Ezekiel 15
Ang Biblia (1978)
Ang Jerusalem ay gigibain.
15 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi.
2 Anak ng tao, ano ang higit ng puno ng baging kay sa alin mang puno ng kahoy, ng sanga ng puno ng baging na nasa gitna ng mga punong kahoy sa gubat?
3 Makakakuha baga ng kahoy doon upang gawing anomang kayarian? o makakakuha baga roon ang mga tao ng tulos upang mapagsabitan ng anomang kasangkapan?
4 Narito, inihahagis sa apoy na parang panggatong; sinusupok ng apoy ang dalawang dulo niyaon, at ang gitna niyao'y nasusunog; magagamit baga sa anomang gawain?
5 Narito, ng buo pa, hindi nagagamit sa anomang gawain: gaano pa nga kaya, pagka nasupok ng apoy, at nasunog, magagamit pa baga sa anomang gawain?
6 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, (A)Kung paano ang puno ng baging sa gitna ng mga puno ng kahoy sa gubat, na aking ibinigay sa apoy na panggatong, gayon ko ibibigay ang mga nananahan sa Jerusalem.
7 At (B)aking ititingin ang aking mukha laban sa kanila: sila'y magsisilabas sa apoy, nguni't susupukin sila ng apoy; (C)at inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking itiningin ang aking mukha laban sa kanila.
8 At aking sisirain ang lupain, sapagka't sila'y gumawa ng pagsalangsang, sabi ng Panginoong Dios.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978