Add parallel Print Page Options

“Anak ng tao, managhoy ka para sa Faraon, ang hari ng Egipto. Sabihin mo sa kanya, ‘Ang akala moʼy isa kang leon na parooʼt parito sa mga bansa. Pero ang totooʼy para kang isang buwayang lumalangoy sa sarili mong ilog. Kinakalawkaw ng mga paa mo ang tubig at lumalabo ito.’ Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios sa iyo: Huhulihin kita ng lambat ko at ipakakaladkad sa maraming tao. Pagkatapos ay itatapon kita sa lupa, at ipapakain sa mga ibon at mga hayop sa gubat. Ang laman mo ay ikakalat ko sa mga kabundukan at mga lambak. Didiligan ko ng dugo mo ang lupain, gayon din ang kabundukan at padadaluyin ko ito sa mga dinadaluyan ng tubig. Kapag napatay na kita nang tuluyan, tatakpan ko ang langit ng makapal na ulap, kaya mawawala ang liwanag ng mga bituin, ng araw at ng buwan. Padidilimin ko ang lahat ng nagliliwanag sa langit. Kaya didilim sa buong lupain mo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Maguguluhan ang mga mamamayan ng mga bansang hindi mo kilala kapag winasak na kita. 10 Maraming tao ang matatakot sa gagawin ko sa iyo, pati ang mga hari nila ay manginginig sa takot. Manginginig ang bawat isa sa kanila kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang espada ko sa oras ng pagkawasak mo.

Read full chapter