Ezekiel 38
Magandang Balita Biblia
Ang Pahayag Laban sa Gog
38 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel,(A) anak ng tao, harapin mo si Gog sa lupain ng Magog at hari ng mga bansang Meshec at Tubal. Magpahayag ka laban sa kanya at sabihin mong 3 ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pinakapuno ng mga hari ng Meshec at Tubal. 4 Patatalikurin kita ngayon at lalagyan ko ng kawit ang iyong panga. Iaalis kita sa sarili mong bayan, ikaw at ang iyong hukbo; ang iyong mga kabayo at mangangabayo na nasa hustong kasuotang pandigma, may pananggalang at tabak. 5 Kasama nila ang kalalakihan ng Persia, Etiopia[a] at Libya na pawang may pananggalang at naka-helmet. 6 Kasama rin ang Gomer pati ang kanyang hukbo at ang Beth-togarma hanggang sa dulong hilaga pati ang buong hukbo nito at ang kalalakihan ng marami pang bansa.
7 “Humanda kang lagi, ikaw at ang mga hukbong kasama mo. Tumalaga kayo anumang oras na kailangan ko. 8 Pagkaraan ng maraming taon, titipunin ko kayo; lulusubin ninyo ang isang bansang itinayong muli mula sa pagkaguho. Ang naroon ay mga taong tinipon mula sa iba't ibang dako at payapang naninirahan sa mga bundok ng Israel, isang lugar na dating tiwangwang at walang naninirahan. 9 Sasagasaan ninyong parang bagyo ang lugar na iyon at kakalatan ninyong parang ulap, ikaw, ang iyong hukbo at ang makapal na taong kasama mo.
10 “Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh: Gog, sa araw na iyon, may papasok sa iyong isip at ikaw ay magbabalak ng masama. 11 Isasaloob mo, ‘Ang sasalakayin ko'y isang mahinang bansa. Lulupigin ko ang mga taong naninirahan nang tahimik, walang mga pader na kanlungan ni anumang harang. 12 Sasakupin ko ito, sasamsaman ang tagaroon, at wawasakin ang lupaing dating tiwangwang at walang nakatira ngunit ngayo'y puno ng taong tinipon mula sa iba't ibang dako. Ngayo'y marami na ang kanilang mga hayop, at mga ari-arian, at ang lupain nila'y siyang sentro sa daigdig.’ 13 Sasabihin sa iyo ng Seba at Dedan, ng Tarsis at ng mga mangangalakal nito, ‘Naparito ka ba upang manamsam? Tinipon mo ba ang karamihang ito upang hakutin ang mga pilak, ginto, mga hayop, at mga ari-arian, upang samsamin ang malaking kayamanang ito?’
14 “Kaya, pinapunta ako ni Yahweh sa Gog upang ipahayag ang ganito: Sa araw na namumuhay ng tahimik ang bayan kong Israel, ikaw ay magbabalikwas.[b] 15 Isasama mo ang makapal na tao, isang malaking hukbo na pawang kabayuhan mula sa dulong hilaga. 16 Ang Israel ay sasalakayin ninyo, tulad ng rumaragasang bagyo. Ipapalusob ko sa iyo ang aking bayan upang ipakilala sa mga bansa kung sino ako, at upang sa pamamagitan mo'y maipakita sa kanila na ako ay banal.
17 “Ipinapasabi pa ni Yahweh: Noong araw pa, iniutos ko na sa mga lingkod kong propeta ng Israel na ipahayag nila na may isang bansang tatayo laban sa Israel, at ikaw ang tinutukoy noon. 18 Pagdating ng araw na iyon, kapag sinalakay na ng Gog ang Israel, aabot na sa sukdulan ang aking poot. 19 At sa tindi ng aking galit, lilindol nang napakalakas sa buong Israel. 20 Ang mga isda, ibon at hayop, malaki o maliit, at ang mga tao, ay manginginig sa harap ko. Ang mga bundok ay guguho, gayon din ang mga bangin at ang lahat ng muog sa lupa. 21 Paghahariin ko sa Gog ang matinding takot at sila-sila'y magtatagaan. 22 Paparusahan ko siya sa pamamagitan ng salot at kamatayan. Siya at ang kanyang mga hukbo ay pauulanan ko ng buhawi, malalaking yelo ng apoy at asupre. 23 Sa ganyang paraan ko ipapakita sa lahat ng bansa na ako ay makapangyarihan at ako ay banal. Sa gayo'y makikilala nilang ako si Yahweh.”
Footnotes
- Ezekiel 38:5 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
- Ezekiel 38:14 magbabalikwas: o kaya'y makakaalam .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.