Add parallel Print Page Options

Kaya nga, mga minamahal at pinananabikan kong kapatid, kayo ang aking tuwa at karangalan. Magpakatatag kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.

Mga Pangaral

Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip bilang bunga ng kanilang pagiging isa sa Panginoon. Hinihiling ko rin sa iyo, tapat kong kasama, na alalayan mo ang mga babaing ito. Kasama ko silang nakipaglaban para sa ebanghelyo, kasama rin si Clemente, at iba ko pang mga kamanggagawa. Ang mga pangalan nila ay nasa aklat ng buhay. Magalak kayong lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin: Magalak kayo. Makilala sana ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit nang dumating. Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, sa halip ay idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan tungkol sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamong may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos, na higit pa sa kaya nating maunawaan, ang magbabantay sa inyong mga puso at mga pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kanais-nais, anumang bagay na kahanga-hanga, kung may anumang kahusayan, at kung may karapat-dapat parangalan, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo. Ang mga bagay na inyong natutuhan o tinanggap at narinig o nakita sa akin ay patuloy ninyong isagawa; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.

Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos

10 Ako'y galak na galak sa Panginoon, na ngayon, pagkalipas ng mahabang panahon, ay muli ninyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin. Sa katunayan, lagi kayong may pagmamalasakit sa akin. Wala nga lamang kayong pagkakataon. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil may pangangailangan ako, sapagkat natutuhan ko na ang masiyahan kahit anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko kung paano maghikahos, alam ko rin kung paano managana. Sa lahat ng bagay at anumang kalagayan ay natutuhan ko ang lihim sa pagkabusog, at sa pagkagutom, at maging sa kasaganaan at sa kasalatan. 13 Ang lahat ay magagawa ko sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay-lakas sa akin. 14 Gayunma'y napakabuti ng ginawa ninyong pagdamay sa aking paghihirap.

15 Alam ninyong mga taga-Filipos na noong mga unang araw ng pangangaral ko ng ebanghelyo, pag-alis ko sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakibahagi sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang. 16 Sapagkat (A) (B) kahit noong ako'y nasa Tesalonica ay makailang ulit na nagpadala kayo ng tulong para sa aking mga pangangailangan. 17 Hindi dahil nais kong makatanggap ng kaloob, kundi nais kong makakita ng bunga na sumasagana para sa inyong pakinabang. 18 Ngunit (C) sulit na sulit ang natanggap ko ngayon at labis pa. Lubos akong nasisiyahan, ngayong natanggap ko mula kay Epafrodito ang mga ipinadala ninyo. Ang mga ito'y masarap na samyo at kaaya-ayang alay na nagbibigay-kasiyahan sa Diyos. 19 At pupunuan ng aking Diyos ang lahat ng inyong mga pangangailangan ayon sa kanyang maluwalhating kayamanan na matatagpuan kay Cristo Jesus. 20 Luwalhati sa ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.

Huling Pagbati

21 Batiin ninyo ang lahat ng banal na nakay Cristo Jesus. Bumabati sa inyo ang mga kapatid na kasama ko. 22 Bumabati sa inyo ang lahat ng mga banal, lalung-lalo na ang mga nasa sambahayan ni Emperador Cesar. 23 Nawa'y sumainyong espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.[a]

Footnotes

  1. Filipos 4:23 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.