Exodo 27
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Altar(A)
27 “Gumawa ka ng isang altar na yari sa punong akasya; 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at ang taas ay 1.3 metro. 2 Ang apat na sulok niyon ay lagyan mo ng tulis na parang sungay. Gawin mo itong kaisang piraso ng altar at balutin mo ng tanso. 3 Gumawa ka rin ng mga kagamitang tanso para sa altar: lalagyan ng abo ng sinunog na taba, ng pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. 4 Gumawa ka rin ng parilyang tanso, at ang bawat sulok nito ay kabitan mo ng isang argolyang tanso na siyang bitbitan, 5 at ikabit mo ang parilya sa ilalim ng tuntungan ng altar. 6 Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng tanso. 7 Isuot mo ang mga ito sa mga argolya ng altar kung ito'y kailangang buhatin. 8 Kaya nga't ang altar na gagawin mo ay may guwang sa gitna, ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.
Ang Bulwagan ng Tabernakulo(B)
9 “Ang tabernakulo'y igawa mo ng bulwagang tatabingan ng mamahaling lino sa paligid. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing 10 na isasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang mga baras na sabitan. 11 Ang ilalagay sa gawing hilaga ay tulad din ng nasa gawing timog; 45 metro ang haba ng mga tabing na nakasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang baras. 12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isasabit sa sampung posteng nakatindig sa sampung patungan. 13 Ang luwang ng harapan sa gawing silangan ay 22 metro rin. 14 Ang isang tabi ng pintuan nito'y lalagyan ng kurtinang may habang 6.6 na metro, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. 15 Ganoon din sa kabilang gilid, 6.6 na metro ang haba ng kurtinang nakasabit sa tatlong posteng may kanya-kanyang tuntungan. 16 Ang kurtina naman sa mismong pinto ay 9 na metro ang haba, yari sa kulay asul, kulay ube at pulang lana, pinong lino na maganda ang burda. Isasabit ito sa apat na posteng nakatuntong sa apat na patungan. 17 Lahat ng poste sa bulwagan ay pagkakabitin ng baras na pilak; pilak din ang mga kawit ngunit tanso ang mga tuntungan. 18 Ang haba ng bulwagan ay 45 metro at 22 metro naman ang luwang. Ang mga tabing na pawang yari sa mamahaling lino ay 2.2 metro ang taas; ang mga patungan ay pawang tanso. 19 Lahat ng kagamitan sa tabernakulo, pati mga tulos ay panay tanso.
Ang Pangangalaga sa Ilawan(C)
20 “Pagdalhin mo ang mga Israelita ng pinakamainam na langis ng olibo para sa mga ilaw upang ito'y manatiling nagniningas. 21 Aalagaan ito ni Aaron at ng kanyang mga anak sa Toldang Tipanan. Ito'y ilalagay sa labas ng tabing, sa tapat ng Kaban ng Tipan. Hindi nila ito pababayaang mamatay mula hapon hanggang umaga at habang panahong gagawin ito ng mga Israelita at ng kanilang buong lahi.
Exodo 27
Ang Biblia, 2001
Ang Dambana ng mga Handog na Susunugin(A)
27 “Gagawin mo ang dambana na yari sa kahoy na akasya na limang siko ang haba at limang siko ang luwang; ang dambana ay gagawing parisukat at ang taas nito ay tatlong siko.
2 Gagawa ka ng mga sungay para dito sa ibabaw ng apat na sulok niyon; ang mga sungay ay kakabit nito at iyong babalutin ito ng tanso.
3 Igagawa mo ito ng mga lalagyan ng mga abo, ng mga pala, ng mga palanggana, ng mga pantusok at ng mga lalagyan ng apoy; lahat ng mga kasangkapa'y gagawin mong yari sa tanso.
4 Igagawa mo iyon ng isang parilyang tanso na tila lambat ang yari; at ang ibabaw ng nilambat ay igagawa mo ng apat na argolyang tanso sa apat na sulok niyon.
5 At ilalagay mo ito sa ibaba ng gilid ng dambana upang ang lambat ay umabot hanggang sa kalahatian ng dambana.
6 Igagawa mo ng mga pasanan ang dambana, mga pasanang kahoy na akasya at babalutin mo ng tanso.
7 Ang mga pasanan ay isusuot sa mga argolya, upang ang mga pasanan ay malagay sa dalawang tagiliran ng dambana kapag ito'y binubuhat.
8 Gagawin mo ang dambana na may guwang sa gitna sa pamamagitan ng mga tabla. Tulad ng ipinakita sa iyo sa bundok ay gayon ang gagawin nila.
Ang Looban at ang Ilawan(B)
9 “Gagawin mo ang bulwagan ng tabernakulo. Sa gawing timog, ang bulwagan ay magkakaroon ng mga tabing ng hinabing pinong lino na may isang daang siko ang haba sa isang tagiliran;
10 ang dalawampung haligi at ang kanilang mga patungan ay dapat yari sa tanso, ngunit ang kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak.
11 Gayundin para sa haba nito sa gawing hilaga ay magkakaroon ng mga tabing na isandaang siko ang haba, at ang dalawampung haligi ng mga iyon pati ang mga patungang tanso, ngunit ang mga kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak.
12 Ang luwang ng bulwagan sa kanluran ay magkakaroon ng mga tabing na may limampung siko, ang haligi ng mga iyon ay sampu at ang mga patungan ng mga iyon ay sampu.
13 Ang luwang ng bulwagan sa gawing silangan ay limampung siko.
14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuan ay labinlimang siko na may tatlong haligi, at tatlong patungan.
15 Sa kabilang panig ang mga tabing ay may labinlimang siko, may tatlong haligi at tatlong patungan.
16 Sa pintuan ng bulwagan ay magkakaroon ng isang tabing na may dalawampung siko, na ang tela ay asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda; ang mga haligi ng mga iyon ay apat at ang mga patungan ng mga iyon ay apat.
17 Lahat ng haligi sa palibot ng bulwagan ay pagkakabitin ng mga baras na pilak; ang mga kawit ng mga iyon ay pilak, at ang mga patungan ay tanso.
18 Ang haba ng bulwagan ay isang daang siko, at ang luwang ay limampu, at ang taas ay limang siko, na may hinabing pinong lino, at ang mga patungan ay tanso.
19 Lahat ng mga kasangkapan ng tabernakulo, sa bawat paglilingkod doon, at lahat ng mga tulos niyon, at lahat ng mga tulos ng bulwagan ay tanso.
Ang Ilawan sa Tolda(C)
20 “Iyong iuutos sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa iyo ng dalisay na langis ng binayong olibo para sa ilawan, upang ang ilawan ay palaging may sindi.
21 Sa toldang tipanan, sa labas ng tabing na nasa harap ng kaban ng patotoo ay aayusin iyon ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa hapon hanggang sa umaga sa harapan ng Panginoon. Ito ay magiging batas sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi sa mga anak ni Israel.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
