Ezekiel 38
Ang Biblia (1978)
Ang hula tungkol sa Gog. Sasalakay sa Israel.
38 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 (A)Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha (B)sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na prinsipe sa Ros, sa (C)Mesech, at sa Tubal, at manghula ka laban sa kaniya,
3 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Gog, na pangulo sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal:
4 At aking ipipihit ka sa palibot, (D)at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga, at ilalabas kita, at ang iyong buong kawal, mga kabayo at mga mangangabayo, na nasusuutan silang lahat ng buong kasakbatan, na malaking pulutong na may longki at kalasag, silang lahat ay nangagtatangan ng mga tabak:
5 (E)Ang Persia, ang Cus, at ang Phut ay kasama nila; silang lahat na may kalasag at turbante;
6 (F)Ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang sangbahayan ni (G)Togarma sa mga pinakahuling bahagi ng hilagaan, at lahat niyang mga pulutong; maraming bayan na kasama mo.
7 Humanda ka, oo, humanda ka, ikaw, at ang lahat ng iyong mga pulutong na napisan ko sa iyo, at maging bantay ka sa kanila.
8 (H)Pagkatapos ng maraming araw ay dadalawin ka: sa mga huling taon ay papasok ka sa lupain na ibinalik na mula sa paghabol ng tabak na (I)napisan mula sa maraming bayan, sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba; nguni't nalabas sa mga bayan, at sila'y (J)magsisitahang tiwasay, silang lahat.
9 At ikaw ay sasampa, ikaw ay darating (K)na parang bagyo, ikaw ay magiging parang (L)ulap na tatakip sa lupain, ikaw, at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo.
10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Mangyayari sa araw na yaon, na mga bagay ay darating sa iyong pagiisip, at ikaw ay magpapanukala ng masamang panukala:
11 At iyong sasabihin, Ako'y sasampa sa lupaing may mga nayong walang kuta; sasampahin ko sila na nasa katahimikan, na nagsisitahang tiwasay, silang lahat na nagsisitahang walang kuta, at wala kahit mga halang o mga pintuang-bayan man;
12 (M)Upang kumuha ng samsam, at upang kumuha ng huli; upang ibalik ang iyong kamay laban sa mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at laban sa bayan na napisan mula sa mga bansa, na nagtangkilik ng mga hayop at mga pagaari, na nagsisitahan sa gitna ng lupa.
13 Ang Seba, (N)at ang (O)Dedan, at ang mga (P)mangangalakal sa Tarsis, sangpu ng (Q)lahat ng batang leon niyaon, ay magsasabi sa iyo, Naparito ka baga upang kumuha ng samsam? pinisan mo baga ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam? upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga pagaari, upang kumuha ng malaking samsam?
14 Kaya't, anak ng tao, ikaw ay manghula, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa araw na ang aking bayang Israel ay tatahang tiwasay, hindi mo baga malalaman?
15 At ikaw ay darating na mula sa iyong dako, (R)mula sa mga kahulihulihang bahagi ng hilagaan, ikaw, at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nangakasakay sa mga kabayo, malaking pulutong at makapangyarihang hukbo;
16 At ikaw ay sasampa laban sa aking bayang Israel, na parang ulap na tatakip sa lupain: mangyayari (S)sa mga huling araw, na dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, (T)pagka ako'y aariing banal sa iyo, Oh Gog, sa harap ng kanilang mga mata.
Ang galit ng Panginoon laban sa Gog.
17 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw baga yaong aking sinalita nang una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsipanghula nang mga araw na yaon, ng tungkol sa malaong panahon, na aking dadalhin ka laban sa kanila?
18 At mangyayari sa araw na yaon, pagka si Gog ay paroroon laban sa lupain ng Israel, sabi ng Panginoong Dios, na ang aking kapusukan ay (U)sasampa sa aking mga butas ng ilong.
19 Sapagka't sa aking paninibugho at sa sigalbo ng aking poot ay nagsalita ako, (V)Tunay na sa araw na yaon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel;
20 Na anopa't ang mga isda sa dagat, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga hayop sa parang, at lahat na nagsisiusad na bagay na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nangasa ibabaw ng lupa, magsisipanginig sa aking harapan, at ang mga bundok ay mangaguguho at ang mga matarik na dako ay mangabababa, at bawa't kuta ay mangababagsak sa lupa.
21 At aking tatawagin sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kaniya, sabi ng Panginoong Dios: ang tabak ng bawa't lalake ay magiging laban sa kaniyang kapatid.
22 (W)At ako'y makikipaglaban sa kaniya sa pamamagitan ng salot at ng dugo; at pauulanan ko siya, at ang kaniyang mga (X)pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya, ng napakalakas na ulan, at ng mga malaking granizo, ng apoy, at ng azufre.
23 At ako'y pakikitang dakila (Y)at banal, at ako'y pakikilala sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978