Add parallel Print Page Options

Inihambing ang Ehipto sa Sedro

31 Nang unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang karamihan:

“Sino ang iyong kawangis sa iyong kadakilaan?
    Narito, tingnan mo, ikaw ay ihahambing ko sa sedro sa Lebanon,
na may magagandang sanga, at may mayabong na lilim,
    at napakataas,
    at ang kanyang dulo ay nasa gitna ng mayayabong na sanga.
Dinidilig siya ng tubig,
    pinalalaki siya ng kalaliman,
ang kanyang mga ilog ay umaagos
    sa palibot ng kanyang kinatataniman;
at kanyang pinaaagos ang kanyang mga tubig
    sa lahat ng punungkahoy sa kagubatan.
Kaya't ito ay naging napakataas
    at higit kaysa lahat ng punungkahoy sa gubat;
at ang kanyang mga sanga ay dumami,
    at ang kanyang mga sanga ay humaba,
    dahil sa saganang tubig nang kanyang pabugsuan.
Lahat ng ibon sa himpapawid
    ay gumawa ng kanilang mga pugad sa kanyang mga sanga;
at sa ilalim ng kanyang mga sanga
    ay nanganak ang lahat ng mga hayop sa parang;
at sa kanyang lilim ay nanirahan
    ang lahat ng malalaking bansa.
Ito ay maganda sa kanyang kadakilaan,
    sa haba ng kanyang mga sanga;
sapagkat ang kanyang ugat ay bumaba
    hanggang sa saganang tubig.
Ang(A) mga sedro sa halamanan ng Diyos ay hindi makapantay sa kanya;
    ni ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kanyang mga sanga,
at ang mga puno ng kastano ay walang halaga
    kapag inihambing sa kanyang mga sanga;
walang anumang punungkahoy sa halamanan ng Diyos
    na kagaya niya sa kanyang kagandahan.
Pinaganda ko siya
    sa karamihan ng kanyang mga sanga,
kaya't lahat ng punungkahoy sa Eden,
    na nasa halamanan ng Diyos, ay nainggit sa kanya.

10 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ikaw ay nagpakataas at inilagay niya ang kanyang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at ang kanyang puso ay nagmataas sa kanyang kataasan,

11 aking ibibigay siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa. Kanyang haharapin siya na gaya ng nararapat sa kanyang kasamaan. Aking pinalayas siya.

12 Ang mga dayuhan na siyang kakilakilabot sa mga bansa ang puputol sa kanya at siya'y iiwan. Sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay malalaglag ang kanyang mga sanga, at ang kanyang mga sanga ay mababali sa tabi ng lahat ng mga ilog ng lupain; ang lahat ng tao sa lupa ay lalayo mula sa kanyang lilim at iiwan siya.

13 Sa ibabaw ng kanyang guho ay maninirahan ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at lahat ng mga hayop sa parang ay maninirahan sa ibabaw ng kanyang mga sanga.

14 Ito ay upang walang punungkahoy na nasa tabi ng mga tubig ang lumago ng napakataas, o maglagay man ng kanilang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at walang puno na umiinom ng tubig ang makaabot sa kanilang kataasan, sapagkat silang lahat ay ibinigay na sa kamatayan, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, sa gitna ng mga taong may kamatayan, na kasama ng nagsibaba sa hukay.

15 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag siya'y bumaba sa Sheol ay patatangisin ko ang kalaliman dahil sa kanya, at pipigilin ko ang mga ilog niya; at ang mga malalaking ilog ay titigil. Aking daramtan ng panangis ang Lebanon dahil sa kanya at ang lahat na punungkahoy sa parang ay manlulupaypay dahil sa kanya.

16 Aking yayanigin ang mga bansa sa ugong ng kanyang pagkabuwal, aking ihahagis siya sa Sheol na kasama ng nagsibaba sa hukay; at ang lahat ng punungkahoy sa Eden, ang pili at pinakamahusay ng Lebanon, lahat ng nagsisiinom ng tubig ay maaaliw sa pinakamalalim na bahagi ng lupa.

17 Sila rin nama'y magsisibaba sa Sheol na kasama niya, sa kanila na napatay ng tabak; oo, silang naninirahan sa kanyang lilim sa gitna ng mga bansa ay mamamatay.

18 Sino sa inyo ang gaya ng punungkahoy sa Eden sa kaluwalhatian at sa kadakilaan? Ibababa ka na kasama ng mga punungkahoy sa Eden sa pinakamalalim na bahagi ng lupa. Ikaw ay hihigang kasama ng mga di-tuli, na kasama nila na napatay ng tabak.

“Ito'y si Faraon at ang lahat niyang karamihan, sabi ng Panginoong Diyos.”

Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedro

31 Noong unang araw ng ikatlong buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ito ang sabihin mo sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga mamamayan niya:

“Kanino ko kaya maihahalintulad ang iyong kapangyarihan? Ah, maihahalintulad kita sa Asiria, ang bansa na parang puno ng sedro sa Lebanon. Ang punong itoʼy may magaganda at malalagong sanga na nakakapagbigay-lilim sa ibang mga puno at mataas kaysa sa ibang mga puno. Sagana ito sa tubig mula sa malalim na bukal na nagpapalago sa kanya, at umaagos sa lahat ng puno sa kagubatan. Kaya ang punong itoʼy mas mataas kaysa sa lahat ng puno sa kagubatan. Ang mga sanga ay mahahaba at ang mga dahon ay mayayabong dahil sagana sa tubig. Ang lahat ng klase ng ibon ay nagpugad sa mga sanga niya, ang lahat ng hayop sa gubat ay nanganak sa ilalim ng puno niya, at ang lahat ng tanyag na bansa ay sumilong sa kanya. Napakaganda ng punong ito. Mahahaba ang sanga at mayayabong ang dahon, at ang ugat ay umaabot sa maraming tubig. Ang mga puno ng sedro sa halamanan ng Dios ay hindi makakapantay sa kanya. Kahit ang mga puno ng abeto at puno ng platano ay hindi maihahambing sa kagandahan ng kanyang mga sanga. Hindi maihahalintulad sa anumang puno sa halamanan ng Dios ang kagandahan ng punong ito. Pinaganda ng Dios ang punong ito sa pamamagitan ng maraming sanga. Kaya nainggit sa kanya ang lahat ng puno sa halamanan ng Dios.”

10 Kaya sinabi ng Panginoong Dios, “Dahil naging mapagmataas ang punong ito at higit na mataas kaysa ibang punongkahoy, at ipinagmamalaki niya ang kanyang sarili, 11 kaya ibibigay ko siya sa pinuno ng mga makapangyarihang bansa. At tiyak na paparusahan siya ayon sa kasamaan niya. Oo, itatakwil ko siya; 12 puputulin siya ng mga malulupit na dayuhan at pagkatapos ay pababayaan. Mangangalat ang mga putol na sanga niya sa mga bundok, lambak at mga ilog. At iiwan siya ng mga bansang sumilong sa kanya. 13 Ang mga ibon sa himpapawid ay dadapo sa naputol na puno at ang mga hayop sa gubat ay magpapahinga sa mga sanga niyang nagkalat sa lupa. 14 Kaya simula ngayon wala nang punong tataas pa sa ibang malagong mga punongkahoy, kahit sagana pa ito sa tubig. Sapagkat ang lahat ng puno ay mamamatay katulad ng tao, at pupunta sa ilalim ng lupa.”

15 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag dumating na ang araw na ang punong itoʼy pupunta na sa lugar ng mga patay,[a] patitigilin ko ang pag-agos ng mga bukal sa ilalim. Tanda ito ng pagluluksa. Kaya hindi na aagos ang mga ilog, at mawawala ang maraming tubig. Dahil dito, magdidilim sa Lebanon at malalanta ang mga punongkahoy. 16 Manginginig sa takot ang mga bansa kapag narinig nila ang pagbagsak ng punong ito sa oras na dalhin ko na ito sa lugar ng mga patay, para makasama niya ang mga namatay na. Sa gayon, ang lahat ng puno sa Eden at ang lahat ng magaganda at piling puno ng Lebanon na natutubigang mabuti ay matutuwa roon sa ilalim ng lupa. 17 Ang mga bansang sumisilong at kumakampi sa kanya ay sasama rin sa kanya roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga namatay sa digmaan.

18 “Sa anong puno sa Eden maihahambing ang kagandahan mo at kapangyarihan, Faraon? Pero ihuhulog ka rin sa ilalim ng lupa kasama ng mga puno ng Eden. Doon ay magkakasama kayo ng mga taong hindi naniniwala sa Dios[b] na namatay sa digmaan.

“Iyan ang mangyayari sa Faraon at sa mga tauhan niya. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Footnotes

  1. 31:15 lugar ng mga patay: sa Hebreo, Sheol.
  2. 31:18 mga taong hindi naniniwala sa Dios: sa literal, mga hindi tuli.