Add parallel Print Page Options

Sinugo ng Diyos si Moises

Itinanong ni Moises, “Anong gagawin ko kung hindi makinig sa akin ang mga Israelita at hindi maniwalang nagpakita kayo sa akin?”

“Ano iyang hawak mo?” tanong sa kanya ni Yahweh.

“Tungkod po,” sagot ni Moises.

“Ihagis mo sa lupa!” utos ni Yahweh. Inihagis nga ito ni Moises sa lupa at ito'y naging ahas, kaya't siya'y tumakbong palayo. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Hawakan mo sa buntot ang ahas.” Hinawakan nga ni Moises at ito'y naging tungkod muli. “Ganyan ang gagawin mo para maniwala silang nagpakita ako sa iyo, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob,” sabi ni Yahweh.

“Ipasok mo ang iyong kamay sa damit mo, sa tapat ng iyong dibdib,” utos ni Yahweh. Gayon nga ang ginawa ni Moises at nang ilabas niya, ito'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong na kasimputi ng niyebe. “Ipasok mo uli,” utos ni Yahweh at sumunod naman si Moises. Nang ilabas niyang muli ang kanyang kamay, nagbalik na ito sa dati. Sinabi ng Diyos, “Kung ayaw ka pa nilang paniwalaan sa unang kababalaghan, malamang na paniniwalaan ka na nila sa ikalawa. Kung ayaw pa rin nilang makinig sa iyo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo, ibuhos mo sa lupa at ang tubig na iyon ay magiging dugo.”

10 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Panginoon, sa mula't mula pa'y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama't nangusap ka na sa akin, hanggang ngayo'y pautal-utal pa rin ako kung magsalita.”

11 Sinabi ni Yahweh, “Sino ba ang gumagawa sa bibig ng tao? Sino ang may kapangyarihan para maging bingi o pipi ang isang tao? At sino rin ba ang nagbibigay ng paningin at nag-aalis nito? Hindi ba't akong si Yahweh? 12 Kaya nga, lumakad ka na at tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang iyong sasabihin.”

13 “Yahweh, maaari po bang iba na lang ang inyong suguin?” sagot ni Moises.

14 Dahil dito, nagalit si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, “Hindi ba kapatid mo ang Levitang si Aaron? Alam kong mahusay siyang magsalita. Darating siya at makikipagkita sa iyo; matutuwa siya sa pagkikita ninyo. 15 Kausapin mo siya at sabihin mo ang lahat ng dapat niyang sabihin. Tutulungan ko kayo sa pagsasalita at ituturo ko sa inyo ang inyong dapat gawin. 16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao at ikaw ang magiging tagapagsalita ng Diyos na magsasabi naman sa kanya kung ano ang sasabihin niya. 17 Dalhin mo ang iyong tungkod sapagkat iyan ang gagamitin mo sa paggawa ng mga kababalaghan.”

Bumalik si Moises sa Egipto

18 Umuwi si Moises upang magpaalam sa biyenan niyang si Jetro. Sinabi niya, “Babalik po ako sa Egipto. Dadalawin ko po ang aking mga kamag-anak doon para malaman ko naman kung buháy pa sila.” Pumayag naman si Jetro.

19 Matapos magpaalam, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magbalik ka na sa Egipto sapagkat patay nang lahat ang mga taong ibig pumatay sa iyo.” 20 Kaya, isinakay niya sa mga asno ang kanyang asawa't mga anak at naglakbay sila patungong Egipto; dala niya ang kanyang tungkod.

21 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang mga kababalaghang ipinagagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin ang mga ito. Ngunit patitigasin ko ang puso niya upang hindi niya payagang umalis ang mga tao. 22 Kung magkagayon, ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Ipinapasabi ni Yahweh, Ang Israel ay aking anak na panganay. 23 Payagan(A) mo siyang umalis para sumamba sa akin. Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay.’”

24 Isang gabi, samantalang namamahinga sina Moises sa kanilang paglalakbay patungong Egipto, nilapitan siya ni Yahweh at pinagtangkaang patayin. 25 Kaya't kumuha si Zipora ng isang matalim na bato at tinuli ang kanyang anak. Pagkatapos, ipinahid niya sa mga paa[a] ni Moises ang pinagtulian, saka sinabi, “Tunay ngang asawa na kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.” 26 Dahil dito, hinayaan ni Yahweh na mabuhay pa si Moises. Kaya, sinabi ni Zipora kay Moises, “Naging asawa kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.”

27 Samantala, sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Salubungin mo sa ilang si Moises.” Sinalubong nga niya si Moises sa Bundok ng Diyos at hinagkan niya nang sila'y magkita. 28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, pati ang mga kababalaghang ipinagagawa sa kanya. 29 At magkasama silang lumakad upang tipunin ang mga pinuno ng Israel. 30 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Moises ay sinabi ni Aaron sa kanila. Pagkatapos, gumawa si Moises ng kababalaghan sa harapan nila 31 at naniwala ang buong bayan. Nang marinig nilang sila'y dinalaw ni Yahweh at hindi lingid sa kanya ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio, yumuko sila at sumamba kay Yahweh.

Footnotes

  1. Exodo 4:25 PAA: Sa panitikang Hebreo, karaniwang ginagamit ang salitang “paa” upang tukuyin ang ari ng lalaki.
'Exodo 4 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang mga Tanda at Pangako

Si Moises ay sumagot at nagsabi, “Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay hindi nagpakita sa iyo.’”

Sinabi naman sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang nasa iyong kamay?” Kanyang sinabi, “Isang tungkod.”

Kanyang sinabi, “Ihagis mo sa lupa.” Kanyang inihagis ito sa lupa at ito'y naging isang ahas. Si Moises ay lumayo sa ahas.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay at hawakan mo sa buntot.” Kanyang iniunat ang kanyang kamay, kanyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kanyang kamay.

“Nangyari ito upang sila'y maniwala na ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob ay nagpakita sa iyo.”

Sinabi pa sa kanya ng Panginoon, “Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe.

Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman.

“Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda.

Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”

10 Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?

12 Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin.”

13 Ngunit kanyang sinabi, “O Panginoon, iba na ang iyong suguin.”

14 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban kay Moises at kanyang sinabi, “Wala ba si Aaron, ang kapatid mong Levita? Alam kong siya'y nakakapagsalitang mabuti. Siya'y dumarating upang salubungin ka. Pagkakita niya sa iyo ay matutuwa ang kanyang puso.

15 Ikaw ay magsasalita sa kanya at iyong ilalagay sa kanyang bibig ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakanyang bibig. Aking ituturo sa inyo kung ano ang inyong gagawin.

16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao; siya'y magiging bibig para sa iyo at ikaw ay magiging parang Diyos sa kanya.

17 Dadalhin mo sa iyong kamay ang tungkod na ito na gagamitin mo sa paggawa ng mga tanda.”

Nagbalik si Moises sa Ehipto

18 Si Moises ay bumalik kay Jetro na kanyang biyenan at nagsabi sa kanya, “Pahintulutan mo akong bumalik sa aking mga kapatid sa Ehipto at titingnan ko kung sila'y buháy pa.” Sinabi ni Jetro kay Moises, “Humayo kang payapa.”

19 Sinabi ng Panginoon kay Moises sa Midian, “Humayo ka, bumalik ka sa Ehipto; sapagkat patay na ang lahat ng tao na nagtatangka sa iyong buhay.”

20 Kaya't isinama ni Moises ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak; kanyang pinasakay sila sa isang asno at siya'y bumalik sa lupain ng Ehipto. Dinala ni Moises ang tungkod ng Diyos sa kanyang kamay.

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pagkabalik mo sa Ehipto, iyong gawin sa harap ng Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking ipinagkatiwala sa iyong kamay. Ngunit aking papatigasin ang kanyang puso at hindi niya papayagang umalis ang bayan.

22 Iyong sasabihin sa Faraon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Israel ang aking panganay na anak,

23 at(A) aking sinasabi sa iyo, “Pahintulutan mong umalis ang aking anak upang siya'y makasamba sa akin.” Kung ayaw mo siyang paalisin, aking papatayin ang iyong anak na panganay.’”

24 Sa daan, sa isang lugar na pinagpalipasan nila ng gabi, sinalubong siya ng Panginoon at tinangka siyang patayin.

25 Ngunit kumuha si Zifora ng isang batong matalim, pinutol ang balat sa ari ng kanyang anak na lalaki at ipinahid sa mga paa ni Moises. Kanyang sinabi, “Tunay na ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin.”

26 Sa gayo'y kanyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin, sa pamamagitan ng pagtutuli.”

Sinalubong ni Aaron si Moises

27 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Pumaroon ka sa ilang upang salubungin si Moises.” Siya'y pumaroon at kanyang nasalubong si Moises sa bundok ng Diyos, at kanyang hinagkan ito.

28 Isinalaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon na ipinagbilin sa kanya na sabihin, at ang lahat ng mga tandang ipinagbilin sa kanyang gawin.

29 Sina Moises at Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matatanda sa mga anak ni Israel.

30 Sinabi ni Aaron ang lahat ng salita na sinabi ng Panginoon kay Moises at ginawa ang mga tanda sa harap ng taong-bayan.

31 Ang taong-bayan ay naniwala at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel at kanyang nakita ang kanilang paghihirap, sila'y yumukod at sumamba.

At si Moises ay sumagot at nagsabi, Datapuwa't, narito, hindi nila paniniwalaan ako, ni didinggin ang aking tinig sapagka't kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay hindi napakita sa iyo.

At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Ano iyang nasa iyong kamay? At kaniyang sinabi, Isang tungkod.

At kaniyang sinabi, Ihagis mo sa lupa. At kaniyang inihagis sa lupa, at naging isang ahas; at si Moises ay tumakas sa harap ng ahas.

At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay, at sunggaban mo sa buntot: (at kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kaniyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kaniyang kamay).

Upang sila'y maniwala, na ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob ay napakita sa iyo.

At sinabi pa sa kaniya ng Panginoon, Ipasok mo ang iyong kamay, sa iyong sinapupunan. At kaniyang ipinasok ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan: at nang kaniyang ilabas, ay narito, ang kaniyang kamay ay may ketong, na maputing parang niebe.

At kaniyang sinabi, Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong sinapupunan. (At kaniyang ipinasok uli ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan, at nang kaniyang ilabas sa kaniyang sinapupunan, ay narito, nagsauling gaya ng kaniyang dating laman).

At mangyayari, na kung sila'y hindi maniniwala sa iyo, ni makikinig sa tinig ng unang tanda, ay kanilang paniniwalaan ang tinig ng huling tanda.

At mangyayari na kung sila'y hindi maniniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makikinig sa iyong tinig, ay kukuha ka ng tubig sa ilog, at iyong ibubuhos sa tuyong lupa, at ang tubig na iyong kukunin sa ilog ay magiging dugo sa tuyong lupa.

10 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Oh Panginoon, ako'y hindi marikit mangusap, kahit ng panahong nakaraan, kahit mula ng magsalita ka sa iyong lingkod: sapagka't ako'y kimi sa pangungusap at umid sa dila.

11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Sinong gumawa ng bibig ng tao? o sinong gumawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?

12 Ngayon nga'y yumaon ka, at ako'y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.

13 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, magsugo ka, isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng kamay niyaong iyong susuguin.

14 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Moises, at kaniyang sinabi, Wala ba si Aarong kapatid mo na Levita? Nalalaman kong siya'y makapagsasalitang mabuti. At saka, narito, siya'y lumalabas upang salubungin ka; at pagkakita niya sa iyo, ay matutuwa sa kaniyang puso.

15 At ikaw ay magsasalita sa kaniya, at iyong isasabibig niya ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakaniyang bibig, at aking ituturo sa inyo, kung ano ang inyong gagawin.

16 At siya ang makikipagusap sa lagay mo sa bayan: at mangyayari na siya'y magiging sa iyo'y bibig, at ikaw ay magiging sa kaniya'y parang Dios.

17 At tatangnan mo sa iyong kamay ang tungkod na ito, na iyong ipaggagawa ng mga tanda.

18 At si Moises ay yumaon, at bumalik kay Jethro na kaniyang biyanan, at nagsabi sa kaniya, Pahintulutan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at bumalik sa aking mga kapatid na nasa Egipto, at titingnan ko, kung sila'y nabubuhay pa. At sinabi ni Jethro kay Moises, Yumaon kang payapa.

19 At sinabi ng Panginoon kay Moises sa Madian, Yumaon ka, bumalik ka sa Egipto: sapagka't namatay na ang lahat ng tao, na nagmimithi ng iyong buhay.

20 At ipinagsama ni Moises ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, at kaniyang ipinagsasakay sa isang asno, at siya'y bumalik sa lupain ng Egipto: at tinangnan ni Moises ang tungkod ng Dios sa kaniyang kamay.

21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pagkabalik mo sa Egipto, iyong gawin nga sa harap ni Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking itiniwala sa iyong kamay: datapuwa't aking papagmamatigasin ang kaniyang puso, at hindi niya tutulutang yumaon ang bayan.

22 At iyong sasabihin kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang Israel ay aking anak, aking panganay:

23 At aking sinabi sa iyo, Pahintulutan mong ang aking anak ay yumaon, upang siya'y makapaglingkod sa akin; at ayaw mo siyang payaunin, narito, aking papatayin ang iyong anak, ang iyong panganay.

24 At nangyari sa daan, sa dakong panuluyanan, na sinalubong ng Panginoon siya, at pinagsikapang patayin siya.

25 Nang magkagayo'y sumunggab si Sephora ng isang batong matalim, at pinutol ang balat ng masama ng kaniyang anak, at inihagis sa kaniyang paanan; at kaniyang sinabi, Tunay na ikaw sa akin ay isang asawang mabagsik.

26 Sa gayo'y kaniyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Isang asawa kang mabagsik, dahil sa pagtutuli.

27 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Pumaroon ka sa ilang na salubungin mo si Moises. At siya'y pumaroon, at nasalubong niya sa bundok ng Dios, at kaniyang hinagkan.

28 At isinaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon, na ipinagbilin sa kaniyang sabihin, at ang lahat ng tandang ipinagbilin sa kaniyang gawin.

29 At si Moises at si Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matanda sa mga anak ni Israel:

30 At sinalita ni Aaron ang lahat ng salita na sinalita ng Panginoon kay Moises, at ginawa ang mga tanda sa paningin ng bayan.

31 At ang bayan ay naniwala: at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel, at kaniyang nakita ang kanilang kapighatian, ay iniyukod nga nila ang kanilang mga ulo at sumamba.