Ezekiel 25
Ang Biblia, 2001
Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita
25 Ang(A) salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila.
3 Sabihin mo sa mga anak ni Ammon, “Inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Diyos: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Sapagkat iyong sinabi, ‘Aha!’ laban sa aking santuwaryo nang ito'y malapastangan; at laban sa lupain ng Israel nang ito'y sirain; at laban sa sambahayan ni Juda nang ito'y tumungo sa pagkabihag;
4 kaya't narito, aking ibibigay ka sa mga tao sa silangan bilang ari-arian. Itatayo nila ang kanilang mga kampo na kasama mo, at gagawa ng kanilang mga tolda sa kalagitnaan mo. Kanilang kakainin ang iyong bungang-kahoy, at kanilang iinumin ang iyong gatas.
5 Aking gagawin ang Rabba na pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon bilang pahingahan ng mga kawan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
6 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ipinalakpak mo ang iyong mga kamay, at ipinadyak mo ang iyong mga paa, at nagalak ka na may buong paghamak ng iyong kalooban laban sa lupain ng Israel,
7 kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at ibibigay kita bilang samsam sa mga bansa. Tatanggalin kita mula sa mga bayan, ipalilipol kita mula sa mga bansa at aking wawasakin ka. At iyong malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Pahayag Laban sa Moab
8 “Ganito(B) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng Moab at ng Seir, Narito, ang sambahayan ni Juda ay gaya ng lahat ng ibang mga bansa;
9 kaya't narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan sa kanyang mga hangganan, ang kaluwalhatian ng bansa, ang Bet-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim.
10 Ibibigay ko itong kasama ang mga anak ni Ammon sa mga tao sa silangan bilang ari-arian, upang ang mga ito ay huwag nang maalala sa gitna ng mga bansa,
11 at ako'y maglalapat ng hatol sa Moab. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Pahayag Laban sa Edom
12 “Ganito(C) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ang Edom ay gumawang may paghihiganti sa sambahayan ni Juda at nagkasala ng mabigat sa paghihiganti sa kanila,
13 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Iuunat ko ang aking kamay laban sa Edom, at aking aalisin doon ang tao at hayop. Gagawin ko itong wasak mula sa Teman hanggang sa Dedan at babagsak sila sa pamamagitan ng tabak.
14 At aking gagawin ang aking paghihiganti sa Edom sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel. Kaya't kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking poot; at kanilang malalaman ang aking paghihiganti, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo
15 “Ganito(D) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ang mga Filisteo ay gumawa ng paghihiganti, at naghiganti na may masamang hangarin ng puso upang mangwasak na may walang hanggang pagkagalit;
16 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking iuunat ang aking kamay laban sa mga Filisteo, at aking tatanggalin ang mga Kereteo, at wawasakin ko ang nalalabi sa baybaying-dagat.
17 Ako'y maglalapat ng matinding paghihiganti sa kanila na may mabangis na pagpaparusa. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking isinagawa ang aking paghihiganti sa kanila.”