Ezekiel 44
Ang Dating Biblia (1905)
44 Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa daan ng pintuan sa labas ng santuario, na nakaharap sa dakong silanganan; at ito'y nasara.
2 At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang pintuang-daang ito ay sasarhan, hindi bubuksan, o papasukan man ng sinoman, sapagka't pinasukan ng Panginoon, ng Dios ng Israel; kaya't ito'y masasara.
3 Tungkol sa prinsipe, siya'y mauupo roon na pinaka prinsipe upang kumain ng tinapay sa harap ng Panginoon; siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at lalabas sa daan ding yaon.
4 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan sa harap ng bahay: at ako'y tumingin, at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon: at nasubasob ako.
5 At ang Panginoon ay nagsabi sa akin, Anak ng tao, tandaan mong mabuti, at masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pakinig ang lahat na aking sinasabi sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat ng kautusan doon; at tandaan mong mabuti ang pasukan ng bahay sangpu ng bawa't labasan sa santuario.
6 At iyong sasabihin sa mapanghimagsik, sa makatuwid baga'y sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Oh kayong sangbahayan ni Israel, mangaglikat na kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam,
7 Sa inyong pagpapasok ng mga taga ibang lupa na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang malagay sa aking santuario, na lapastanganin yaon, sa makatuwid baga'y ang aking bahay, pagka inyong inihahandog ang aking tinapay, ang taba at ang dugo, at sinira nila ang aking tipan, upang idagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.
8 At hindi ninyo iningatan ang katungkulan sa aking mga banal na bagay; kundi kayo'y nangaglagay ng mga tagapangasiwa sa aking santuario sa ganang inyong sarili.
9 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Walang taga ibang lupa, na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman na papasok sa aking santuario, kahit sinomang taga ibang lupa na nasa gitna ng mga anak ni Israel.
10 Nguni't ang mga Levita na nagsilayo sa akin nang ang Israel ay maligaw sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diosdiosan; mangagdadanas sila ng kanilang kasamaan.
11 Gayon ma'y magiging tagapangasiwa sila sa aking santuario, na sila ang mamamahala sa mga pintuang-daan ng bahay, at magsisipangasiwa sa bahay: kanilang papatayin ang handog na susunugin at ang hain para sa bayan, at sila'y magsisitayo sa harap ng mga yaon upang pangasiwaan nila.
12 Sapagka't kanilang pinangasiwaan sila sa harap ng kanilang mga diosdiosan, at naging ikatitisod sila sa ikasasama ng sangbahayan ni Israel; kaya't itinaas ko ang aking kamay laban sa kanila, sabi ng Panginoong Dios, at dadanasin nila ang kanilang kasamaan.
13 At hindi sila magsisilapit sa akin upang magsagawa ng katungkulan ng saserdote sa akin, o magsisilapit man sa alin man sa mga banal na bagay ko, sa mga bagay na kabanalbanalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, at ang kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.
14 Gayon ma'y gagawin ko silang tagapangasiwa sa bahay, para sa buong paglilingkod doon, at sa lahat na gagawin doon.
15 Nguni't ang mga saserdoteng Levita na mga anak na lalake ni Sadoc, na nagiingat ng katungkulan sa aking santuario nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, sila'y magsisilapit sa akin upang magsipangasiwa sa akin; at sila'y magsisitayo sa harap ko upang mangaghandog sa akin ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Dios:
16 Sila'y magsisipasok sa aking santuario, at sila'y magsisilapit sa aking dulang, upang magsipangasiwa sa akin, at iingatan nila ang kanilang katungkulan sa akin.
17 At mangyayari, na pagka sila'y magsisipasok sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, susuutan sila ng mga kayong linong kasuutan; at walang lanang dadaiti sa kanila, samantalang sila'y nagsisipangasiwa sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, at sa loob.
18 Sila'y mangagpupugong ng kayong lino sa kanilang mga ulo, at mangagtatapi ng kayong lino sa kanilang mga balakang; hindi sila mangagbibigkis ng anomang nakapagpapapawis.
19 At pagka kanilang lalabasin ang mga tao sa looban sa labas, ng bahay, kanilang huhubarin ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid; at mangagsusuot sila ng ibang mga kasuutan, upang huwag nilang banalin ang mga tao ng kanilang mga kasuutan.
20 Ni aahitan man nila ang kanilang mga ulo, ni titiisin man ang kanilang buhok ay humaba; kanila lamang gugupitan ang kanilang mga ulo.
21 Ni iinom ng alak ang sinomang saserdote pagka sila'y magsisipasok sa lalong loob na looban.
22 Ni mangagaasawa man sa babaing bao, o sa inihiwalay man: kundi sila'y magaasawa ng mga dalaga sa lahi ng sangbahayan ni Israel, o ng babaing bao na nabao sa saserdote.
23 At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ipakikilala nila sa kanila ang marumi at malinis.
24 At sa pagtatalo ay magsisitayo sila upang magsihatol; ayon sa aking mga kahatulan ay kanilang hahatulan: at kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga palatuntunan sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga sabbath.
25 At hindi sila magsisilapit sa alin mang patay na tao na mangagpakahawa; nguni't sa ama, o sa ina, o sa anak na lalake, o babae, sa kapatid na lalake, o babae na hindi nagkaasawa, maaaring mangagpakahawa sila.
26 At pagkatapos na siya'y malinis, sila'y bibilang sa kaniya ng pitong araw.
27 At sa kaarawan na siya'y pumasok sa santuario, sa lalong loob na looban upang mangasiwa sa santuario, siya'y maghahandog ng kaniyang handog dahil sa kasalanan, sabi ng Panginoong Dios.
28 At sila'y mangagkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana; at hindi ninyo bibigyan sila ng pag-aari sa Israel; ako'y kanilang pag-aari.
29 Sila'y magsisikain ng handog na harina, at ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog dahil sa pagkakasala; at bawa't bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.
30 At ang una sa lahat na unang bunga ng bawa't bagay, at lahat na alay na bawa't bagay, sa lahat ninyong mga alay ay magiging sa saserdote: inyo rin namang ibibigay sa mga saserdote ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.
31 Ang mga saserdote ay hindi kakain ng anomang bagay na namamatay sa kaniyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.
Ezekiel 44
Ang Biblia, 2001
Ang Tuntunin tungkol sa Pintuan sa Gawing Silangan
44 Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa panlabas na pintuan ng santuwaryo na nakaharap sa dakong silangan; at ito'y nakasara.
2 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang pintuang ito ay mananatiling nakasara. Hindi ito bubuksan, at walang sinumang makakapasok dito; sapagkat ito'y pinasukan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel; kaya't ito'y mananatiling nakasara.
3 Tungkol sa pinuno, siya ay uupo roon bilang pinuno upang kumain ng tinapay sa harapan ng Panginoon. Siya'y papasok sa daan ng bulwagan ng pintuan, at lalabas sa daan ding iyon.”
Ang mga Tuntunin sa Pagpasok sa Dambana
4 Nang magkagayo'y kanyang dinala ako sa daan ng pintuan sa hilaga sa harapan ng bahay. Ako'y tumingin at nakita ko na napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon, at sumubsob ako sa lupa.
5 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, tandaan mong mabuti, masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig ang lahat ng aking sasabihin sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at sa lahat ng kautusan doon. Tandaan mong mabuti ang pasukan sa bahay at lahat ng labasan sa santuwaryo.
6 Iyong sasabihin sa mapaghimagsik, sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: O kayong sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang lahat ninyong mga kasuklamsuklam,
7 sa inyong pagtanggap ng mga dayuhan na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang makapasok sa aking santuwaryo, na nilalapastangan ang aking bahay, kapag inyong inihahandog ang aking pagkain, ang taba at ang dugo. Sinira ninyo ang aking tipan, ito'y dagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.
8 Hindi ninyo iningatan ang aking mga banal na bagay; kundi kayo'y naglagay ng mga dayuhan upang mangasiwa sa aking santuwaryo.
9 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Walang dayuhan na hindi tuli sa puso at sa laman, sa lahat ng mga dayuhang kasama ng bayang Israel, ang papasok sa aking santuwaryo.
10 Ngunit ang mga Levita na lumayo sa akin, nang ang Israel ay tumalikod sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diyus-diyosan, ay magdaranas ng kanilang kaparusahan.
11 Gayunman, sila'y magiging tagapangasiwa sa aking santuwaryo, mamamahala sa mga pintuan ng bahay at maglilingkod sa bahay. Kanilang kakatayin ang handog na sinusunog at ang alay para sa bayan, at kanilang aasikasuhin ang bayan upang paglingkuran sila.
12 Sapagkat kanilang pinaglingkuran sila sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, at naging katitisuran nila sa ikasasama ng sambahayan ni Israel. Kaya't ako'y sumumpa tungkol sa kanila, sabi ng Panginoong Diyos, at daranasin nila ang kanilang kaparusahan.
13 Hindi sila lalapit sa akin upang maglingkod sa akin bilang pari, o lalapit man sa alinman sa aking mga banal na bagay at sa mga bagay na kabanal-banalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, dahil sa mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.
14 Gayunma'y hihirangin ko silang tagapangasiwa ng bahay, upang gawin ang lahat nitong paglilingkod at lahat ng dapat gawin doon.
Ang mga Pari
15 “Ngunit ang mga paring Levita na mga anak na lalaki ni Zadok, na nangangasiwa ng aking santuwaryo nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, ay lalapit sa akin upang maglingkod sa akin. Sila'y maglilingkod sa akin upang maghandog ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Diyos:
16 Sila'y papasok sa aking santuwaryo, at sila'y lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at gagawin nila ang aking tagubilin.
17 Kapag(A) sila'y papasok sa mga pintuan ng pinakaloob na bulwagan, magsusuot sila ng kasuotang telang lino. Hindi sila gagamit ng anumang lana habang sila'y nangangasiwa sa mga pintuan ng pinakaloob na bulwagan at sa loob.
18 Sila'y magsusuot ng turbanteng lino sa kanilang mga ulo, at magtatapis ng telang lino sa kanilang mga balakang; hindi sila magbibigkis ng anumang nakapagpapapawis.
19 Kapag(B) sila'y lumabas sa panlabas na bulwagan, sa panlabas na bulwagang patungo sa mga tao, huhubarin nila ang kanilang mga kasuotan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid. Magsusuot sila ng ibang mga kasuotan, baka mahawa nila ng kabanalan ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga kasuotan.
20 Hindi(C) nila aahitan ang kanilang mga ulo, ni pahahabain man ang kanilang buhok. Kanila lamang gugupitan ang buhok ng kanilang mga ulo.
21 Hindi(D) iinom ng alak ang sinumang pari kapag siya'y papasok sa pinakaloob na bulwagan.
22 Hindi(E) sila mag-aasawa ng babaing balo, o ng babaing hiwalay sa asawa, kundi sa isang birhen lamang sa lahi ng sambahayan ni Israel, o sa babaing balo na nabalo sa pari.
23 Kanilang(F) ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ituturo sa kanila kung paano bibigyan ng pagkakaiba ang marumi at malinis.
24 Sa isang pagtatalo ay tatayo sila bilang mga hukom, at hahatulan nila iyon ayon sa aking mga hatol. Kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga tuntunin sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga Sabbath.
25 Hindi(G) nila dudungisan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglapit sa isang patay na tao. Gayunman, para sa ama, o sa ina, o sa anak na lalaki o babae, sa kapatid na lalaki o babae na walang asawa, ay maaari nilang dungisan ang kanilang mga sarili.
26 Pagkatapos na siya'y madungisan, sila'y bibilang ng pitong araw at siya'y magiging malinis.
27 Sa araw na siya'y pumasok sa banal na dako, sa pinakaloob na bulwagan upang maglingkod sa santuwaryo, siya'y maghahandog ng kanyang handog pangkasalanan, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Bahagi ng mga Pari
28 Sila'y(H) hindi magkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana at hindi ninyo sila bibigyan ng ari-arian sa Israel; ako'y kanilang ari-arian.
29 Sila'y(I) kakain ng handog na butil, ng handog pangkasalanan, at ng handog dahil sa budhing maysala. Bawat bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.
30 Ang una sa lahat na unang bunga ng bawat bagay, at bawat alay ng bawat bagay sa lahat ninyong mga handog ay magiging sa pari. Inyo ring ibibigay sa mga pari ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.
31 Ang(J) mga pari ay hindi kakain ng anumang bagay na namamatay sa kanyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.
Ezekiel 44
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Tuntunin sa Templo
44 Muli akong dinala ng tao sa pintuang palabas ng templo sa gawing silangan, pero nakasarado ito. 2 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang pintuang ito ay kinakailangang palaging nakasara at hindi dapat buksan para walang makadaan, dahil ako, ang Panginoong Dios ng Israel ay dumaan dito. 3 Ang pinuno lang ng Israel ang makakaupo rito sa daanan para kumain ng inihandog sa akin, pero roon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya lalabas.”
4 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa harap ng templo. Doon kami dumaan sa daanan sa gawing hilaga. Nakita ko roon ang dakilang presensya ng Panginoon na nakapalibot sa templo niya, at nagpatirapa ako. 5 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo tungkol sa lahat ng tuntunin sa aking templo. Alamin mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok at ang hindi. 6 Sabihin mo sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ng Israel, tigilan na ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. 7 Pinapapasok ninyo sa aking templo ang mga dayuhang hindi naniniwala sa akin. Sa ganitong paraan, dinudungisan ninyo ang templo ko kahit na naghahandog pa kayo ng mga pagkain, taba, at dugo. Maliban sa kasuklam-suklam ninyong ginagawa, nilalabag pa ninyo ang kasunduan ko. 8 Sa halip na kayo ang mamamahala sa mga banal na bagay sa templo, ipinauubaya ninyo ito sa ibang tao. 9 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, walang dayuhan na hindi naniniwala sa akin ang papayagang pumasok sa templo ko, kahit na ang mga dayuhang nakatira kasama ninyo.
10 “Tungkol naman sa mga Levita na tumalikod sa akin at sumama sa ibang Israelita na sumamba sa mga dios-diosan, pagdurusahan nila ang kasalanan nila. 11 Maaari silang maglingkod sa akin bilang mga tagapagbantay sa pintuan at tagakatay ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog ng mga tao. Maaari rin silang maglingkod sa mga tao sa templo. 12 Ngunit dahil sumamba sila sa mga dios-diosan habang naglilingkod sa mga tao, at dahil din dooʼy nagkasala ang mga mamamayan ng Israel, isinusumpa kong pagdurusahan nila ang kasalanan nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 13 Mula ngayon, hindi ko na sila papayagang maglingkod sa akin bilang pari. Hindi rin sila papayagang humipo man lang ng aking mga banal na bagay o makapasok sa Pinakabanal na Lugar. Kinakailangan nilang magtiis ng kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang ginawa. 14 Gagawin ko na lang silang mga katulong sa lahat ng gawain sa templo.
15 “Ngunit ang mga paring Levita na mula sa angkan ni Zadok na naging tapat sa paglilingkod sa akin sa templo nang tumalikod ang mga Israelita ay patuloy na makapaglilingkod sa akin. Sila ang maghahandog sa akin ng taba at dugo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 16 Sila lang ang maaaring pumasok sa templo ko at makalalapit sa aking altar upang maglingkod sa akin. At sila lang din ang pwedeng mamamahala sa pagsamba sa templo. 17 Kapag pumasok sila sa daanan patungo sa bakuran sa loob ng templo, kinakailangang magbihis sila ng damit na gawa sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang damit na gawa sa lana habang naglilingkod sa bakuran sa loob o sa loob ng templo. 18 Kinakailangang magsuot din sila ng turban na gawa sa telang linen at magsuot ng pang-ilalim na damit na gawa rin sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang makapagpapapawis sa kanila. 19 At kapag lumabas na sila sa bulwagan sa labas na kinaroroonan ng mga tao, kinakailangang hubarin muna nila ang mga damit na ginamit nila sa paglilingkod at ilagay doon sa banal na silid, at saka sila magsuot ng pangkaraniwang damit para hindi mapinsala ang mga tao sa kabanalan nito.[a]
20 “Hindi rin sila dapat magpakalbo o magpahaba ng buhok, dapat lagi silang magpagupit. 21 Hindi rin sila dapat uminom ng alak kung pupunta sa loob na bakuran ng templo. 22 Hindi sila dapat mag-asawa ng biyuda o ng hiwalay sa asawa. Ang kunin nilang asawa ay kapwa Israelita o biyuda ng kapwa nila pari. 23 Tuturuan nila ang mga mamamayan ko kung alin ang banal at hindi banal, kung alin ang malinis at hindi malinis. 24 Kapag may alitan, ang mga pari ang hahatol batay sa mga kautusan ko. Kinakailangang sundin nila ang mga utos ko at mga tuntunin tungkol sa mga pistang itinakda kong sundin, at dapat nilang ituring na banal ang Araw ng Pamamahinga. 25 Huwag nilang dudungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paghipo sa bangkay, maliban lang kung ang namatay ay kanyang ama o ina, anak o kapatid na wala pang asawa. 26 Kapag nakahipo siya ng bangkay, kailangan niya ang paglilinis[b] at maghintay ng pitong araw, 27 bago siya makapasok sa bakuran sa loob ng templo at mag-alay ng handog sa paglilinis para sa kanyang sarili. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
28 Sinabi pa ng Panginoon, “Walang mamanahing lupa ang mga pari ng Israel, dahil ako ang magbibigay ng mga pangangailangan nila. 29 Ang pagkain nila ay magmumula sa mga handog ng pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan.[c] Ang anumang bagay na itinalaga para sa akin ay para sa kanila. 30 Ang pinakamagandang unang ani ninyo at mga natatanging handog para sa akin ay para sa mga pari. Bigyan din ninyo ng inyong pinakamagandang klase ng harina ang mga pari, para pagpalain ang sambahayan ninyo. 31 Ang mga pari ay hindi dapat kumain ng anumang ibon o hayop na basta na lang namatay o pinatay ng ibang hayop.”
Footnotes
- 44:19 para … nito: Ang mga pangkaraniwang tao ng mga panahong iyon ay mahigpit na pinagbabawalang humawak ng mga banal na bagay sa loob ng templo dahil maaaring may masamang mangyari sa kanila.
- 44:26 paglilinis: Ang ibig sabihin, susundin niya ang seremonya sa paglilinis ng sarili.
- 44:29 handog na … kasalanan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
