Ezekiel 46
Ang Biblia (1978)
Mga handog sa araw ng sabbath at sa bagong buwan.
46 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, (A)Ang pintuang-daan ng lalong loob na looban na nakaharap sa dakong silanganan ay sasarhan sa anim na araw na iginagawa; nguni't sa sabbath ay bubuksan, at (B)sa kaarawan ng bagong buwan ay bubuksan.
2 At ang prinsipe ay papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan sa labas; at tatayo sa (C)tabi ng haligi ng pintuang-daan; at maghahanda (D)ang mga saserdote ng kaniyang handog na susunugin, at ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuang-daan; kung magkagayo'y lalabas siya; nguni't ang pintuang-daan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.
3 (E)At ang bayan ng lupain ay sasamba sa may pintuan ng pintuang-daang yaon sa harap ng Panginoon sa mga sabbath at sa mga bagong buwan.
4 At ang handog na susunugin na ihahandog ng prinsipe sa Panginoon (F)sa araw ng sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan;
5 At ang handog na harina ay (G)isang efa sa lalaking tupa, at ang handog na harina sa mga batang tupa (H)ay ang kaniyang kayang ibigay, at isang hin ng langis sa isang efa.
Mga bagay tungkol sa mga handog.
6 At sa kaarawan ng bagong buwan ay isang guyang toro na walang kapintasan, at anim na batang tupa at isang lalaking tupa; mga walang kapintasan:
7 At siya'y maghahanda ng handog na harina, isang efa sa toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ayon sa kaniyang kaya, at isang hin na langis sa isang efa.
8 At pagka ang prinsipe ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at sa daan ding yaon siya lalabas.
9 Nguni't pagka ang bayan ng lupain ay (I)haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, siyang pumapasok sa daan ng pintuang-daang hilagaan upang sumamba ay lalabas sa daan ng pintuang-daang timugan: at siyang pumapasok sa daan ng pintuang-daang timugan ay lalabas sa daan ng pintuang-daang hilagaan; hindi siya babalik sa daan ng pintuang-daan na kaniyang pinasukan, kundi lalabas na matuwid sa harap niya.
10 At ang prinsipe, pagka sila'y magsisipasok, ay magsisipasok sa gitna ng mga yaon; at pagka sila'y magsisilabas ay magsisilabas na magkakasama.
11 At sa mga kapistahan at sa mga kadakilaan ay ang handog na harina ay magiging isang efa sa isang toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.
12 At pagka ang prinsipe ay maghahanda ng (J)kusang handog, ng handog na susunugin o ng mga handog tungkol sa kapayapaan na pinakakusang handog sa Panginoon, may isang magbubukas sa kaniya ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kaniyang ihahanda ang kaniyang handog na susunugin at ang kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, (K)gaya ng kaniyang ginagawa sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y lalabas siya; at pagkalabas niya ay sasarhan ng isa ang pintuang-daan.
13 At (L)ikaw ay maghahanda ng isang batang tupa ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog na susunugin sa Panginoon araw-araw: tuwing umaga ay maghahanda ka.
14 At iyong ihahandang handog na harina na kasama niyaon tuwing umaga, ang ikaanim na bahagi ng isang efa, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang mainam na harina; isang handog na harina na lagi sa Panginoon: na pinakalaging alituntunin.
15 Ganito nila ihahanda ang batang tupa at ang handog na harina, at ang langis, tuwing umaga, na pinakahandog na susunuging lagi.
Ang karapatan ng mga prinsipe na magbigay ng mana.
16 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kung ang prinsipe ay magbigay ng kaloob sa kanino man sa kaniyang mga anak, ay magiging kaniyang mana, mauukol sa kaniyang mga anak; siyang kanilang pagaari na pinakamana.
17 Nguni't kung ibigay niya (M)ang kaniyang mana na pinakakaloob sa isa sa kaniyang mga alipin, magiging kaniya (N)sa taon ng kalayaan; kung magkagayo'y mababalik sa prinsipe; nguni't tungkol sa kaniyang mana, magiging sa kaniyang mga anak.
18 Bukod dito'y (O)hindi kukuha ang prinsipe ng mana ng bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pagaari; siya'y magbibigay ng mana sa kaniyang mga anak na mula sa kaniyang sariling pagaari, upang ang aking bayan ay huwag mangalat bawa't isa sa kaniyang pagaari.
Ang mga dako na pagpapakuluan ng mga saserdote.
19 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan, na nasa tabi ng pintuang-daan, sa loob (P)ng mga banal na silid na ukol sa mga saserdote, na nakaharap sa hilagaan: at, narito, may isang dako sa lalong loob na bahagi na dakong kalunuran.
20 At sinabi niya sa akin, Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga saserdote (Q)ng handog sa pagkakasala at ng handog dahil sa kasalanan, (R)na siyang kanilang pagiihawan ng handog na harina; upang huwag nilang mailabas sa lalong labas na looban, (S)upang banalin ang bayan.
21 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa labas ng looban ng bahay at pinaraan niya ako sa apat na sulok ng looban; at, narito, sa bawa't sulok ng looban ay may isang looban.
22 Sa apat na sulok ng looban ay may mga looban na nababakod, apat na pung siko ang haba at tatlong pu ang luwang: ang apat na ito sa mga sulok ay may isang sukat.
23 At may isang pader sa palibot ng mga yaon, sa palibot ng apat, at may ginawang pakuluang mga dako sa ilalim ng mga pader sa palibot.
24 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ito ang mga dako na pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng hain ng bayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978