Ezra 4
Ang Dating Biblia (1905)
4 Nang mabalitaan nga ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na ang mga anak sa pagkabihag ay nangagtatayo ng templo na ukol sa Panginoon, sa Dios ng Israel;
2 Nagsilapit nga sila kay Zorobabel, at sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, at nangagsabi sa kanila, Papagtayuin ninyo kami na kasama ninyo: sapagka't aming hinahanap ang inyong Dios, na gaya ng inyong ginagawa; at kami ay nangaghahain sa kaniya mula ng mga kaarawan ni Esar-haddon na hari sa Asiria, na nagahon sa amin dito.
3 Nguni't si Zorobabel, at si Jesua, at ang nalabi sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, ay nangagsabi sa kanila, Kayo'y walang ipakikialam sa amin sa pagtatayo ng isang bahay na ukol sa aming Dios; kundi kami rin na magkakasama ay aming ipagtatayo ang Panginoon, ang Dios ng Israel, gaya ng iniutos sa amin ni Ciro na hari sa Persia,
4 Nang magkagayo'y pinahina ng bayan ng lupain ang mga kamay ng bayan ng Juda, at binagabag sila sa pagtatayo.
5 At umupa ng mga tagapayo laban sa kanila, upang iurong ang kanilang akala, sa lahat ng kaarawan ni Ciro na hari sa Persia, hanggang sa paghahari ni Dario na hari sa Persia.
6 At sa paghahari ni Assuero, sa pasimula ng kaniyang paghahari, nagsisulat sila ng isang sakdal laban sa mga taga Juda at Jerusalem.
7 At sa mga kaarawan ni Artajerjes, nagsisulat si Bislam, si Mitridates, si Tabeel at ang nalabi sa kaniyang mga kasama kay Artajerjes na hari sa Persia; at ang pagkasulat ng sulat ay nasusulat ng sulat Siria, at ang laman niyaon ay wikang Siria.
8 Si Rehum na kasangguni at si Simsai na kalihim, sumulat ng isang sulat laban sa Jerusalem kay Artajerjes na hari ng ganitong paraan:
9 Nang magkagayo'y nagsisulat si Rehum na tagapayo at si Simsai na kalihim, at ang nalabi sa kanilang mga kasama; ang mga Dinaita, at ang mga Apharsacita, ang mga Tharphelita, ang mga Apharsita, ang mga Archevita, ang mga Babilonio, ang mga Susanchita, ang mga Dehaita, ang mga Elamita.
10 At ang nalabi sa mga bansa na itinawid ng dakila at marangal na si Asnappar, at inilagay sa bayan ng Samaria, at sa nalabi sa lupain, na nasa dako roon ng Ilog, at sa iba pa.
11 Ito ang salin ng sulat na kanilang ipinadala kay Artajerjes na hari: Ang iyong mga lingkod na mga lalake sa dako roon ng Ilog, at iba pa.
12 Talastasin ng hari, na ang mga Judio na nagsiahong galing sa iyo ay nagsiparoon sa amin sa Jerusalem; kanilang itinatayo ang mapanghimagsik at masamang bayan, at nayari ang mga kuta, at isinauli ang mga tatagang-baon.
13 Talastasin ngayon ng hari, na, kung ang bayang ito ay matayo, at ang mga kuta ay mayari, sila'y hindi mangagbabayad ng buwis, kabayaran, o upa, at sa wakas ay ikapapahamak ng mga hari.
14 Sapagka't aming kinakain nga ang asin ng bahay-hari, at hindi marapat sa amin na aming makita ang ikasisirang puri ng hari, kaya't kami ay nangagsugo at nangagpatotoo sa hari;
15 Upang ang pagsaliksik ay maisagawa sa aklat ng mga alaala ng iyong mga magulang: sa gayo'y iyong masusumpungan sa aklat ng mga alaala, at malalaman na ang bayang ito ay mapanghimagsik na bayan, at mapangpahamak sa mga hari at mga lalawigan, at sila'y nagsipanghimagsik doon nang unang panahon: na siyang ikinagiba ng bayang ito.
16 Aming pinatototohanan sa hari, na, kung ang bayang ito ay matayo, at ang mga kuta ay mayari, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa dako roon ng Ilog sa kadahilanang ito.
17 Nang magkagayo'y nagpadala ang hari ng kasagutan kay Rehum na kasangguni, at kay Simsai na kalihim, at sa mga nalabi sa kanilang mga kasama na nagsisitahan sa Samaria, at sa nalabi sa lupain sa dako roon ng Ilog: Kapayapaan, at iba pa.
18 Ang sulat na inyong ipinadala sa amin, ay nabasa na maliwanag sa harap ko.
19 At ako'y nagpasiya, at ang pagsaliksik ay naisagawa at nasumpungan na ang bayang ito nang una ay gumawa ng panghihimagsik laban sa mga hari, at ang panghihimagsik at pagbabanta ay nagawa roon.
20 Nagkaroon naman doon ng mga may kayang hari sa Jerusalem, na nagpuno sa buong lupain sa dako roon ng Ilog; at buwis, kabayaran, at upa, ay nabayad sa kanila.
21 Magpasiya kayo ngayon na inyong patigilin ang mga taong ito, at upang ang bayang ito ay huwag matayo, hanggang sa ang pasiya ay magawa ko.
22 At kayo'y mangagingat na huwag kayong magpabaya dito: bakit ang pagkapahamak ay mangyayari sa ikapapahamak ng mga hari?
23 Nang mabasa nga ang salin ng sulat ng haring Artajerjes sa harap ni Rehum, at ni Simsai na kalihim, at ng kanilang mga kasama, sila'y nangagmadaling nagsiparoon sa Jerusalem sa mga Judio, at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan.
24 Nang magkagayo'y natigil ang gawa sa bahay ng Dios na nasa Jerusalem; at natigil hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario, na hari sa Persia.