Ezekiel 33-34
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ginawa ng Dios na Bantay ng Israel si Ezekiel(A)
33 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, sabihin mo ito sa mga kababayan mo: Kapag ipapasalakay ko ang isang bayan, ang mga mamamayan sa lugar na iyon ay pipili ng isa sa mga kababayan nila na magiging bantay ng kanilang lungsod. 3 Kapag nakita ng bantay na iyon na paparating na ang mga kaaway, patutunugin niya ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao. 4 Ang sinumang makarinig sa babala pero nagsawalang-bahala at napatay nang nilusob sila, siya ang may pananagutan sa kanyang kamatayan. 5 Sapagkat nang marinig niya ang babala ay hindi niya pinansin. Kaya siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan. Kung nakinig lang sana siya, nailigtas sana niya ang kanyang sarili. 6 Pero kung nakita naman ng bantay na lulusubin na sila ng mga kaaway at hindi niya pinatunog ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao, at may mga napatay na kababayan niya, pananagutin ko ang bantay sa pagkamatay nila kahit na namatay din ang mga ito dahil sa kanilang mga kasalanan.
7 “Ikaw, anak ng tao ay pinili kong maging bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya pakinggan mo ang sasabihin ko, at pagkatapos ay bigyang babala mo ang mga tao. 8 Kapag sinabi ko sa taong masama na tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasalanan niya at hindi mo siya binigyan ng babala na dapat na niyang itigil ang masama niyang pamumuhay, papanagutin kita sa kamatayan niya. 9 Pero kung binigyan mo ng babala ang taong masama na talikuran na niya ang masama niyang pamumuhay, ngunit hindi niya pinansin ang babala mo, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya, pero wala kang pananagutan sa kamatayan niya.
10 “Anak ng tao, dumadaing ang mga mamamayan ng Israel na hindi na nila kaya ang parusa sa mga kasalanan nila. Nanghihina na at parang mamamatay na raw sila dahil sa parusang ito. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako natutuwa kapag may namamatay na taong masama. Ang nais koʼy magbagong-buhay sila at iwan na ang masamang pamumuhay upang mabuhay sila. Kaya kayong mga mamamayan ng Israel, magbagong-buhay na kayo, iwan nʼyo na ang masamang pamumuhay. Gusto nʼyo bang mamatay?
12 “Kaya ngayon, anak ng tao, sabihin mo sa mga kababayan mo na kapag gumawa ng kasalanan ang taong matuwid, hindi rin siya maililigtas ng mga kabutihang nagawa niya. At kapag tumalikod naman ang masama sa kasamaan, hindi na siya parurusahan sa mga nagawa niyang kasalanan. 13 Kapag sinabi ko sa taong matuwid na tiyak na mabubuhay siya, pero naging kampante siyaʼt gumawa ng masama, at sasabihin niyang maililigtas siya ng mabubuting gawa niya noon. Mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at hindi ko na aalalahanin ang mga ginawa niyang kabutihan. 14 At kapag sinabi ko sa masama na tiyak na mamamatay siya, pero sa bandang huliʼy tinalikuran niya ang kasamaan niyaʼt gumawa ng tama at matuwid – 15 tulad ng pagsasauli ng garantiya ng nanghiram sa kanya, o ng ninakaw niya, pagsunod sa mga tuntunin na nagbibigay-buhay, at pag-iwas sa masamang gawain – ang taong iyon ay tiyak na mabubuhay. Hindi siya mamamatay. 16 Hindi na aalalahanin ang mga ginawa niyang kasalanan noon. Dahil gumawa siya ng tama at matuwid, tiyak na mabubuhay siya.
17 “Pero ang iyong mga kababayan, Ezekiel, dumadaing na hindi raw tama ang pamamaraan ko, gayong ang pamamaraan nila ang hindi tama. 18 Kung tumigil na sa paggawa ng kabutihan ang taong matuwid at gumawa ng masama, mamamatay siya. 19 At kung ang taong masama ay tumalikod sa masama niyang gawa, at gumawa ng tama at matuwid, mabubuhay siya. 20 Ngunit sinasabi pa rin ng mga mamamayan ng Israel hindi tama ang pamamaraan ko. Hahatulan ko ang bawat isa sa kanila ayon sa mga gawa nila.”
Ang Paliwanag tungkol sa Pagwasak ng Jerusalem
21 Noong ikalimang araw ng ikasampung buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, may isang takas mula sa Jerusalem na lumapit sa akin at nagsabi, “Nawasak na po ang lungsod ng Jerusalem!” 22 Noong isang gabi, bago dumating ang taong iyon, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at muli akong nakapagsalita. Kaya nang dumating ang taong iyon kinaumagahan, nakapagsalita na ako.
23 Sinabi sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, ang mga nakatira roon sa mga gibang lungsod ng Israel ay nagsasabi, ‘Iisa lang si Abraham, at sa kanya ibinigay ang buong lupain. Marami tayo, kaya tiyak na tayo ang magmamay-ari ng lupaing ito.’ 25 Sabihin mo na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Inaakala ba ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupaing iyon, kahit na kumakain kayo ng karneng may dugo, sumasamba sa mga dios-diosan ninyo at pumapatay ng tao? 26 Nagtitiwala kayo sa inyong espada,[a] gumagawa kayo ng mga kasuklam-suklam na bagay, at nakikiapid. At sa kabila nitoʼy inaakala ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupain?
27 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang kong mamamatay sa digmaan ang mga taong iyon na natirang buhay sa mga nagibang lungsod. Ang mga natira namang buhay sa mga bukid ay kakainin ng mababangis na hayop, at ang iba na nasa mga pinagtataguan nila at nasa mga kweba ay mamamatay sa sakit. 28 Gagawin kong mapanglaw ang lupain ng Israel at aalisin ko ang kapangyarihang ipinagmamalaki niya. Magiging mapanglaw kahit ang mga kabundukan niya at wala nang dadaan doon. 29 Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang lupain dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga naninirahan dito, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
30 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinag-uusapan ka ng mga kababayan mo kapag nagtitipon sila sa pader at sa pintuan ng bahay nila. Sinasabi nila sa isaʼt isa, ‘Halikayo, pakinggan natin si Ezekiel kung ano ang sasabihin niya mula sa Panginoon!’ 31 Kaya magkakasamang pumunta sa iyo ang mga mamamayan ko na nagpapanggap lang na gustong makinig sa iyo, pero hindi nila sinusunod ang mga sinasabi mo. Magaling silang magsalita na mahal nila ako, ngunit ang nasa puso nila ay kasakiman sa pera. 32 Para sa kanila, isa kang magaling na mang-aawit ng mga awit na tungkol sa pag-ibig at isang magaling na manunugtog. Pinakikinggan nila ang mga sinasabi mo, pero hindi nila sinusunod. 33 Ngunit kapag nangyari na sa kanila ang parusang ito, at tiyak na mangyayari ito sa kanila, malalaman nila na totoong may kasama silang propeta.”
Ang mga Bantay ng Israel
34 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bantay ng Israel.[b] Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Nakakaawa ang mga bantay ng Israel. Ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan! Hindi ba ang mga bantay ang dapat nag-aalaga sa mga tupa? 3 Iniinom ninyo ang gatas nila, ginagawang damit ang mga balahibo nila at kinakatay ninyo ang mga malulusog sa kanila, pero hindi ninyo sila inaalagaan. 4 Hindi ninyo pinalalakas ang mahihina, hindi ninyo ginagamot ang mga may sakit o hinihilot at binebendahan ang mga pilay. Hindi ninyo hinahanap ang naliligaw at nawawala. Sa halip, pinagmalupitan nʼyo pa sila. 5 At dahil walang nagbabantay sa kanila, nangalat sila at nilapa ng mababangis na hayop. 6 Naligaw ang mga tupa ko sa mga bundok at burol. Nangalat sila sa buong mundo at walang naghanap sa kanila.
7 “Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang sasabihin kong ito: 8 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na parurusahan ko kayo dahil hindi ninyo binantayan ang aking mga tupa, kaya sinalakay sila at nilapa ng mababangis na hayop. Hindi ninyo sila hinanap, sa halip sarili lang ninyo ang inyong inalagaan. 9 Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang mga sinasabi ko. 10 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na kalaban ko kayo, at may pananagutan kayo sa nangyari sa aking mga tupa. Hindi ko na ipagkakatiwala sa inyo ang aking mga tupa dahil ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan. Ililigtas ko ang mga tupa mula sa inyo upang hindi na ninyo sila makain.
11 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila. 12 Akoʼy magiging tulad ng pastol na naghahanap sa mga tupa niyang nangalat. Ililigtas ko sila saang lugar man sila nangalat noong panahon ng kaguluhang iyon.[c] 13 Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao. 14 Dadalhin ko sila sa sariwang pastulan sa kabundukan ng Israel. Dooʼy manginginain sila habang namamahinga. 15 Ako, ang Panginoong Dios, ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin. 16 Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina. Pero lilipulin ko ang matataba at malalakas na tupa. Gagawin ko sa kanila kung ano ang nararapat.
17 “Mga mamamayan ng Israel na aking mga tupa, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa inyo na hahatulan ko kayo. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama, ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa magandang pastulan; tinatapak-tapakan pa ninyo ang ibang pastulan? At hindi rin ba kayo nasisiyahan na nakakainom kayo ng malinaw na tubig at pinalabo pa ninyo ang ibang tubig? 19 Manginginain na lang ba ang iba kong mga tupa sa mga pinagtapak-tapakan ninyo? At ang iinumin na lang ba nila ay ang tubig na pinalabo ninyo?
20 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ibubukod ko ang matatabang tupa sa mga payat. 21 Sapagkat ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mahihina hanggang sa silaʼy lumayo. 22 Ililigtas ko ang aking mga tupa at hindi ko na papayagang apihin silang muli. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama. 23 Bibigyan ko sila ng isang tagapagbantay na mula sa lahi ng lingkod kong si David. Siya ang magbabantay at mag-aalaga sa kanila. 24 Ako, ang Panginoon, ang magiging Dios nila, at ang lahi ng lingkod kong si David ang kanilang magiging tagapamahala. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Gagawa ako ng kasunduan sa kanila na magiging mabuti ang kanilang kalagayan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa lupain nila para makapanirahan sila sa ilang at makatulog sa kagubatan nang ligtas sa panganib. 26 Pagpapalain ko sila at ang mga lugar sa paligid ng aking banal na bundok. Padadalhan ko sila ng ulan sa tamang oras bilang pagpapala sa kanila. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy at mga pananim nila, at mamumuhay silang ligtas sa anumang panganib. Malalaman nilang ako ang Panginoon kapag pinalaya ko na sila sa mga umalipin sa kanila. 28 Hindi na sila aabusuhin ng ibang mga bansa at hindi na sila lalapain ng mga mababangis na hayop. Mamumuhay silang ligtas sa panganib at wala nang katatakutan. 29 Bibigyan ko sila ng matabang lupain na magbibigay ng masaganang ani para hindi sila magutom o kutyain ng ibang bansa. 30 At malalaman nila na ako, ang kanilang Panginoong Dios na kasama nila, at silang mga mamamayan ng Israel, ang aking mga mamamayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
31 “Kayo ang mga tupa sa aking pastulan, kayo ang aking mga mamamayan, at ako ang inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
1 Pedro 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan
5 Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. 2 Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. 3 Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. 4 At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.
5 At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b] 6 Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. 7 Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. 8 Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. 9 Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.
Mga Pangangamusta
12 Isinulat ko sa inyo ang maikling sulat na ito sa tulong ni Silvanus. Kapatid natin siya kay Cristo at talagang mapagkakatiwalaan. Napalakas ko sana ang inyong loob sa pamamagitan ng sulat na ito at napatunayan ko ang kabutihan sa atin ng Dios. Manatili kayo sa kabutihan niya.
13 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa Babilonia. Katulad nʼyo, mga pinili rin sila ng Dios na maging mga anak niya. Kinukumusta rin kayo ni Marcos na itinuturing kong anak. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[c]
Sa inyong lahat na nakay Cristo, sumainyo nawa ang kapayapaan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®