Add parallel Print Page Options

Ang Pagkakapeste ng mga Baka

Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.

Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin sila, at sila'y pipigilin mo pa,

ang kamay ng Panginoon ay magbibigay ng matinding salot sa iyong hayop na nasa parang, sa mga kabayo, mga asno, mga kamelyo, mga baka, at sa mga kawan.

Ngunit gagawa ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga hayop ng Israel at sa mga hayop ng Ehipto, upang walang mamatay sa lahat ng nauukol sa mga anak ni Israel.’”

Ang Panginoon ay nagtakda ng panahon na sinasabi, “Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.”

Kinabukasan ay ginawa ng Panginoon ang bagay na iyon. Ang lahat ng hayop sa Ehipto ay namatay ngunit sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.

Ang Faraon ay nagsugo, at walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayagang umalis ang taong-bayan.

Ang Salot na Pigsa

Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ito ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.

Ito'y magiging pinong alabok sa buong lupain ng Ehipto, at magiging pigsang susugat sa tao, at sa hayop sa buong lupain ng Ehipto.”

10 Kaya't(A) sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa himpapawid at naging pigsang sumusugat sa tao at sa hayop.

11 Ang mga salamangkero ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga pigsa; sapagkat nagkapigsa ang mga salamangkero at ang lahat ng mga Ehipcio.

12 Ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya dininig sila gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.

13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ng Faraon. Sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.

14 Sapagkat ngayo'y ibubuhos ko na ang lahat ng aking salot sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong malaman na walang tulad ko sa buong daigdig.

15 Sapagkat ngayo'y maaari ko nang iunat ang aking kamay upang dalhan ka ng salot at ang iyong bayan, at nawala ka na sana sa lupa.

16 Subalit(B) dahil sa layuning ito ay binuhay kita, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan, at ang aking pangalan ay mahayag sa buong daigdig.

17 Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, at ayaw mo silang paalisin?

18 Bukas, sa ganitong oras, ay magpapabagsak ako ng mabibigat na yelong ulan na kailanma'y hindi pa nangyari sa Ehipto mula nang araw na itatag ito hanggang ngayon.

19 Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong pag-aari sa parang; bawat tao at hayop na maabutan sa parang at hindi maisilong ay babagsakan ng yelong ulan at mamamatay.’”

20 Ang bawat natakot sa salita ng Panginoon sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwi ng kanyang mga alipin at ng kanyang hayop sa mga bahay;

21 ngunit ang nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay pinabayaan ang kanyang mga alipin at ang kanyang kawan sa parang.

Ang Mabibigat na Yelong Ulan

22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit upang magkaroon ng yelong ulan sa buong lupain ng Ehipto na babagsak sa mga tao, sa mga hayop, at sa bawat mga halaman sa parang sa buong lupain ng Ehipto.”

23 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod paharap sa langit, at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at yelong ulan, at may apoy na bumagsak sa lupa. At ang Panginoon ay nagpaulan ng yelo sa lupain ng Ehipto.

24 Sa(C) gayo'y nagkaroon ng yelong ulan at ng apoy na sumisiklab sa gitna ng yelong ulan, at ang gayong napakabigat na yelong ulan ay di nangyari kailanman sa buong lupain ng Ehipto mula nang maging bansa ito.

25 Binagsakan ng yelong ulan ang buong lupain ng Ehipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, pati ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punungkahoy.

26 Sa lupain lamang ng Goshen na kinaroroonan ng mga anak ni Israel hindi nagkaroon ng yelong ulan.

27 Ang Faraon ay nagsugo at ipinatawag sina Moises at Aaron at sinabi sa kanila, “Ako'y nagkasala sa pagkakataong ito; ang Panginoon ay matuwid samantalang ako at ang aking bayan ay masama.

28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon, sapagkat nagkaroon na ng sapat na kulog at yelong ulan. Papayagan kong umalis na kayo at hindi na kayo mananatili pa.”

29 Sinabi ni Moises sa kanya, “Pagkalabas ko sa lunsod, aking iuunat ang aking mga kamay sa Panginoon; ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng yelong ulan upang iyong malaman na ang daigdig ay sa Panginoon.

30 Ngunit tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, alam ko na hindi pa kayo natatakot sa Panginoong Diyos.”

31 Ang lino at ang sebada ay nasira sapagkat ang sebada ay nag-uuhay na at ang lino ay namumulaklak na.

32 Subalit ang trigo at ang espelta ay hindi nasira sapagkat hindi pa tumutubo.

33 Kaya't si Moises ay lumabas sa lunsod mula sa Faraon, at iniunat ang kanyang mga kamay sa Panginoon. Ang mga kulog at ang yelong ulan ay tumigil at ang ulan ay hindi na bumuhos sa lupa.

34 Ngunit nang makita ng Faraon na ang ulan, ang yelong ulan at ang mga kulog ay tumigil, muli siyang nagkasala at nagmatigas ang kanyang puso, pati ang kanyang mga lingkod.

35 Ang puso ng Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinayagang umalis ang bayan ng Israel; gaya ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Ang pagkakapeste ng mga Baka.

Nang magkagayon ay sinabi ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon, at saysayin mo sa kaniya. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.

Sapagka't kung tatanggihan mong payaunin sila, at sila'y pipigilin mo pa,

Ay narito, ang kamay ng Panginoon ay nakapatong sa iyong hayop na nasa parang, nakapatong sa mga kabayo, nakapatong sa mga asno, nakapatong sa mga kamello, nakapatong sa mga bakahan, at nakapatong sa mga kawan; na magkakaroon ng malaking pagkakasalot.

(A)At gagawan ng katangian ng Panginoon ang hayop ng Israel at ang hayop ng Egipto: at walang mamamatay sa lahat ng ukol sa mga anak ni Israel.

At ang Panginoon ay nagtakda ng panahon, na sinasabi, Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.

At ginawa ng Panginoon ang bagay na yaon ng kinabukasan, (B)at ang lahat ng hayop sa Egipto ay namatay: nguni't sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.

At si Faraon ay nagsugo, at narito, walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Nguni't ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang bayan.

Ang salot ng bukol.

At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.

At magiging durog na alabok sa buong lupain ng Egipto, at (C)magiging (D)bukol na naknakin sa tao, at sa hayop, sa buong lupain ng Egipto.

10 At sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon, at isinaboy ni Moises sa himpapawid; at naging bukol na naknakin sa tao at sa hayop.

11 At (E)ang mga mahiko ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga bukol; sapagka't nagkabukol ang mga mahiko at ang mga Egipcio.

12 At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya dininig sila (F)gaya ng sinalita ng Panginoon kay Moises.

13 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (G)Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon, at sabihin mo sa kaniya: Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.

14 Sapagka't ngayo'y ibubugso ko na ang lahat ng aking salot sa iyong puso, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan (H)upang iyong maalaman na walang gaya ko sa buong lupa.

15 Sapagka't ngayo'y iniunat ko na ang aking kamay, upang salutin kita, at ang iyong bayan, at nawala ka na sa lupa:

16 (I)Datapuwa't totoong totoo, na dahil dito ay pinatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking (J)pangalan ay mahayag sa buong lupa.

17 (K)Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, na ayaw mo silang payaunin?

18 Narito, bukas, sa ganitong oras, ay magpapaulan ako ng malakas na granizo, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa Egipto mula nang araw na itayo hanggang ngayon.

19 (L)Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong tinatangkilik sa parang; sapagka't bawa't tao at hayop na maabutan sa parang, at hindi masisilong, ay lalakpakan ng granizo at mamamatay.

20 Yaong natakot sa salita ng Panginoon, sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwing madali ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang hayop sa mga bahay:

21 At yaong nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay nagpabaya ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang kawan sa parang.

Ang malakas na ulan ng granizo.

22 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, (M)upang magkaroon ng granizo sa buong lupain ng Egipto, na lumagpak sa tao, at sa hayop, at sa bawa't halaman sa parang sa buong lupain ng Egipto.

23 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa dakong langit; (N)at ang Panginoo'y nagsugo ng kulog at granizo, at may apoy na lumagpak sa lupa; at ang Panginoo'y nagpaulan ng granizo sa lupain ng Egipto.

24 Sa gayo'y nagkaroon ng granizo at apoy, na nagniningning sa granizo, at napakalakas, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa buong lupain ng Egipto mula nang maging bansa.

25 At sinalot ng granizo ang buong lupain ng Egipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, (O)at sinalot ng granizo ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punong kahoy sa parang.

26 (P)Sa lupain lamang ng Gosen, na kinaroroonan ng mga anak ni Israel, hindi nagkaroon ng granizo.

27 At si Faraon ay nagsugo, at ipinatawag si Moises at si Aaron, at sinabi sa kanila, (Q)Ako'y nagkasala ngayon: (R)ang Panginoo'y matuwid; at ako at ang aking bayan ay masama.

28 (S)Dalanginan ninyo ang Panginoon; sapagka't nagkaroon na ng sukat na malalakas na kulog at granizo; at kayo'y aking payayaunin, at di ko na kayo bibinbinin.

29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Pagkalabas ko sa bayan, ay aking (T)ilalahad ang aking mga kamay sa Panginoon; at ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng anomang granizo; upang iyong maalaman na ang lupa'y (U)sa Panginoon.

30 Nguni't tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, ay (V)nalalaman ko, na di pa kayo matatakot sa Panginoong Dios.

31 At ang lino at ang cebada ay nasaktan; sapagka't ang cebada ay naguuhay na at ang lino ay namumulaklak na.

32 Datapuwa't ang trigo at ang espelta ay hindi nasaktan: sapagka't hindi pa tumutubo.

33 At si Moises ay lumabas sa bayan na galing kay Faraon, at inilahad ang kaniyang mga kamay sa Panginoon: at ang mga kulog at ang granizo ay tumigil, at ang ulan ay di na lumagpak sa lupa.

34 At nang makita ni Faraon, na ang ulan, at ang granizo, at ang mga kulog ay tumigil, ay lalong nagkasala pa, at nagmatigas ang kaniyang puso, (W)siya at ang kaniyang mga lingkod.

35 (X)At ang puso ni Farao'y nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel; gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.