Ezekiel 46
Ang Dating Biblia (1905)
46 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang pintuang-daan ng lalong loob na looban na nakaharap sa dakong silanganan ay sasarhan sa anim na araw na iginagawa; nguni't sa sabbath ay bubuksan, at sa kaarawan ng bagong buwan ay bubuksan.
2 At ang prinsipe ay papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan sa labas; at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuang-daan; at maghahanda ang mga saserdote ng kaniyang handog na susunugin, at ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuang-daan; kung magkagayo'y lalabas siya; nguni't ang pintuang-daan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.
3 At ang bayan ng lupain ay sasamba sa may pintuan ng pintuang-daang yaon sa harap ng Panginoon sa mga sabbath at sa mga bagong buwan.
4 At ang handog na susunugin na ihahandog ng prinsipe sa Panginoon sa araw ng sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan;
5 At ang handog na harina ay isang efa sa lalaking tupa, at ang handog na harina sa mga batang tupa ay ang kaniyang kayang ibigay, at isang hin ng langis sa isang efa.
6 At sa kaarawan ng bagong buwan ay isang guyang toro na walang kapintasan, at anim na batang tupa at isang lalaking tupa; mga walang kapintasan:
7 At siya'y maghahanda ng handog na harina, isang efa sa toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ayon sa kaniyang kaya, at isang hin na langis sa isang efa.
8 At pagka ang prinsipe ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at sa daan ding yaon siya lalabas.
9 Nguni't pagka ang bayan ng lupain ay haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, siyang pumapasok sa daan ng pintuang-daang hilagaan upang sumamba ay lalabas sa daan ng pintuang-daang timugan ay lalabas sa daan ng pintuang-daang hilagaan; hindi siya babalik sa daan ng pintuang-daan na kaniyang pinasukan, kundi lalabas na matuwid sa harap niya.
10 At ang prinsipe, pagka sila'y magsisipasok, ay magsisipasok sa gitna ng mga yaon; at pagka sila'y magsisilabas ay magsisilabas na magkakasama.
11 At sa mga kapistahan at sa mga kadakilaan ay ang handog na harina ay magiging isang efa sa isang toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.
12 At pagka ang prinsipe ay maghahanda ng kusang handog, ng handog na susunugin o ng mga handog tungkol sa kapayapaan na pinakakusang handog sa Panginoon, may isang magbubukas sa kaniya ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kaniyang ihahanda ang kaniyang handog na susunugin at ang kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, gaya ng kaniyang ginagawa sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y lalabas siya; at pagkalabas niya ay sasarhan ng isa ang pintuang-daan.
13 At ikaw ay maghahanda ng isang batang tupa ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog na susunugin sa Panginoon araw-araw: tuwing umaga ay maghahanda ka.
14 At iyong ihahandang handog na harina na kasama niyaon tuwing umaga, ang ikaanim na bahagi ng isang efa, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang mainam na harina; isang handog na harina na lagi sa Panginoon: na pinakalaging alituntunin.
15 Ganito nila ihahanda ang batang tupa at ang handog na harina, at ang langis, tuwing umaga, na pinakahandog na susunuging lagi.
16 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kung ang prinsipe ay magbigay ng kaloob sa kanino man sa kaniyang mga anak, ay magiging kaniyang mana, mauukol sa kaniyang mga anak; siyang kanilang pag-aari na pinakamana.
17 Nguni't kung ibigay niya ang kaniyang mana na pinakakaloob sa isa sa kaniyang mga alipin, magiging kaniya sa taon ng kalayaan; kung magkagayo'y mababalik sa prinsipe; nguni't tungkol sa kaniyang mana, magiging sa kaniyang mga anak.
18 Bukod dito'y hindi kukuha ang prinsipe ng mana ng bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pag-aari; siya'y magbibigay ng mana sa kaniyang mga anak na mula sa kaniyang sariling pag-aari, upang ang aking bayan ay huwag mangalat bawa't isa sa kaniyang pag-aari.
19 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan, na nasa tabi ng pintuang-daan, sa loob ng mga banal na silid na ukol sa mga saserdote, na nakaharap sa hilagaan: at, narito, may isang dako sa lalong loob na bahagi na dakong kalunuran.
20 At sinabi niya sa akin, Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga saserdote ng handog sa pagkakasala at ng handog dahil sa kasalanan, na siyang kanilang pagiihawan ng handog na harina; upang huwag nilang mailabas sa lalong labas na looban, upang banalin ang bayan.
21 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa labas ng looban ng bahay at pinaraan niya ako sa apat na sulok ng looban; at, narito, sa bawa't sulok ng looban ay may isang looban.
22 Sa apat na sulok ng looban ay may mga looban na nababakod, apat na pung siko ang haba at tatlong pu ang luwang: ang apat na ito sa mga sulok ay may isang sukat.
23 At may isang pader sa palibot ng mga yaon, sa palibot ng apat, at may ginawang pakuluang mga dako sa ilalim ng mga pader sa palibot.
24 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ito ang mga dako na pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng hain ng bayan.
Ezekiel 46
Ang Biblia, 2001
Ang Pinuno at ang mga Pista
46 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang pintuan ng pinakaloob na bulwagan na nakaharap sa dakong silangan ay sasarhan sa panahon ng anim na araw na paggawa. Ngunit sa Sabbath, ito ay bubuksan, at sa araw ng bagong buwan ay bubuksan ito.
2 Ang pinuno ay papasok sa tabi ng patyo ng pintuan sa labas, at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuan. Ihahandog ng mga pari ang kanyang handog na sinusunog at ang kanyang mga handog pangkapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuan. Pagkatapos lalabas siya, ngunit ang pintuan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.
3 Ang mamamayan ng lupain ay sasamba sa may pasukan ng pintuang iyon sa harapan ng Panginoon sa mga Sabbath at sa mga bagong buwan.
4 Ang handog na sinusunog na ihahandog ng pinuno sa Panginoon sa araw ng Sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan.
5 Ang handog na butil na kasama ng lalaking tupa ay isang efa, at ang handog na butil na kasama ng mga batang tupa ay kasindami ng kaya niya, at isang hin ng langis sa bawat efa.
Mga Bagay tungkol sa mga Handog
6 Sa araw ng bagong buwan ay maghahandog siya ng isang guyang toro na walang kapintasan at anim na batang tupa at isang lalaking tupa na mga walang kapintasan.
7 Bilang handog na butil ay maghahandog siya ng isang efa kasama ng toro, at isang efa kasama ng lalaking tupa, at ng mga batang tupa ayon sa kanyang kaya, at isang hin na langis sa bawat efa.
8 Kapag ang pinuno ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuan, at sa daan ding iyon siya lalabas.
9 “Kapag ang bayan ng lupain ay haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, ang papasok sa pintuan sa hilaga upang sumamba ay lalabas sa pintuan sa timog. Ang papasok sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Walang babalik sa pintuan na kanyang pinasukan, kundi bawat isa ay tuluy-tuloy na lalabas.
10 Kapag sila'y pumasok, ang pinuno ay papasok na kasama nila; at kapag sila'y lumabas, siya ay lalabas.
11 “Sa mga kapistahan at sa mga takdang panahon, ang handog na butil kasama ng guyang toro ay magiging isang efa, at kasama ng isang lalaking tupa ay isang efa, at kasama ng mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.
12 Kapag ang pinuno ay maghahanda ng kusang handog na sinusunog o ng mga handog pangkapayapaan bilang kusang handog sa Panginoon, bubuksan para sa kanya ang pintuang nakaharap sa silangan. Kanyang iaalay ang kanyang handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan gaya ng kanyang ginagawa sa araw ng Sabbath. Pagkatapos ay lalabas siya, at pagkalabas niya ay sasarhan ang pintuan.
Ang mga Handog Araw-araw
13 “Siya ay maglalaan ng isang batang tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog sa Panginoon araw-araw; tuwing umaga ay maghahanda siya.
14 At siya'y maglalaan ng handog na butil na kasama niyon tuwing umaga, ikaanim na bahagi ng isang efa, at ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang harina, bilang handog na butil sa Panginoon. Ito ang batas para sa patuloy na handog na sinusunog.
15 Gayon nila ilalaan ang batang tupa, ang handog na butil, at ang langis, tuwing umaga, bilang patuloy na handog na sinusunog.
Ang Pinuno at ang Lupain
16 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kung ang pinuno ay magbigay ng regalo sa kanino man sa kanyang mga anak mula sa kanyang mana, iyon ay mapapabilang sa kanyang mga anak; ito'y kanilang pag-aari bilang mana.
17 Ngunit(A) kung siya'y magbigay ng regalo mula sa kanyang mana sa isa sa kanyang mga alipin, iyon ay magiging kanya hanggang sa taon ng kalayaan. Kung magkagayo'y ibabalik ito sa pinuno. Tanging ang kanyang mga anak ang makapag-iingat ng regalo mula sa kanyang mana.
18 Hindi kukunin ng pinuno ang alinman sa mana ng taong-bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pag-aari. Siya'y magbibigay ng mana sa kanyang mga anak mula sa kanyang sariling pag-aari, upang walang sinuman sa aking bayan ang mawalan ng kanyang pag-aari.”
Ang Lutuan ng mga Handog
19 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan na nasa tabi ng pintuan, sa hilagang hanay ng mga banal na silid na para sa mga pari. Doon ay nakita ko ang isang lugar sa pinakadulong kanluran ng mga iyon.
20 Sinabi niya sa akin, “Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga pari ng handog pangkasalanan at ng handog sa budhing maysala, na siyang kanilang paglulutuan ng handog na butil, upang huwag nilang mailabas sa bulwagan sa labas upang banalin ang bayan.”
21 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa panlabas na bulwagan at dinala niya ako sa apat na sulok ng looban. Sa bawat sulok ng bulwagan ay may isang bulwagan.
22 Sa apat na sulok ng bulwagan ay may mga maliliit na bulwagan, apatnapung siko ang haba at tatlumpu ang luwang: ang apat ay magkakatulad ang laki.
23 Sa palibot ng mga iyon ay may isang pader, sa palibot nilang apat at may ginawang dako ng pagpapakuluan sa ilalim ng mga hanay sa palibot.
24 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Ito ang mga dakong pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng handog ng bayan.”
Ezekiel 46
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
46 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ang daanan papunta sa bakuran sa loob na nakaharap sa silangan ay kinakailangang nakasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho, pero bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa panahon ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan. 2 Ang pinuno ay dadaan sa balkonahe ng daanang nakaharap sa silangan at tatayo siya sa may pintuan habang ang pari ay nag-aalay ng kanyang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[a] Ang pinuno ay sasamba sa akin doon sa may pintuan at pagkatapos ay lalabas siya, ngunit hindi isasara ang pintuan hanggang sa gumabi. 3 Sasamba rin sa akin ang mga mamamayan ng Israel doon sa harap ng pintuan sa bawat Araw ng Pamamahinga at Pista ng Pagsisimula ng Buwan. 4 Sa bawat Araw ng Pamamahinga, maghahandog ang pinuno ng isang barakong tupa at anim na batang tupa na walang kapintasan, at iaalay ito sa akin bilang handog na sinusunog. 5 Ang handog ng pagpaparangal sa akin na kasama ng barakong tupa ay kalahating sako ng harina, pero nasa pinuno na kung gaano karami ang harinang isasama niya sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na tupa ay maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.
6 “Sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan, ang pinuno ay maghahandog ng isang batang toro, isang barakong tupa, at anim na batang tupa na pawang walang kapintasan. 7 Ang handog ng pagpaparangal sa akin ay isasama ng pinuno sa batang toro at barakong tupa, depende sa kanya kung gaano karami ang isasama niyang harina sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sakong harinang kanyang ihahandog, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo. 8 Kapag ang pinuno ay pumasok upang maghandog, doon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya dadaan paglabas niya.
9 “Kapag sumamba sa akin ang mga mamamayan sa templo ng Israel sa panahon ng mga pista, ang mga papasok sa pintuan sa hilaga ay lalabas sa pintuan sa timog, at ang mga papasok naman sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Dapat walang lumabas sa pintuang pinasukan niya. Kinakailangang sa ibang pintuan siya lumabas kung pumasok siya sa kabila. 10 Sasabay ang pinuno sa pagpasok at paglabas nila.
11 “Sa panahon ng ibaʼt ibang pista, ang handog ng pagpaparangal sa akin na isasama sa batang toro at sa barakong tupa ay tig-kakalahating sako ng harina, pero depende sa naghahandog kung gaano karami ang isasama niya sa bawat batang tupa. At sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na hayop, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo. 12 Kapag ang pinuno ay mag-aalay ng handog na sinusunog o handog para sa mabuting relasyon na kusang-loob na handog, bubuksan para sa kanya ang pintuan sa gawing silangan. At iaalay niya ang kanyang mga handog tulad ng kanyang paghahandog sa Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, sasarhan agad ang pinto.
13 “Tuwing umaga, kinakailangang may inihahandog sa akin na tupang walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 14 Sasamahan ito ng handog ng pagpaparangal sa akin na tatlong kilong harina, at kalahating galong langis ng olibo na pangmasa sa harina. Ang tuntuning ito tungkol sa handog ng pagpaparangal sa akin ay dapat sundin magpakailanman. 15 Kaya tuwing umaga ay kailangang may inihahandog sa akin na tupa, harina, at langis ng olibo na pang-araw-araw na handog na sinunsunog.”
16 Sinabi rin ng Panginoong Dios, “Kapag ang pinuno ay magbibigay ng pamanang lupa sa isa sa mga anak niya, ang lupang iyon ay para lang sa mga angkan niya habang buhay. 17 Ngunit kung ibibigay niya ito sa isa sa kanyang mga alipin, magiging sa alipin na ito hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sa taong iyon, ang aliping iyon ay papalayain at ang lupa ay isasauli sa pinuno. Tanging ang mga anak lamang ng pinuno ang magmamay-ari ng lupa niya magpakailanman. 18 Ang pinuno ay hindi dapat kumuha ng lupa ng mga tao. Kapag magbibigay siya ng lupa sa mga anak niya, ang lupa niya ang dapat niyang ibigay para hindi mawalan ng lupa ang mga mamamayan.”
19 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa banal na mga silid ng mga pari sa gawing timog. Doon kami dumaan sa pintuang nasa gilid ng daanan. Ipinakita niya sa akin doon ang lugar na nasa kanluran ng mga silid na ito. 20 Sinabi niya sa akin, “Dito sa lugar na ito nagluluto ang mga pari ng handog na pambayad ng kasalanan,[b] handog sa paglilinis, at handog ng pagpaparangal sa Panginoon. Dito sila magluluto para maiwasan nila ang pagdadala ng mga handog sa labas ng bulwagan. Sa ganitong paraan hindi maapektuhan ang mga tao sa kabanalan nito.”[c]
21-22 Pagkatapos, dinala niya ako sa bulwagan sa labas, at ipinakita sa akin ang apat na sulok nito. Sa bawat sulok nito ay may maliliit na bakuran na 68 talampakan ang haba at 50 talampakan ang luwang, at pare-pareho ang laki nito. 23 Ang bawat isa nito ay napapaligiran ng mababang pader, at sa tabi ng pader ay may mga kalan. 24 Pagkatapos, sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mga pinaglulutuan ng mga naghahandog sa templo ng handog ng mga tao.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
