Exodo 4:22-31
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
22 Kung magkagayon, ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Ipinapasabi ni Yahweh, Ang Israel ay aking anak na panganay. 23 Payagan(A) mo siyang umalis para sumamba sa akin. Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay.’”
24 Isang gabi, samantalang namamahinga sina Moises sa kanilang paglalakbay patungong Egipto, nilapitan siya ni Yahweh at pinagtangkaang patayin. 25 Kaya't kumuha si Zipora ng isang matalim na bato at tinuli ang kanyang anak. Pagkatapos, ipinahid niya sa mga paa[a] ni Moises ang pinagtulian, saka sinabi, “Tunay ngang asawa na kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.” 26 Dahil dito, hinayaan ni Yahweh na mabuhay pa si Moises. Kaya, sinabi ni Zipora kay Moises, “Naging asawa kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.”
27 Samantala, sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Salubungin mo sa ilang si Moises.” Sinalubong nga niya si Moises sa Bundok ng Diyos at hinagkan niya nang sila'y magkita. 28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, pati ang mga kababalaghang ipinagagawa sa kanya. 29 At magkasama silang lumakad upang tipunin ang mga pinuno ng Israel. 30 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Moises ay sinabi ni Aaron sa kanila. Pagkatapos, gumawa si Moises ng kababalaghan sa harapan nila 31 at naniwala ang buong bayan. Nang marinig nilang sila'y dinalaw ni Yahweh at hindi lingid sa kanya ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio, yumuko sila at sumamba kay Yahweh.
Read full chapterFootnotes
- 25 PAA: Sa panitikang Hebreo, karaniwang ginagamit ang salitang “paa” upang tukuyin ang ari ng lalaki.