Add parallel Print Page Options

Muling Natuklasan ang Utos ni Ciro

Nang magkagayo'y nag-utos si Haring Dario, at gumawa ng pagsasaliksik sa Babilonia, sa bahay ng mga aklat na kinalalagyan ng mga kasulatan.

Sa Ecbatana[a] sa palasyong nasa lalawigan ng Media, isang balumbon ang natagpuan na doo'y nakasulat ang ganito: “Isang tala.

Nang unang taon ni Haring Ciro, si Haring Ciro ay nagbigay ng utos: Tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, hayaang muling maitayo ang bahay, ang lugar na kanilang pinag-aalayan ng mga handog at dinadala ang handog na sinusunog. Ang taas nito ay magiging animnapung siko, at ang luwang nito'y animnapung siko,

na may tatlong hanay ng malalaking bato at isang hanay ng kahoy; at ang magugugol ay babayaran mula sa kabang-yaman ng kaharian.

Gayundin, ang mga kagamitang ginto at pilak ng bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa Babilonia, ay isauli at ibalik sa templo na nasa Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang lugar, at ilagay mo ang mga iyon sa bahay ng Diyos.”

“Kaya't ngayon, Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, Setarboznai, at ang inyong mga kasamang tagapamahala na nasa mga lalawigan sa kabila ng Ilog, lumayo kayo.

Hayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Diyos; hayaan ninyong muling itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng matatanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Diyos sa lugar nito.

Bukod dito'y gumagawa ako ng utos kung ano ang inyong gagawin sa matatandang ito ng mga Judio para sa muling pagtatayo ng bahay na ito ng Diyos. Ang magugugol ay ibigay ng buo sa mga taong ito at walang pagkaantala mula sa kinita ng kaharian, mula sa buwis ng lalawigan sa kabila ng Ilog.

At anumang kailangan—mga batang toro, mga tupa, o mga kordero para sa mga handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, trigo, asin, alak, o langis, ayon sa kailangan ng mga pari na nasa Jerusalem, ay patuloy ninyong ibigay sa kanila araw-araw,

10 upang sila'y makapaghandog ng mga alay na kalugud-lugod sa Diyos ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak.

11 Gayundin, ako'y gumagawa ng utos na sinumang bumago ng kautusang ito, isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay, at siya'y tutuhugin doon, at ang kanyang bahay ay magiging tambakan ng dumi.

12 Ang Diyos na siyang gumawa upang makapanirahan ang kanyang pangalan doon, nawa'y ibagsak ang sinumang hari o bayan na mag-uunat ng kanilang kamay upang ito'y baguhin, o gibain ang bahay na ito ng Diyos na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng utos; ipatupad ito nang buong sikap.”

Itinalaga ang Templo

13 Pagkatapos, ayon sa salitang ipinadala ni Haring Dario, buong sikap na ginawa ni Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, ni Setarboznai, at ng kanilang mga kasama ang iniutos ni Haring Dario.

14 Ang(A) matatanda ng mga Judio ay nagtayo at umunlad sa pamamagitan ng ginawang propesiya ni Hagai na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang pagtatayo sa utos ng Diyos ng Israel, at sa utos nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na hari ng Persia.

15 Ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario.

16 At ang mga anak ni Israel, ang mga pari, mga Levita, at ang iba pa sa mga bumalik na bihag ay nagdiwang na may galak sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos.

17 Sila'y naghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos ng isandaang toro, dalawandaang lalaking tupa, apatnaraang kordero; at bilang handog pangkasalanan para sa buong Israel ay labindalawang kambing na lalaki, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel.

18 At kanilang inilagay ang mga pari sa kani-kanilang mga pangkat, at ang mga Levita sa kanilang mga paghali-halili, para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.

Ang Paskuwa

19 Nang(B) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ang mga bumalik na bihag ay nangilin ng Paskuwa.

20 Sapagkat ang mga pari at ang mga Levita ay magkakasamang naglinis ng kanilang sarili, silang lahat ay malilinis. Kaya't kanilang pinatay ang kordero ng Paskuwa para sa lahat ng bumalik na bihag, para sa mga kapatid nilang pari, at para sa kanilang sarili.

21 Ito ay kinain ng mga anak ni Israel na bumalik mula sa pagkabihag, at gayundin ng bawat isa na sumama sa kanila at inihiwalay ang sarili sa karumihan ng mga bansa ng lupain upang sumamba sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.

22 At kanilang isinagawa na may kagalakan ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. Pinasaya sila ng Panginoon, at ikiniling sa kanila ang puso ng hari ng Asiria, kaya't kanyang tinulungan sila sa paggawa ng bahay ng Diyos, ang Diyos ng Israel.

Footnotes

  1. Ezra 6:2 o Acmeta .

Nasumpungan ni Dario ang pasiya ni Ciro.

Nang magkagayo'y si Dario, na hari ay gumawa ng pasiya, at ang (A)pagsaliksik ay isinagawa sa bahay ng mga aklat, na kinalalagyan ng mga kayamanan sa Babilonia.

At nasumpungan sa Achmetta, sa bahay-hari na nasa lalawigan ng Media, ang isang ikid, at doo'y nasusulat ang ganito na pinakaalaala.

Nang unang taon ni Ciro na hari, si Ciro na hari ay gumawa ng pasiya: Tungkol sa bahay ng Dios sa Jerusalem, ipahintulot na matayo ang bahay, ang dako na kanilang pinaghahandugan ng mga hain, at ipahintulot na malagay na matibay ang mga tatagang-baon; ang taas niyao'y anim na pung siko, at ang luwang niyao'y anim na pung siko,

(B)Na may tatlong hanay na mga malaking bato, at isang hanay ng bagong kahoy: at ang magugugol ay ibigay na mula sa bahay ng hari:

At ang ginto at pilak na mga (C)sisidlan din naman ng bahay ng Dios na inilabas ni Nabucodonosor sa templo na nasa Jerusalem, at nangadala sa Babilonia, masauli, at ipasok uli sa templo na nasa Jerusalem, bawa't isa'y sa kanikaniyang dako, at iyong ipaglalagay sa bahay ng Dios.

(D)Ngayon nga, Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, Setharboznai, at ang inyong mga kasama na mga (E)Apharsachita, na nasa dako roon ng Ilog, magsilayo kayo mula riyan:

Pabayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Dios; ipahintulot ninyo na itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng mga matanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Dios sa kaniyang dako.

Bukod dito'y gumagawa ako ng pasiya kung ano ang inyong gagawin sa mga matandang ito ng mga Judio sa pagtatayo ng bahay na ito ng Dios: na sa mga pagaari ng hari, sa makatuwid baga'y sa (F)buwis sa dako roon ng Ilog, ang mga magugugol ay ibigay ng buong sikap sa mga taong ito upang huwag mangagluwat.

At ang kanilang kakailanganin, mga guyang toro, at gayon din ang mga tupa, at mga kordero, na ukol sa mga handog na susunugin para sa Dios ng langit; trigo, asin, alak, at langis, ayon sa salita ng mga saserdote na nangasa Jerusalem, ibigay sa kanila araw-araw na walang pagsala.

10 Upang sila'y makapaghandog ng mga hain na pinaka masarap na amoy sa Dios ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kaniyang mga anak.

11 Ako nama'y gumawa ng pasiya, na sinomang bumago ng salitang ito, hugutan ng isang sikang ang kaniyang bahay at itaas siya, at mabitin doon; at ang kaniyang bahay ay maging tipunan ng dumi dahil dito:

12 At lipulin ng Dios na nagpatahan ng kaniyang (G)pangalan doon ang lahat ng mga hari at mga bayan, na maguunat ng kanilang kamay na baguhin, upang gibain ang bahay na ito ng Dios na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng pasiya: isagawa ng buong sikap.

Ang templo ay natapos at inihandog.

13 Nang magkagayo'y si Tatnai na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, si Sethar-boznai, at ang kanilang mga kasama, dahil sa iniutos ni Dario na hari, ay gumawa ng buong sikap.

14 At ang mga matanda ng mga Judio ay nangagtayo at nangapasulong, ayon sa hula ni Haggeo na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. At kanilang itinayo at niyari, ayon sa utos ng Dios ng Israel, at ayon sa pasiya ni (H)Ciro at ni (I)Dario, at ni (J)Artajerjes na hari sa Persia.

15 At ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng (K)Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Dario na hari.

16 At ang mga anak ni Israel, ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang mga nalabi sa mga anak sa pagkabihag, ay nangagdiwang ng (L)pagtatalaga ng bahay na ito ng Dios na may kagalakan.

17 At sila'y (M)nangaghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Dios ng isang daang baka, dalawang daang lalaking tupa, apat na raang kordero; at ang pinaka handog dahil sa kasalanan na ukol sa buong Israel, ay labing dalawang lalaking kambing, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel.

18 At kanilang inilagay ang mga saserdote sa kanilang mga (N)bahagi, at ang mga Levita sa kanilang mga paghahalihalili, sa paglilingkod sa Dios na nasa Jerusalem; gaya ng nasusulat (O)sa aklat ni Moises.

Ang pista ng Panginoon ay iningatan.

19 At ang mga anak sa pagkabihag ay nangagdiwang ng pascua nang (P)ikalabing apat ng unang buwan.

20 Sapagka't ang mga saserdote at ang mga Levita ay (Q)nangagpakalinis na magkakasama; silang lahat ay malilinis: at kanilang (R)pinatay ang kordero ng paskua na ukol sa lahat ng mga anak sa pagkabihag, at sa kanilang mga kapatid na mga saserdote, at sa kanilang sarili.

21 At ang mga anak ni Israel, na nangagbalik uli na mula sa pagkabihag, at yaong lahat na sa kanila'y nagsihiwalay sa karumihan ng mga bansa ng lupain, upang hanapin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsikain.

22 At nangagdiwang ng (S)kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw na may kagalakan: sapagka't pinapagkatuwa sila ng Panginoon at nanumbalik ang puso ng hari sa Asiria sa kanila, upang palakasin ang kanilang mga kamay sa gawain sa bahay ng Dios, ng Dios ng Israel.

'Ezra 6 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Pumayag si Haring Darius sa Muling Pagpapatayo ng Templo

Kaya nag-utos si Haring Darius na saliksikin ang mga kasulatang nakatago sa lalagyan ng mga kayamanan doon sa Babilonia. Ngunit sa matatag na lungsod ng Ecbatana, na sakop ng lalawigan ng Media, nakita ang isang nakarolyong kasulatan na may nakasulat na:

“Ang kasulatang ito ay nagpapaalala na sa unang taon ng paghahari ni Cyrus, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem kung saan iniaalay ang mga handog. Dapat matibay ang pundasyon nito. At dapat 90 talampakan ang taas at 90 talampakan din ang luwang nito. Ang bawat tatlong patong ng malalaking bato nito ay papatungan ng isang troso. Ang lahat ng gastos ay kukunin sa pondo ng kaharian. Ang mga kagamitang ginto at pilak sa templo ng Dios na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ibalik sa lalagyan nito sa templo ng Jerusalem.”

Kaya nagpadala si Haring Darius ng mensahe kay Tatenai, na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, kay Shetar Bozenai, at sa mga kapwa nila opisyal sa lalawigang iyon:

“Lumayo kayo riyan sa templo ng Dios. Huwag na ninyong pakialaman ang pagpapatayo nito. Pabayaan nʼyo na lang ang gobernador at ang iba pang mga tagapamahala ng mga Judio sa pagpapatayo nito sa dati nitong kinatatayuan.

“Iniuutos ko rin na tulungan nʼyo ang mga tagapamahala ng mga Judio na mabayaran agad ang lahat ng gastusin para hindi maabala ang pagtatrabaho nila. Kunin nʼyo ang bayad sa pondo ng kaharian na nanggagaling sa mga buwis ng lalawigan ninyo. Dapat nʼyong bigyan araw-araw ang mga pari sa Jerusalem ng mga pangangailangan nila gaya ng batang toro, lalaking tupa, at batang lalaking tupa bilang handog na sinusunog para sa Dios ng kalangitan,[a] pati na rin trigo, asin, katas ng ubas, at langis. Dapat hindi kayo pumalya sa pagbibigay, 10 para makapag-alay sila ng mga handog na makakalugod sa Dios ng kalangitan, at maipanalangin nila ako at ang mga anak ko.

11 “Iniuutos ko rin na ang sinumang hindi tutupad nito ay tutuhugin ng kahoy na tinanggal sa bahay niya, at ang bahay niya ay gigibain hanggang sa wala nang bahagi nito ang maiwang nakatayo.[b] 12 Nawaʼy ang Dios na pumili sa Jerusalem bilang lugar kung saan siya sasambahin, ang siyang lumipol sa kahit sinong hari o kayaʼy bansa na hindi tutupad sa utos na ito at gigiba ng templong ito sa Jerusalem.

“Ako, si Darius, ang nag-utos nito. Dapat itong tuparin.”

Itinalaga ang Templo

13 Tinupad nila Tatenai na gobernador, Shetar Bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Darius. 14 Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Judio habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hageo at Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang templo ayon sa utos ng Dios ng Israel na ipinatupad nina Cyrus, Darius, at Artaserses, na magkakasunod na mga hari ng Persia. 15 Natapos ang templo nang ikatlong araw ng ika-12 buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Darius.

16 Masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng templo ng Dios ang mamamayan ng Israel – ang mga pari, mga Levita, at ang iba pang bumalik galing sa pagkabihag. 17 Sa pagtatalagang ito ng templo ng Dios, naghandog sila ng 100 toro, 200 lalaking tupa, at 400 batang lalaking tupa. Naghandog din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis[c] ng bawat lahi ng Israel. 18 Itinalaga nila ang mga pari at mga Levita sa kani-kanilang tungkulin sa templo ng Jerusalem ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises.

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel

19 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nang sumunod na taon, ipinagdiwang ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 20 Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para maging karapat-dapat sila sa pangunguna nila sa mga seremonya. Pagkatapos, kinatay ng mga Levita ang mga tupang handog sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ginawa nila ito para sa lahat ng bumalik galing sa pagkabihag, para sa mga paring kamag-anak nila, at para sa sarili nila. 21 Ang mga handog na ito ay kinain ng mga Israelitang bumalik galing sa pagkabihag at ng ibang mga taong nakatira roon na tumalikod na sa mga ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Tumalikod sila sa mga bagay na ito para sambahin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ipinagdiwang nila nang may kagalakan ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Sapagkat binigyan sila ng Panginoon ng kagalakan nang binago niya ang puso ng hari ng Asiria para tulungan sila sa paggawa ng templo ng Dios, ang Dios ng Israel.

Footnotes

  1. 6:9 Dios ng kalangitan: o, Dios na nasa langit.
  2. 6:11 gigibain … nakatayo: o, gagawing tapunan ng basura.
  3. 6:17 handog sa paglilinis: Sa ibang salin, handog dahil sa kasalanan o, handog dahil sa mga kasalanang hindi sinadya.