Exodus 28:1-14
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Mga Damit ng mga Pari(A)
28 “Ibukod mo sa mga tao si Aaron at ang mga anak niyang lalaki na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 2 Magpatahi ka ng banal na damit para sa kapatid mong si Aaron, para maparangalan siya. 3 Sabihin mo sa lahat ng mahuhusay na mananahi na binigyan ko ng kakayahang manahi na itahi nila ng damit si Aaron na magbubukod sa kanya sa mga tao para makapaglingkod siya sa akin bilang pari. 4 Ito ang mga damit na tatahiin nila: ang bulsa na nasa dibdib, ang espesyal na damit,[a] ang damit-panlabas, ang damit-panloob na binurdahan, ang turban at ang sinturon. Itatahi rin nila ng banal na mga damit ang mga anak na lalaki ni Aaron para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 5 Kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, ube at pula ang gagamitin nilang tela.
Ang Espesyal na Damit ng mga Pari(B)
6 “Ang espesyal na damit ng mga pari ay kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. 7 May dalawang parte ito, likod at harapan, at pinagdudugtong ng dalawang tirante sa may balikat. 8 Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula.
9 “Magpakuha ka ng dalawang batong onix at iukit mo rito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Jacob.[b] 10 Dapat sunud-sunod ang paglalagay ng mga pangalan ayon sa kanilang kapanganakan, at anim na pangalan ang ilalagay sa bawat bato. 11 Dapat iukit ito kagaya ng pag-ukit ng platero sa pantatak. Pagkatapos, ilagay ang bato sa balangkas na ginto, 12 at ikabit ito sa tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato nila para sa mga lahi ng Israel. Sa pamamagitan nito, palaging madadala ni Aaron ang pangalan nila sa presensya ko, at aalalahanin ko sila. 13 Ang balangkas na ginto ay 14 palagyan mo ng dalawang mala-kwintas na tali na purong ginto para maikabit sa may balikat ng damit.
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®