Ezekiel 13
Ang Biblia (1978)
Kinamuhian ang mga bulaang propeta dahil sa pangangako ng kapayapaan.
13 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 Anak ng tao, manghula ka laban sa mga propeta ng Israel na nanganghuhula, at sabihin mo sa kanila na nanganghuhula ng mula sa kanilang sariling puso, Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:
3 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sa aba ng mga hangal na mga propeta, na nagsisisunod sa kanilang sariling diwa, at walang nakitang anoman!
4 Oh Israel, ang iyong mga propeta ay naging parang mga zorra sa mga gibang dako.
5 Kayo'y hindi sumampa (A)sa mga sira, o iginawa man ninyo ng kuta ang sangbahayan ni Israel, upang siya'y makatayo sa pakikipagbaka sa kaarawan ng Panginoon.
6 (B)Sila'y nangakakita ng walang kabuluhan, at sinungaling na panghuhula, na nagsasabi, Sabi ng Panginoon; (C)at hindi sila sinugo ng Panginoon: at kanilang pinaasa ang mga tao na ang salita ay magiging totoo.
7 Hindi baga kayo nakakita ng walang kabuluhang pangitain, at hindi baga kayo nagsalita ng kasinungalingang panghuhula, sa inyong pagsasabi, Sabi ng Panginoon; yamang hindi ko sinalita?
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't kayo'y nangagsasalita ng walang kabuluhan, at nangakakita ng mga kasinungalingan, kaya't, narito, ako'y laban sa inyo, sabi ng Panginoong Dios.
9 At ang aking kamay ay magiging laban sa mga propeta na nangakakakita ng walang kabuluhan, at nanganghuhula ng mga kasinungalingan: sila'y hindi mapapasa kapulungan ng aking bayan, (D)o masusulat man sa pasulatan ng sangbahayan ni Israel, o sila man ay magsisipasok sa lupain ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Dios.
10 Sapagka't, sa makatuwid baga'y sapagka't kanilang hinikayat ang aking bayan, na nangagsabi, (E)Kapayapaan; at walang kapayapaan; at pagka ang isa ay nagtatayo ng isang kuta, narito, (F)kanilang tinatapalan ng masamang argamasa:
11 Sabihin mo sa kanila na nangagtatapal ng masamang argamasa, na yao'y mababagsak: magkakaroon ng bugso ng ulan; at kayo. Oh malalaking granizo, ay babagsak; at isang unos na hangin ay titibag niyaon.
12 Narito, pagka ang kuta ay nabagsak, hindi baga sasabihin sa inyo: Saan nandoon ang tapal na inyong itinapal?
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Akin ngang titibagin ng unos na hangin sa aking kapusukan; at magkakaroon ng bugso ng ulan sa aking pagkagalit, at malalaking mga granizo sa kapusukan upang tunawin.
14 Gayon ko ibabagsak ang kuta na inyong tinapalan ng masamang argamasa, at aking ilalagpak sa lupa, na anopa't ang pinagsasaligan niyaon ay malilitaw: at mababagsak, at kayo'y malilipol sa gitna niyaon; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
15 Ganito ko wawakasan ang aking kapusukan sa kuta, at sa nangagtapal ng masamang argamasa; at sasabihin ko sa iyo, Ang kuta ay wala na, o ang nangagtatapal man;
16 Sa makatuwid baga'y ang mga propeta ng Israel, na nanganghuhula tungkol sa Jerusalem, at nangakakakita ng pangitaing kapayapaan para sa bayan, at walang kapayapaan, sabi ng Panginoong Dios.
Sa aba ng mga propetang bulaan.
17 At ikaw, anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha laban sa mga anak na babae ng iyong bayan, na nanganghuhula ng mula sa kanilang sariling puso; at manghula ka laban sa kanila,
18 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sa aba ng mga babae na nangananahi ng mga unan sa lahat ng siko, at nagsisigawa ng mga lambong na ukol sa ulo ng iba't ibang sukat upang manghuli ng mga kaluluwa! Hahanapin baga ninyo ang mga kaluluwa ng aking bayan, at mangagliligtas na buhay ng mga kaluluwa sa ganang inyong sarili?
19 At inyong nilapastangan ako sa gitna ng aking bayan dahil sa mga dakot na cebada, at (G)dahil sa mga putol ng tinapay, upang ipahamak ang mga kaluluwa na hindi marapat mamatay, at upang iligtas na buháy ang mga kaluluwa na hindi marapat mabuhay, sa pamamagitan ng inyong pagbubulaan sa aking bayan na nakikinig sa mga kasinungalingan.
20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ako'y laban sa inyong mga unan, na inyong ipinanghahanap ng mga kaluluwa, na paliparin sila, at aking mga lalabnutin sa inyong mga kamay; at aking pawawalan ang mga kaluluwa, sa makatuwid baga'y ang mga kaluluwa na inyong hinahanap upang paliparin.
21 Ang inyo namang mga lambong ay aking lalabnutin, at ililigtas ko ang aking bayan sa inyong kamay, at hindi na sila mangapapasa inyong kamay na mahanap; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
22 Sapagka't sa pamamagitan ng kasinungalingan ay (H)inyong pinighati ang puso ng matuwid, na hindi ko pinalungkot, at inyong pinalakas ang kamay ng masama, upang huwag humiwalay sa kaniyang masamang lakad, at maligtas na buhay;
23 Kaya't (I)hindi na kayo mangakakakita ng walang kabuluhang pangitain o manganghuhula man ng mga panghuhula: at aking ililigtas ang aking bayan mula sa inyong kamay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978