Ezekiel 36
Ang Biblia, 2001
Pagpapalain ang Israel
36 “At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa mga bundok ng Israel, at sabihin mo, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.
2 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng kaaway sa inyo, ‘Aha!’ at, ‘Ang sinaunang matataas na dako ay naging aming pag-aari;’
3 kaya't magsalita ka ng propesiya, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat winasak nila kayo, at dinurog kayo sa lahat ng panig, anupa't kayo'y naging pag-aari ng nalabi sa mga bansa, at kayo'y naging tampulan ng tsismis at paninirang-puri ng taong-bayan;
4 kaya't kayong mga bundok ng Israel, inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Diyos: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga bundok at mga burol, sa mga bangin at mga libis, sa mga sirang dako at sa mga bayang iniwan, na naging biktima at panunuya sa nalabi sa mga bansang nasa palibot.
5 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Nagsasalita ako sa aking paninibugho laban sa nalabi sa mga bansa, at laban sa buong Edom na nagbigay ng aking lupain sa kanilang sarili bilang pag-aari na may buong pusong kagalakan, upang kanilang angkinin at samsamin.
6 Kaya't magsalita ka ng propesiya tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok, sa mga burol, sa mga bangin at sa mga libis, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y nagsalita sa poot ng aking paninibugho, sapagkat inyong dinanas ang kahihiyan ng mga bansa.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking isinumpa na ang mga bansa na nasa palibot ninyo ay daranas ng kahihiyan.
8 “Ngunit kayo, O mga bundok ng Israel, inyong isusupling ang inyong mga sanga, at magbubunga sa aking bayang Israel; sapagkat sila'y malapit nang umuwi.
9 Sapagkat narito, ako'y para sa inyo, at ako'y babalik sa inyo, at kayo'y bubungkalin at hahasikan;
10 at ako'y magpaparami ng mga tao sa inyo, ang buong sambahayan ni Israel, lahat ng mga ito. Ang mga lunsod ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay muling itatayo.
11 Ako'y magpaparami sa inyo ng tao at hayop, at sila'y darami at magkakaanak. Kayo'y hahayaan kong panirahan ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng mabuti kaysa noong una. At inyong malalaman na ako ang Panginoon.
12 Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, maging ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi ka na mawawalan ng mga anak.
13 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kanilang sinasabi sa iyo, ‘Lumalamon ka ng mga tao, at inaalisan mo ng mga anak ang iyong bansa;’
14 kaya't hindi ka na lalamon pa ng mga tao o aalisan ng mga anak ang iyong bansa, sabi ng Panginoong Diyos.
15 Hindi ko na iparirinig sa iyo ang pag-alipusta ng mga bansa. Hindi mo na papasanin ang kahihiyan ng mga bansa, at hindi ka magiging dahilan ng pagkatisod ng iyong bansa, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Bagong Kalagayan ng Israel
16 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
17 “Anak ng tao, noong naninirahan ang sambahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang dinungisan ito ng kanilang lakad at mga gawa. Ang kanilang kilos sa harapan ko ay naging parang karumihan ng babae sa kanyang kapanahunan.
18 Kaya't aking ibinuhos ang aking poot sa kanila dahil sa dugo na kanilang pinadanak sa lupain, at dahil sa paglapastangan nila dito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
19 Aking ikinalat sila sa mga bansa, at sila'y nagkawatak-watak sa mga lupain; ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga kilos ay hinatulan ko sila.
20 Ngunit nang sila'y dumating sa mga bansa, saanman sila dumating, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, ‘Ang mga ito ang bayan ng Panginoon ngunit kailangan nilang lumabas sa kanyang lupain.’
21 Ngunit isinaalang-alang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sambahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinuntahan.
22 Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi ito alang-alang sa inyo, O sambahayan ni Israel, na malapit na akong kumilos, kundi alang-alang sa aking banal na pangalan na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinuntahan.
23 Aking pawawalang-sala ang aking dakilang pangalan na nilapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila. Malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Diyos, kapag sa pamamagitan ninyo ay pinawalang-sala ang aking kabanalan sa harap ng kanilang mga mata.
24 Sapagkat aking kukunin kayo sa mga bansa, at titipunin ko kayo mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.
25 Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis sa lahat ninyong karumihan, at lilinisin ko kayo sa lahat ninyong mga diyus-diyosan.
26 Bibigyan(A) ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.
27 Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.
28 Kayo'y maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo'y magiging aking bayan at ako'y magiging inyong Diyos.
29 Lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan. Aking patutubuin ang trigo at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng taggutom sa inyo.
30 Aking pararamihin ang bunga ng punungkahoy at ang ani sa bukid, upang hindi na kayo muling magdanas ng kahihiyan ng taggutom sa mga bansa.
31 Kung magkagayo'y inyong maaalala ang inyong masasamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti. Kayo'y masusuklam sa inyong sarili dahil sa inyong mga kasamaan at mga karumaldumal na gawa.
32 Hindi alang-alang sa inyo na ako'y kikilos, sabi ng Panginoong Diyos; alamin ninyo iyon. Kayo'y mahiya at malito dahil sa inyong mga lakad, O sambahayan ni Israel.
33 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasalanan, aking patitirahan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay muling matatayo.
34 Ang lupain na naging sira ay mabubungkal, sa halip na sira sa paningin ng lahat nang nagdaraan.
35 At kanilang sasabihin, ‘Ang lupaing ito na naging sira ay naging gaya ng halamanan ng Eden; at ang sira, giba at wasak na mga bayan ay tinatahanan na ngayon at may pader.’
36 Kung magkagayo'y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong Panginoon ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira; akong Panginoon ang nagsalita, at aking gagawin.
37 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bukod pa dito'y hahayaan ko ang sambahayan ni Israel na humiling sa akin upang gawin ito sa kanila: paramihin ang kanilang mga tao na parang kawan.
38 Tulad ng kawan para sa paghahandog, tulad ng kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”