Ezekiel 25
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita
25 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon at magpahayag laban sa kanila. 3 Sabihin mo sa kanila na dinggin ang salita ni Yahweh: Natuwa kayo nang makita ninyong nilapastangan ang aking Templo, nang wasakin ang lupain ng Israel, at pangalatin ang mga taga-Juda. 4 Dahil dito, kayo ay ipapasakop ko sa mga taga-silangan, at sila'y maninirahang kasama ninyo. Sila'y makakahati ninyo sa inyong pagkain at inumin. 5 Ang Rabba ay gagawin kong pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon ay pastulan ng mga tupa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” 6 Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ikaw ay pumalakpak at lumundag sa kagalakan, bilang pagkutya sa Israel. 7 Dahil diyan, paparusahan kita. Pababayaan kong lusubin ka at looban ng ibang bansa. Ikaw ay ganap na mawawasak, anupa't hindi ka na kikilanling isang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Pahayag Laban sa Moab
8 Ito(B) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa Moab: “Sinabi mong ang Juda ay karaniwan lamang, tulad ng ibang bansa. 9 Dahil dito, wawasakin ko ang Beth-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim, ang mga lunsod na ipinagmamalaki mo sa iyong hangganan. 10 Kasama ito ng mga anak ni Ammon na ipapasakop ko sa mga taga-silangan hanggang sa ganap na malimutan ng daigdig. 11 Paparusahan ko rin ang buong Moab. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Pahayag Laban sa Edom
12 Ito(C) ang ipinapasabi ni Yahweh sa Edom: “Pinaghigantihan mo ang Juda at ito'y kasalanan mong hindi mapapawi kailanman. 13 Dahil dito, paparusahan kita. Papatayin ko ang iyong mga mamamayan at mga hayop hanggang sa ikaw ay maging pook ng kapanglawan. Mula sa Teman hanggang Dedan, lahat ay papatayin ko sa tabak. 14 Paghihigantihan kita sa pamamagitan ng bayan kong Israel. Sila ang gagawa sa iyo ng dapat kong gawin dahil sa matinding poot ko sa iyo. Sa gayon, malalaman mo kung gaano katindi akong maghiganti.”
Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo
15 Ito(D) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa mga Filisteo: “Pinaghigantihan mo ang Israel at ibig mong lipulin dahil sa matagal na ninyong alitan. 16 Dahil dito, paparusahan ko kayo. Lilipulin ko ang mga taga-Creta pati ang naninirahan sa baybay-dagat. 17 Paparusahan ko sila nang mabigat bilang paghihiganti, at madarama nila ang tindi ng aking galit. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”
Ezekiel 25
Ang Biblia (1978)
Mga hula laban sa Ammon, sa Moab, sa Edom, at sa Filisteo.
25 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha (A)sa mga anak ni Ammon, at manghula ka laban sa kanila:
3 At sabihin mo sa mga anak ni Ammon, Inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Dios: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't iyong sinabi, Aha, laban sa aking santuario, nang (B)malapastangan; at laban sa lupain ng Israel, nang masira; at laban sa sangbahayan ni Juda, nang sila'y pumasok sa pagkabihag:
4 Kaya't narito, aking ibibigay ka sa (C)mga anak ng silanganan na pinakaari, at kanilang itatayo ang kanilang mga kampamento sa iyo, at magsisigawa ng kanilang mga tahanan sa iyo; kanilang kakanin ang iyong bunga ng kahoy, at kanilang iinumin ang iyong gatas.
5 At aking gagawin ang (D)Raba na pinaka silungan ng mga kamello, at ang mga anak ni Ammon na pinakapahingahang dako ng mga kawan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
6 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't pumakpak ka ng iyong mga kamay, at tumadyak ka ng mga paa, at nagalak ka ng buong paghamak ng iyong kalooban laban sa lupain ng Israel;
7 Kaya't narito, aking iniunat ang aking kamay sa iyo, at ibibigay kita (E)na pinakasamsam sa mga bansa; at ihihiwalay kita sa mga bayan, at ipalilipol kita sa mga lupain: aking ibubuwal ka; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.
8 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang (F)Moab at ang (G)Seir ay nagsasabi, Narito, ang sangbahayan ni Juda ay gaya ng lahat na bansa;
9 Kaya't, narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan, mula sa kaniyang mga bayan na nangasa kaniyang mga hangganan, na kaluwalhatian ng lupain, ang (H)Beth-jesimoth, ang (I)Baal-meon, at ang (J)Chiriathaim.
10 Hanggang sa mga anak ng silanganan, upang magsiparoon laban sa mga anak ni Ammon; at aking ibibigay sa kanila na pinakaari, upang ang mga anak ni Ammon ay huwag ng mangaalaala sa gitna ng mga bansa:
11 At ako'y maglalapat ng kahatulan sa Moab: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
12 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't ang (K)Edom ay gumawa ng laban sa sangbahayan ni Juda sa panghihiganti, at nagalit na mainam, at nanghiganti sa kanila;
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Aking iuunat ang aking kamay laban sa Edom, at aking ihihiwalay ang tao at hayop doon; at aking gagawing sira (L)mula sa Teman; hanggang sa (M)Dedan nga ay mabubuwal sila sa pamamagitan ng tabak.
14 At (N)aking isasagawa ang aking panghihiganti sa Edom, sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel; at kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking kapusukan; at kanilang malalaman ang aking panghihiganti, sabi ng Panginoong Dios.
15 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang mga (O)Filisteo ay gumawa ng panghihiganti, at nanghiganti na may kapootan ng loob upang magpahamak ng pakikipagkaalit na magpakailan man;
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking iuunat ang aking kamay sa mga Filisteo, at aking ihihiwalay ang mga (P)Ceretheo, at ipapahamak ko ang labi sa baybayin ng dagat.
17 At ako'y gagawa ng malaking panghihiganti sa kanila na may malupit na mga pagsaway; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking isinagawa ang aking panghihiganti sa kanila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
