Add parallel Print Page Options

Ang Partihan ng Lupa

45 Sinabi pa ng Panginoon, “Kapag pinaghati-hati nʼyo na ang lupain para sa bawat lahi ng Israel, bigyan ninyo ako ng parte na 12 kilometro ang haba at sampung kilometro[a] ang luwang. Ang lupaing ito ay ituturing na banal. Ang bahagi nito na 875 talampakan na parisukat ang siyang pagtatayuan ng templo, at sa paligid ng templo ay may bakanteng bahagi na 87 talampakan ang luwang. 3-4 Ang kalahati ng parte kong lupain na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang ay ibubukod ko para sa mga paring naglilingkod sa akin sa templo. Pagtatayuan ito ng mga bahay nila at ng templo na siyang pinakabanal na lugar. Ang natirang kalahati na 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para sa mga Levita. Sila ang magmamay-ari nito at dito sila maninirahan.[b]

“Sa katabi ng lupa na para sa akin, magbukod din kayo ng lupang 12 kilometro ang haba at 3 kilometro ang luwang. Ito ang gawin ninyong lungsod, na maaaring tirahan ng sinumang Israelita na gustong tumira roon. Bibigyan din ng dalawang bahagi ng lupain ang pinuno ng Israel. Ang isang bahagi ay nasa gawing kanluran ng hangganan ng lupaing para sa akin at ng lupaing gagawing lungsod papunta sa Dagat ng Mediteraneo, at ang isa ay mula sa hangganan sa silangan papunta sa Ilog ng Jordan. Ang hangganan nito sa silangan at sa kanluran ay pantay sa hangganan ng lupaing ibinahagi sa mga lahi ng Israel. Ang lupaing ito ang magiging parte ng pinuno ng Israel.

Mga Utos para sa mga Pinuno ng Israel

“Ang aking mga pinuno ay hindi na mang-aapi sa aking mga mamamayan. Hahayaan nila na ang mga mamamayan ng Israel ang magmay-ari ng lupang ibinibigay sa kanila ayon sa angkan nila. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga pinuno ng Israel, tama na ang ginagawa ninyo. Tigilan nʼyo na ang pagmamalupit at pang-aapi, at gawin ninyo kung ano ang matuwid at tama. Tigilan nʼyo na rin ang pangangamkam ng lupain ng aking mga mamamayan. 10 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan. 11 Ang ‘homer’[c] ang batayan ng panukat sa pagbilang. Ang isang ‘homer’ ay sampung ‘epa’[d] o sampung ‘bat’.[e] 12 Ang ‘shekel’[f] ang siyang batayan ng pagsukat ng bigat. Ang isang ‘shekel’ ay 20 ‘gera’, at ang 60 ‘shekel’ ay isang ‘mina’.

Mga Natatanging Kaloob at mga Araw

13 “Ito ang mga kaloob na dapat ninyong ibigay sa pinuno ng Israel: isa sa bawat 60 ng inani ninyong trigo at sebada,[g] 14 isa sa bawat 100 na bat ng langis ng olibo (ang takalan na gagamitin nito ay ang ‘bat’; ang sampung ‘bat’ ay isang ‘homer’ o isang ‘cor’), 15 at isang tupa sa bawat 200 ninyong hayop. Ang mga kaloob na itoʼy gagamiting handog para sa pagpaparangal sa akin, handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon,[h] upang mapatawad ang mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 16 Ang lahat ng Israelita ang magdadala ng mga kaloob na ito para magamit ng pinuno ng Israel. 17 Tungkulin naman ng pinuno ng Israel ang pagbibigay ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin, handog na inumin, handog sa paglilinis, at handog para sa mabuting relasyon sa panahon ng pista katulad ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at iba pang mga pista na ipinagdiriwang ng mga Israelita. Iaalay ang mga handog na ito upang mapatawad ang mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel.”

Ang mga Pista(A)

18 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa unang araw ng unang buwan, maghahandog kayo ng toro na walang kapintasan para sa paglilinis ng templo. 19 Ang pari ang dapat kumuha ng dugo nito at ipapahid niya sa hamba ng pintuan ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga hamba ng pintuan sa bakuran sa loob. 20 Ganito rin ang gawin ninyo sa ikapitong araw ng buwan ding iyon, para sa sinumang magkasala ng hindi sinasadya o nagkasala nang hindi nalalaman. Sa ganitong paraan malilinis ninyo ang templo.

21 “Sa ika-14 na araw ng unang buwan, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Ipagdiriwang ninyo ito sa loob ng pitong araw, at tinapay na walang pampaalsa lang ang kakainin ninyo. 22 Sa unang araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay mag-aalay ng batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa lahat ng Israelita. 23 Bawat araw sa loob ng pitong araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay maghahandog ng pitong batang toro at pitong lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na sinusunog para sa akin. At maghahandog din siya ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. 24 Sa bawat batang toro at lalaking tupa, kinakailangang may kasamang handog ng pagpaparangal sa akin, kalahating sakong harina at isang galong langis ng olibo. 25 Ganito rin ang ihahandog ng pinuno sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol na magsisimula sa ika-15 araw ng ika-7 buwan. At sa loob ng pitong araw, ang pinuno ay maghahandog ng katulad ng inihandog niya sa Pista ng Paglampas ng Anghel: mga handog sa paglilinis, handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin at langis.”

46 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ang daanan papunta sa bakuran sa loob na nakaharap sa silangan ay kinakailangang nakasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho, pero bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa panahon ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan. Ang pinuno ay dadaan sa balkonahe ng daanang nakaharap sa silangan at tatayo siya sa may pintuan habang ang pari ay nag-aalay ng kanyang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[i] Ang pinuno ay sasamba sa akin doon sa may pintuan at pagkatapos ay lalabas siya, ngunit hindi isasara ang pintuan hanggang sa gumabi. Sasamba rin sa akin ang mga mamamayan ng Israel doon sa harap ng pintuan sa bawat Araw ng Pamamahinga at Pista ng Pagsisimula ng Buwan. Sa bawat Araw ng Pamamahinga, maghahandog ang pinuno ng isang barakong tupa at anim na batang tupa na walang kapintasan, at iaalay ito sa akin bilang handog na sinusunog. Ang handog ng pagpaparangal sa akin na kasama ng barakong tupa ay kalahating sako ng harina, pero nasa pinuno na kung gaano karami ang harinang isasama niya sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na tupa ay maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.

“Sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan, ang pinuno ay maghahandog ng isang batang toro, isang barakong tupa, at anim na batang tupa na pawang walang kapintasan. Ang handog ng pagpaparangal sa akin ay isasama ng pinuno sa batang toro at barakong tupa, depende sa kanya kung gaano karami ang isasama niyang harina sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sakong harinang kanyang ihahandog, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo. Kapag ang pinuno ay pumasok upang maghandog, doon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya dadaan paglabas niya.

“Kapag sumamba sa akin ang mga mamamayan sa templo ng Israel sa panahon ng mga pista, ang mga papasok sa pintuan sa hilaga ay lalabas sa pintuan sa timog, at ang mga papasok naman sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Dapat walang lumabas sa pintuang pinasukan niya. Kinakailangang sa ibang pintuan siya lumabas kung pumasok siya sa kabila. 10 Sasabay ang pinuno sa pagpasok at paglabas nila.

11 “Sa panahon ng ibaʼt ibang pista, ang handog ng pagpaparangal sa akin na isasama sa batang toro at sa barakong tupa ay tig-kakalahating sako ng harina, pero depende sa naghahandog kung gaano karami ang isasama niya sa bawat batang tupa. At sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na hayop, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo. 12 Kapag ang pinuno ay mag-aalay ng handog na sinusunog o handog para sa mabuting relasyon na kusang-loob na handog, bubuksan para sa kanya ang pintuan sa gawing silangan. At iaalay niya ang kanyang mga handog tulad ng kanyang paghahandog sa Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, sasarhan agad ang pinto.

13 “Tuwing umaga, kinakailangang may inihahandog sa akin na tupang walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 14 Sasamahan ito ng handog ng pagpaparangal sa akin na tatlong kilong harina, at kalahating galong langis ng olibo na pangmasa sa harina. Ang tuntuning ito tungkol sa handog ng pagpaparangal sa akin ay dapat sundin magpakailanman. 15 Kaya tuwing umaga ay kailangang may inihahandog sa akin na tupa, harina, at langis ng olibo na pang-araw-araw na handog na sinunsunog.”

16 Sinabi rin ng Panginoong Dios, “Kapag ang pinuno ay magbibigay ng pamanang lupa sa isa sa mga anak niya, ang lupang iyon ay para lang sa mga angkan niya habang buhay. 17 Ngunit kung ibibigay niya ito sa isa sa kanyang mga alipin, magiging sa alipin na ito hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sa taong iyon, ang aliping iyon ay papalayain at ang lupa ay isasauli sa pinuno. Tanging ang mga anak lamang ng pinuno ang magmamay-ari ng lupa niya magpakailanman. 18 Ang pinuno ay hindi dapat kumuha ng lupa ng mga tao. Kapag magbibigay siya ng lupa sa mga anak niya, ang lupa niya ang dapat niyang ibigay para hindi mawalan ng lupa ang mga mamamayan.”

19 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa banal na mga silid ng mga pari sa gawing timog. Doon kami dumaan sa pintuang nasa gilid ng daanan. Ipinakita niya sa akin doon ang lugar na nasa kanluran ng mga silid na ito. 20 Sinabi niya sa akin, “Dito sa lugar na ito nagluluto ang mga pari ng handog na pambayad ng kasalanan,[j] handog sa paglilinis, at handog ng pagpaparangal sa Panginoon. Dito sila magluluto para maiwasan nila ang pagdadala ng mga handog sa labas ng bulwagan. Sa ganitong paraan hindi maapektuhan ang mga tao sa kabanalan nito.”[k]

21-22 Pagkatapos, dinala niya ako sa bulwagan sa labas, at ipinakita sa akin ang apat na sulok nito. Sa bawat sulok nito ay may maliliit na bakuran na 68 talampakan ang haba at 50 talampakan ang luwang, at pare-pareho ang laki nito. 23 Ang bawat isa nito ay napapaligiran ng mababang pader, at sa tabi ng pader ay may mga kalan. 24 Pagkatapos, sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mga pinaglulutuan ng mga naghahandog sa templo ng handog ng mga tao.”

Footnotes

  1. 45:1 sampung kilometro: Ganito sa tekstong Septuagint. Sa tekstong Hebreo, limang kilometro.
  2. 45:5 nito … maninirahan: Ganito sa tekstong Septuagint. Sa tekstong Hebreo, ng 20 silid.
  3. 45:11 ‘homer’: Katumbas ng 100 salop.
  4. 45:11 ‘epa’: Ang ginagamit na panukat ng trigo, sebada at iba pang mga butil.
  5. 45:11 ‘bat’: Ang ginagamit na panukat ng langis, alak at iba pang inumin.
  6. 45:12 ‘shekel’: Ang “shekel” ay mga 12 gramo.
  7. 45:13 sebada: sa Ingles, “barley.”
  8. 45:15 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  9. 46:2 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  10. 46:20 handog na … kasalanan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  11. 46:20 sa kabanalan nito: Tingnan ang “footnote” sa 44:19.

Mga anak, sinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung may magkasala man, may tagapamagitan tayo sa Ama – siya ay si Jesu-Cristo, ang Matuwid. Siya ang ibinigay na handog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at hindi lang ng mga kasalanan natin kundi pati na rin ng kasalanan ng buong mundo. Nakatitiyak tayong kilala natin ang Dios kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing nakikilala niya ang Dios ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit sa sinumang sumusunod sa salita ng Dios, lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig ng Dios. At sa ganitong paraan natin malalaman na tayoʼy nasa kanya: ang sinumang nagsasabing siya ay sa Dios, dapat siyang mamuhay nang tulad ni Jesu-Cristo.

Mga minamahal, hindi bago ang ibinibigay kong utos na magmahalan kayo, kundi dati na. Ang utos na ito ay walang iba kundi ang mensaheng narinig at tinanggap ninyo mula nang sumampalataya kayo. Ngunit masasabi rin natin na ang utos na itoʼy bago, dahil lumilipas na ang kadiliman at nagliliwanag na ang tunay na ilaw. At ang katotohanang ito ay nakita sa buhay ni Cristo at maging sa inyo. Ang sinumang nagsasabing siyaʼy nasa liwanag ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa rin. 10 Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay namumuhay sa liwanag, at walang anuman sa buhay niya ang magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya alam ang kanyang patutunguhan dahil binulag siya ng kadilimang ito.

12 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, dahil pinatawad na ng Dios ang mga kasalanan ninyo dahil kay Cristo.
13 Sumusulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala nʼyo na siya na mula pa sa simula ay nariyan na.[a]
    Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, dahil nalupig na ninyo si Satanas.[b]
14 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, dahil nakilala nʼyo na ang Ama.
    Sumusulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala nʼyo na siya na mula pa sa simula ay nariyan na.
    Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, dahil matatag ang inyong pananampalataya. Sinusunod ninyo ang salita ng Dios, at nalupig na ninyo si Satanas.

Huwag Ibigin ang Mundo

15 Huwag ninyong ibigin ang mundo o ang mga makamundong bagay. Ang umiibig sa mga ito ay hindi umiibig sa Ama. 16 Sapagkat ang lahat ng kamunduhan – ang masasamang hilig ng laman, ang pagnanasa sa mga nakikita ng mata, at ang anumang pagmamayabang sa buhay – ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa mundo. 17 Ang mundo at lahat ng bagay dito na hinahangad ng tao ay mawawala, ngunit ang taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay mabubuhay magpakailanman.

Ang Anti-Cristo

18 Mga anak, malapit na ang mga huling araw, at tulad ng narinig ninyo, malapit na ang pagdating ng anti-Cristo. Ngayon pa lang ay marami nang anti-Cristo, kaya alam nating malapit na ang mga huling araw. 19 Kahit naging kasama natin sila noong una, hindi sila tunay na kabilang sa atin. Sapagkat kung tunay na kabilang sila, nanatili sana sila sa atin. Ngunit ang pagtiwalag nilaʼy nagpapakita na hindi talaga sila kabilang sa atin.

20 Ngunit ipinagkaloob sa inyo ang Banal na Espiritu, kaya alam ninyong lahat ang katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam nʼyo na, at alam din ninyo na walang kasinungalingan na maaaring magmula sa katotohanan. 22 At sino ba ang sinungaling? Ang taong nagsasabing hindi si Jesus ang Cristo. Siya ang anti-Cristo. Ayaw niyang kilalanin ang Ama at ang Anak. 23 Ang taong hindi kumikilala sa Anak, hindi sumasakanya ang Ama. Ngunit ang taong kumikilala sa Anak, sumasakanya ang Ama.

24 Huwag ninyong kalimutan ang mga natutunan ninyo mula pa noong una, upang patuloy kayong mamuhay nang may pagkakaisa sa Anak at sa Ama. 25 Sa ganoon, mapapasainyo ang ipinangako ni Cristo: ang buhay na walang hanggan.

26 Isinusulat ko sa inyo ang tungkol sa mga taong nanlilinlang sa inyo. 27 Kung tungkol naman sa inyo, ang Banal na Espiritu[c] na tinanggap ninyo kay Cristo ay nananatili sa inyo, kaya hindi na kailangang turuan pa kayo ng iba. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay katotohanan at hindi kasinungalingan. At gaya ng itinuro niya sa inyo, manatili kayo kay Cristo.

28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya, upang magkaroon tayo ng kapanatagan sa kanyang pagbabalik, at hindi tayo mapahiya pagdating ng araw na iyon. 29 Alam ninyo na si Cristo ay matuwid, kaya makasisiguro kayo na ang lahat ng taong gumagawa ng matuwid ay mga anak ng Dios.

Footnotes

  1. 2:13 nariyan na: o, nabubuhay na. Ganito rin sa talatang 14.
  2. 2:13 Satanas: sa Griego, Ang Masama.
  3. 2:27 Banal na Espiritu: sa literal, pagpahid.