Ezra 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ipinagpatuloy ang Pagpapatayo ng Templo
5 Ngayon, inutusan ng Dios ng Israel, ang mga propeta na sina Hageo at Zacarias na apo ni Iddo para sabihin ang mensahe niya sa mga Judio sa Juda pati na sa Jerusalem. 2 Nakinig sa kanila sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at Jeshua na anak ni Jozadak. Kaya ipinagpatuloy nila ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem. Tinulungan sila ng dalawang propeta ng Dios.
3 Ngunit hindi nagtagal, dumating sa Jerusalem si Tatenai na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, si Shetar Bozenai, at ang mga kasama nila. Nagtanong sila[a] sa mga Judio, “Sino ang nag-utos sa inyo na ipagpatuloy ang pagpapatayo ng templong ito?” 4 Nagtanong pa sila, “Ano ang pangalan ng mga taong nagtatrabaho rito?” 5-7 Ngunit iningatan ng Dios ang mga tagapamahala ng Judio, kaya nagpasya sina Tatenai, Shetar Bozenai, at ang kanilang kasamang mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na hindi muna nila ipapatigil ang pagpapatayo ng templo hanggang sa maipaalam nila ang tungkol dito kay Haring Darius at makatanggap ng kanyang sagot.
Ito ang nilalaman ng sulat na ipinadala nila kay Haring Darius:
“Mahal na Haring Darius,
“Nawaʼy nasa mabuti po kayong kalagayan.
8 “Ipinapaalam po namin, Mahal na Hari, na pumunta kami sa lalawigan ng Juda, doon sa pinagtatayuan ng templo ng makapangyarihang Dios. Malalaking bato ang ginagamit sa pagpapatayo ng templo, at ang mga pader nito ay nilagyan ng mga troso upang tumibay. Ginagawa po nila ito nang may kasipagan, kaya mabilis ang pagpapatayo nito. 9 Tinanong po namin ang mga tagapamahala nila kung sino ang nag-utos sa kanila sa muling pagpapatayo ng templo. 10 At tinanong din namin ang mga pangalan nila para maipaalam namin sa inyo kung sino ang mga namumuno sa pagpapatayo nito.
11 “Ito po ang sagot nila sa amin: ‘Mga lingkod kami ng Dios ng langit at lupa, at muli naming ipinapatayo ang templo na itinayo noon ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Dios sa langit, pinabayaan niya sila na sakupin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Giniba ni Nebucadnezar ang templong ito at binihag niya sa Babilonia ang aming mga ninuno. 13 Ngunit sa unang taon ng paghahari ni Haring Cyrus sa Babilonia, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios. 14 Ibinalik din niya ang mga kagamitang ginto at pilak ng templo ng Dios. Ang mga ito ay kinuha noon ni Nebucadnezar sa templo ng Jerusalem at inilagay sa templo sa Babilonia. Ipinagkatiwala ni Haring Cyrus ang mga kagamitang ito kay Sheshbazar na pinili niyang gobernador ng Juda. 15 Sinabi ng hari kay Sheshbazar na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem sa dati nitong pinagtayuan, at ilagay doon ang mga kagamitan nito. 16 Kaya pumunta si Sheshbazar sa Jerusalem at itinayo niya ang mga pundasyon ng templo ng Dios. Hanggang ngayon ay ginagawa pa ang templo; hindi pa ito tapos.’
17 “Ngayon, kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, ipasaliksik po ninyo ang mga kasulatan na ipinatago ng mga hari ng Babilonia kung totoo nga bang nag-utos si Haring Cyrus na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem. At agad nʼyo pong ipaalam sa amin kung ano ang inyong pasya tungkol dito.”
Footnotes
- 5:3 sila: Ito ang nasa tekstong Septuagint at Syriac. Pero sa Aramico, kami.
Ezra 5
Ang Biblia (1978)
Si Tatnai ay sumulat kay Dario.
5 Ang mga propeta nga, si (A)Haggeo na propeta, at si (B)Zacharias na anak ni Iddo, ay nanghula sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem; sa pangalan ng Dios ng Israel ay nagsipanghula sila sa kanila;
2 Nang magkagayo'y bumangon si Zorobabel na anak ni Sealthiel, at si Jesua na anak ni Josadach, at pinasimulang itinayo ang bahay ng Dios na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Dios, na nagsisitulong sa kanila.
3 Nang panahon ding yaon ay naparoon sa kanila si Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, at si Sethar-boznai, at ang kanilang mga kasama, at nagsabi ng ganito sa kanila: Sino ang nagbigay sa inyo ng pasiya upang itayo ang bahay na ito, at yariin ang kutang ito?
4 Nang magkagayo'y nangagsalita kami sa kanila ng ganitong paraan: Ano-ano ang mga pangalan ng mga tao na nagsigawa ng bahay na ito?
5 Nguni't ang (C)mata ng kanilang Dios ay nakatingin sa mga matanda ng mga Judio, at hindi nila pinatigil, hanggang sa ang bagay ay dumating kay Dario, at nang magkagayo'y ang sagot ay nabalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon.
6 Ang salin ng sulat na ipinadala ni Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog at ni Sethar-boznai, at ng kaniyang mga kasama na mga Apharsachita, na nangasa dako roon ng Ilog, kay Dario na hari:
7 Sila'y nangagpadala ng isang sulat sa kaniya, na kinasusulatan ng ganito: Kay Dario na hari, buong kapayapaan.
8 Talastasin ng hari, na kami ay nagsiparoon sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Dios, na natayo ng mga malaking bato, at mga kahoy ay nalapat sa mga kuta; at ang gawaing ito ay pinagsisikapan at nayayari sa kanilang mga kamay.
9 Nang magkagayo'y tumanong kami sa mga matandang yaon, at nagsabi sa kanila ng ganito: Sino ang nagbigay sa inyo ng pasiya upang itayo ang bahay na ito at upang yariin ang kutang ito?
10 Aming itinanong naman sa kanila ang kanilang mga pangalan, na patotohanan sa iyo, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangungulo sa kanila.
11 At ganito sila nangagbalik ng sagot sa amin, na nangagsasabi, Kami ay mga lingkod ng Dios ng langit at lupa, at nangagtatayo ng bahay na natayo nitong malaong panahon, na itinayo at niyari ng isang (D)dakilang hari sa Israel.
12 Nguni't (E)pagkamungkahi sa pagiinit sa Dios ng langit ng aming mga magulang, ibinigay niya sila sa kamay ni (F)Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na Caldeo, na siyang gumiba ng bahay na ito, at dinala ang bayan sa Babilonia.
13 Nguni't sa unang taon ni (G)Ciro na hari sa Babilonia, gumawa ng pasiya si Ciro na hari na itayo ang bahay na ito ng Dios,
14 (H)At ang ginto at pilak na mga sisidlan rin naman sa bahay ng Dios na inilabas ni Nabucodonosor sa templo na nasa Jerusalem, at nangadala sa loob ng templo ng Babilonia, ang mga yaon ay inilabas sa templo ng Babilonia ni Ciro na hari, at ibinigay sa isang nagngangalang (I)Sesbassar, na siya niyang ginawang tagapamahala,
15 At sinabi niya sa kaniya, Kunin mo ang mga sisidlang ito, ikaw ay yumaon, ipagpasok mo sa templo na nasa Jerusalem, at ipahintulot mo na matayo ang bahay ng Dios sa kaniyang dako.
16 Nang magkagayo'y naparoon ang Sesbassar na yaon, at (J)inilagay ang mga tatagang-baon ng bahay ng Dios na nasa Jerusalem: at mula sa panahong yaon hanggang ngayon ay itinatayo, at hindi pa yari.
17 Ngayon nga, kung inaakalang mabuti ng hari, magsagawa ng pagsaliksik sa bahay na ingatang-yaman ng hari, na nandiyan sa Babilonia, kung gayon nga, na nagpasiya si Ciro na hari na itayo ang bahay na ito ng Dios sa Jerusalem, at ipasabi sa amin ng hari ang kaniyang kalooban tungkol sa bagay na ito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
