Add parallel Print Page Options

Ang Panaghoy tungkol sa Tyre

27 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, managhoy ka para sa Tyre, ang lungsod na daungan ng mga barko[a] na sentro ng kalakalan ng mga taong nakatira malapit sa dagat. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Ipinagmamalaki mo Tyre, ang iyong kagandahan at sinasabi mong wala kang kapintasan. Pinalawak mo ang nasasakupan mo sa karagatan. Talagang pinaganda ka ng mga nagtayo sa iyo. Tulad ka ng isang malaking barko na gawa sa kahoy na abeto mula sa Senir. Ang palo moʼy yari sa kahoy na sedro mula sa Lebanon. Ang mga sagwan moʼy yari sa kahoy na ensina mula sa Bashan. At ang sahig moʼy gawa sa mga kahoy na galing pa sa isla[b] ng Cyprus[c] na may disenyong gawa sa pangil ng elepante. Ang layag moʼy gawa sa binurdahan na telang linen na mula pa sa Egipto at parang bandila kapag tiningnan. Ang iyong tolda ay kulay asul at ube na mula sa tabing-dagat ng Elisha. Mga taga-Sidon at Arbad ang tagasagwan mo at ang mga bihasang tripulante ay nanggaling mismo sa sarili mong tauhan. Ang mga bihasang karpintero na mula sa Gebal ang taga-ayos ng iyong mga sira. Pumupunta sa iyo ang mga tripulante ng ibang mga sasakyan at nakikipagkalakalan. 10 Ang mga sundalo mo ay mga taga-Persia, Lydia at Put. Isinasabit nila ang mga kalasag nila at helmet sa dingding mo na nagbibigay ng karangalan sa iyo. 11 Mga taga-Arbad at taga-Helek ang nagbabantay sa palibot ng iyong mga pader. At ang mga taga-Gammad ang nagbabantay ng iyong mga tore. Isinasabit nila ang kanilang mga kalasag at mga helmet sa dingding mo, at nagbibigay din ito ng karangalan sa iyo.

12 “ ‘Nakipagkalakalan sa iyo ang Tarshish dahil sagana ka sa kayamanan. Ang ibinayad nila sa iyo ay pilak, bakal, lata at tingga. 13 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Grecia,[d] Tubal at Meshec, at ang ibinayad nila sa iyo ay mga alipin at mga gamit na yari sa tanso. 14 Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Bet Togarma ay mga kabayong pantrabaho at mga molang pandigma.

15 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Dedan[e] at marami kang suki sa mga lugar sa tabing-dagat. At ang ibinayad nila ay mga pangil ng elepante at maiitim at matitigas na kahoy.

16 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang Syria dahil sa marami kang produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay batong turkois, telang kulay ube, telang linen, mga binurdahang tela, mga koral at batong rubi.

17 “ ‘Nakipagkalakalan din ang Juda at Israel at ang ibinayad nila sa iyo ay trigo mula sa Minit, igos, pulot, langis, at gamot na ipinapahid.

18 “ ‘Nakipagkalakalan din ang Damascus sa iyo dahil sa napakarami mong kayamanan at produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay alak mula sa Helbon at puting telang lana mula sa Zahar. 19 Nakipagkalakalan din ang mga taga-Dan at taga-Javan na mula sa Uzal at ang ibinayad nila sa iyo ay mga bakal at mga sangkap.

20 “ ‘Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Dedan ay mga telang panapin sa likuran ng mga sinasakyang hayop.

21 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Arabia at lahat ng pinuno sa Kedar. At ang ibinayad nila sa iyo ay mga tupa at kambing.

22 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga mangangalakal ng Sheba at Raama, at ang ibinayad nila sa iyo ay lahat ng klase ng pinakamainam na sangkap, mga mamahaling bato at ginto.

23 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Heran, Cane, Eden at Sheba, maging ang mga mangangalakal ng Ashur at Kilmad. 24 At ang ibinayad nila sa iyo ay mga mamahaling damit, mga asul na tela, mga telang may burda at mga karpet na maayos ang pagkakatahi na may ibaʼt ibang kulay.

25 “ ‘Ang mga barko ng Tarshish ang nagdadala ng mga produkto mo. Tulad ka ng isang barkong punong-puno ng karga habang naglalakbay sa pusod ng karagatan. 26 Pero dadalhin ka ng mga tagasagwan mo sa gitna ng karagatan, at wawasakin ka ng malakas na hangin mula sa silangan. 27 Ang mga kayamanan moʼt produkto, mga tripulante, tagasagwan at mga karpintero, maging ang mga mangangalakal at lahat ng sundalo, ay lulubog sa gitna ng laot sa oras na mawasak ka.

28 “ ‘Manginginig sa takot ang mga nakatira sa tabing-dagat kapag narinig nila ang sigawan ng mga nalulunod. 29 Iiwan ng mga tagasagwan, mga tripulante at mga opisyal ng barko ang kanilang mga sasakyan at tatayo sa tabing-dagat. 30 Iiyak sila ng buong pait, maglalagay ng alikabok sa ulo at gugulong sa abo para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. 31 Magpapakalbo sila at magdadamit ng sako habang umiiyak sa labis na kapighatian 32 Sa pagdadalamhati nilaʼy tataghoy sila ng ganito: O Tyre, may iba pa bang tulad mo na lumubog sa gitna ng karagatan? 33 Naglayag kang dala ang mga kalakal mo at maraming bansa ang natuwa sa napakarami mong kayamanan. Pinayaman mo ang mga hari sa mundo sa pamamagitan ng iyong mga produkto. 34 Pero ngayon, wasak ka na at lumubog na sa gitna ng karagatan, pati ang mga kalakal moʼt tripulante. 35 Ang lahat ng nakatira sa mga tabing-dagat ay nagulat sa nangyari sa iyo. Natakot ang mga hari nila at kitang-kita ito sa kanilang mga mukha. 36 Hindi makapaniwala ang mga mangangalakal ng mga bansa sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.’ ”

Ang Mensahe Laban sa Hari ng Tyre

28 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tyre na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sa pagmamataas moʼy sinasabi mo na isa kang dios na nakaupo sa trono sa gitna ng karagatan. Pero ang totoo, kahit na ang tingin mo sa iyong sarili ay marunong katulad ng isang dios, tao ka lang at hindi dios. Iniisip mong mas marunong ka pa kaysa kay Daniel at walang lihim na hindi mo nalalaman. Sa pamamagitan ng iyong karunungan at pang-unawa ay yumaman ka, at nakapag-imbak ng mga ginto at pilak sa iyong taguan. Dahil magaling ka sa pangangalakal, lalo pang nadagdagan ang kayamanan mo at dahil ditoʼy naging mapagmataas ka. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, dahil ang tingin mo sa sarili ay isa kang dios, ipapalusob kita sa mga dayuhan, sa pinakamalulupit na bansa. Wawasakin nila ang naggagandahang ari-ariang nakuha mo sa pamamagitan ng iyong karunungan. At mawawala ang karangalan mo. Masaklap ang magiging kamatayan mo, at ihahagis ka nila sa kailaliman ng karagatan. Masasabi mo pa kayang isa kang dios, sa harap ng mga papatay sa iyo? Para sa kanila, tao ka lang at hindi dios. 10 Kaya mamamatay ka ng tulad ng kamatayan ng mga taong hindi naniniwala sa akin,[f] sa kamay ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

11 May sinabi pa ang Panginoon sa akin, 12 “Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tyre. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Noon, larawan ka ng isang walang kapintasan, puspos ng kaalaman at kagandahan. 13 Nasa Eden ka pa noon, sa halamanan ng Dios. Napapalamutian ka ng sari-saring mamahaling bato gaya ng rubi, topaz, esmeralda, krisolito, onix, jasper, safiro, turkois at beril. Napapalamutian ka rin ng ginto na inihanda para sa iyo noong araw ng kapanganakan mo. 14 Hinirang kita bilang kerubin na magbabantay sa banal kong bundok. Lumalakad ka sa gitna ng nagniningning[g] na bato. 15 Walang maipipintas sa pamumuhay mo mula pa nang isinilang ka hanggang sa maisipan mong gumawa ng masama. 16 Ang pag-unlad mo sa pangangalakal ang naging dahilan ng pagmamalupit mo at pagkakasala. Kaya pinalayas kita sa aking banal na bundok; pinaalis kita mula sa nagniningning na mga bato. 17 Naging mayabang ka dahil sa kagandahan mo, at ang karunungan moʼy ginamit mo sa paggawa ng masama para maging sikat ka. Ito ang dahilan kung bakit ibinagsak kita sa lupa sa harap ng mga hari, upang magsilbing babala sa kanila. 18 Dahil sa napakarami mong kasalanan at pandaraya sa pangangalakal, dinungisan mo ang mga lugar kung saan ka sumasamba. Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo, sinunog ko ang lugar mo at nasunog ka hanggang sa maging abo sa lupa. 19 At ang lahat ng mga nakakakilala sa iyo ay nagulat sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.”

Ang Mensahe Laban sa Sidon

20 Sinabi sa akin ng Panginoon, 21 “Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya. 22 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sidon, kalaban kita. Pupurihin ako ng mga tao sa oras na parusahan kita, at malalaman nila na ako ang Panginoon. Sa ganitong paraan malalaman mo kung gaano ako kabanal. 23 Padadalhan kita ng mga salot at dadanak ang dugo sa mga lansangan mo. Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo, maraming mamamatay sa mga mamamayan mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.

24 “At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Panginoong Dios.”

25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios.”

Ang Mensahe Laban sa Egipto

29 Noong ika-12 araw ng ikasampung buwan, nang ikasampung taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, humarap ka sa Egipto, at magsalita ka laban sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga taga-roon. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban kita, O Faraon, hari ng Egipto. Para kang malaking buwaya na nagbababad sa ilog. Sinasabi mong ikaw ang may-ari ng ilog Nilo, at ginawa mo ito para sa sarili mo. Pero kakawitan ko ng kawil ang iyong panga, at hihilahin kita paahon sa tubig pati na ang mga isdang nakakapit sa mga kaliskis mo. Itatapon kita sa ilang pati na ang mga isda, at hahandusay ka sa lupa at walang kukuha na maglilibing sa iyo. Ipapakain kita sa mga mababangis na hayop at sa mga ibon doon. Malalaman ng lahat ng nakatira sa Egipto na ako ang Panginoon. Sapagkat para kang isang marupok na tambo na inasahan ng mga mamamayan ng Israel. Nang humawak sila sa iyo, nabiyak ka at nasugatan ang mga bisig nila. Nang sumandal sila sa iyo, nabali ka kaya nabuwal sila at napilayan. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasalakay kita sa mga tao na papatay sa mga mamamayan at mga hayop mo. Magiging mapanglaw ang Egipto at malalaman ninyong ako ang Panginoon.

“At dahil sinabi mong sa iyo ang Ilog ng Nilo at ikaw ang gumawa nito, 10 kalaban kita at ang ilog mo. Wawasakin ko ang Egipto at magiging mapanglaw ito mula sa Migdol papuntang Aswan,[h] hanggang sa hangganan ng Etiopia.[i] 11 Walang tao o hayop na dadaan o titira man doon sa loob ng 40 taon. 12 Gagawin kong pinakamapanglaw na lugar ang Egipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng 40 taon. At pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa.”

13 Pero sinabi rin ng Panginoong Dios, “Pagkalipas ng 40 taon, titipunin ko ang mga taga-Egipto mula sa mga bansang pinangalatan nila. 14 Muli ko silang ibabalik sa Patros sa gawing timog ng Egipto na siyang lupain ng kanilang mga ninuno. Pero magiging mahinang kaharian lang sila. 15 Sila ang magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian at kahit kailan ay hindi na sila makakahigit sa ibang bansa dahil gagawin ko silang pinakamahinang kaharian. At hindi na sila makakapanakop ng ibang bansa. 16 Hindi na muling aasa sa kanya ang mga mamamayan ng Israel. Ang nangyari sa Egipto ay magpapaalala sa Israel ng kanyang kasalanan na paghingi ng tulong sa Egipto. At malalaman ng mga Israelita na ako ang Panginoong Dios.”

17 Noong unang araw ng unang buwan, nang ika-27 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, ang mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay nakipaglaban sa mga sundalo ng Tyre hanggang sa makalbo sila, at magkapaltos-paltos na ang mga balikat nila sa paglilingkod pero wala ring nangyari. Hindi nakuha ni Nebucadnezar at ng mga sundalo niya ang Tyre. 19 Pero ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasakop ko ang Egipto kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Sasamsamin niya ang lahat ng kayamanan ng Egipto bilang bayad sa mga sundalo niya. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang gantimpala sa pagpapagal na ginawa niya at ng mga sundalo niya para sa akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

21 Ezekiel, sa oras na mangyari ito, muli kong palalakasin ang Israel. At malalaman ng mga Israelita na totoo ang sinabi mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Footnotes

  1. 27:3 daungan ng mga barko: o, tabing-dagat.
  2. 27:6 isla: o, baybayin.
  3. 27:6 Cyprus: o, Kitim.
  4. 27:13 Grecia: sa Hebreo, Javan.
  5. 27:15 taga-Dedan: Sa Septuagint, Rodes.
  6. 28:10 hindi … sa akin: sa literal, mga hindi tuli.
  7. 28:14 nagniningning: o, nag-aapoy. Ganito rin sa talatang 16.
  8. 29:10 Aswan: o, Seyene.
  9. 29:10 Etiopia: sa Hebreo, Cush.