Exodo 5
Ang Biblia, 2001
5 Pagkatapos nito, si Moises at si Aaron ay pumunta kay Faraon at sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Hayaan mong umalis ang aking bayan upang magdiwang sila ng kapistahan sa ilang para sa akin.’”
2 Ngunit sinabi ni Faraon, “Sino ang Panginoon na aking papakinggan ang kanyang tinig, upang pahintulutan kong umalis ang Israel? Hindi ko kilala ang Panginoon at saka hindi ko papahintulutang umalis ang Israel.”
3 Kanilang sinabi, “Ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin. Ipinapakiusap namin sa iyo, pahintulutan mo kaming maglakbay ng tatlong araw sa ilang at mag-alay sa Panginoon naming Diyos, kung hindi ay darating siya sa amin na may salot o tabak.”
4 Ngunit sinabi sa kanila ng hari ng Ehipto, “Moises at Aaron, bakit ninyo inilalayo ang bayan sa kanilang mga gawain? Pumaroon kayo sa inyong mga gawain.”
5 Sinabi ni Faraon, “Ang mga tao sa lupain ay marami na ngayon, at inyong pinapapagpahinga sila sa kanilang mga gawain!”
Dinagdagan ni Faraon ang Pahirap sa mga Tao
6 Nang araw ding iyon ay iniutos ng Faraon sa mga tagapangasiwa sa mga tao at sa kanilang mga kapatas,
7 “Huwag na ninyong bibigyan ang mga tao ng dayami sa paggawa ng tisa, na gaya ng dati. Sila ang pumaroon at magtipon ng dayami para sa kanilang sarili.
8 Ngunit ang bilang ng mga tisa na kanilang dating ginagawa ay siya rin ninyong iaatang sa kanila. Wala kayong babawasin sapagkat sila'y mga tamad. Kaya't sila'y dumadaing na nagsasabi, ‘Hayaan mo kaming umalis at maghandog sa aming Diyos.’
9 Lalo ninyong pabigatin ang gawain ng mga lalaki upang kanilang pagpagalan at huwag nilang pansinin ang mga kabulaanang salita.”
10 Kaya't ang mga tagapangasiwa at kapatas ng mga tao ay lumabas at kanilang sinabi sa bayan, “Ganito ang sabi ni Faraon, ‘Hindi ko kayo bibigyan ng dayami.
11 Humayo kayo mismo, kumuha kayo ng dayami kung saan kayo makakakita ngunit walang babawasin kaunti man sa inyong gawain.’”
12 Kaya't ang bayan ay naghiwa-hiwalay sa buong lupain ng Ehipto upang maghanap ng pinagputulan ng trigo na panghalili sa dayami.
13 Pinagmamadali sila ng mga tagapangasiwa na sinasabi, “Tapusin ninyo ang inyong mga gawa, ang inyong gawain sa araw-araw na gaya nang mayroon kayong dayami.”
14 Hinampas sila ng mga kapatas sa mga anak ni Israel na itinalaga sa kanila ng mga tagapangasiwa ni Faraon at sila'y tinanong, “Bakit hindi ninyo tinapos ang inyong gawain kahapon at ngayon sa paggawa ng tisa, na gaya ng dati?”
15 Nang magkagayo'y ang mga kapatas sa mga anak ni Israel ay naparoon at dumaing kay Faraon, “Bakit mo ginaganito ang iyong mga alipin?
16 Walang dayaming ibinibigay sa iyong mga alipin at kanilang sinasabi sa amin, ‘Gumawa kayo ng tisa!’ Ang iyong mga alipin ay hinahampas ngunit nasa iyong sariling bayan ang kasalanan.”
17 Subalit kanyang sinabi, “Kayo'y mga tamad, kayo'y mga tamad! Kaya't inyong sinasabi, ‘Hayaan mo kaming umalis at maghandog sa Panginoon:’
18 Kayo nga'y umalis ngayon at magtrabaho sapagkat walang dayaming ibibigay sa inyo, gayunma'y gagawin ninyo ang gayunding bilang ng mga tisa.”
Nawawalan ng Loob ang mga Tao
19 Nakita ng mga pinuno ng mga anak ni Israel na napasama ang kanilang kalagayan nang sabihin sa kanila, “Walang mababawas na anuman sa inyong mga tisa sa araw-araw.”
20 Pagkagaling nila kay Faraon, pumunta sila kina Moises at Aaron na naghihintay na makatagpo sila.
21 Sinabi nila sa kanila, “Kayo nawa'y tingnan ng Panginoon at hatulan! Ang aming katayuan ay ginawa ninyong nakakamuhi sa mga mata ni Faraon at sa kanyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang kamay upang kami ay patayin.”
22 Si Moises ay bumalik sa Panginoon at nagsabi, “ Panginoon, bakit mo ginawan ng masama ang bayang ito? Bakit mo pa ako isinugo?
23 Mula nang ako'y pumaroon kay Faraon upang magsalita sa iyong pangalan ay kanyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito at hindi mo man lamang iniligtas ang iyong bayan.”
Exodo 5
Ang Biblia (1978)
5 At pagkatapos nito, si Moises at si Aaron ay nagsipasok, at sinabi kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bayaan mong ang aking bayan ay yumaon upang ipagdiwang nila ako ng isang (A)kapistahan sa ilang.
2 At sinabi ni Faraon, (B)Sino ang Panginoon na aking pakikinggan ang kaniyang tinig, upang pahintulutan kong yumaon ang Israel? Hindi ko nakikilala ang Panginoon at saka hindi ko pahihintulutang yumaon ang Israel.
3 At kanilang sinabi, (C)Ang Dios ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin; pahintulutan mo nga kaming maglakbay na tatlong araw sa ilang, at maghain sa Panginoon naming Dios, baka hulugan niya kami ng salot o ng tabak.
4 At sinabi sa kanila ng hari sa Egipto, Bakit kinakalagan ninyo, Moises at Aaron, ang bayan sa kanilang mga gawain? pumaroon kayo sa (D)mga atang sa inyo.
5 At sinabi ni Faraon, Narito, ang mga tao sa lupain ay marami na ngayon, at inyong pinapagpapahinga sila sa mga atang sa kanila.
Dinagdagan ni Faraon ang pahirap sa mga tao.
6 At ng araw ring yaon ay nagutos si Faraon sa mga tagapagpaatag sa bayan at sa kanilang mga puno, na sinasabi,
7 Huwag na ninyong bibigyan ang bayan, ng dayami sa paggawa ng laryo, na gaya ng dati: sila ang pumaroon at magtipon ng dayami sa ganang kanilang sarili.
8 At ang bilang ng mga laryo, na kanilang ginagawang dati ay siya rin ninyong iaatang sa kanila; wala kayong babawasin: sapagka't sila'y mga pagayongayon; kaya't sila'y dumadaing, na nagsasabi, Bayaan mo kaming yumaon at maghain sa aming Dios.
9 Pabigatin ninyo ang gawain ng mga lalake upang kanilang pagpagalan at huwag nilang pakitunguhan ang mga kabulaanang salita.
10 At ang mga tagapagpaatag sa bayan, ay nagsilabas, at kanilang sinalita sa bayan, na sinasabi, Ganito ang sabi ni Faraon, Hindi ko kayo bibigyan ng dayami.
11 Yumaon kayo ng inyong sarili, kumuha kayo ng dayami kung saan kayo makakakuha: sapagka't walang babawasin kaunti man sa inyong gawain.
12 Kaya't ang bayan ay nangalat sa buong lupain ng Egipto, na humahanap ng pinagputulan ng trigo na panghalili sa dayami.
13 At hinihigpitan sila ng mga tagapagpaatag, na sinasabi, Tapusin ninyo ang inyong mga gawa, ang inyong gawain sa araw-araw, na gaya nang mayroong kayong dayami.
14 At ang mga pinuno sa mga anak ni Israel na ipinaglalagay sa kanila ng mga tagapagpaatag ni Faraon, ay nangapalo, at sa kanila'y sinabi, Bakit hindi ninyo tinapos ang inyong gawain kahapon at ngayon, sa paggawa ng laryo, na gaya ng dati?
15 Nang magkagayo'y ang mga pinuno sa mga anak ni Israel ay naparoon at dumaing kay Faraon, na nagsasabi, Bakit mo ginaganyan ang iyong mga alipin?
16 Walang anomang dayami, na ibinibigay sa iyong mga alipin, at kanilang sinasabi sa amin, Gumawa kayo ng laryo: at, narito, ang iyong mga alipin ay nangapapalo; nguni't ang sala'y nasa iyong sariling bayan.
17 Datapuwa't kaniyang sinabi, Kayo'y mga pagayongayon, kayo'y mga pagayongayon: kaya't inyong sinasabi, Bayaan mo kaming yumaon at maghain sa Panginoon.
18 Kayo nga'y yumaon ngayon at gumawa; sapagka't walang anomang dayaming ibibigay sa inyo, at gayon ma'y inyong ibibigay ang bilang ng mga laryo.
Nawawalan ng loob ang mga tao.
19 At nakita ng mga pinuno ng mga anak ni Israel, na sila'y nasa masamang kalagayan, nang sabihin, Walang mababawas na anoman sa inyong mga laryo sa inyong gawain sa araw-araw.
20 At kanilang nasalubong si Moises at si Aaron na nagsitayo sa daan, pagkapanggaling kay Faraon:
21 At sinabi nila sa kanila, (E)Kayo nawa'y tunghan ng Panginoon, at hatulan; sapagka't ang aming katayuan ay ginawa mong (F)nakamumuhi sa mga mata ni Faraon, at sa mga mata ng kaniyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang kamay upang kami ay patayin.
22 At si Moises ay bumalik sa Panginoon, at nagsabi, Panginoon, bakit mo ginawan ng kasamaan ang bayang ito? bakit mo sinugo ako?
23 Sapagka't mula nang ako'y pumaroon kay Faraon na magsalita sa iyong pangalan, ay kaniyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito: at ni hindi mo man iniligtas ang iyong bayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
