Exodo 36
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
36 “Si Bezalel, si Aholiab at ang lahat ng manggagawang binigyan ni Yahweh ng kaalaman at kakayahan ang gagawa ng lahat ng kailangan sa santuwaryo, ayon sa sinabi ni Yahweh.”
Marami ang Handog ng mga Israelita
2 Tinawag ni Moises sina Bezalel, Aholiab, ang lahat ng binigyan ng kakayahan ni Yahweh at ang lahat ng nais tumulong at pinagsimula nang magtrabaho. 3 Ibinigay niya sa kanila ang lahat ng handog ng mga Israelita para sa gagawing santuwaryo. Patuloy pa rin sa paghahandog ang mga Israelita tuwing umaga, 4 kaya't nagpunta kay Moises ang mga manggagawa. 5 Sinabi nila, “Napakarami na po ang ibinigay ng mga tao ngunit patuloy pa rin silang nagdadala.”
6 Kaya iniutos ni Moises, “Huwag na kayong magdala pa ng kaloob para sa gagawing santuwaryo.” Noon lamang tumigil ang mga tao sa pagdadala ng handog. 7 Gayunman, sumobra pa rin ang mga handog na naroon.
Ang Paggawa ng Toldang Tipanan(A)
8 Lahat ng pinakamahusay na manggagawa ang gumawa sa Toldang Tipanan. Ang ginamit dito ay sampung pirasong kurtina na hinabi sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula na may burdang larawan ng kerubin. 9 Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at 2 metro naman ang lapad. 10 Ang mga ito ay pinagkabit-kabit nila nang tiglilima. 11 Gumawa sila ng mga silo na yari sa taling asul at ikinabit sa gilid ng bawat piraso, 12 tiglilimampung silo bawat isa. 13 Gumawa sila ng limampung kawit na ginto at sa pamamagitan nito'y pinagkabit ang dalawang piraso. Kaya ang sampung pirasong damit na ginamit sa tabernakulo ay parang isang piraso lamang.
14 Pagkatapos, gumawa sila ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing upang gawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. 15 Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. 16 Pinagkabit-kabit nila ang limang piraso; ganoon din ang anim na natira. 17 Kinabitan nila ng tiglilimampung silo ang gilid ng bawat piraso. 18 Pagkatapos, gumawa sila ng limampung kawit na tanso at sa pamamagitan nito'y pinagkabit nila ang dalawang piraso para maging isa lamang. 19 Tinakpan nila ito ng pinapulang balat ng tupa at pinatungan pa ng balat ng kambing.
20 Gumawa rin sila ng mga patayong haliging gawa sa akasya para sa tabernakulo. 21 Bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. 22 Bawat haligi ay nilagyan nila ng mitsa para sa pagdurugtong. 23 Dalawampung haligi ang ginawa nila para sa gawing timog 24 at apatnapung patungang pilak na may suotan ng mitsa. 25 Dalawampu rin ang ginawa nilang haligi sa gawing hilaga 26 at apatnapung patungang pilak din, dalawa sa bawat haligi. 27 Para sa likod, sa gawing kanluran ay anim na haligi 28 at dalawa naman para sa mga sulok. 29 Ang mga haligi sa magkabilang sulok ay magkadikit mula ibaba hanggang itaas, sa may unang argolya. 30 Samakatuwid, walo ang haliging nagamit sa likod at may tigalawang patungang pilak ang bawat isa.
31 Gumawa rin siya ng pahalang na balangkas na yari sa akasya, lima sa isang gilid, 32 lima sa kabila at lima rin sa likod. 33 Ang pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang gilid ng dingding. 34 Binalot nila ng ginto ang mga haligi at kinabitan ng argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto.
35 Gumawa rin sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula; ito'y binurdahan nila ng larawan ng kerubin. 36 Gumawa sila ng apat na haliging akasya na kabitan ng tabing. Binalot nila ito ng ginto, kinabitan ng kawit na ginto rin at itinayo sa apat na tuntungang pilak. 37 Para sa pintuan, gumawa sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda. 38 Gumawa sila ng limang posteng pagsasabitan ng kurtina. Kinabitan nila iyon ng mga kawit, ang dulo'y binalot ng ginto, gayundin ang mga haligi at itinayo sa limang tuntungang tanso.