kaya kung ang nagsisilbing ilaw mo ay walang ibinibigay na liwanag, napakadilim ng kalagayan mo.”

Sino ang Dapat Nating Paglingkuran, Ang Dios o ang Kayamanan?(C)

24 “Walang taong makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”

25 “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, iinumin o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang saglit sa pamamagitan ng pag-aalala?

28 “At bakit kayo nag-aalala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak na tumutubo sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o naghahabi. 29 Ngunit sasabihin ko sa inyo: kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng damit na kasingganda ng mga bulaklak na ito sa kabila ng kanyang karangyaan. 30 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 31 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong kakainin, iinumin, o susuotin. 32 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 33 Kaya unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa kanyang kalooban, at ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan ninyo. 34 Kaya huwag na kayong mag-alala tungkol sa kinabukasan, dahil ang bukas ay may sarili nang alalahanin. Sapat na ang mga alalahaning dumarating sa bawat araw.”

Read full chapter